webnovel

Mga Numero

Masigla ang hapunan sa tahanan ng mga Del Pilar. Dahil matagal nang hindi nagkita-kita sina Leo, Ditas at Rene, naging pagkakataon ang hapunang iyon upang makapagkwentuhan tungkol sa mga kaganapan sa kanilang buhay isang taon na ang nakakaraan.

Tahimik lamang na nakikinig si Amihan sa mga usapin ng matatanda. Natutuwa siya sa matatag na bigkis ng kanilang pagkakaibigan. Kakaiba talaga ang pagkakaibigan kung ang bawat isa ay nagdadamayan sa gitna ng hirap at ginhawa. Malaking bahagi din ang bilang ng taon ng kanilang pagkakakilala.

Dahil dito muling naalala ni Amihan si Miguel. Hindi pa man sila natututong maglakad ay magkalaro na sila; iyon ay kuwento ng kanilang mga ina. Bagamat may kanya-kanya silang barkada, sa pagtatapos ng araw sila pa rin ang magkasama dahil na rin sa pagiging magkapitbahay nila.

Noong maliliit pa sila Amihan at Miguel hindi dadalo ang isa sa isang handaan sa kaarawan kung wala rin ang isa; kaya kailangang sabay silang dumating upang hindi magtampo sinuman sa kanilang dalawa.

Marami ang naiinggit sa kanilang pagkakaibigan sapagkat kahit nagdalaga na si Amihan at nagbinata na si Miguel, hindi nagbago ang kanilang relasyon; nanatiling malinis at inosente—samakatuwid wala ni bahid ng malisya. Hindi katulad ng iba na nagkakahiyaan na noong maging tinedyer dahil na rin marahil sa umakyat na sa ibang antas ang kanilang damdamin sa isa't isa.

Para kila Amihan at Miguel nanatiling komportable sila sa presensiya ng bawat isa kahit unti-unting sumisibol ang isang matinding damdamin para sa isa't isa. Isa marahil sa dahilan nito ay ang pagiging bukas nila sa isa't isa, sa isip at sa salita; walang pinipiling mga kataga kapag galit o inis, walang ipinagdadamot na mga papuri at pasasalamat kapag natutuwa. Bukas ang komunikasyon sa kanila at hindi maitatago ang kanilang saloobin sa kanilang mga gawi sapagkat kaya nilang basahin ang isa't isa.

Nang matapos ang hapunan, dumiretso sa tanggapan ni Leo ang tatlong magkakaibigan. Isinara nila ang pintuan ng mabuti. Subalit bago iyon, nagpahanda si Ditas ng tsaa at panghimagas upang dalhin sa tanggapan.

Nais sanang tawagan ni Amihan si Miguel subalit nauna na itong tumawag sa kanya. Kaya nang mag-"video call" si Miguel ay tumakbo paakyat sa sarili niyang silid si Amihan na may napakalaking ngiti sa kanyang maamong mukha. Inilapag niya ang telepono patayo sa kanyang mesa saka inayos ang kanyang gulong buhok at hinarap ang lalaki.

"Hindi mo na kailangang gawin iyan, tanggap naman kita kahit anong hitsura mo." Tinutukoy ni Miguel ang napanood na pag-aayos ng dalaga ng kanyang buhok sa harap ng kamera ng kanyang telepono. May nakakaakit na ngiting ipinakita ang binata.

"Bakit hitsurang pangit ba ako?!?" Kumunot ang noo ng dalaga at humaba ang labi nito.

Lalong natuwa si Miguel sa kanya. Kumilos ito sa harap ng telepono na astang pipisilin ang labi ng dalaga. Nangulila tuloy siya dito ngunit pinigilan na lamang niya ang sarili na malungkot sapagkat wala rin naman siyang magagawa sa katayuan nila ngayon na magkalayo sila ng lugar.

"Wala akong sinabi. Sabi ko kahit ano pang hitsura mo tanggap ko na. Matagal ko nang tanggap na ganyan na talaga ang mukha mo…maganda…parang anghel…teka, nagpapaganda ka ba para sa akin?"

"Hindi, ah!" Mabilis na tanggi ni Amihan. "Naiilang lang ako sa magulo kong buhok, tila mahaba na ang "bangs" ko; natatakpan na ang mga mata ko." Pagkatapos nito ay itinali ni Amihan ang kanyang buhok at hinawi ang kanyang "bangs."

