webnovel

Chapter 21: Bayan ng San Diego

Pagdating nila sa loob ng bahay ay agad naman silang sinalubong ng may-ari. Nasa singkwenta anyos na si Manong Ricardo ngunit ang pangangatawan nito ay tila ba nasa kwarenta pa lamang ito.

"O Berto, bakit kayo sumadya rito, may problema ba sa bukid?" agarang tanong nito habang pinapaupo sila sa sala nito.

"Iyon na nga po ang pinunta namin dito. Ito kasing sina Sinag eh, may nakitang kakaiba kanina sa taniman ng mais. Ayon sa kanila may inililibing daw sa lupa ang nakita nilang tao. " wika ni Berto.

"Ito po yung nakita nilang inilibing sa lupain mo Manong Ricardo." dagdag pa ni Berto sabay abot sa itim na tela.

"Isang itim na tela lang naman ito." May pagtatakang wika may-ari. Tumingin naman siya kay Sinag upang kunin ang suhestiyon nito.

"Manong Ricardo, ordinaryo lang po iyan sa inyong paningin ngunit isa po yang mapanirang bagay para sa inyong lupain. Kung hindi po ninyo mamasamain ang susunod ko pong sasabihin ay sana mapaniwalaan ninyo. " Wika ni Sinag. Alam niyang hindi mulat ang mga taong ito sa mga lihim na nagkukubli sa kagndahan ng mundo ngunit kung hahayaan niya lamang ito ay paniguradong mapapahamak ang buong lupain pati na rin ang buong pamilya ng mga taong kumupkop sa kanila.

"Sige lang Sinag, magsabi ka." Nakangiting wika ni Manong Ricardo.

"Ang bagay na iyan ay isang sumpa galing sa isang mambabarang. Ang orasyong napapaloob sa mga salitang nasa tela ay isang sumpa. Sumpa na makakasira sa lupang tinatamnan natin ng mais. Hindi ko pa batid kung sino ang may gawa nito ngunit isa lang ang sigurado. Nais ng taong yun ang pagkasira ng lahat ng pinaghirapan niyo. " Mahabang wika ni Sinag habang tinitingnang mabuti ang matanda sa mukha. Nais niyang masipat ang reaksiyon nito. Seryoso ang buong pagmumukha ni Ricardo habang nakikinig kay Sinag. Hindi nito magawang ialis ang tingin sa tela na tinutukoy ng binata.

"Sinag, huwag kang magagalit ngunit ano ang basehan mo sa iyong mga binibitawang salita?" Tanong ni Ricardo na may halong pagkalito.

"Bago ako mamasukan sa inyo, isa ho akong albularyo. Panggagamot po talaga ang gawain ko noong nasa baryo pa kami. Kaya naman nalaman ko ito agad dahil na din sa talas ng paningin ni Isagani. " wika niya at doon lang napagtanto ng matanda na tama ang unang pakiramdam niya nang makita ang grupo nila Sinag. Hindi ito ordinaryo, ngunit hindi din ito nakahadlang sa kanya para bigyan ito ng tulong dahil na din wala siyang nararamdamang bahid ng kasamaan sa mga ito. Likas na matulungin si Ricardo sa mga taong nakakagaanan niya ng loob.

"Kung ganon, ano ang dapat nating gawin?" tanong ni Ricardo at maging si Berto ay napatingin lang sa kaibigan.

"Sa ngayon ay nais ko munang alamin kung saan at sino ang may pakana nito. Paniguradong magbabalik ang taong iyon dahil sa pagkabisto ng una niyang baon. Nais lang namin ipaalam ito sa inyo upang kahit papaano ay alam niyo ang mga gagawin namin sa mga susunod na araw. Huwag ho kayong mag-alala Manong Ricardo, Hindi namin hahayaang masira ang mga pananim ninyo hangga't nandirito pa kami." pangako ni Sinag na sinang-ayunan naman ni Mina.

Natuwa naman si Ricardo dahil kahit papaano ay hindi na niya poproblemahin ang bagay na iyon. Mahirap din kasing maghanap ng albularyo sa lugar nila dahil matagal na oanahon na din nang nagsialisan ang mga ito sa hindi maipaliwanag na dahilan.

Matapos ang kanilang pag-uusap ay nagdesisyon nang umalis sina Sinag sa bahay ni Manong Ricardo upang bumalik sa kanilang mga bahay. Habang nasa daan naman sila ay puro tanong ang inabot nila kay Berto.

