webnovel

Chapter Three

NGITING-NGITI si Michelle habang pinanonood nang live sa isang variety show ang Lollipop Boys. Kasama niya ang kanyang ina at si Tita Miriam.

The boys were so great. First was so great.

Mukhang masayang-masaya naman si First sa grupo nito. Tila enjoy na enjoy ito sa ginagawa.

Masarap panoorin ang Lollipop Boys. They were all lovable in their own ways. Hindi lang ganda ng mukha ang alas nila, talentado rin sila. Kaya hindi nakapagtatakang marami ang tumatangkilik at nagmamahal sa kanila.

Minsan, nakakaramdam si Michelle ng lungkot habang pinanonood si First sa telebisyon. Parang lumayo na ito sa kanya. Parang hindi na niya ito maabot. Madalang na madalang na silang magkita ngayon. Napakarami kasi nitong commitments. Kaliwa't kanan din ang shows ng grupo nito. They were, after all, the hottest boy band in the country.

Pagkatapos ng show ay nagtungo sila sa bahay ng mga Lollipop Boys. Ang sabi ni Tita Miriam ay pahinga na ng mga boys pagkatapos ng show. Sasamantalahin na raw nila na makasama si First Nicholas. Kahit na si Tita Miriam ay nami-miss si First. Nakatira na kasi sa iisang bahay ang lahat ng miyembro ng Lollipop Boys para mas convenient.

Masiglang sinalubong sila ni First, isa-isa silang niyakap. Pigil-pigil ni Michelle ang sariling higpitan at patagalin nang husto ang yakap niya sa kaibigan. She missed him so much.

"`Buti dinalaw n'yo ako," ani First na tila masayang-masaya na makita sila. "Miss na miss ko na kayo."

Hindi ba sila nito nakita sa audience kanina? Nasa unahan naman sila.

"Ang pogi-pogi ng anak ko," ani Tita Miriam habang hinahaplos ang buhok ng anak. Parang misty-eyed pa ito.

"Ang mama talaga," ani First.

"I've missed you so much, anak. Nalulungkot ako sa bahay. Mag-isa lang ako. `Buti lagi akong dinadalaw ni Michie. Nami-miss ko na lagi mo akong pinagsasabihan at inaaway. Hay, ang anak ko, superstar na."

Natawa nang mahina si First. "I've missed you, too, `Ma. Hayaan mo, kapag hindi na kami gaanong busy, sa bahay muna ako."

"Nagdala kami ng mga lulutuin," anang mommy niya. "Ipagluluto ka namin ng mga paborito mo, Nick."

"Salamat, Tita Marjorie."

"Magkuwentuhan muna kayo ng kaibigan mo habang nagluluto kami ng mama mo."

Dinala siya ni First sa parte ng bahay na nagsisilbing dance studio. Ang ibang miyembro ng Lollipop Boys ay matutulog daw muna. Gigising na lang daw sila kapag kakain na.

"Ayaw mo bang matulog din?" tanong niya kay First habang umuupo sila sa sahig ng dance studio.

Umiling ito. "Ako ang totoong pinaka-hyper sa aming lima. Ayokong matulog. Madalang lang kayong dumalaw, eh. Mamaya na lang ako matutulog."

"Mukhang pagod ka," puna niya. Nais niyang makasama pa si First ngunit maiintindihan naman niya kung kailangan nitong magpahinga.

Nahiga ito at umunan sa kandungan niya. Biglang bumilis ang tibok ng puso ni Michelle.

"Okay lang ako. Minsan-minsan lang tayong magkita, `tapos matutulog lang ako? I've missed you so much." Hinawakan nito ang kanyang kamay at nilaru-laro iyon. "Nami-miss ko na ang mga kuwentuhan natin."

Tila may mainit na kamay na humaplos sa puso ni Michelle. Ang akala niya kasi ay nakalimutan na siya ni First. Kahit sa kaibuturan ng puso niya ay alam niyang hindi ito ang tipo ng kaibigan na kaagad na nakakalimot, hindi pa rin niya maiwasang matakot paminsan-minsan. Natatakot siyang dumating ang araw na hindi na siya nito pansinin. Natatakot siyang baka masyado nang masilaw si First sa sariling kinang at hindi na makita ang mga taong dating mahalaga rito.

