webnovel

Hindi Ganun Kasimple (2)

Editor: LiberReverieGroup

"Ha!?"

Narinig ang pagprotesta mula sa mga kabataan dahil sa sinabing iyon ng lalaki. Ang buong akala nila ay kaya sila dito nagpunta para dalhin sila kung saan sila titira. Pero...iba ang nangyari sa kanilang inaasahan.

"Sumunod na lang kayo at huwag nang magreklamo." Diretsong saad ng lalaki. Matigas pa rin ang ekspresyon ng mukha nito.

Nagtungo na sa iba't ibang direksyon ang bawat grupo.

Ang grupo ng Innate Gift na kinabibilangan ni Jun Wu Xie ay pinamunuan ng lalaking naggiya sa kanila papasok ng Cloud Brook Academy. Sa ibang direksyon naman sila nagtungo. Habang naglalakad sila ay mayroon silang nakasalubong na mga disipulo ng Cloudy Brook Academy at tila hindi man lang sila nakikita ng mga ito.

Matapos maglakad ng halos isang oras, nakarating sa isang kweba ang grupo nina Jun Wu Xie. Nang makasalubong sila muli ng mga disipulo, doon pa lang nagkaroon ng reaksyon sa mga mukha nito at bumagal ang paglalakad.

Sa hindi malamang dahilan, naramdaman ni Jun Wu Xie na ang tinging binibigay ng mga ito ay may bahid ng awa.

"Ang mga taga-Bone Shifters Tribe, dito kayo." Turo ng lalaki sa isang kwebang napakadilim. 

Mahigit dalawampung kabataan na mula sa Bone Shifters Tribe ang tumitig sa madilim na kweba at lihim na napalunok. Isa sa kanila ang naglakas-loob na nagtanong: "Teacher, pwede bang magtanong...ano po ang gagawin namin?"

Agad na nagsalubong ang kilay ng lalaki: "Malalaman niyo pagkapasok niyo."

Namutla ang batang taga-Bone Shifters Tribe habang takot na naglalakad kasama ang kaniyang mga kasamahan. Ilang beses siyang palingon-lingon sa kaniyang likuran hanggang sa tuluyan na silang lamunin ng kadiliman. 

"Kayong mga natira, magpatuloy na kayo sa paglalakad."

Agad namang sumunod ang mga kabataan. Halos nakakasampung hakbang pa lang sila nang makarinig sila ng sigaw mula sa kweba!

Nakakatakot ang sigaw nito kaya agad na nabahala ang grupo. Bumasag iyon sa katahimikan ng Cloudy Brook Academy sa mga oras na iyon. Napatigil sila sa kanilang paglalakad at nagsimulang mamutla ang kanilang mga mukha habang nagsitayuan din ang kanilang mga balahibo. Gusto nilang tanungin kung anong nangyari sa loob ng kweba ngunit tila hindi man lang nabahala ang lalaki at patuloy pa rin sa paglalakad.

Pagkatapos nun ay nakarating sila sa isa nanamang kweba. Ngayon ay ang mga mula sa Witch Doctor Race naman ang pinapasok doon. Halos nasa sampu lang ang bilang nila. Nasa mukha pa rin nila ang takot mula sa narinig nilang sigaw kaya naman nanginginig silang nakatayo sa bukana ng kweba.

"Kung ayaw niyong pumasok sa kweba, manatili na lang kayo dito sa labas." Malamig na saad ng lalaki.

Hindi na hinintay ng lalaki na makapagsalita pa ang mga kabataang iyon at nagpatuloy na ito sa paglalakad.

Sumunod ay ang Wind Riders Race at pagkatapos ay ang Great Ape Race...

Ang mga nasa grupo ng Innate Gift ay nahati pa sa mas maliit na grupo at pinapasok sa napakadilim na kweba. Wala silang ni katiting na ideya kung ano ang mayroon sa loob ng mga kwebang iyon. 

Hanggang sa si Jun Wu Xie na lang ang natira. Matapos ihatid ng lalaki ang huling grupo, tumingin ito kay Jun Wu Xie.

"Jun Wu?" Tanong ng lalaki. Sa totoo lang hindi gaanong mapansin ang presensiya ng batang ito dahil sa ito ay tahimik simula't sapul. Bukod sa napakaliit nito at malamig na ekspresyon ng mukha, napakadali nitong kalimutan.

Tumango si Jun Wu Xie.

"Spirit Mastery Race?" Muling tanong ng lalaki.

Next chapter