"Hindi mo man lang sinabi sa akin na albularyo ka pala. Sus, kong alam ko lang hindi ko na idinadayo sa kabilang baryo si Irene. Napapagid na daw siya kakalakad ng malayo para lang magpatingin." reklamo ni Berto na ikinatawa lang ni Sinag.

"Hayaan mo, ako na ang titingin sa asawa mo. O pwede din naman si Mina na, may alam din naman si Mina." Natatawang tugon ni Sinag.

"Sabi mo yan ha. Siguradong matutuwa si Misis niyan dahil hindi na niya kailangang maglakad ng malayo."

"Ako na po Kuya Berto ang titingin kay Ate Irene. Pag wala akong ginagawa dadalawin ko siya sa bahay niyo."

"Naku salamat Mina kung ganon." Masayang tugon ni Berto.

Pagdating nila sa kanilang lugar ay nagsipasok na sila sa kanilang mga bahay. Pagkasara ng pinto ay agad nang sinimulan ni Sinag ang orasyon upang hanapin ang may gawa ng sumpang iyon. Gamit ang mga tuyong dahon at kakarampot na uling ay nagsiga ito at inilagay sa maliit na kaldero. Nang bumaga na ang uling ay agad niyang ipinatong doon ang telang itim na nahukay nila. Pagkatapos ay taimtim siyang nag-usal habang nakapikit ang kaniyang mga mata.

Sinabayan naman iyong ng pagpapalipad hangin ni Mina at ang pagtawag niya sa kasangga nilang Aghoy. Paglitaw nito sa kanilang harapan ay agaran namang inilahad ni MIna ang pakay niya sa pagtawag dito. Tumango-tango naman ang aghoy at lumapit ito sa sisa upang kumuha ng kapiraso ng nagbabagang tela. Hinayaan lang naman iyon ni Sinag dahil kasama iyon sa kanilang plano. Paglaho nang Aghoy ay siyang paglitaw naman ng isang tikbalang na may iisang mata sa mukha nito. Ang wangis nito ay sa kabayo , habang ang katawan naman nito ay sa tao. Nakaluhod ang isang tuhod nito sa lupa habang nakaharap kay Mina.

"Magandang gabi, itinakda. Ako ang siyang inutusan ng aming hari upang kayo'y paglingkuran. Ano ang inyong utos?" tanong nito sa kaniyang mabilog na boses.

"Nais kong tulungan mo ang ating kaibigang Aghoy sa paghahanap sa mambabarang na nais sirain ang kalupaan sa ating lugar na kinaroroonan. Alam kong alam mo na lubhang ikakagalit ng Diwatang si Mapulon ang pagkasira ng kalikasan. Nais kong mapabilis ang paghahanap sa mambabarang upang atin itong masukol bago pa mahuli ang lahat." Wika ni Mina , habang ibinibigay dito ang kapiraso ng telang itim na nanggaling sa baga.

Mabilis na tumugon ang tikbalang at agaran din itong naglaho sa kanilang paningin. Sa paglipas ng oras ay matiyaga silang naghintay sa balitang ihahatid ng kanilang mga kasangga. Hindi pa man din sumasapit ang alas nuebe ay lumitaw na sa harapan nila ang aghoy at ang tikbalang. Dala-dala nito ang isang bote ng langis na ayon sa mga ito ay ninakaw nila sa mambabarang na ipinapahanap nila Mina.

Kinabukasan ay napagdesisyunan nilang tunguin ang bayan ng San Diego sa kabilang hasyenda upang makapagmasid doon. Pagpasok pa lamang nila sa hasyendang pagmamay-ari ni Don Juanito ay nasipat nila agad ang mga armadong kalalakihang nagkukumpulan sa isang tindahan di kalayuan sa kanila. Hindi naman nila iyon pinansin dahil hindi naman ang mga ito ang sadya nila. Nagpatuloy lamang sila sa kanilang paglalakad ngunit bigla silang napansin ng isa sa mga lalaki.

"Saan ang tungo niyo? Bago lang kayo dito noh?" Sita nito sa kanila. Mabilis na nagsilapitan ang mga lalaki sa kanilang kinaroroonan at humarang sa kanilang daanan.

"Oho, bago lang po, magbabaka-sakali sana na makabili ng mg karne at gulay sa palengke. May problema ho ba?" Malumanay na tanong ni Sinag.

