webnovel

Rowan's Odyssey

May tatlong dahilan kung bakit hindi makatawid si Rowan sa kabilang-buhay: Una, nawalan siya ng alaala. Pangalawa, may isang bagay pa siya na kailangang gawin sa lupa. At pangatlo, kailangan niyang malaman kung paano siya "namatay" Sa tulong ng misteryosong lalaki na nagpakilalang si "Jack", magagawa kaya ni Rowan na makatawid sa kabilang-buhay sa tamang oras? O tuluyan na bang magiging huli ang lahat para sa kaniya?

Rosencruetz · 灵异恐怖
分數不夠
19 Chs

Kabanata VIII: Panganib

Ang mundo ay isang mapanganib na lugar upang mabuhay; hindi dahil sa mga taong masasama, kundi dahil sa mga taong hindi gumagawa ng anumang bagay tungkol dito.~ Albert Einstein ~

-----

Ngayon ay ika-labimpito ng Marso.

Sa araw na ito ay ipinagdiriwang ng mga Irlandes ang kapistahan ng kanilang patron na si San Patricio, na mas kilala rin ng marami bilang ang 'Apostol ng Irlanda'. Malaya ang lahat ng tao sa araw na ito na magsaya at punuin ang kanilang mga tahanan ng malulutong na tawanan, walang humpay na sayawan at masisiglang tugtugin mula sa kombinasyon ng mataas ngunit tumatagos sa puso na tunog ng byolin at ang tahimik at mas malambot na tono Uilleann pipes.

Mula sa mga siwang ng bintana sa bawat may kayang kabahayan sa kalye ng Dublin ay lumalabas ang mabangong samyo ng kumukulong sinabawan na gawa sa karne ng tupa o kambing, isa sa tradisyunal na pagkaing hinahain sa pagdiriwang. Hindi rin pahuhuli ang umaakit sa pandinig na malutong na tunog ng bacon sa sariwang repolyo, habang pinasasabik naman ng makarneng amoy mula sa espesyal na empanada na gawa sa tupa at patatas ang dila ng mga bisita na perpektong ipares sa nag-aagaw na pait at tamis ng pulang alak.

Ngunit kung mayroon mang pinakainaabangan ang mga tao sa araw ng pagdiriwang, iyon ay walang iba kundi ang parada na pangungunahan ng mga sundalo mula sa hukbong-katihan ng Dublin. Nakasuot sila ng pormal na uniporme na kumpleto sa dekorasyon tulad ng espada at baril habang nakasakay sa makikisig at sinanay na mga kabayo. Nagtitipun-tipon sa magkabilang gilid ng kalsada ang mga tao, kumakaway sa mga sundalo't pumapalakpak dahil sa pagkabilib.

Ngunit hindi kabilang sa mga taong ito ang batang si Fiann.

"I-ikaw?"

Naroon siya sa lugar na iyon hindi para magsaya. Ngunit sa lugar na iyon niya natagpuan ang taong makakatulong sa kaniyang problema.

"I-ikaw nga, Kuya Allan!"

Napaatras ng bahagya ang binatang tinawag ni Fiann sa pangalan na Allan. Kitang kita sa namilog niyang bughaw na mga mata ang pagkagulat dahil sa 'di inaasahang pagkikita nila ng batang si Fiann sa siyudad ng Dublin.

"Fiann?" kinilala naman ng binatang si Allan ang bata. Tinanggal niya ang kaniyang suot na itim na sombrero hanggang sa mahayag ang kaniyang pagkakakilanlan sa bata. "Anong ginagawa mo rito?"

Hindi masagot ni Fiann ang tanong ng lalaking nagngangalang Allan dahil nasasapawan ang boses nila ng ingay dulot ng malalakas na palakpakan at halo-halong boses ng mga taong abala sa panonood ng dumaraang parada. Mabilis ang pagkapal ng tao sa lugar at hindi na mabuti para sa kanilang dalawa ang mag-usap sa ganoong kaingay na kapaligiran.

"Halika," pagyaya ni Allan sa batang si Fiann. "Mag-usap tayong dalawa sa mas tahimik na lugar."

Kaya naman minabuti ni Allan na dalhin si Fiann sa mas tahimik na lugar kung saan maaari silang makapag-usap. Sakto naman na noong papasok na silang dalawa sa isang liblib na eskinita ay nakita sila ng binatilyong si Lorcan na kanina pa naghahanap sa batang si Fiann.

"Fiann!" hangus na hangos na tumakbo si Lorcan pagkakita niya kay Fiann.

"L-Lorcan?"

