webnovel

Ginulat Siya

Pagdating sa bahay, inilapag ni Amihan sa mesa sa kanyang silid-pintahan ang mga gamit na pinamili niya. Inilabas niya sa isang malaking kabinet ang mga likha niyang sining na nanalo sa mga timpalak at inisa-isa niyang pinagmasdan ito. Walong mga likha ang may gantimpala at ang sampu naman ay mga ipininta niya noong nagpunta sila sa Baguio, sa Batangas at sa Vigan.

'Marami na pala akong mga gawa na pwedeng itanghal nang hindi ko namamalayan,' isip ni Amihan at napangiti siya. Bago matapos ang darating na buwan ay anibersaryo na ng kumpanya.

Dumating ang Lunes. Kahit maagang nagising si Amihan, parang natatakot siyang pumasok sa paaralan. Naalala niya ang araw ng pagtatagpo nila ni G. Abel Bonifacio. Ayaw niyang makita ang taong iyon. Hindi niya alam ang gagawin. Wala rin siyang balak na sabihin sa mga kaibigan tungkol sa nangyari sa kanila sa mall. Ngunit mga matatalik niyang mga kaibigan iyon at ayaw niyang masira ang kanilang pagsasamahan dahil lamang sa kanyang pagtatago. Nalilito na siya sa kanyang gagawin.

Wala sa loob na naglakad si Amihan papuntang paaralan matapos magpaalam sa mga magulang. Napakalayo ng kanyang iniisip kaya hindi niya napansin na katabi na niya pala si Odette,

"Ang lalim naman ng iniisip mo, hindi ko maarok," biro ni Odette. Masaya ito sapagkat makikita na naman niya si G. Abel Bonifacio na kanyang hinahangaan.

"Wala ito. Siguro dahil lamang sa paparating na kaarawan ko," tugon ni Amihan na napipilitang ngumiti. "Huwag kayong mawawala ha? Simple lang ang programa ng aking pasinaya. Si Papa lang ang aking una at tanging isasayaw." Ibinunyag na niya ang mangyayari sa kanyang kaarawan. Simple lang si Amihan, hindi siya mahilig magpasikat. Ayaw na ayaw niyang pinaguusapan siya sa mga walang kwentang bagay.

"Oo naman, naroon kami. Kami pa mawawala sa pasinaya mo." Napatawa si Odette. Hindi niya akalaing magdududa pa ang kaibigan sa kanila. Marahil ay hindi nito makalimutan na minsan na nilang hindi sinipot si Amihan. Ito ay yung napagkasunduan nilang magkikita-kita silang magkakaibigan sa Tagaytay. Nagkalituhan sa oras at araw hanggang sa si Amihan lang ang nakasipot sa napag-usapang lugar.

Buong umaga ay hindi mapakali si Amihan. Kaya't noong oras ng pananghalian, sa kapiterya, isiniwalat niya ang nangyari sa kanya noong Sabado sa mall. Habang nagkukuwento siya, masusi niyang pinagmamasdan ang mukha ng mga kausap. Hinihintay niyang may magalit o magtampo sa kanya. Nang matapos siyang magsalita, napakamot na lang siya ng kanyang ulo dahil walang magtangkang magsalita sa mga kaibigan niya. Nakakabingi ang katahimikan.

Si Odette ang unang nagbasag ng katahimikan. "Ano ka ba? Sa tingin mo ba magagalit ako sa iyo dahil lang diyan? Paghanga lang ang sa akin sa kanyang pisikal na kagandahan. Kung sino man ang kanyang magustuhan, wala akong karapatan na kontrahin iyon."

"Ano naman ang masama kung ikaw ang magustuhan niya?" pagtataka ni Amy.

"Babagay talaga kayo dahil pareho kayong, maganda, mayaman at magaling sa sining," dagdag naman ni Lyn.

Hindi halos kinain ni Amihan ang kanyang pananghalian. Pinaglalaruan na lang niya ito ng kanyang tinidor. Wala siyang ganang kumain. "Ayaw kong magkaroon pa ng iba pang ugnayan sa kanya. Naprepreskuhan ako sa mga kilos niya. Ayaw ko siyang kaibigan. Hindi siya katulad ni Miguel."

Si Miguel ay kababata ni Amihan at kamag-aral niya noong elementarya pa. Lumipat ang buong pamilya ni Miguel sa Canada ngunit hindi naputol ang kanilang komunikasyon. Taon-taon bumabalik ito sa Pilipinas upang magbakasyon. Hindi nakakalimutan ni Miguel na dalawin si Amihan tuwing umuuwi ito. Minsan ay nagtatagal ito ng isang linggo na nakatira sa bahay nila Amihan. Matalik na magkaibigan ang ama ni Miguel at si Leo.

