NAGISING si Fabielle kinabukasan na parang binibiyak ang ulo. Ngunit higit ang gulat niya nang makita ang ina na nasa gilid ng kama niya at nakatunghay sa kanya.
"Ma!" bulalas niya.
"At sabi mo okay ka lang?" ang naniningkit na sabi ng ina niya.
"P-po?"
"Ilang taon ka na ba sa tingin mo ha!" pasigaw na sabi ng kanyang ina. Napangiwi naman siya. Tila pinasasakit pang lalo ng sigaw ng ina ang ulo niya. "Ano ka ba, batang nagrerebelde?"
"Bakit po ba?" nakangiwing tanong niya.
"Anong bakit? Hindi mo na ba naaalala ang pinaggagawa mo kagabi ha?" kunot ang noong tanong ng kanyang ina.
Iyon ang unang beses na nakita niya ang inang galit na galit sa kanya. She was never a problem child. Palagi siyang sumusunod sa mga magulang kaya naman hindi pa nagkakaroon ng pagkakataon na nagalit ng ganoon ang kanyang ina at sa paggising pa niya mismo kaya naman alam niyang malaki ang nagawa niyang kasalanan. Kasalanang unti-unti nang lumilinaw sa isip niya habang tumatagal na nakatingin siya sa ina.
Nang nakaraang gabi ay nagkasundo sila ni Jennifer na magkikita sa isang restobar. Dito niya sana ihihinga ang mga frustrations niya dahil sa sinusulat. But she was late so she already had a couple of drinks before Jennifer finally came. Or was that just a couple? Hindi na niya maalala. Ni hindi na nga niya maalala kung dumating pa ba ang kaibigan niya. Ang huli niyang naaalala ay nang umiinom siya sa bar counter ng restobar na iyon.
"Kababae mong tao, nakukuha mong magpakalasing nang husto! Mabuti sana kung kaya mo ang sarili mo! Babae pa naman din ang kasama mo! Hindi ka na nahiya sa kaibigan mo!" pagpapatuloy ng ina sa galit na tinig.
Kung ganoon ay nalasing nga siya. Worse, nawalan pa siya ng malay at wala siyang kasama. Napangiwi siya. Iyon ang unang beses na nangyari iyon. At hindi niya masisi ang ina kung gusto man siyang itakwil na nito nang mga oras na iyon.
Paano na lang kung bago siya napuntahan ni Jennifer ay may iba nang nagbitbit sa kanya. Napailing siya. Masyado na nga yata siyang naaapektuhan ng paghihiwalay na iyon at ng problema niya sa pagsusulat.
"I'm sorry, Ma" sinserong sabi na niya. Bumuntong-hininga naman ang kanyang ina upang marahil ay kalmahin ang sarili.
"Sinabi ko naman sa'yo, kung ganyan ang epekto sa'yo ni Jason bakit hindi mo na lang siya kausapin at ayusin ninyo ang relasyon ninyo?" ang mahinahon nang sabi ng Mama niya.
And they were back to the 'Jason' topic again. Pakiramdam niya ay lalong sumakit ang ulo niya. This was the topic she was getting tired of talking about.
"Ma, I'm sorry about last night. Masyado lang talaga akong namomroblema sa pagsusulat ko." Mababa ang boses na sabi niya sa ina. Gaya nang ilang beses na napag-uusapan nila ang magaling niyang ex at iniiwasan niya iyon ay napabuntong-hininga na lamang muli ang kanyang ina. Iyon ang gusto niya sa Mama niya, kahit pa ang gusto nito ay magkabalikan sila ng lalaki ay hindi siya nito pinipilit kung hindi niya gusto.
"Ako naman ay nag-aalala lang sa iniaakto mo nitong mga nakaraang buwan. Lalo na ngayong nagpapakalasing ka na rin." Pumapalatak na sabi ng Mama niya. "Alam mo bang inihatid pa kayo ng isa sa tauhan n'ong lugar na pinuntahan ninyo dahil hindi ka naman kaya ni Jennifer. Aba eh paano kung masamang tao ang lalaking iyon, napaano na kaya kayo?"
Bigla siyang nakaramdam ng guilt. Naiintindihan niya ang galit ng ina maging ang pagpasok nito sa ex niya sa usapan. Malamang ay talagang nag-alala lamang ito sa kalagayan niya. Hindi nga naman tama para sa isang babae ang uminom ng higit pa sa limit niya.
"I'm sorry, Ma. Hindi ko lang talaga napansin na madami na ang naiinom 'ko. Hindi na po talaga mauulit." Nagsising sabi na lamang niya sa ina.
Hindi naman na mababasa ang galit sa mukha ng ina bagaman alam niyang may sama pa rin ito ng loob dahil sa ginawa niya. Gayunpaman ay mababa na ang boses nito nang muling magsalita.
"Ayoko nang mauulit pa 'to. Tandaan mo, nakapisan ka pa rin sa amin at kahit anong mangyari ay hindi pwedeng hindi kami mabahala sa mga maling magagawa mo." Paalala ng kanyang ina.
"Opo." Sagot na niya.
"O siya. Maligo ka na at makakatulong 'yan sa pag-alis ng sakit ng ulo mo. Sa dami ba naman ng nainom mo. Bumaba ka na rin pagkatapos at nagluto ako ng sopas para sa hangover mo." Sabi ng ina bago nilisan ang kuwato niya.
Nasapo niya ang noo. Ang laking kalokohan pala ng nagawa niya noong nakaraang gabi. Ang akala niya ay ayos na siya dahil ilang buwan na rin naman silang hiwalay ni Jason. Kung bakit naman ngayon pa niya naisipang magpakalasing. Siguro ay nakadagdag lang talaga ang pamomroblema niya sa mga pobreng manuscripts niya. It felt like she just lost her touch in writing the same time she lost faith in love because of Jason.
Pero hindi niya pwedeng hayaan na magpatuloy na lang siya nang ganoon. She fell in love with writing even before she fell in love with a jerk named Jason. Writing was her first love. At hindi niya pwedeng hayaan na sinaktan na nga siya ng bwisit na lalaki ay madadamay pa ang passion niya sa pagsusulat. She had to do something about it before she ends up ending her writing career completely.