Ipinagdarasal niya na sana ay manatili ang dating First Nicholas na nakilala niya kahit sikat na sikat na ito.

"I'm glad you are happy, First. I'm glad you have found your place in the sun. Huwag lalaki ang ulo, ha?" Hinaplos ng libreng kamay niya ang alun-along buhok nito.

"May boyfriend ka na ba?" biglang tanong nito habang nakatingin nang mataman sa kanyang mukha.

Sa hindi malamang kadahilanan ay nag-init ang mga pisngi ni Michelle. Bakit siya tinatanong ni First ng ganoon? Dati naman ay hindi ito nagtatanong tungkol sa love life niya.

"Hindi ka na nakasagot," anito nang lumipas ang mahabang sandali at hindi pa rin siya tumutugon.

"W-wala," sagot niya. "Ba't ka ba nagtatanong?"

Nagsalubong ang mga kilay nito. "Bakit hindi ka agad makasagot? May natitipuhan ka na, ano?"

Nag-iwas siya ng tingin. Nakita niya sa malaking salamin sa harap na pulang-pula ang kanyang mukha. Bakit ba doon napunta ang kuwentuhan nila? Naiilang siya nang husto.

May espesyal na pagtatangi siya kay First. Matagal na. Ayaw lang niyang ipahalata iyon dito dahil baka masira ang pagkakaibigan nila.

"Huwag ka munang magbo-boyfriend," anito sa mariing tinig. Sa pandinig niya ay utos iyon. "Bata ka pa. Huwag ka munang magpapa-kiss sa ibang lalaki."

Nakakunot-noong bumalik ang tingin niya kay First. "Ang galing mong magsabi niyan sa `kin, ha. Ikaw na papalit-palit ng girlfriend? Ikaw na playboy? At ikaw na ilang beses ko nang nakitang nakikipaghalikan sa mga babae?"

Napangiwi ito. "`Oy, hindi ako playboy. Kusa lang lumalapit ang palay sa manok. And correction, sila ang humahalik and not the other way around."

"Do you enjoy kissing those girls?" nahihiyang tanong niya. Nais niyang malaman kung gusto nito ng mga agresibong babae.

"Why are you so curious about kissing all of a sudden?" tanong nito sa halip na sagutin ang tanong niya.

Pinigil niya ang sarili na mapabuntong-hininga sa pagkadismaya. Nagkibit-balikat siya. "Masama ba? Kahit naman ganito ako, curious din ako kung paano ang pakiramdam ng mahagkan. Iniisip ko kung totoo iyong nababasa ko sa mga libro." Ang totoo ay nagsisinungaling lamang siya.

What she really wanted to know was, how it would feel to be kissed by him. Kung ibang lalaki rin lang ang magbibigay sa kanya ng kanyang unang halik, hindi bale na lang. She would not settle for less.

Nagulat siya nang bigla na lang alisin ni First ang salamin niya sa mga mata. She was practically blind without her glasses.

"First, ang salamin ko," aniya.

Naramdaman niyang bumangon ito mula sa pagkakaunan sa kandungan niya. Sa nanlalabong paningin ay nakita niyang malapit na ang mukha nito sa kanyang mukha. Nanlaki ang kanyang mga mata nang maramdamang lumapat ang malalambot na labi nito sa mga labi niya!

He nipped her lower lip gently for like ten seconds before he let it go. It was just a brief kiss but enough to shake her whole world.

Ibinalik nito ang salamin sa kanyang mga mata at ngumiti nang masuyo sa kanya. "Huwag ka nang hahanap ng ibang lalaking hahalik sa `yo. Sana ay hindi ka na curious. Am I your first kiss, Michico?"

Wala sa loob na napatango siya. Tulala siya. Hindi niya alam kung paano magre-react sa nangyari. They just kissed! Gawain ba iyon ng magkaibigan?

"I am glad," anito na tila tuwang-tuwa pa.

"YOU ARE in love with her."