"Oo na. Wala nang ibang hihigit pa kay Miguel. Pero hindi naman ito nanliligaw sa iyo. Matalik mo lang itong kaibigan." paalala ni Amy. Hanggang ngayon hindi pa niya mawari kung anong uri ng relasyon meron si Amihan at Miguel.

"Hehehe. Wala naman kaming balak na humigit pa sa pagkakaibigan. Pareho lang kami ng prinsipyo," sabi ni Amihan ng may panunuya. Totoo naman ang sinasabi ni Amihan. Ni minsan hindi nagparamdam si Miguel na higit pa sa pagkakaibigan ang kanilang ugnayan. Kaya naman sobrang komportable ni Amihan dito. Para lamang siyang may kapatid na lalaki. At wala rin siyang itinatago dito. "Kaya ito ang sinasabi ko sa inyo. Ayaw kong palakihin ang nangyari sa mall. Naintindihan niyo ba? Kung hindi, hindi kayo imbitado sa kaarawan ko. Marami pa naman akong mga pinsang kasing guwapo ng inyong mga iniidolong Koreano."

Sa sinabi na ito ni Amihan, nagtaasan lamang ang mga kilay ng mga kaibigan at hindi na nakapagsalita. Bakit kailangang i-blackmail sila sa pamamagitan ng kanilang mga idolong Koreano?

Sa klase nila sa sining, tanging si Odette lang ang kaklase ni Amihan sa pagpipinta. Si Lyn at Amy ay sa sining ng paglililok kaya bukod ang silid na pinagdarausan nila ng klase. Iba rin ang mga materyales na ginagamit nila kaya mas malaking silid ang kanilang ginagamit.

Pagkatapos ng panayam ni G. Abel Bonifacio, pinagawa sila ng isang aktibidad kung saan ay gagamitin nila ang iba't ibang paraan ng pagpipinta gamit ang langis, tubig at acrylic. Iisa lang ang gagamiting nilang modelo.

May tig-iisang kabalyete[1] ang mga mag-aaral. Magkalapit ng lugar si Odette at Amihan. Pinalilibutan ng mga mag-aaral ang isang bilog na mesang may mantil na dilaw na may nakapatong na plorera na may iba't ibang kulay ng bulaklak. Ito ang kanilang iguguhit at ipipinta gamit ang iba't ibang kasangkapan sa pagpipinta.

Habang malalim sa konsentrasyon si Amihan sa kanyang ginagawa, panay naman ang punta ni G. Abel upang silipin ang kanyang gawa, saka aalis muli upang silipin din ang gawa ng iba. Ngunit mas maraming ulit na humihinto si G. Abel sa kinauupuan ni Amihan. Magtitinginan lang si Amihan at Odette kapag ito'y muling tatalikod at lalakad palayo sa kanila.

Nitong muling paglapit ni Abel sa kinauupuan ni Amihan, huminto ito sa likod ni Amihan at iniyuko ang kalahati ng kanyang katawan hanggang sa ang ulo nito ay halos nakadikit na sa balikat ni Amihan. Nagulat si Amihan sa naramdaman niyang tao sa bandang kanang likuran. Bigla niyang naipihit ang kanyang ulo upang tingnan kung sino ito. Si G. Abel pala, nakangiti sa kanya. Halos mahalikan na niya ang pisngi nito. Napaatras si Amihan sa takot. Pati ang mataas na bangkong ikinauupuan niya ay napaatras din kaya gumawa ito ng ingay.

Bago bumaling ng tingin sa lugar ni Amihan ang mga kamag-aral niya, biglang tumuwid ang tayo ni Abel at ibinaba niya ang kanyang tingin kay Amihan. "O, mag-ingat ka at baka malaglag ka sa iyong kinauupuan." Saka umalis na parang walang nangyari. Bakas sa kanyang mga labi ang maliit na ngiti at saya dito.

Tikom ang labi at salubong ang kilay, tiningnan ni Amihan ng masama si Abel habang nakatalikod ito. 'Ang buwisit na ito. Ginulat ako.'

[1] easel

susubukan kong isalin sa pinakamalapit at makabuluhang salita ang mga salitang ingles sa tagalog

ipagpaumanhin ang delayed update. sa kasamaang palad nawalan kami ng kuryente. mabuti at nakabalik na matapos ang pagpalit ng transformer. :)

Cancer_0711creators' thoughts