webnovel

AGNOS

Ako si Cateline. Isinilid ko sa aking agnos ang iniingatan kong litrato ng aking pinakamamahal na ina't aking ikalawang pamilya. Mga litrato na sumasalamin sa aking buhay. Ngunit, bakit ganoon? Napakalupit ng tadhana. Hindi ko maisip kung ano ang dahilan at sinapit ko ang mga bagay na ito. Kaparusahan ba ito? Kaparusahan sa anong kadahilanan? Tunghayan natin ang kuwento mula sa mga mata ni Cateline. Ang kuwento ng pamilya, pag-ibig, poot, inggit, paghihiganti, trahedya -ang kuwento sa loob ng agnos. (WATTY'S STORYSMITHS WINNER)

mjtpadilla · History
Not enough ratings
18 Chs

AGNOS

Napakapalad at napadpad kami sa isang bansang handang tumanggap ng mga lumikas. Makalipas ang isang taon ay gumaling na si Avir. Nagkaroon kami ng bahay na gawa sa kawayan, lupa na matatamnan, at higit sa lahat, tahimik na pamumuhay. Madalas rin namin dinadalaw ang pinaglibingan namin kay David. Inihimlay namin siya sa isang lupain ng mga damong namumulaklak. Sa tabi ng kaniyang puntod ay naglagay rin kami ng mga mapaglalamayang mga litrato nina ama at ng aking dalawang ina. Ginawan pa ni Avir ng mga masisilungan kahoy ang mga puntod. Lumilikha naman si Christine ng mga kuwintas gawa sa bulaklak, na kaniyang pinapalamuti sa libingan ng aming mga pinakamamahal. Hindi kinaya ni Christine ang mga nangyari kaya naman madalas itong nagmukmok sa sulok ng aming tahanan. 'Pag wala siya roon, nasa amin siyang silid. TInitignan niya ang mga bagay na aming inimbak, na nagpapaalala sa amin ng mga buhay ng mga taong minsan naming nakasama. Madalas niyang yakap ang damit ni ina. Napakatamlay, tila blanko ang masisilayan sa kaniyang mga mata. Hindi ako sumusuko na alagaan siya, bigyan ng suporta, at samahan siya upang iparamdam ang pagmamahal ng isang pamilya. Unti-unti na rin akong nakababangon mula sa mga dusang aking sinapit. Unti-unti ko na rin natanggap ang mga ito bagamat may puwang sa aking puso na hindi ko talaga kayang makalimutan ang aking mga dinanas. Naniniwala ako na ito'y sa tulong ng pagmamahal na natatanggap namin ni Avir sa isa't isa. Isinasama namin si Christine sa tuwing kami ay nagpapakasaya, nagkakantahan, nagsasayawan, namamasyal, at iba pang gawaing makabubuhay sa aming pagkatao. Umaasang manumbalik ang kaniyang ngiti.

Naging napakamabuti ni Avir. Napakaresponsable. Siya ang nagsisilbing tagapagbigay ng aming pangangailangan. Siya ang tumayong haligi ng aming tahanan. Nakita ko ang kaniyang pagpupursigi dahil araw-araw niyang sinusubukan ibalik ang nawalang ngiti ni Christine sa pamamagitan ng pagpapatawa, pagkausap, at pagluluto ng masasarap na pagkain na aking tinuro sa kaniya mula sa aking inang si Mara. Walang araw rin na hindi niya naiparamdam sa akin na ako'y kaniyang mahal. Sa loob ng isang taon, araw-araw, oras-oras, at minu-minuto ang aming kaligayahan. Hindi ako nagsisisi na sinunod ko ang lukso ng aking damdamin. Napakasaya ng aming naging buhay nitong lumipas na taon kaya't 'di ko akalain, na ako'y kaniyang makakayanang iwan. Nakita ko na lamang na napakagulo na ng aming silid. Nagkalat ang mga gamit, ang kahon ni Christine, ang agnos ni ama, isang nalukot at basang liham, at ang litrato namin ng aking ina. Maging ang kabibe na aking ibinigay sa kaniya, ay kaniya ring binitiwan. Sinubukan kong ilipit ang aming mga gamit, ngunit hindi ko mahanap ang aking agnos at ang baril ni ama. Pinulot ko ang lukot-lukot na liham para sa akin ni ama. Dito, nakasaad ang:

"Anak, mahal na mahal kita. Napakabuti mo. Nagpapasalamat ako na ako ang kumupkop sa iyo. Nanatili ang pagkainosente ng iyong mga mata noong una kitang nakita. Mahigit dalawampung taon na ang nakalilipas noong mawalay ka sa iyong inang si Helen. Alam kong naghahanap ka ng pagmamahal ng isang kadugo, ng ama, at ng ina. Alam ko rin na bagamat madalas kang napag-iinitan ng aking mag-ina ay naiparamdam ko sa iyo ang pagmamahal ng isang ama. Handog ko sa iyo 'to mahal ko, isang agnos. Para na rin ito sa nalalapit na kaarawan ni Helen. Sa likod ay nakaimprenta ang mga pangalang Ravan, Mara, at Christine. Sa harap naman ay nakaimprenta ang pangalan mo at ng iyong Ina; Helen at Cateline. Espesyal ang pagkakasulat ng mga 'yan. Nagpagawa ako ng kopya ng inyong litratong mag-ina na tiyak ay kasya riyan. May iniwan rin akong larawan nating apat nina Mara at Christine. Kung nais mo ay isama mo rin 'yan sa loob ng agnos. Hiling ko pa rin kasi na maging buo ang ating pamilya. Buo 'di dahil lamang sa kumpleto at magkasama, ngunit buo rin sa damdamin, samahan, at pakikitungo sa isa't-isa. Alam mo, namana mo ang kagandahan at ang pagiging mapagmahal ng iyong ina. Ipinagmamalaki kita. Sana masiyahan ka sa aking handog. Muli, maraming salamat at mahal na mahal kita."

-Nagmamahal, ang iyong ama

Nanumbalik sa akin ang mga alaala ng aking pinakamamahal na pamilya ng muli ko itong nabasa. Iniisip ko kung ano na kaya ang kalagayan nila. Masaya na kaya sila doon sa itaas? Nakikita kaya nila kami mula roon? Mahal na mahal ko kayo. Pinunasan ko ang aking luha't itiniklop na ng maayos ang liham. Hindi ko alam kung anong naisip o ginawa ni Avir upang magkalat ng ganito ang aming silid.

Bago ang kaniyang paglisan, pilit niya akong tinatanong kung sino itong si Helen at bakit kilala ko itong si Ravan. Kitang-kita ko ang pagkabalisa at pagkalito sa kaniyang mukha. 'Di siya mapakali habang humihingi ng tawad. Nakita ko sa kaniya muli ang tingin na tila walang saysay ang sarili niyang buhay. TIla bumalik ang dating Avir na aking nakilala; si Avir na nagtatago sa kuweba, at si Avir na tanging ang kaniyang sulo ang nagsisilbing liwanag sa kaniyang madilim na buhay. Huminahon siya bagamat lumuluha upang bigyan ako ng pagkakataong magkuwento. Inilahad ko sa kanya ang aking buhay. Sinalaysay ko na mag-isa akong inalagaan ng aking ina, ngunit musmos pa lamang ng siya ay nawala. Napakagandang dalaga raw noon ni ina. Ngumiti pa ako kasi halos naging kamukha ko raw siya. Kinagigiliwan ng 'di lang ng kaniyang pamilya, kundi ng marami ring binata. Malaki raw ang kasalanan ng totoo kong ama. Sabi ng aking amang si Ravan ay napakatapang raw ng aking ina dahil nabuhay niya ako matapos ang sinapit at pinagdaanan nito. Hindi man lamang ito nagpakita ng kahinaan.

Tila hindi nagugustuhan ni Avir ang aking mga nabanggit. Pinatigil niya ako kahit 'di pa ako tapos sa pagsasalaysay. Lumuluha siya at sumigaw ng, "Nagsisisi naman ako, ngunit bakit ito nangyari?" Dama ko ang bigat ng kaniyang dinadala bagamat 'di ko ito hustong naiintindihan. Lumuhod siya muli sa akin at pilit humihingi ng kapatawaran. Hinawakan at hinalikan niya ang aking kamay. Tumitig na lamang siya sa akin at ako'y kaniya nang nilisan.

Naniwala ako na naialis ko na ang itim na maskara ng kaniyang pagkatao. Nagawa ko man 'yon, 'di ko pa rin pala siya lubusang kilala. 'Di ko na siya nagawang habulin, dahil malaki na ang dinadala ko sa aking sinapupunan. Naniniwala rin naman ako na ako'y kaniyang babalikan at itutuloy namin ang aming pagmamahalan, bilang isang… buong … pamilya. Katangahan ito. Ka-ta-nga-han? Avir? Hindi. Hindi iyon maari. Hindi. …