Natapos ang gabing iyon nang matiwasay. Walang kaguluhan at walang nanggulo. Nakahinga sila nang maluwag habang pinagmamasdang umalis ang mga tao sa pagtatapos ng kasiyahan. Punong-puno naman ng kaligayahan ang puso ni Elysia.
Maging sa kaniyang pagtulog ay nanatili siyang nakangiti. Kinabukasan, naging maganda ang gising niya. Pagbangon sa higaan, napansin niyang wala na roon si Vladimir. Mataas na ang araw sa kalupaan at malamang ay nasa bulwagan na ito upang asikasuhin ang mga gawain niya sa araw na iyon.
"Maligayang araw, Prinsesa Elysia." nakangiting bati ng isang kawal paglabas niya sa hardin.
"Magandang araw din sa'yo." tugon ni Elysia at ngumiti rito. Nakita pa niya ang bahagyang pag-iwas nito ng tingin na parang nahihiya. Pinagkibit-balikat na lamang niya ito at nagpatuloy na sa paglalakad.
Sa kaniyang paglalakad ay narating na niya ang dulong parte ng lawa, may kalayuan na iyon sa mismong kinatitirikan ng palasyo. Ito ang unang beses na nalibot niya ang parteng iyon. May mga kabahayan doon na medyo may kalumaan na, ngunit nananatili itong maayos at malinis. Panaka-naka siyang nakakita ng mga taong naglilinis, nagsisibak ng kahoy at mga batang naglalaro.
Tahimik lang siyang nagmamasid sa 'di kalayuan, nakangiting pinagmamasdan niya ang mga batang naghahabulan. Hindi tao ang mga ito, bagkus ay para silang mga kalahating hayop. May mga tainga sila na kawangis sa mga aso. Ngunti ang mga mukha at katawan nila ay sa tao, kapansin-pansin din ang mga buntot nilang animo'y ginawa nilang mga sinturon na nakapulupot sa kanilang mga beywang.
"Anong klaseng mga nilalang naman kaya sila?" Mahinang bulong ni Elysia. Akmang maglalakad na siya papalayo nang maramdaman niyang may tumapik sa kaniyang binti. Pagyuko niya, isang bata ang kaniyang nakita na nakangiti sa kaniya. Agad na napatda ang tingin niya sa tainga ng bata na gumagalaw-galaw pa at tila ba hinahatak siya ng kamalayan niya na hawakan ito.
"Prinsesa Elysia, ikaw ba ang aming prinsesa?" tanong ng bata.
"Paano mo ako nakilala?" tanong ni Elysia at malapad na ngiti ang itinugon ng bata bago siya hawakan sa kamay at hatakin papalapit sa mumunting bayan nila. Nahinto sa kanilang ginagawa ang mga nilalang at napatingin sa pagdating niya. Isang lalaki ang mabilis na tumakbo papasok sa isang bahay at maya-maya pa ay lumabas ang iba pang nilalang roon, kabilang na rin ang mga nasa loob pa ng ibang bahay at sabay-sabay na lumuhod sa harapan niya.
"Pagbati, kamahalan." Sabay-sabay nilang bati. Napakamot naman ng ulo si Elysia at alanganing napangiti.
"Tumayo kayo, hindi naman kailangang ganyan ka pormal palagi. Nakakaasiwa kasi. "wika niya. Nagkatinginan naman ang mga nilalang at agarang tumayo.
"Salamat sa pagbati, hindi ko alam na may mga kabahayan sa parteng ito. Matagal na ba kayo rito? Hindi ko rin kayo nakita kahapon sa pagdiriwang sa palasyo." Puna ni Elysia na may kasamang pagtataka.
Isa namang lalaki ang lumapit sa kaniya at isang kahoy na upuan ang inilapag nito sa tabi niya.
"Maupo ka muna kamahalan. Hindi kami nakadalo, bagama't nakatanggap ang karamihan sa amin ng imbitasyon." Ani ng lalaki. Umupo naman si Elysia sa upuan matapos magpasalamat.
"Bakit naman?"
