webnovel

BACHELOR'S PAD

Bachelor's Pad revolves around the men living on a five floor apartment (condo-type) building owned by Maki Frias, an elusive millionaire living at the top floor (But the people living in there doesn’t know he's a millionaire except one. They just know that he's a recluse, with a genius of a brain when it comes to information technology). It is located at the heart of the city but not as noticeable as other residential buildings. The building looks normal on the outside but it is high-tech and modern on the inside with very tight security. That’s why those who prefer extreme privacy and safety wants to live there. But there is a catch. This building is exclusively for men only at ang pwede lang tumira doon ay iyong personal na nirekomenda ng isang residente ng building. Bawal din magpapasok ng babae sa building. That is because Maki Frias is said to be a woman hater that he doesn’t want any woman inside his building. So when a man decides to live there, he must sign a contract that states that he abides that rule. But what if they fall in love?

MarickoYanagi · Teen
Not enough ratings
104 Chs

Chapter 21

KANINA pa tila nagwawala ang puso ni Bianca at nag-aalala siya na baka marinig ni Ross ang mabilis at malakas na tibok ng kanyang puso. Idagdag pa ang tila kuryenteng kumakalat sa kanyang buong katawan dahil nakapaikot sa baywang niya ang braso ng binata at nakadikit siya sa katawan nito. Gustuhin mang pumiksi palayo, tila may sariling isip ang kanyang katawan. She loved the feel of his hard body against hers.

Dapat ay hindi nararamdaman ni Bianca ang ganoon. Dapat ay magalit siya dahil sinira ni Ross ang kanyang plano para sa araw na iyon. Okay na ang lahat, pinag-uusapan na ng mga tao na may ibang babae si Ferdinand Salvador. Subalit sinira iyon ni Ross.

Nakalabas na sila ng venue nang matauhan si Bianca. Kumilos siya upang lumayo kay Ross subalit humigpit ang braso nito sa kanyang baywang.

"Don't even try," pigil ng binata sa nagbababalang tono. Sinenyasan nito ang in charge sa valet parking bago siya niyuko. "Mag-uusap tayo sa ayaw mo at sa gusto."

Umawang ang mga labi ni Bianca. "Wala tayong dapat pag-usapan."

"Marami," giit ni Ross.

Humimpil ang isang sasakyan sa tapat nila. Sumikdo ang puso ni Bianca dahil sa loob ng halos isang buwan na pag-aabang sa pagdating ni Ross noon sa coffee shop, nakilala niya na sasakyan iyon ng binata. Bumaba ang isang valet mula sa driver's seat at ibinigay kay Ross ang susi.

Nanlaki ang mga mata ni Bianca nang buksan ng binata ang pinto ng front passenger seat. "Pasok."

"Hindi," mariing tanggi niya. Napatingin si Ross sa kanya. Lakas-loob na sinalubong niya ang tingin ng binata. "Hindi ikaw ang ipinunta ko rito kaya hindi ako aalis na ikaw ang kasama ko, Ross."

Nagtagis ang mga bagang ng binata. Subalit nang sumulyap ito sa direksiyon ng entrada, tila kinontrol nito ang sarili. Napasulyap din si Bianca sa entrada. Bahagya siyang nagulat nang mapansin ang ilang press people na pasimple silang pinagmamasdan ni Ross.

"Hindi ko hahayaang isipin ng buong bansa na pag-aari ka ng ibang lalaki," bulong ni Ross sa kanyang tainga.

Humaplos ang hininga ng binata sa tainga ni Bianca at nagdulot na naman iyon ng kakaibang init sa kanyang buong katawan. Nag-angat siya ng tingin at nagtama ang kanilang mga mata. "I will not let the press brand you as someone's mistress, Bianca."

"Kahit totoo naman?" paghahamon niya.

"Hindi na `yon magiging totoo. Sisiguruhin ko `yon," matatag na sagot ni Ross.

Umawang ang mga labi ni Bianca upang sana ay magsalita pa. Subalit sinamantala iyon ng binata. Sumikdo ang kanyang puso nang mabilis na halikan nito sa mga labi. Sandali lamang ang halik ngunit mariin, sapat para mawala ang pagmamatigas niya. Lalo na nang makita ang bakas ng pulang lipstick sa mga labi ni Ross nang lumayo na ito. It was the sexiest thing she had ever seen.

Nang muli siyang akayin ni Ross papasok sa front passenger seat, nawalan na siya ng lakas na magprotesta. Hanggang makaikot ang binata at makasakay sa driver's seat ay kinakalma pa rin niya ang sarili. Natauhan lang siya nang paandarin nito ang sasakyan.

"Teka lang, saan tayo pupunta?" tanong ni Bianca. Nakaantabay sa kanya ang driver na ipinahiram ni Mrs. Charito. Hindi siya puwedeng umalis nang ganoon na lang. "Hinihintay ako ng driver na naghatid sa akin dito."

"Then let him wait. Marami tayong kailangang pag-usapan. Marami akong tanong na gusto kong sagutin mo. So we are going to where it all started for the two of us and were going to talk things out," seryosong sagot ni Ross na ni hindi siya nilingon. Lalo pa nga nitong binilisan ang takbo ng sasakyan.