Maigi pa silang inikutan ng mga ito at sinipat-sipat ang kanilang mga bayong na bitbit bago ito tumugon ng...

"Wala naman, baguhan kasi kayo kaya kailangan namin kayong tanungin. Malaya naman kayong maglabas masok dito, basta ba sisiguraduhin niyo lamang na hindi kayo masasangkot sa gulo." Maangas pa na paalala nito sa kanila.

Matapos pa ng ilang tagubilin ay hinayaan na silang makapasok ng tuluyan sa bayan. Tinungo nila ang palengke at namili ng mga karne, isda at mga gulay na naroroon. Wala namang problema ang palengkeng iyon. Malinis at walang halong mahika ang mga binibenta ng mga tao roon. Hanggang sa mapadpad sila sa likod ng palengke kung saan may mga nakatayo din tindahan. Doon ay napansin nila ang matinding kaibahan ng presensyang humahalo sa hangin. Malakas din ang kutob nilang tatlo na hindi pangkaraniwan ang mga bagay na tinitinda nila roon.

"Lolo, bili na ho kayo ng karne, mura lang po ito at sariwang sariwa." narinig nilang wika ng isang matabang babae sa isang matandang may kasamang batang babae. Nasa Sampong taong gulang ang batang iyon habang ang matanda naman ay nasa mahigit singkwenta na. Uugod-ugod na ito at halat sa pangangatawan nito ang kapayatan at pagiging banat nito sa trabahong bukid.

"Wala akong pera ineng, at itong bigas lamang ang kaya kong ipagpalit diyan. Kakasya na ba ang bayong ng palay na ito sa kalahating kilo?" wika ng matanda.

"Aba oo naman Lolo, halika at ipaghihiwa kita ng isang kilo. Para naman may ulam kayong masarap nitong apo ninyo." wika pa ng matabang babae na lubhang ikinatuwa ng matanda.

"Napakabuti mo naman neng, maraming salamat." Taos puso ang ginawang pasasalamat ng matanda nang maiabot na sa kanya ang mga karne at nagbigay pa ito ng mga sariwang isda sa kanila. Masayang nilisan ng mag-lolo ang palengke at tahimik itong sinundan nila Sinag. Batid nilang isang aswang ang matabang babaeng iyon at ang ibinigay nitong mga karne at isda ay nababalot ng isang sabulag. Pinatunayan din iyong ni Isagani dahil naamoy niya sa buong paligid ang alingasaw ng mga aswang kahit pa umaga noon.

Sa muling pagdaan nila sa mga kalalakihan ay magalang naman silang nagpaalam at nagpasalamat sa mga ito. Hindi na nila kailanagn ikutin ang buong lugar dahil doon pa lamang sa palengke ay alam nila pugad na iyon ng mga aswang. Hindi lang nila batid kung ito ay alam din ng mga tao roon o sadyang mga mangmang lang din sila.

Pagkalabas nila ng bayan ay nakasunod pa din sila sa maglolo. Masayng nagkukuwentuhan ang mga ito na halatang iyon ang unang beses na makakatikim sila ng karne sa kanilang hapag. Mabilis na naglakad sila Sinag upang maabutan nila nag mga ito.

"Mawalang galang na po, Lolo. Maari ho ba namin kayong makausap?" Tanong ni MIna nang maabutan nila ito sa daanan.

"Bakit iha, nawawala ba kayo? Hindi kayo tagarito?" tanong ng matanda.

"Ah hindi ho, tagakabilang hasyenda ho kami. Lolo, kayo lang ba ng apo nyo ang magkasama sa buhay?" tanong ni Mina. Lumungkot ang mukha ng matanda na agad namang napansin ng dalaga.

"Kami na lamang nitong apo ko ang tao sa bahay. Kakamatay lamang ng anak ko dahil sa sakit noong nakaraan. Bakit mo naitanong iha?" tanong ng matanda.

"Manong, meron akong sasabihin sa inyo, ngunit huwag ho sana kayong mag-isip na masamang tao kami o nababaliw kami. Iyan pong ibinigay sa inyo ng matabang babae kanina ay isang lason sa katawan ng isang tao. Sumama ho kayo sa amin upang maipaliwanag namin ng maayos sa inyo." Wika ni Sinag at mabilis na hinatak ang matanda papalayo sa lugar na iyon. Dinampot naman ni Isagani ang bata at pinasan iyon upang mabilis silang makalayo roon.