webnovel

Ang Prinsesa at ang Basurero (COMPLETED)

TaongSorbetes · Fantasy
Not enough ratings
24 Chs

Chapter 16

Chapter 16: Ang Bagong Hari ng Armenia

ISANG lumang silid ang bumungad sa harapan ni Richard sa pagmulat niya sa kanyang mga mata. May isang mesang gawa sa ginto ang kanyang napansin malapit sa bintana. Sa dingding ay may nakita rin siyang isang malaking litrato ng isang may katandaang lalaking may suot na korona. Hindi na gaanong malinis sa loob at napapamahayan na ng mga gagamba ito. Puro agiw at sapot na ang karamihan sa mga gamit dito.

Lumapit si Richard sa malaking litrato. Bahagya niyang hinawi ang mga sapot sa tapat noon. Kilala niya ang taong iyon. Si Haring Conrad. Minsan na siyang nakapasok sa silid na ito noong siya'y bata pa. Naaalala na niya ang alaalang nawala sa kanya noong siya'y bata pa. Marami palang masasaya siyang alaala sa kaharian ng Armenia bago nangyari ang pagbagsak ng sinasakupan nila. Doon na rin niya naalala na ang babaeng tinatangi ng kanyang puso... ay nakilala na rin pala niya noon pa.

******

"AMA, sa'n po kayo tutungo?" tanong ng batang si Richard sa ama nitong si Prinsipe Arnold. Kasalukuyan kasi nitong inilalagay sa maleta ang ilang kagamitan nito. Napansin din ng batang si Richard na kanina'y maraming mga kawal ang nakaabang sa labas ng palasyo. Halos lahat ay may dalang mga karwahe.

"Pupunta ako ng Florania, isang napakagandang kaharian sa Silangan. Matagal kasi ang pagtahak patungo do'n kaya dapat ay handa ako. Maghanda ka na rin, isasama kita upang makilala mo ang kanilang prinsesa na halos kaedad mo rin lang..." tugon ni Arnold.

Bahagyang napakamot ng ulo ang batang si Richard. Hindi siya handa para maglakbay ngunit sa tingin niya'y magiging masaya iyon kaya mabilis din siyang naghanda.

"Sige, Ama! Mukhang masaya 'yan, hintayin mo ako't magpapaalam lang ako kay Ina," masiglang tugon ni Richard na muntik nang madapa.

"O sige, bilisan mo lang... Ako na ang maghahanda ng mga gamit mo upang 'di ka magtagal," nakangiting wika ng ama nito.

Naging masaya at mapayapa ang kanilang paglalakbay patungo ng Florania. Pitong bundok ang kanilang tinawid. Napakaraming mga tanawin ang nakita't natuklasan ng batang si Richard. Ngiting-ngiti nga ito habang pinagmamasdan ang mga lugar na kanilang nalalampasan. Ito rin kasi ang kauna-unahan niyang paglalakbay kaya walang pagsidlan ang mga ngiti niya.

Narating nila ang kaharian ng Florania. Isang paraiso. Isang panaginip sa tingin. Pagpasok pa lang nila sa entrada ng kaharian kung saan ay magiliw silang pinapasok ng mga bantay na kawal ay nakaramdam kaagad sila ng kaginhawaan.

Mainit silang tinanggap ni Haring Alberto ng Florania. Kahit mag-isa na lamang ito sa pamamalakad dahil sa pagpanaw ng reyna ay naging matatag ito. Nagawa pa rin nitong mas maging maganda ang buong sinasakupan.

"Bilang kinatawan ni Haring Conrad, narito po ako... Si Prinsipe Arnold ng Armenia." Pagpapakilala ng prinsipe ng Armenia sa kagalang-galang na hari ng Florania habang katabi ang batang anak. Yumuko pa ito nang bahagya bilang paggalang.

"Siya naman po ang aking anak na si William," dagdag pa nito. Isang malapad na pagngiti naman ang isinagot ng bata at yumuko rin ito pagkatapos.

"Tamang-tama, kasing-edad mo lang ang anak kong Prinsesa. Gusto mo ba siyang makilala?" tanong ng hari ng Florania kay William.

"Opo! Ikagagalak ko po nang labis na makilala ang inyong anak," tugon ng batang prinsipe na lalong ikinangiti na rin ng hari. Matikas din na nakatayo ang bata.

"Napakatalino ng 'yong pagbigkas at pagsagot. Gusto ko 'yan! Halika't papasamahan kita patungo sa anak ko. Sana'y maging magkaibigan kayo upang sa hinaharap ay kayong dalawa ang magkatuluyan..." sabi ng hari at nagkatawanan ang karamihan ng nasa loob ng bulwagan ng palasyo. Si William naman ay hindi naintindihan ang ganoong mga bagay.

Sinamahan ng isang dama ng palasyo si William patungo sa prinsesa. Panay tingin pa nga ng batang prinsipe sa kanilang mga nadaraanan. Napakaraming magagandang mga pigurin at mga palamuti ang bawat malampasan nila.