"Ikaw talaga! Kanina pa kita hinahanap!"

"H-ha?"

Dali-daling lumapit si Lorcan kay Fiann at...

PAK!

"A-aray!"

Isang malakas na pagbatok ang natanggap ni Fiann mula kay Lorcan na tagaktak na ang pawis sa mukha dahil sa walang tigil na paghahanap sa kalagitnaan ng kasagsagan ng parada.

"Bakit bigla ka na lang umaalis nang wala kang paalam!"

"L-Lorcan?" Napahimas sa kaniyang ulo si Fiann habang nagpapaliwanag kay Lorcan. "P-patawad. Hindi na ako nakapagpaalam. Kailangan ko na kasi talagang umalis eh."

"Hindi naman kita pipigilan kung gusto mong umalis. Ang problema lang ay hindi ka pa nakakabawi mula sa sakit!"

"P-pasensya na." Paumanhin muli ni Fiann sa binatilyo. Hindi na muli pang nangatwiran si Fiann, ngunit kita naman sa nakayuko niyang mukha na nagsisisi siya sa kaniyang ginawa.

"Hay, naku!" napatapik na lang sa kaniyang noo si Lorcan. "O, siya! Pinapatawad na kita. Pero kailangan na nating umuwi. Papayagan kita na umalis sa susunod na araw kapag nakapagpahinga ka na nang husto ngayon."

Tinangka ni Lorcan na haklatin si Fiann upang sumama sa kaniya, ngunit...

"T-teka, Lorcan!" kusang kumawala si Fiann kay Lorcan at tumabi sa binatang si Allan. "Hindi na kailangan. Sasama na ako kay Kuya Allan."

"Ha?"

Doon lang napansin ni Lorcan ang binatang si Allan na kanina pa kasama ng batang si Fiann. Maputi ang balat at kulay mais ang maalon nitong buhok na bumagay sa asul nitong mga mata. Sa tantiya ni Lorcan ay mas matanda ng limang taon sa kaniya ang binata at 'di hamak na mas matangkad din kaysa sa kaniya.

"Teka, kamag-anak mo ba siya?"

"Hindi ko siya kamag-anak." Pagtatama ni Fiann sa haka ni Lorcan. "Matalik siyang kaibigan ng kapatid ko. Nagtatrabaho siya sa pinakamalaking duungan sa Killybegs kasama ang Kuya ko."

Namilog nang bahagya ang mga mata ni Lucas sa kaniyang narinig.

"Sa Killybegs? Sa siyudad ng Donegal?"

"Oo. Doon nagtatrabaho ang Kuya ko bilang katiwala sa isang bangkang pangisda." Sagot ni Fiann kay Lorcan. Hindi paman humahaba ang kaniyang paliwanag ay dahan-dahan nang namuo ang tubig sa gilid ng kaniyang mga mata habang nakasalikop ang kaniyang kamay sa laylayan ng kaniyang damit. "Nakatangap ako ng sulat mula kay Kuya Allan na dalawang linggo nang nawawala ang kapatid ko. Walang nakakaalam sa mga kasamahan niya sa trabaho kung saan siya nagpunta."

"Iyon ba ang dahilan kung bakit gustung-gusto mo na agad na umalis?"

Pagtango lang ang naging tugon ni Fiann kay Lorcan, ngunit sinegundahan ito ng sagot ng lalaking ipinakilala ni Fiann na si Allan.

"Balak ko sanang puntahan sa Irishtown si Fiann. Ititira ko muna sana siya sa Donegal hangga't hindi pa namin nalalaman kung nasaan ang kapatid niya. Hindi ko naman inakala na dito pa kami sa Dublin magkikita."

"Tingin ko plano niyang puntahan ka sa Donegal ng mag-isa." Sagot ni Lorcan sa binatang si Allan matapos nitong mapagtanto ang totoong balak ng batang si Fiann.

"A-ano?" Mabilis naman ang naging reaksyon ni Allan sa narinig. "Totoo ba, Fiann? Balak mo akong puntahan sa Donegal?"

Hindi naman itinanggi ni Fiann ang hinala sa kaniya ng binatang si Allan. Wala siyang nagawa kundi ang yumuko habang nagpapaliwanag.

"Patawad." Paumanhin niya sa dalawa. "Gusto ko lang talaga na malaman kung nasaan na ngayon ang Kuya ko. Si Kuya na lang ang natitira kong kapamilya, at kung pati siya ay mawawala, a—ako ay..."