Nginitian lamang ni First si Enteng. Hindi na niya kailangang tanungin ang kabanda kung sino ang tinutukoy nito. Enteng was referring to his Michelle, of course.

Nasa recreation room silang lima. Naglalaro ng video games sina Maken at Rob, samantalang sila ni Enteng ay naglalaro ng billiards. Si Vann Allen ay abala sa Rubik's cube na hindi pa nito nabuo kahit minsan.

Kaaalis lamang ng kanyang mama, kasama si Michelle at si Tita Marjorie. Natuwa siya nang husto sa pagdalaw ng mga ito. At lalo siyang natuwa dahil nahagkan na niya sa wakas si Michelle.

Kung alam lang nito ang kabang nadarama niya kanina. Muntik na naman siyang tumiklop, muntik nang lamunin ng takot. Pero natatakot din naman siyang maunahan ng ibang lalaki. Ayaw niyang may ibang makahalik kay Michelle. Ang nais niya ay siya lamang.

She was so curious about kissing. Wala na siya sa tabi ng kaibigan kaya hindi na niya makikita ang mga klase ng taong nakakasalamuha nito. Natatakot siyang magmahal ito ng ibang lalaki. Baka may lalaking dumating sa buhay ni Michelle na magugustuhan nito. Hindi pa siya handa roon.

Hinagkan niya ang kaibigan para kahit paano ay maguluhan ito sa sariling damdamin. Para kahit paano ay mag-iba ang tingin nito sa kanya.

"In love ka nga kay Michelle?" tanong ni Rob sa kanya habang nakatutok ang paningin sa nilalaro.

Hindi siya sumagot. Ngumiti lang siya. Hindi naman niya ikinakaila ang bagay na iyon. Sa sobrang saya lang niya ay hindi niya magawang magsalita. Pakiramdam niya ay napakaperpekto ng buhay niya.

"`Oy, Nick, ikaw ang pumapangalawa kay Vann sa may pinakamaraming fans. Ingat nang kaunti. Ang sabi ni Tita Angie, possessive ang mga fans natin. Huwag mong hahayaan na ma-expose si Michelle sa publiko. Kawawa siya," payo ni Maken.

"Alam ko naman `yon. Alam ko kung ano ang klase ng mundong ginagalawan natin. Ayokong mag-suffer si Michico," tugon niya.

Makulay at makinang ang mundo ng entertainment business. Ngunit sa likod ng camera ay marami ring makikitang pangit na bagay, at ayaw niyang maapektuhan si Michelle ng mga pangit na bagay na iyon. Hanggang kaya niya ay poprotektahan niya ito.

"Maganda si Michie mo, Nick," ani Vann Allen na tila naiinis na sa Rubik's cube nito. "Manang lang masyado pumorma. Kung tatanggalin niya ang salamin niya sa mata, pamatay ang ganda niya."

"I don't want to change her, Vann. I love who she is. She is happy being herself. Ang pagiging manang at geek ay parte ng pagkatao niya. Gusto ko ang lahat sa pagkatao niya. At saka—" Bigla siyang natigilan nang may mapagtanto siya sa sinabi ni Vann Allen.

Ngumiti ito nang makahulugan. "It was cool, actually."

"You are smart, Vann," natatawang sabi niya. Ito ang unang taong nakatuklas ng totoong dahilan kung bakit "Michico" ang palayaw na ibinigay niya kay Michelle Colleen. Everyone—including Michelle—thought he just combined her two names.

"Ngayon mo lang nalaman? Halatang-halata kaya."

Natawa siya. "Eh, bakit hanggang ngayon, hindi mo pa rin mabuu-buo `yang Rubik's cube? Pagsasamahin mo lang ang mga magkakaparehong kulay."

Bahagya siyang nagulat nang ibato nito sa dingding ang laruan. Halos mamilipit siya sa kakatawa nang isa-isa nitong pulutin ang mga nagkahiwa-hiwalay na piraso at buuin ang mga iyon ayon sa kulay.

"Ang smart-smart ko, `di ba?" nakangising sabi nito.