"Mabait po ba siya?"

"Palagay n'yo po ba'y magiging magkaibigan kami?" tanong ng batang prinsipe sa dama.

Napangiti ang dama dahil sa pagtatanong ni William.

"Hindi ko po batid, munting prinsipe. Magmula kasi nang yumao si Reyna Beatrice ay naging tahimik at malungkot na ang prinsesa... Pero tingnan natin..."

"Baka magawa mo siyang mapangiti nang bahagya." Iyon ang itinugon ng dama.

Kinatok nila sa silid ang prinsesa ngunit wala iyon doon. Alam ng dama kung saan nagpupunta ang prinsesa kapag wala ito sa silid. Sa hardin ng palasyo. Naroon nga ito. Tahimik na nakaupo sa kahoy na upuan. Nakatingin ito sa itaas, sa mga ulap.

"Siya si Prinsesa Ruby, gusto mo ba siyang lapitan? Sasamahan kita," wika ng dama sa batang prinsipe ngunit tumanggi ito.

"Huwag na po, ako na po ang bahala," nakangiting sinabi ng prinsipe. Tumango naman ang dama at sinabing nasa 'di kalayuan muna siya para bantayan sila.

Magiliw na lumakad ang prinsipe at pasimple itong pumitas ng bulaklak. Para siyang robot na naglakad sa harapan ng prinsesa at tumayo nang tuwid matapos iyon.

Napasulyap sa kanya ang prinsesa ngunit muli itong tumingin sa langit.

"Magandang araw, mahal na prinsesa!" Malakas ang pagkakasabi ni William doon. Napatingin ang batang prinsesa dahil parang nabingi ito sa lakas noon.

Ngumiti si William at yumuko. Tumunghay uli ito at ngumiti muli. Iniabot nito ang pinitas na bulaklak.

"Ako nga pala si William ng Armenia! Isa akong prinsipe!" Inilantad din ni William ang isa niyang kamay para makipagkamay, ngunit, matapos siyang tingnan ng prinsesa ay muli itong tumingala at pinagmasdan uli ang mga ulap.

Napakamot sa ulo ang batang prinsipe. Nagpapansin ito sa prinsesa. Nagtatalon sa harapan nito. Ngumiti nang abot-tenga. Nagsayaw ng kakaiba. Kumanta na parang tumutula. At sa huli, muli nitong iniabot ang bulaklak.

Hinihingal si William matapos iyon.

"Para sa iyo, mahal na prinsesa..." Yumuko ito at hinintay niyong makuha ang bulaklak. Hindi ito umalis sa harapan ng batang prinsesa.

Medyo nairita ang prinsesa dahil kahit hindi niya pansinin ang batang prinsipe ay hindi ito umaalis. Sa pagkairita nga'y kinuha rin nito ang bulaklak.

Tumunghay si William at nakangiti ito.

"Maaari ka nang umalis, gusto kong mapag-isa," masungit na sabi ni prinsesa Ruby.

Ngumiti lalo ang batang lalaki.

"Marunong ka naman palang magsalita..." Tila nabunutan pa nga ito kung anong tinik nang marinig ang boses ng prinsesa.

"Ako nga pala si Prinsipe William ng Armenia, ikaw?"

Sinamaan siya ng tingin ng batang prinsesa. Parang napaatras nang konti si William.

"H-hindi ka ba marunong makinig!? Umalis ka na rito!" Pagalit na sabi ng batang prinsesa.

"A-ayaw ko!" mabilis na sagot ni William at nakangiti itong umupo sa tabi ng prinsesa. Tumingin ito sa ulap.

"Ang ganda ng mga ulap prinsesa..."

Nairita ang batang si Ruby kaya itinulak nito si William dahilan para mahulog ito at mapangudngod sa damo ang mukha. Doon ay parang kinabahan ang dalaga. Hindi kasi bumangon agad si William.

"A-ano? B-buhay ka p-pa b-ba?" Napahawak ang prinsesa sa batang prinsipe. Nabunutan ito ng tinik nang gumalaw si William. Tumayo ito at nagpagpag ng kasuotan.

"A-ayos lang... Prinsesa!" Ngumiti ang prinsipe at sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang natawa ang prinsesa. Dahil iyon sa itsura ni William na may mga lupa at damo ang mukha.

Pero mabilis ding sumeryoso ang batang si Ruby. Hindi nito inaasahan na mapapatawa siya roon. Doon naman ay napangiti si William at mabilis na pinagpag ang maruming mukha.

"Ako si William," nakangiting sabi muli ng prinsipe at iniangat muli ang kamay sa harap ng batang prinsesa.

"Umalis ka na rito! Bumalik ka na sa Armenia! Wala akong balak makipagkaibigan o makipagkilala sa iyo..." Matigas na sabi ni Ruby ngunit nakangiti pa rin si William.

"Ayos lamang kung gano'n..."

"Prinsesa... Kapag ako ay lumaki... Pangako, babalik ako rito para pakasalan ka!"

