webnovel

Chapter 01: Jane's First Day

Malaki ang aking ngiti pagtapak ko pa lang sa entrance ng aming skwelahan. Mahigpit ang kapit ng aking mga kamay sa magkabilang dulo ng straps ng aking backpack.

"Good morning, Jane!"

Nilingon ko ang bumati, si kuyang guard pala. Sinaludohan ko siya at bumati rin.

Hay! Makikita ko na naman ang Nate ng buhay ko. Bakit ba feeling ko napakahaba ng mga araw kapag hindi ko siya nakikita? Feeling ko ang tagal-tagal natapos ang bakasyon.

Nanlaki ang mga mata ko at napatili. Ahihihi! Nate, excited na akong makita ka! Nate Seo, kahit parang katunog ng nitso ang pangalan mo, nasa iyo pa rin ang puso ko.

Napahagikgik ako sa aking naisip. Ngunit bigla na lang ding napatigil dahil pinagtitinginan na pala ako ng ibang mga estudyante. Oh well, pakialam ko sa kanila.

Patalon-talon kong tinungo ang aming classroom. Mas lumawak ang aking mga ngiti nang makita ko na nando'n na rin si Nate, as usual nagbabasa ng libro. Nakaupo sa unang row ng mga silya. Tumahip ang aking dibdib ng tumingin siya sa gawi ko. Parang ayokong pumasok sa loob at dito na lang ako sa gawing pintuan para matingnan ng maigi ang kaniyang gwapong mukha.

"You're not going to get in?" Inaayos niya ang kaniyang eyeglasses at bumalik ulit sa pagbabasa. Hindi man ito ang first time na kinausap niya ako, pero kinakabahan pa rin ako. Hindi bale, magandang lihi 'to ngayong taon.

Wah! Ang gwapo talaga niya. Napakaswerte siguro ng mga magulang niya na magkaroon ng anak na kagaya niya. At mas maswerte ang mamahalin niya. Jane Laxamana Seo, ang gandang pakinggan.

Napasandal tuloy ako sa pinid ng pinto habang nakatuon lang ang mga mata sa kaniya.

"If you're not going to get inside, then leave. Stop staring at me," wika niya habang hindi inaalis ang mga mata sa kaniyang binabasa.

Paano niya nalamang nakatingin ako sa kaniya? May lahi ba siyang witch? Ay hindi, may lahi siyang engkanto. Tama, napakagwapong engkanto! Ahihihi!

"Jane, you're doing it again!" This time tumingin na siya sa akin.

Napaayos ako ng tayo at binigyan ng nagtatanong na mga tingin.

"A-Ano?" Pinilit kong ibahin at pagandahin ang aking boses. Pero wala eh, bulol lang ang nakayanan.

Rinig ko ang kaniyang buntong-hininga. Tinanggal niya ang kaniyang eyeglasses at sinara ang libro. Isinukbit na rin niya ang kaniyang bag sa balikat.

Nakatingin lang ako sa kaniya at naghihintay ng sagot. Napalunok ako nang aking mapagtanto na aalis pala siya at na dadaan rin siya sa gilid ko.

Pero bago pa siya makalagpas sa akin, tinitigan niya ako at huminto. "You're doing that 'ahihihi' thing again." Tinakpan niya ang bibig gamit ang kamay at lalong sumingkit ang kaniyang mga mata.

Napakurap ako sa kaniyang ginawa. Paano ba naman kasi, ginaya niya kung paano ako mag-ahihihi. Sumilay ang aking mga ngiti sa labi. Ang aking mga mata ay nanunudyo sa kaniya. Tila naman na-realize niya ang kaniyang ginawa. Bahagya pa siyang namula at umiwas ng tingin.

Napalakas ko pala ang ahihihi ko kanina. "Teka, hindi naman ako ganyan tumawa, ah. Exagge ka lang masyado."

Tiningnan niya ako ng masama. "Eh, sa ganoon ka!" Napailing siya at nilagpasan ako. Tuluyan na siyang naka labas ng room nang tinawag ko.

"T-teka, saan ka pupunta?"

"Sa lugar kung saan wala ka. Masakit ka masyado sa mata."

Aba't! Kung makapanlait! Ni hindi pa nag-abalang lumingon sa kausap. Hindi na kita crush! Pero, joke lang!

Pumasok na ako sa classroom at naupo sa gitnang bahagi. Ako na lang mag-isa rito. Tiningnan ko ang aking relong pambisig.

Alas otso y diez na ng umaga. Ngunit wala pa rin sila. Wala pa sila? Bakit kaya ako lang ang tao dito?