Muling nagkatinginan ang mga ito at napansin niya ang pagyuko ng mga ito sa kanilang mga kasuotan. Doon napagtanto ng dalaga na walang maayos na kasuotan ang mga ito. Bukod sa luma ang kanilang mga suot ay hindi rin ito kaaya-aya sa paningin. Marahil ay iyon ang dahilan kung bakit hindi na sila pumunta sa kasiyahan.
Napangiti naman si Elysia at bahagyang napailing.
"Hindi kalabisan kung pumunta kayo kahapon. Lahit ano pa ang isuot niyo ay buong puso kayong tatanggapin ng palasyo dahil personal na ikinalat ni Vlad ang imbitasyon sa inyo."
"Kamahalan, alam naman namin 'yon. Subalit, hindi kaaya-aya ang aming mga itsura. Bukod sa hindi kami tao at nalalayo rin ang uri namin sa mga demi-beast na kinagigiliwan ng iba, at nakita niyo naman, ang kasuotan namin ay hindi maayos. Nahihiya kaming pumunta dahil ayaw naming mapahiya ang mahal na hari." Tugon ng lalaki.
Ibig sana niyang kontrahin ang paniniwala nito subalit naisip niya na wala siya sa lugar para sabihin iyon. Inilibot niya ang kaniyang paningin sa paligid. Malinis at maayos ang kanilang bayan, ang mga damit naman nila, bagama't luma at sira-sira ang iba ay malinis naman.
"Maganda ang lugar niyo, tahimik at maaliwalas. Babalik ako bukas para makipaglaro sa mga bata. Maraming salamat sa inyong mainit na pagtanggap sa akin." Wika ni Elysia at tumayo na.
"Maaari ko bang malaman ang iyong pangalan?" Tanong niya sa lalaking naglakas ng loob para kausapin siya.
"Raion, 'yon ang aking pangalan, kamahalan." Sagot naman ng lalaki bago yumukod.
"Maraming salamat Raion." Wika ni Elysia at nagpaalam na sa kanila.
Pagdating sa palasyo ay agad naman niyang hinanap si Vladimir. Nakita niya itong nakaupo sa trono nito habang tahimik na binabasa ang isang ulat na marahil nagmula sa kaniyang mga mensahero.
"Saan ka galing, ang sabi ni Loreen lumabas ka raw, hindi ka pa kumakain. Nag-iwan ng almusal si Loreen, alam kong dito ang dretso mo kapag bumalik ka. Kumain ka muna." Sabi pa ni Vladimir habang ang mga mata ay nakatuon lang sa binabasa nito.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Elysia at agad na tinungo ang mesa, nasa gilid lang ito mg tronong upuan ni Vlad kaya naman kitang-kita pa rin niya ito habang kumakain siya.
Matapos kumain ay saka naman ibinaba ni Vladimir ang binabasa nito. Nilakumos nito ang papel na binabasa, mula sa palad nito ay bigla naman itong nagliyab. Napapitlag pa si Elysia nang makita ang asul na apoy na mabilis na tumupok sa papel.
"Bakit, lagi mong sinusunog ang mga sulat na natatanggap mo?" Tanong ni Elysia.
"Sa panahon ngayon, hindi maganda ang mag-iwan ka ng bakas. Lalo't hindi natin alam kung saan nanggagaling ang kalaban." Tugon ni Vladimir.
Muli pa niyang sinunog ang iba pang sulat na nabasa niya hanggang sa wala nang natira kun'di ang mga abo nito.
"Ngayon, tayo naman ang mag-usap. Saan ka galing?" Bumaling ang tingin mg binata sa kaniya. Umayos naman siya ng upo at ngumiti.
"Namasyal ako doon sa labasan, napadpad ako sa maliit na bayan doon sa dulo ng kanlurang bahagi nitong palasyo. Hindi ko alam na may mga naninirahan pala roon. Nagtaka lang ako dahil hindi ko sila nakita kahapon. At nagpakilalang Raion ang nakausap ko." Tugon naman ni Elysia.