"Oo na, kahit nahahalata kong nagpapa-"cute" ka na sa akin. Matutulog ka na ba?" Sumandal si Miguel sa katabing puno sa hardin ng kampus ng unibersidad. Nakaupo siya sa damuhan doon at nakakalat ang mga aklat niya sa kanyang harap.

"Gusto ko na nga sana kaya lang may panauhin pa kami, si Tito Rene Yu." Napahikab si Amihan nang mabanggit ni Miguel ang salitang tulog. Napansin niyang mag-aalas nueve na ng gabi.

"Ganoon ba? Matulog ka na at malalim na ang gabi. May pasok ka pa bukas." Saglit na nag-alala si Miguel at nabaling ang isip niya kay Rene Yu. Kilala niya rin ang Intsik na si Rene Yu sapagkat kasama sa grupo ng magbabarkada ang ama niyang si Nelson.

"Magpapaalam na muna ako kila Papa at Mama at Tito Rene…at sa iyo na rin…." Ngumiti si Amihan. Ibinilog ni Miguel ang kanyang mga labi na tila hahalikan niya ang labi ng dalaga sa harap ng telepono. Napataas ang dalawang kilay ni Amihan at napaatras bahagya ang mukha nito sa harap ng "screen" ng kanyang telepono nang makita ang mapupulang labi ni Miguel na sumakop sa kabuuan ng "screen."

"Anong ginagawa mo?" Tanong ng dalaga ng may pagtataka.

"Bibigyan ka ng 'goodnight kiss'. Bakit, hindi pwede?" Pilyong sagot ni Miguel na may kislap sa kanyang mapupungay na mga mata.

"…."

Ngumisi si Miguel. "May utang kang 'goodnight kiss' sa akin ha. Pagbalik ko diyan maniningil ako."

"???"

Kahit hindi magsalita si Amihan, sa ipinapakitang maliliit na kilos ng kanyang magandang mukha, halata ni Miguel na napipikon na ito sa kanyang pagbibiro. Ngunit hindi biro sa kanya ang paniningil niya ng halik. Tila may mga balahibong kumikiliti sa kanyang puso nang maisip niya ito. "Matulog ka na, ha."

"Sige. Matutulog na ako."

"Sana ako ang laman ng panaginip mo…sa kasalukuyan…hindi sa lumang panahon."

"Hmm…sana nga…." Napatingin si Amihan sa labas ng kanyang bintana. Bilog ang buwan at maraming bituwin ang kumukutikutitap sa kalangitan. Ngumiti ito ng bahagya ng tingnan muli si Miguel sa kanyang telepono.

Nakadama ng kurot ang puso ni Miguel nang makita ang ikinilos ng katipan. Sana lang ay nasa tabi siya ni Amihan kung muling babalik ito sa lumang panahon upang samahan siya subalit sa ngayon ay magkalayo sila. Kahit pareho sila ng panaginip, sa mga maaaring maganap sa nakaraan, makakaligtas ba sila sa anumang sakunang maaaring mangyari?

"Ikaw rin ang nasa panaginip ko tuwing gabi." Tanging nasabi ni Miguel upang pahupain ang anumang maligalig na damdaming nararanasan ni Amihan ngayon. Tumango lamang si Amihan. Maya-maya pa ay nawala na ang magandang mukha ng dalaga sa kanyang telepono at napalitan na ito ng itim na kulay.

Sa loob ng silid-tanggapan ni Leo, tatlong tao ang nakapalibot sa malaking mesa na masusing pinagmamasdan ang mapa ng mga numerong nakapatong doon. Katabi nito ay isang "manila paper" kung saan niya isinulat ang mga kalkulasyon niya base na rin sa mga petsa ng kapanganakan nila Amihan at Miguel.

Ayon kay Rene Yu, ang numero ni Miguel ay UNO o ISA na may kahulugan na YANG o enerhiyang panlalaki, simula, pagkabatid. Ang kay Amihan ay DOS o DALAWA na may kahulugan na YIN o enerhiyang pambabae, balanse, dualidad. Kapag ipinagsama ang kanilang mga numero ay mabubuo nito ang numero TRES o TATLO na kumakatawan sa panganganak, kabanalan ng buhay, ang nakaraan-kasalukuyan-hinaharap. Kaya marahil ang numerong 123 na kumakatawan sa 123 taon mula 1896 hanggang sa kasalukuyang taon ay may kinalaman sa mga numero nila Miguel at Amihan at kombinasyon ng dalawang numerong ito: 1 + 2 = 3 o 123.