Tumunog naman ang aking notepad, I mean, cellphone. Bigay pa ito ng tatay ko bago siya natigok. Matagal na iyon, mga limang taon na siguro. Ang tibay, 'no? Makailang ayos na 'to, eh. Hindi makabili ng bago.

May text pala ako galing kay Lovi na napakalayo ng mukha kay Lovi Poe. Pero okay lang, best friend ko ito, eh. Kaya mas maganda siya kay Lovi Poe sa paningin ko. Sa paningin ko lang ha? Hindi naman siya best friend ng lahat.

" ... Hoy, babaeng mkhang bkla... Wer na u?... Andito na ako sa gym..."

Heto na naman ang tig-tatatlong tuldok niya. Nanlaki ang mga mata ko sa nabasa. Sa gym? Anong ginagawa nila sa gym?

Wala akong load kaya hindi ako makapagreply. Kaya madali akong tumayo at binitbit ang bag. Habang nilalakbay ko ang daan patungong gym ay magkasalubong ang aking mga kilay.

Ang sama talaga ng ugali ng Nate na iyon. Hindi man lang ako ininform. Palibhasa, mukha lang akong hangin para sa kaniya. Hindi ko na talaga siya crush. Napangiti ako sa aking naisip. Parang hindi ko siya yata kayang i-let go. Ahihihi! Kaya joke na lang din.

Pagdating ko sa gym ay marami nang mga estudyante. Grabe, hindi ko man lang sila nahalata na dito sa gym pala ang punta nila.

Tiningnan ko ang pwesto ng section namin sa itaas. Bawat section kasi sa school namin ay may kaniya-kaniyang lugar. Para na rin hindi na mahirapan ang mga class monitor sa pagcheck ng attendance.

Nakita kong kumaway sa akin si Lovi. Pinipilit kong isiksik ang aking sarili sa maraming mga estudyante. Hinihingal na ako nang makarating sa pwesto namin.

Nakita ko si Nate na nasa mas itaas pang bahagi. Ang walang hiya! Malinaw naman siguro na tinanong ko siya kung saan siya pupunta. Mas mataas pa ang sagot niya kaysa sa salitang 'gym'. Nag-aksaya lang siya ng laway, wala namang kwenta iyong sagot niya. Tiningnan lang ako ng parang wala siyang kasalanan sa akin at ibinalik na rin ang tingin sa platform kung saan may naghahanda ng mga microphone.

"Aray!" Napadaing ako ng pinalo ako ni Lovi. Hinimas ko ang aking braso na nasaktan at sinamaan siya ng tingin.

Hinila niya ako para maupo. "Bakit ba ang sama ng tingin mo kay Nate?"

"Wala lang!" Umirap ako.

"Huwag gano'n Jane. Dapat pa-good shot ka para naman magka-crush din siya sa iyo," bulong niya sa akin.

Napaisip ako. "Oo nga ano?"

"Dapat bago matapos ang taon, maamin mo na sa kaniya. Sige ka, kapag nagkolehiyo na tayo, wala ka nang chance kasi may mga girls na mas sexy at mas maganda pa kaysa sa iyo."

"Wah! Sobrang nakakatakot naman iyon."

"Talaga! Mas nakakatakot pa kaysa sa horror movies na nakikita natin tuwing magsleep over ka sa bahay ko."

"Oo na. Pagplanuhan ko pa ito. Teka, ano bang ganap ngayon?"

"Orientation lang!"

Napatango ako. Hinahanda ang sarili sa boring na half-day. Pero hindi pala, kasi nasa likuran ko lang si Nate.

Sa lahat ng verb ay ang pinaka-favorite ko ay ang past tense ng see. Katunog kasi ito ng magiging apelyido ko. Ahihihi! Kinikilig ako.

Ang sarap sigurong pakinggan na kapag tinanong ako kung anong pangalan ko ay sasabihin ko, "Jane Seo." Ahihihi!

Naramdaman ko ang sakit sa aking tagiliran. Siniko pala ako ni Lovi. Napatingin ako sa kaniya pero nakatingin lang sa stage. Nilibot ko ang paningin ko at nakitang nakatingin sa akin ang iba naming classmates na may mga nanunudyong ngiti.

Nginitian ko na rin sila. Ano kayang nangyari? Hay! Makikinig na nga lang ako. Sa totoo lang nauumay na akong pakinggan ang mga sinasabi nilang paulit-ulit simula pa noong grade 7 ako. Bakit kaya hindi na lang nila i-orient ay ang mga freshmen o 'di kaya ay transferees?

Kung hindi lang talaga magcheck ng attendance, wala na ako ngayon dito. Nakakaumay!