"Si Raion. Nabigyan ko sila mg imbitasyon ngunit, sila ang kusnag hindi tumuloy sa pagdiriwang. Marahil hanggang ngayon ay naiilang pa rin silang makisama sa ibang nilalang dito sa kaharian ng Nordovia."
"Vlad, anong uri sila ng nilalang? Kakaiba kasi ang wangis nila. Tao sila pero may katangian sila na maihahalintulad mo sa hayop."
"Ang uri nila ay pinagsamang tao at demi-beast. Kakaiba talaga sila dahil, hindi sila purong tao at hindi rin purong demi-beast. Masalimuot ang buhay nila bago pa man sila kupkupin ng Nordovia noon." Kuwento ni Vladimir.
"Masalimuot? Paanong masalimuot?" Naguguluhang tanong ni Vladimir.
"Napansin mo ba, walang matanda ang grupo nila at karamihan sa kanila ay mga bata. Sampong taon ang nakalipas noong makita ko sila sa isinumpang bayan ng Clemente. Ang bayan na iyon ay imposible nang maisalba. Si Raion ay nasa mahigit sampong taong gulang nang makita ko. Sampo ng kaniyang mga kasamang kasing edad niya at ilan pang higit na mas nakababata sa kanila, gumagapang sa putik, naghahanap ng makakain." Humugot ng malalim na hininga si Vladimir bago pinagpatuloy ang kaniyang kuwento.
Ayon pa kay Vladimir, dahil sa kakaibang uri ng lahi ni Raion ay isang grupo ng mga 'di kilalang nilalang ang umatake sa mga ito. Nangamat*y ang lahat ng matatanda at mga magulang nila para ipagtanggol ang kanilang bayan, subalit bigo sila. Nakaligtas naman ang mga kabataan dahil sapilitan silang itinago sa ilalim ng lupa, na matagal nang pinaghandaan ng kanilang nakakatanda.
Halos isang buwang nanatili sa ilalim ng lupa ang mga bata, nagtatago at walang makain, walang mainom. Ang mga mahihina sa kanila ay hindi nakaligtas kay kamat*yan subalit karamihan sa kanila ay nakatagal naman.
Iilang sanggol lamang ang natirang buhay sa loob ng isang buwan na iyon. Nang datnan sila ni Vladimir ay halos naghihingalo na sila habang nagmamakaawa, nanghihingi ng pagkain at tubig.
Maluha-luha naman si Elysia habang nakikinig sa kuwento ni Vladimir. Pinalis ng binata ang kaniyang luha at hinimas ang kaniyang likod.
"Alam kong malulungkot ka, ngunit tapos na iyon. Matiwasay na ang pamumuhay nila, ngunit mas pinili nila ang mamuhay doon sa dulo. Sa katunayan nasa sentro ang inilaan kong komunidad para sa kanila ngunit tinanggihan nila. Ayaw daw nilang makaistorbo sa ibang nilalang at mas nais nila ang mamuhay na malayo sa iba." Dugtong na kuwento ni Vladimir.
Tumango naman si Elysia ngunit hindi niya maiwasan ang hindi maiyak. Sa una ay mahina lamang ngunit sa katagalan ay lumakas ang paghikbi niya. Ilang minuto ring inalo ni Vladimir ang dalaga bago ito tumahan.
"Bakit naman ganoon ang mundo Vlad, bakit malupit ang mundo sa mga mahihinang nilalang na walang hinangad kun'di ang mabuhay ng masaya at matiwasay? Bakit kailangan danasin nila iyon sa mura ng kanilang mga edad. Hindi ko maiwasan ang mahabag, ramdam ko ang sakit na mawalan ng mga magulang dahil lang sa digmaan na wala namang katuturan." Wika ni Elysia.
"Dahil sa kasakiman, maraming mukha ang kasakiman sa lahat ng uri ng nilalang at minalas lamang ang angkan ni Raion dahil isa sila sa nahagip ng kuko nito. Hindi ba't maging ikaw ay naging biktima rin nito?" Mahinahong wika ni Vladimir at natahimik naman si Elysia.