Pati ang mga kasama nila ay natawa na rin. He was so lucky because he found true friends. Hindi maganda ang intensiyon niya sa pagsama sa commercial ng lollipop na iyon ngunit masaya siyang maganda ang kinahinatnan niyon. Nais niyang maging kaibigan ang apat na lalaking ito hanggang sa mamatay siya. Sana ay hindi dumating ang araw na magkakahiwalay sila ng landas. Sana, kahit ano ang mangyari sa buhay nila, kahit saan sila dalhin ng kapalaran, manatili ang magandang pagkakaibigan nila na nabuo dahil sa lollipop.

HINDI napigilan ni Michelle ang maiyak habang kinakanta ng Lollipop Boys ang kanta para sa encore. It was the group's final concert, their farewell concert.

Hindi lamang siya ang umiiyak kundi maging ang maraming fans ng grupo. Marami ang nalulungkot dahil mawawala na ang limang lalaking kinagiliwan at minahal ng lahat.

Marami ang nagtataka kung bakit magkakawatak-watak na ang mga ito. The group was at its peak. Marami ang nagsasabing sayang ang narating ng grupo ni First.

Nasabi na ni First sa kanya ang totoong dahilan kung bakit madi-disband ang Lollipop Boys. Ito na siguro ang pinakaapektado sa paghihiwalay. Ito ang pinakanalungkot.

Naglasing pa nga ito. Naroon siya nang maglabas ito ng lahat ng sama ng loob. Noon lamang niya ito nakitang umiyak.

"Nang sabihin nilang ayaw na nila, hindi ako makapiyok," anito sa basag na tinig. Nasa bahay ito ni Tita Miriam at lasing.

"Tama na, First," aniya habang hawak-hawak ang kamay nito. Awang-awa siya rito.

"Being a part of Lollipop Boys is the best thing that happened to me," anito habang niyayakap siya. "I found myself. Masaya ako na nagpe-perform. Masaya akong magpasaya ng mga tao. Pero, putsa! Ayaw na raw nila. Hindi na raw masaya sina Rob at Maken. Vann is going solo, internationally. Paano ako? Saan ako pupunta?"

Hinagod niya ang likod nito. Hindi niya alam ang sasabihin upang kahit paano ay gumaan ang pakiramdam nito.

"Hindi ako makapiyok dahil wala naman akong magagawa kung hindi na sila masaya sa ginagawa namin. Wala akong magagawa kung nakakaramdam na sila ng matinding pagod. Hindi ko puwedeng ipagpilitan na manatili kaming grupo dahil hindi na masaya ang lahat. Ayoko ring palampasin ni Vann ang oportunidad na sumikat sa ibang bansa. He got potential. Aminado naman ako na siya ang pinaka-talented sa `ming lahat. Nalulungkot ako kasi wala nang Lollipop Boys. Nabuwag na."

"Everything will be okay," sabi na lang niya.

He sobbed like a lost boy.

Lalo siyang napaiyak nang magsalita si Vann Allen.

"Hindi tayo dapat malungkot. It's the start of new beginnings. Kailangan lang naming maghiwa-hiwalay sa ngayon. Pero naniniwala ako na darating ang araw na magkakasama-sama kaming muli sa iisang stage. Sana, magkita-kita pa rin tayo kapag dumating ang araw na iyon. Till next time, everyone."

Then the big curtain dropped, covering the whole stage. Nakita pa nila ang anino ng limang lalaking naglalakad palayo bago namatay ang mga ilaw sa stage.

She would terribly miss the Lollipop Boys.

Pinahid niya ang kanyang mga luha. Nagtungo siya sa backstage. May ibinigay si First na pass sa kanya upang payagan siyang makapasok doon. Nakita niya ito sa labas ng dressing room. Walang kahit anong emosyon sa mukha ng binata ngunit alam niyang nalulungkot ito nang husto.

Nilapitan niya ito at hinawakan sa kamay. "Don't be sad," aniya habang nakatingin sa mukha nito. "Nandito pa naman ako."

"Hindi mo ako iiwan?"

Nakangiting tumango siya. Kahit na ano ang mangyari, mananatili siya sa tabi nito.

"Promise me."

"I promise," she said solemnly.

Hinigit siya nito at niyakap nang mahigpit na mahigpit.