Natigilan si Ruby sa narinig na iyon. Napatayo ito.

"Bawiin mo ang sinabi mo!" Pasigaw nitong sabi ngunit wala na si William sa harapan nito. Nakatakbo na ito palayo.

"Bumalik ka rito! Bawiin mo ang sinabi mo... William!" Tumakbo ito at hinabol ang tumakas na prinsipe.

"Ayaw kong bawiin! Basta, prinsesa! Papakasalan kita!"

"Pangako!" Tumakbo si Richard papasok ng palasyo. Hindi na siya naabutan ng prinsesa na bahagyang napagod. Napalapit tuloy rito ang dama at inalalayan ito.

"Nakakainis ang batang iyon! Hindi ko siya mapapatawad!" sabi ng prinsesa. Napangiti naman ang dama dahil sa kabila noon, kita nito ang pamumula ng mukha ng bata.

NAPANGITI si Richard nang maalala iyon. Nagkita na sila ni Ruby noong bata pa sila at may pangako pala siyang binitawan.

"Dumating ka na pala, Prinsipe William." Nagulat nang bahagya si Richard nang may isang boses ang nagsalita mula sa kanyang likuran. Nang harapin niya ito ay natigilan siya.

"L-lola!?"

Nakita na niya ito. Ito ay ang matandang tinulungan niya noon. Ang matandang nagpakita sa kanya sa ospital na biglang nawala. Hindi niya maisip na makikita niya rin ito rito sa Armenia.

"P-paanong!?"

Ngumiti ang matanda. "Magpapakilala ako sa iyo..."

Nagliwanag bigla ang matanda at naging isang napakagandang nilalang. Tila nasa edad trenta lang ito. Gulat na gulat nga si Richard dito.

"Ako si Reyna Leonora... Ako ang reyna ng mga diwata..."

Ang diwatang ikinwento ng kanyang nanay.

Mabilis na yumuko at humingi ng paumanhin si Richard. Kinabahan siya dahil baka raw siya parusahan. Gawing palaka. Gawing guyam. O baka biglang gamitan ng salamangka.

"I-ipagpaumanhin po ninyo ang inasal ko. S-sorry po..."

Napatawa ang diwata. "Wala iyon William. Narito ako upang gabayan ka."

"Nais ko ring sabihin sa iyo na... Magmula ngayon... Ikaw na ang hari ng Armenia!"

"Halos sampung taon ng walang namumuno sa Armenia. Matapos itong pabagsakin noon ng mga taga-Alabania ay hindi na kayo nakabalik. Halika na! Hinihintay na ng mga Armenians si Haring William..."

Hinawakan ng reyna si Richard at binuksan ang malaking pinto sa silid. Bumungad ang isang malawak na beranda. Wala nang nagawa ang binata. Paglabas nila rito ay nakita niya ang napakaraming tao sa ibaba ng palasyo. Tanaw na tanaw niya rin ang buong kaharian ng Armenia. Napakalawak. Napakalaki.

'Huwag kang mag-alala, ako ang bahala sa iyo..." wika pa ni reyna Leonora.

Tumunog ang trumpeta at nagsitunugan ang mga tambol na pinupukpok ng mga kawal ng palasyo sa ibaba. Sinalubong si Richard ng napakalakas na palakpakan. Nakangiti lahat ng mga mamamayan nang siya'y makita.

"Ipinapakilala ko!" Biglang nagsalita si Reyna Leonora.

"Si Haring William! Ang panganay na anak ni Prinsipe Arnold at pamangkin ni Haring Conrad!"

"Siya na ang magiging hari ng Armenia, magmula ngayon!"

Tumugtog ang banda ng palasyo at naghiyawan ang lahat sa ibaba. Hindi makapaniwala si Richard. Isa na siyang hari ng isang kaharian.

"Mabuhay si Haring William!"

"Mabuhay ang Armenia!"

"Mabuhay!"

Pagkatapos no'n ay nagkaroon ng pagdiriwang ang kaharian Armemia. Mabilis na kumalat sa ibang kaharian ang tungkol dito... Ang pagiging pinakabatang hari. Nagkaroon ng malaking pagdiriwang sa buong kaharian. Ito ang naging pinakamemorableng kaarawan ni Richard sa dami ng mga nangyari. Kung dati, nagbabasura lamang siya, ngayon, siya na ang pinakamataas na tao sa isang kaharian.

Matapos iyon ay pinulong niya, kasama si reyna Leonora ang lahat ng mga taga-palasyo. Naging maayos ang pagpapakilala niya sa lahat at magiliw naman siyang tinanggap ng mga ito.

"Mabuti na lang at nandito si Lola..." bulong ni Richard dahil kung wala, baka nahirapan siya sa mga bagay-bagay na kailangang gawin sa palasyo.

"Ano 'yon?" biglang tanong ng reyna ng mga diwata.

"Wala po... Reyna Leonora!" Napangiti si Richard. Si Haring William ng Armenia.