Tinalo ng malungkot na himig mula sa mahinang paghikbi ni Fiann ang ingay ng mga tao na abala sa panonood ng dumaraang parada. Ramdam ni Lorcan ang pangungulila't matinding pag-aalala ng batang si Fiann sa nawawala nitong kapatid. Kaya naman kahit nais niyang manatili si Fiann para sa kapakanan nito'y minabuti niyang hayaan na lang ang bagong kaibigan na gawin ang sa tingin nito'y mas mainam para sa situwasyon.

"Ikaw ang bahala." Ang sabi ni Lorcan kay Fiann. "Pero kung ayos lang, kailangan muna nating ipaalam kay Lola ang plano mong pag-alis para hindi siya mag-alala sa iyo."

"Sige..."

Pumayag si Fiann na pormal na magpaalam sa matandang nag-alaga't kumupkop sa kaniya na si Lola Elma bago siya tuluyang sumama kay Allan papunta sa siyudad ng Donegal upang hanapin ang nawawala niyang kapatid.

Samantala...

"Mukhang kagagaling lang nila sa lugar na ito."

Hinagod ng lalaking si Zephiel na nakasuot ng pormal na puting terno ang kaniyang itim na itim na buhok. Pagkatapos ay inayos niya ang makapal na antiparas na nakaharang sa kaniyang mga mata na walang anino ng emosyon. Mabikas parin siyang tumindig sa kabila ng mga pinabagsak niyang mga buwitre sa kilalang pinakamapanganib na lambak sa buong Hantungan ng mga Kaluluwa. Puno ng itim na tilamsik ang suot niyang damit mula sa pinaslang niyang mga halimaw gamit ang kaniyang gintong panulat na nag-aanyong espada. Ngunit walang kahirap-hirap niya itong inalis sa pamamagitan lang ng pagpunas niya sa mga ito gamit ang puting panyolito hanggang sa magmukha muli ito na bago.

"Sayang at hindi ko sila naabutan. Pero sigurado ako, hindi pa sila nakakalayo sa lugar na ito."

Isang gintong aguhon ang hawak ni Zephiel upang ituro ang lokasyon ng kaniyang hinahanap. Katulad ito ng aguhon ng mga mandaragat na may magnetikong karayom na nagtuturo ng apat na pangunaghing lokasyon. Ngunit imbis na lokayon ay kaluluwa ang hinahanap ng aguhon, lalo na ang mga kaluluwa na nasa listahan niya na dapat puksain.

Ilang sandali pa'y nakita ni Zephiel na nakatapat ang kamay ng aguhon sa silangan. Papunta ito sa lugar kung saan matatagpuan ang isang napakahaba't napakataas na bundok na siyang naghihiwalay sa Lambak ng mga Buwitre at sa susunod na lupain.

"Mukhang nakalagpas na sila sa pader na naghihiwalay sa Lambak ng mga Buwitre."

Isinilid na muli ni Zephiel ang kaniyang aguhon sa loob ng kaniyang bulsa para maghanda. Sumipol siya sa hangin, ngunit kapansin-pansin na walang tunog na maririnig sa kaniyang pagsipol. Hindi nagtagal ay umahon mula sa anino niya ang isang malaking itim na paru-paro. Mayroon itong buntot na kadena na pulang pula't sobrang init na animo'y idinarang ito ng napakatagal sa nagbabagang apoy. Nagawang bulabugin ng naglalakihan nitong mga pakpak ang buhangin sa lupa. Lalo nitong pinagmukhang disyerto ang buong lugar at ikinalat pa lalo nito ang masangsang na amoy na nakadikit sa hangin.

Hindi na nag-aksaya pa ng oras si Zephiel at agad siyang sumampa sa likod ng itim na paru-paro.

"Hindi ninyo ako matatakasan. Lalong lalo ka na..."

-----

"Rowan!"

Tinawag ni Jack ang pansin ni Rowan nang malapit na silang dalawa sa kanilang destinasyon.

"Bilisan mo naman! Para ka namang naglalakad sa buwan eh!"

Ngunit imbis na maaliwalas na ngiti ay nakasimangot pa na sumalubong si Rowan matapos siyang iwan ng kaniyang gabay na si Jack sa paglalakad sa maputik na daanan na napapalibutan ng mga itim na liryo.

"At may gana ka pa talaga na pagmadaliin ako no? Sa dami-rami ng daraanan natin, dito pa talaga sa maputik na lugar? Hirap na hirap akong angatin ang mga paa ko sa kapal ng putik dito!"

"O s'ya, halika rito't aalalayan kita."