Hindi makapaniwala sina Leo at Ditas sa mga sinulat at paliwanag ni Rene. Hindi lang siguro ang dalawang kabataan ang maaaring bumuo ng numerong 123 sapagkat sa milyong-milyong Filipino ay hindi malayong may kahalintulad sila ng petsa ng kapanganakan.

"Maaaring tama ang kuro-kuro nating may kahalintulad nga sila ng petsa ng kaarawan, subalit ang mga taong iyon ay hindi naman mga Del Pilar at Ponce." Pangangatwiran ni Rene Yu nang iunat nito ang kanyang katawan mula sa pagkakayuko sa harap ng mesa ng tanggapan ni Leo. Itinuwid na rin nina Ditas at Leo ang kanilang katawan upang samahan si Rene na maupo sa sopa. Matagal din nilang pinagmasdan at pinag-aralan ang mga numero at mga linyang nagkru-krus sa mapang iyon.

"Mahahalaga nga kaya ang mga numerong ito upang makatulong na maisakatuparan ang misyon ng dalawang bata? Marahil dahil sa umiiral nilang buhay sa kasalukuyan kaya napukaw ang mga pangyayari sa nakaraan na tila isang sumpa, isang kahon ni Pandora." Pagninilay ni Leo. Nakadama siya ng kirot sa kanyang sentido. Tila hindi makayanan ng kanyang isip ang mga pahayag na ito.

"Mahalaga man o hindi ang mga numerong ito mga kagamitan lamang ito upang maunawaan natin kung bakit silang dalawa ang dapat gumawa nito at hindi ibang tao. Totoong may kinalaman ang mga apelyido natin, ngunit sa henerasyon nina Miguel at Amihan pinili ang magsasakatuparan ng misyong ito, hindi mas bata at hindi mas matanda sa kanila, sakto lamang sa kanilang edad at sa panahong pinili. Kay naniniwala akong sila nga ang nakalaan na gumawa ng mga bagay na ito." Kumbinsido na si Ditas ngunit hindi pa rin naaalis sa kanyang damdamin ang pangamba sapagkat hindi nila nakikita ang mga mangyayari. Malaking bagay na ang makita ang mga tunay na pangyayari sa nakaraan ngunit ang kasalukuyan ay isang bagay na hindi pa rin kayang hawakan ng kahit sino, nananatiling hindi batid.

"Dapat paghandaan ng dalawa ang kanilang gagawin. Kaya ba nating pauwiin si Miguel?" Tanong ni Rene.

"Papayagan nina Nelson na makauwi si Miguel para sa misyong ito, subalit kailangan pang magpaalam ni Miguel sa unibersidad." Kinuha ni Leo ang kanyang telepono, akmang tatawag sa Canada.

Tinawagan ni Leo ang kaibigan. Bagamat malalim na ang gabi sa tahanan nina Amihan, umaga naman sa tahanan nina Miguel kaya matagal na nag-usap ang magkaibigan.

"Sa tingin niyo kaya, mababago ng mga bata ang takbo ng kasaysayan?" Napaisip si Ditas. Kung babalik ang dalawang kabataan sa nakaraan at kung dahil sa kanila ay mag-iiba ang takbo ng mga pangyayari marahil nga ay maiiba ang nasusulat sa aklat ng kasaysayan. Gaano kalaki ang magiging epekto ng pagbabago ng kasaysayan sa bansa?

"Hindi pa natin alam." Napatingin si Rene ng seryoso sa dalawang kaibigan. Nangangamba siya sa maaaring idulot ng pagbabalik nina Amihan at Miguel sa nakaraan. Paano nga kaya kung lumihis sila sa kanilang misyon, ganito pa rin ba sa kasalukuyan ang sitwasyon ng bansa, tinatamasa pa ba nila ang dulot ng kalayaan o bigo silang makamtan ito?

Napabuntunghininga si Leo at sumandal sa sopa na tili pagod ang kanyang katawan at utak. "Uuwi ang buong mag-anak ni Nelson. Silang tatlo. Bukas na bukas ay sasakay sila ng eroplano. Hindi na dapat patagalin pa ito. Nalalapit na ang araw ng himagsikan sa ating kasaysayan."

Sorry for the late update. Have guests to entertain these past days.

Please continue to support this novel.

Mabuhay kayong lahat!

Cancer_0711creators' thoughts