Kumunot ang noo ni Bianca at napatitig lang sa mukha ni Ross. Nakikita niya na talagang hindi na mababali ang desisyon ng binata. Malayo ang ekspresyon ng mukha nito ngayon sa palangiti at karinyosong Ross na nakilala niya noong hindi pa ganoon kasalimuot ang kanyang buhay. Subalit kahit magkaibang bahagi ng pagkatao ni Ross ang nakikita niya, pareho pa rin ang epekto ng binata sa kanyang sistema. Lalo na sa kanyang puso.

"Isuot mo ang seat belt mo, Bianca," utos ni Ross na hindi lumilingon.

Napakurap siya at tumalima, pagkatapos ay muling tiningnan ang binata. Gusto niyang magsalita subalit wala siyang maapuhap na salita. Mukhang wala ring balak magsalita si Ross kaya nanahimik na lamang siya. Pero hindi inalis ni Bianca ang tingin sa mukha ng binata. She was trying to make him uncomfortable. Ang kaso, mukhang hindi epektibo. Tutok ang konsentrasyon nito sa daang tinatahak nila.

Makalipas ang ilang minuto ay lumampas ang tingin ni Bianca sa mukha ni Ross patungo sa labas ng bintana ng sasakyan. Natigilan siya nang mapagtanto na pamilyar ang daan na tinatahak nila. Nakumpirma niya ang hinala nang ihimpil ni Ross ang kotse sa parking lot ng coffee shop na dating pinagtatrabahuhan.

"Ano'ng ginagawa natin dito?" nate-tense niyang tanong.

Pinatay ni Ross ang makina ng sasakyan at pumihit paharap sa kanya. "Sinabi ko na sa `yo, mag-uusap tayo." Kumilos ito palapit sa kanya.

Napasinghap si Bianca at hindi nakagalaw. Sobrang lapit na naman ng kanilang mga mukha. Kinalas ng binata ang kanyang seat belt ngunit kahit natanggal na iyon ay hindi pa rin ito lumalayo. Napaigtad siya nang idikit ni Ross ang noo sa kanyang balikat. Ang mukha nito ay nakaharap sa leeg niya. "Stop pushing me away," bulong nito, nasa tono ang pakikiusap.

Hindi intensiyon ni Bianca, subalit nag-init ang kanyang mga mata. Gustong umangat ng mga kamay niya upang yakapin si Ross. Sa halip, ikinuyom niya ang mga kamay. Ayaw kitang itulak palayo. Pero hindi rin kita puwedeng yakapin, Ross. Hindi ngayon. Dahil sa sandaling magpadala siya sa mga emosyong binubuhay ni Ross sa kanya, mababale-wala lahat ng nagawa na niya. Masisira ang kanyang mga plano.

Makalipas ang ilang sandali na hindi nagsasalita si Bianca, humugot ng malalim na hininga si Ross at bantulot na lumayo sa kanya. "Let's talk inside the coffee shop." Hinubad ng binata ang suot na coat at ibinalabal sa kanyang mga balikat. "Isuot mo `to. Your dress is too revealing," dugtong nito sa tono na puno ng disgusto.

Muli ay tumalima na lang si Bianca. Nanuot sa kanyang ilong ang amoy ng coat nang tuluyang maisuot. Amoy-Ross. Pakiramdam tuloy niya ay yakap siya ng binata. Wala sa loob na nayakap niya ang coat at nilanghap ang amoy niyon.

"You like my coat that much?" tanong ng binata sa amused na tono.

Kumurap si Bianca at nag-angat ng tingin. Nag-init ang kanyang mukha nang makita na nakangiti si Ross. Pagkatapos ay nanlaki ang mga mata dahil noon lang uli niya naalala na may bahid pa rin ng lipstick ang mga labi ng binata. Tumindi ang pag-iinit ng kanyang mukha. "T-tanggalin mo muna ang lipstick sa bibig mo bago tayo bumaba."

"Ah… right." Pinunasan ng hinlalaki ni Ross ang gilid ng mga labi pahagod sa ibabang labi nito upang alisin ang lipstick.

Para na namang namamalikmata si Bianca habang sinusundan ng tingin ang daliri ni Ross na nasa mga labi nito. Natatandaan niya na ganoon din ang kanyang naging reaksiyon noong unang makitang ginawa iyon ni Ross.

"Wala na ba?" tanong ng binata.

Kumurap si Bianca. "Mayro'n pa," sagot niya. Nang hindi pa rin maalis ni Ross ang natirang lipstick sa mga labi nito ay hindi na siya nakatiis. Umangat ang kanyang isang kamay at pinaraan ang hinlalaki sa bahagi ng mga labi ni Ross na may lipstick pa rin. Pareho silang napaigtad na tila nakuryente nang lumapat ang kanyang daliri sa mga labi ng binata. Nagtama ang kanilang mga mata. Tila may nagliparang paruparo sa kanyang sikmura nang makita ang kislap sa mga mata ni Ross. It was as if he wanted to pin her down and devour her. Pinagalitan ni Bianca ang sarili nang mapagtantong nagustuhan niya ang isiping iyon. Mabilis na binawi niya ang kamay.

"Wala na," aniyang nag-iwas ng tingin.