Inalalayan ni Jack si Rowan na makatawid sa huling bahagi ng maputik na daanan hanggang sa makarating sila sa isang malaking latian na puno ng mga naglalakihang mga puno na nakalubog sa tubig at nababanigan ng mga lumulutang na lumot. Sa gitna ng latian ay makikita ang isang nakaarkong tulay na gawa sa katawan ng isang malaking puno na balot ng mamasa-masang lumot at tirahan ng mga 'di pangkaraniwang mga insekto tulad ng palakang may pangil, mga alitaptap na may nagliliwanag na malahiblang buntot at marami pa. Napapalibutan din ng pulang hamog ang buong latian, ngunit hindi ito kasing kapal ng hamog na makikita sa dinaanan nilang dagat ng dugo. Amoy damo ang hangin sa paligid na kapag nilanghap ay naiiwan ang madamo nitong samyo sa panlasa.

"Wow..." napanganga si Rowan nang hindi niya namamalayan dahil sa tanawin na bumungad sa kaniya. "Ang ganda rito. Wala akong masabi."

"Huwag kang papaloko sa ganda ng lugar na ito."

Lumapit si Jack kay Rowan at naglabas ng pulang panyo para ipiring sa mga mata ng binata.

"T—teka! Anong ginagawa mo?!"

Sinubukan ni Rowan na pumalag at tanggalin ang piring na inilagay sa kaniya ng kaniyang gabay. Ngunit pinigilan siya ni Jack at sa halip ay mahigpit siya nitong hinawakan sa kaniyang mga balikat.

"Shhh....hinaan mo lang ang boses mo."

Napansin ni Rowan na humina ang boses ni Jack na halos pabulong na. Bigla tuloy siyang kinabahan sa maaaring mangyari sa kanila lalo na't hindi niya nakikita ang mga bagay sa paligid niya.

"Ano bang ginagawa mo? Para saan ba 'to?"

Sinubukan ni Rowan na limitahan ang lakas ng kaniyang boses sa kabila ng kagustuhan niyang umangal sa nangyayari.

"Kailangan 'to para makatawid ka sa tulay. Kung hindi ko ito gagawin, siguradong katapusan mo na."

Naramdaman ni Rowan na sumikip ng bahagya ang kaniyang paghinga't nanlamig ang kaniyang mga kamay sa babala ng kaniyang gabay. Ilang sandali pa'y humakbang na silang dalawa nang sabay patawid sa tulay. Si Jack ang nagsilbing mga mata ni Rowan habang maingat at dahan-dahan ito sa pagtawid upang hindi sila matilapid.

"J-Jack!"

"Kalma lang. Akong bahala sa iyo."

Pagdating nilang dalawa sa gitna ay bigla na lang gumalaw ang tulay at nag-anyong ahas ito na may tatlong ulo at tig-isang mga mata. Naramdaman ni Rowan ang paggalaw ng tulay na para itong may sariling buhay. At habang naglalakad sila'y tinangka silang harangin ng isa sa mga ahas. Nagliwanag ng husto ang bilugan nitong mata na may kakayahang gawing lumot ang bawat hayop o insektong mahagip ng sulyap nito. Mabuti na lang at nagawang ipikit ni Jack ang mga mata niya bago pa siya nahagip ng mata ng ahas. Tahimik at dahan-dahan na ipinagpatuloy ng dalawa ang pagtawid sa ahas na tulay hanggang sa makarating sila sa kabilang bahagi ng latian.

"Ayos. Nakatawid tayo ng ligtas."

Iyon nga lang, masyadong nasabik ang binata na alisin ang piring sa mga mata niya't tinanggal niya ito nang walang paalam.

"Bakit ba? Ano bang mayroon sa latian at nilagyan mo pa ako nito?"

Walang pasabing nilingon ni Rowan ang latian. At doo'y nakita niya ang napakalaking ahas na may tatlong ulo na abala sa paglingkis ng mga nakolekta nitong pagkain sa latian na karamiha'y mga sinawing kaluluwa na nakalutang sa tubig at natatabunan lang ng makapal na lumot.

"A—AHAS!"

Napalakas ang boses ni Rowan dahil sa pagkagulat kaya nabulabog niya ang pananahimik ng mga ahas sa latian.

"Jack! May Ahas!"

Naalarma si Jack sa reaksyon ni Rowan.

"Pasaway ka! Bakit inalis mo agad ang piring sa mga mata mo?!"

