webnovel

Ang kababalaghan sa boarding house 3

Hindi ako nakatulog ng gabing iyon, pasulpot sulpot lang ang dalaw ng mga panaginip saka uli ako maaalimpungatan, hinayaan kong nakailaw ang kwarto at isinara ang pinto.

Bandang alas-kwatro na, may kumakatok sa pintuan, si Kuya Noel. Sa madilim na dirty kitchen, aninag ko ang ngiti sa mukha nya, ngiti na parang may ginawang kalokohan.

Dumiretso sya siya sa higaan nya. Sinara ko ang pinto sabay patay sa ilaw. Paakyat nasa na ako sa higaan ko ng biglang may sinabi sya.

"Ed, baba ka, dito ka na mahiga sa higaan ni Hemerson, may ikukuwento ako sayo", basag nya sa katahimikan ng madaling araw. Bumaba ako dala dala ang unan at kumot ko, pumuwesto ako ng higa katapat nya.

'Huwag mo sanang ipagsabi kahit kanino kung anuman ang nakita mo kanina sa taas."

"Noong unang dating ko palang dito sa boarding house nun,nalaman ko agad ang tungkol sa pagkatao ni Sir Del. Hindi ako naniwala sa una pero dahil sa madalas nya kaming yayain sa taas, dun ko nalaman na totoo pala. Hindi lang ako ang naging ganito ang sitwasyon sa boarding house na ito kundi marami pa sila dati."

"Hindi ko kagustuhan ang lahat ng ito kung hindi lang ako ginipit ng pagkakataon. Noong nakaraang taon nawalan ng trabaho ang tatay ko, kung nabalitaan mo noon ang tungkol sa malawakang fishkill sa ating bayan, isa ang pamilya namin ang apektado, bantay sya dati ng mga fishcages pero sa kasalukuyan ay padiska-diskarte muna para kumita.Watak watak kami ngayon ng mga kapatid ko, nakapisan sila sa mga kapatid ng yumao naming nanay."

"SInabihan ako ng tatay ko na tumigil na muna sa pag-aaral pero matigas ang ulo ko, dahil ilang taon na lang naman, makakapagtapos na ako. Hindi ko sinunod ang kagustuhan nya. Sinubukan kong magworking student, nagboluntaryo akong admin assistant sa school kapalit ng diskwento sa tuition, nagpart-time service crew ako sa fastfood kapag weekends at mga araw na wala ako sa school. Talagang hirap ako sa pag-adjust last year. May pagkakataong nadedelay ako sa pagbayad dito sa upa, walang pamasahe pauwi, project fee na iniuutang ko. Ang hirap ng sitwasyon ko, gusto ko ng sumuko noon."

"Nalaman ni Sir Del ang kalagayan ko at nakuwento ko rin sa kanya ang nangyari sa pamilya ko. Akala ko nung una walang kapalit ang mga pag-abot abot nya sa akin ng pera, kapag kailangan kong mangutang sa kanya ako tumatakbo, pati pagbabayad sa upa ko rito hindi na nya tinatanong. At ultimo pagkain ko sya na ang nagbibigay."

"Pinahinto nya akong magpart-time job dahil papatayin ko daw ang sarili ko. Ewan ko kung bakit sinunod ko ang gusto nya."

"May pakiramdam na ako noon na ang lahat ng ginagawa nyang kabaitan sa akin ay may kalalagyan. Hanggang isang gabi pagkatapos ng finals ng first sem noong nakaraang taon, pinaakyat nya akong mag-isa sa taas. Sa hagdan pa lang habang umaakyat ako, tinanggap ko na ang susunod na mangyayari. Alam ko na, alam ko na…"

"Ed, alam mo yun, wala akong ibang pangarap kundi makapagtapos ng pag-aaral, yung gagawin ko ang lahat para lang makapagsuot ako ng itim na toga. Hindi ko alam kung sa kasamaang-palad o kabutihang-palad itong nangyayari sa akin. Ang sabi ko dati hindi ako magpapagalaw sa matandang yun pero kinain ko rin ang sinabi ko, dumaan din ako sa palad nya", sabay buntong hininga ng malalim ni Kuya Noel.

Wala akong maisagot o maitanong pa sa mga sinabi nya. Naroong nandidiri ako kay Sir Del sa ginagawa niya kay Kuya Noel. Naroon din ang nalulungkot ako sa pinagdaraanan ni Kuya Noel.Naroon din yung kaba at tanong sa sarili ko na baka maging biktima din ako ni Sir Del.

"Panu na…?" Hindi ko na natapos ang pagtatanong ko sa nasa kabilang higaan dahil nasagot na ako ng kanyang hilik. Naaawa ako kay Kuya Noel, sa kalagayan nya. Bakit di nya isinusumbong sa otoridad ang nangyayari sa kanya? Bakit kailangang magpaabuso para lang sa pangarap? Bakit may mga taong sinasamantala ang paghihirap ng iba? Siguro nga may mga tanong sa isipan ko na hindi ko pa masasagot at may mga tanong talaga na hindi na nangangailangan pa ng kasagutan.

Nakaidlip ako ng dalawang oras at paggising ko agad akong naligo. Paglabas ko ng banyo pinuntahan ko mga sinampay ko kagabi, nakita ko si Beatrice habang sinisinop nya ang kanya ring mga sinampay.

"Ed di ba ang pangalan mo?" alanganing tanong nya sa akin. Tumango lang ako at ngumiti. Medyo nahihiya pa ako dahil nakabalabal lang ako ng twalya, iniisip ko baka makalas at makita nya ang kayamanan ko.

"Uuwi ka ba ngayon?"

"Oo, bakit?"

"Baka puwedeng pasabay, uuwi din kasi ngayon, magbibihis na lang din ako", sagot ni Beatrice.

"Oo ba, walang problema", pagsang-ayon ko. Morena si Beatrice, bumabagay ang kulay-kape nyang mata, maliit na ilong at makipot na labi sa kanyang biluging mukha. Mas matangkad ako ng limang pulgada sa kanya sa aking tantya.

Nagbihis lang ako saglit at inayos ang mga gamit ko, kinabukasan ng hapon ay babalik din ako dito. Nilingon ko si Kuya Noel, tulog pa rin sya.

"Kuya, uwi muna ako", nilakasan ko ng konti ang boses ko. Umungol lang sya ng pagsang-ayon.

Habang hinihintay ko si Beatrice sa may gate ng bahay, may biglang lumapit sa akin, si Sir Del.

"Ed bilhan mo nga ako ng kakanin sa inyo yung nakalagay sa kawayan, matagal na kasi akong hindi nakatikim nun", sabay abot nya sa akin ng nakatuping tig-isandaan. Hindi ko alam alam ang magiging reaksyon ko kung aabutin ko ba o hindi.

Nagulat na lang ako noong bigla nyang isinuksok ang pera sa harapang bulsa ng aking pantalon. Hindi na ako nakaiwas pa.

"Isang piraso lang at may baka may sobra dyan na sukli pamasahe mo na lang Ed. "

Siya namang paglabas ni Beatrice sa bahay saka na kami gumayak. Naglakad na kami.

"Ingat kayo Ed at Beatrice", paalala ng matanda sa amin. Lumingon ako sa gawi nya at kinilabutan na naman ako.

Kinindatan ako ni Sir Del.

(itutuloy)