Maliban sa kanilang pisikal na kakayahan, wala nang iba pang pambihirang katangian ang Great Ape Tribe. Kaya naman hindi sila gaanong sikat sa Middle Realm at sila ay pangkaraniwan lamang.
Biglang naalala ni Jun Wu Xie si Fei Yan nang marinig niya ang kakayahan ng Great Ape Tribe.
Kahit na payat at matangkad si Fei Yan, di-hamak na mas malakas siya kumpara sa iba pang nasa grupo. Ilang beses niya nang napatunayan iyon.
At...
Ang Ring Spirit ni Fei Yan ay nagkataong Great Ape din.
Sinapo ni Jun Wu Xie ang kaniyang baba. Hindi niya alam na si Fei Yan ay mula sa isang pambihirang lahi, pero kumpara sa mga taga-Great Ape Tribe matalino si Fei Yan.
Nagpatuloy sa pag-uusap ang binata, pero ang lalaking taga-Great Ape Tribe ay nakapasok sa susunod na round.
Kapag ikinumpara ang Great Ape Tribe sa Bone Shifters Tribe ay malaki ang kanilang pinagkaiba. Ang Great Ape Tribe ay kilala sa kanilang pambihirang lakas.
Bukod sa Great Ape at Bone Shifters Tribe, marami pang nadiskubre si Jun Wu Xie na may mga kakaibang katangian. Iyon ay dahil sa dalawang madaldal na binata na nag-uusap malapit sa kaniyang kinatatayuan. Nalaman din niya ang pinagmulan at ang espesyal na kakayahan ng iba't ibang lahi at tribu.
Ang may kakaibang kulay ng balat ay mula sa Witch Doctors Tribe. Kung titignan mo ang kanilang pisikal na kaanyuan ay mukha silang mahihina. Wala silang pambihirang lakas at hindi rin nila kayang ibahin ang porma ng kanilang katawan.
Ngunit mayroon silang isang kakaibang katangian na sadyang dapat na katakutan...
Iyon ay ang pagsumpa!
Ang mga tao na mula Witch Doctors Tribe ay ginagamit ang kanilang spirit power para maglabas ng isang nakakatakot na sumpa. Maraming mga negatibong bagay silang kayang gawin sa sinumang makakalaban nila.
Kahinaan, labis na kalungkutan, mga insekto at iba pa...
Ang mga Witch Doctor ay tila sisidlan ng mga negatibong bagay sa mundo. Isang turo lang ng kanilang daliri ay kaya na nilang paranasin ng impyerno ang kanilang kaaway.
Sa buong Middle Realm, ang Witch Doctors ang iniiwasan ng lahat dahil sa kanilang kakayahan na labis na nakakatakot.
Marami pang nadiskubre si Jun Wu Xie tulad ng Ring Forgers. Kapag mas malakas ang abilidad ng isang kalahok, mas malaki ang tsansang makapasok siya sa susunod na round. Ang Three Eyed Tribe naman ay may kakayahang makita ang spirit power ng isang tao.
Kasalukuyang nasa entablado ngayon ang Wind Riders Race...
Tahimik lang na nanonood si Jun Wu Xie sa isang sulok. Nakatuon ang kaniyang buong atensyon sa mga nagpapakita ng kanilang mga kakayahan. Bukod sa Twelve Palaces, ang tanging magiging sagabal sa kaniya ay iyong may mga pambihirang lakas at katangian.
Limitado lang ang oras ng pagpapakita ng kakayahan. Bawat kalahok ay mabibigyan lang ng dalawang minuto para magtanghal bago sabihin kung sila ba ay makakapasok sa susunod na round.
Kaya kahit na napakaraming tao doon, mabilis naman ang usad ng programa. Ang mga kalahok na pinalad na makapasok sa ikalawang round ay mabibigyan ng panibagong numero. Maghihintay sila ng kinabukasan para sa ikalawang bahagi ng kompetisyon.
May mga umuwing masaya at mayroon din na umuwing luhaan. Ang pamantayan dito ay tila ang pamantayan ng Twelve Palaces na "matira matibay".