Agad na hinatak ni Jack si Rowan at dali-dali silang tumakbo ng mabilis upang makalayo sa latian. Gaya ng inaasahan, sinundan sila ng ahas na may tatlong ulo at tinangka sila nitong hulihin gamit ang dila nito na kayang humaba't dumagit ng pagkain tulad nang sa isang palaka. Bawat puno, bato at halaman nasayaran ng dila ng ahas ay natunaw. At hindi malayong ganoon din ang mangyari kina Jack at Rowan sa sandaling mahuli sila ng ahas.

"Anong gagawin natin Jack! Sinundan tayo ng ahas!"

"At ako pa talaga ang tinanong mo, pasaway ka!" galit na sermon ni Jack kay Rowan habang sinusubukan nilang takasan ang ahas. "Hindi ko naman sinabi sa iyo na tanggalin mo na agad ang piring mo sa mata! At lumingon ka pa talaga huh? Tingan mo tuloy ang nangyari!"

"Aba't! Teka nga!" Apila agad ng binata sa kaniyang gabay. "Ba't parang sinisisi mo pa ako? Hindi mo naman sinabi sa akin na ganoon pala ang hitsura niyon ah! Binigyan mo manlang sana ako ng ideya!"

"Kaya nga 'di ko sinabi sa iyo dahil ganito ang mangyayari eh!"

Patuloy lang ang dalawa sa pagtakbo habang patuloy rin sa pagsunod sa kanila ang higanteng ahas. Tinangka ng dambuhalang ito na hampasin silang dalawa gamit ang buntot nito na may matalas na pangkawit. Nagawang ni Jack na iwasan ang buntot dahil nakatalon agad siya't nagpadaudos sa gilid ng mababaw na bangin.

Ngunit si Rowan...

"Ah!"

Nahagip siya ng buntot ng higanteng ahas at tumilapon sa kabilang bahagi't humampas sa isang malaking puno.

"Rowan!"

Matagal bago nakatayo si Rowan matapos siyang mahampas ng buntot ng higanteng ahas. Hindi rin niya magawang tumingin ng direkta sa mga mata ng ahas dahil narin sa takot na maging lumot siya. Kaya naman kahit papaamba na sa kaniya ang higanteng ahas ay wala na siyang nagawa pa kundi ang hintayin ang kaniyang katapusan.

Ito na yata ang katapusan ko...

Sinubukan naman ng gabay na si Jack na iligtas si Rowan mula sa papaamba na panganib. Ngunit dahil sa kakapusan sa sapat na oras kung kaya malabong mailigtas niya ang binatang si Rowan kahit pa doblehin pa niya ang kaniyang bilis.

"Hindi! Rowan!"

Hanggang sa...

CRASH!

Isang malakas na pagsabog ang gumulat kina Rowan at Jack. Naramdaman nilang pareho ang malakas na bugso ng puwersa mula sa pagsabog na tumama sa kanilang mga katawan. Yumanig ng husto ang lupa, at ang ilan sa mga piraso ng nabasag na kahoy at sanga'y tumilapon sa iba't ibang direksyon maging sa kanilang mga katawan na lumikha ng ilang mga gasgas sa kanilang mga balat.

Makalipas pa ang ilang sandali'y humupa rin ang malakas na bugso ng hangin at sumambulat ang napakalaking butas sa lupa kung saan naroon ang higanteng ahas na may tatlong ulo. Hindi napatay ng pagsabog ang higanteng ahas, ngunit nagawa nitong mapaalis ang nasabing hayop pabalik sa latian kung saan ito nagmula.

Mga ilang segundo rin na natulala sina Rowan at Jack bago nila nagawang magbigay ng reaksyon sa 'di inaasahang pangyayari kanina.

"S—saan nanggaling ang pagsabog na iyon? Sa iyo ba, Jack?"

"Hindi. Hindi sa akin."

At kalagitnaan ng eksenang iyo'y isang tinig ang namayani't umalunignig sa paligid.

"Inaasahan ko talaga ang pagdating mo rito, Jack!"

Ikinagulat ni Jack ang narinig niyang tinig—boses iyon ng isang babae. At hindi lamang iyon basta nilalang na nakaalam sa pangalan ni Jack, kundi isa ang babaeng iyon sa iilang mga nilalang na nakakaalam sa tunay niyang pagkatao.

Ang boses na 'yon, boses 'yon ni...

At hindi nga nagkamali ang gabay na si Jack sa kaniyang hinala, lalo na nang magpakita mula sa likod ng naglalakihang mga puno ang isang babaeng natatakluban ng itim na manto ang mukha't may sukbit na isang malaking supot sa kaniyang tagiliran.

"Kumusta?"

At malugod na binati ng babae ang gabay na si Jack.

"Matagal din tayong hindi nagkita, Jack the Smith?"