Chapter 3
Title: The Most Respected Fox in Leibnis
* * *
"Fenea?" litong-litong tanong ko dahil hindi ko alam kung ano ang meaning n'on. Pauso.
"Ang gagawin mo lamang ay suotin ang singsing na ito at palalayain na kita rito. Ang simple lamang, hindi ba?" Ngumiti na siya at napatitig lang ako sa kaniya.
Parang hindi na siya 'yung wala laging imik na P.A. ko. Parang ibang tao na ngayon ang kaharap ko... at isang tuso 'yon.
"Sensitive ang balat ko sa fake jewelries kaya hindi ko susuotin 'yan saka mamaya, baka may kung anong meron d'yan sa singsing na 'yan. Ang creepy-creepy ng lugar na 'to katulad mo kaya hindi ako susunod sa mga gusto mo!" pagmamatigas ko.
"Ayaw mo?"
Tinaasan ko siya ng kilay. "Ipipilit pa?"
Huminga siya nang malalim. "Madali naman akong kausap. Bahala kang mamuhay rito bilang bilanggo." Maglalakad na sana siya paalis...
"Sandali!" pigil ko sa kaniya at kinapitan ko pa ang sleeve niya kaya napatigil siya at napalingon sa'kin.
Humigpit ang hawak ko sa damit niya. Kailangan ko lang ibaba ang pride ko ngayon para makatakas na 'ko rito. Dapat kong i-prioritize ang safety ko.
"Mukhang pumapayag ka na." Humarap na siya sa'kin at nakangiti dahil alam na niya na siya ang nanalo sa'ming dalawa.
Sinamaan ko siya ng tingin. "Siguraduhin mo lang na pakakawalan mo ako rito kapag nasuot ko na 'yang singsing na 'yan. Akin na!" Sinubukan kong agawin sa kamay niya 'yung singsing pero iniiwas n'ya 'yon sa'kin.
"Ako na ang magsusuot sa'yo." Kinindatan niya ako at kinuha ang kanang kamay ko.
Hindi na ako pumalag dahil ang pangako niya na lang na pakakawalan niya ako ang huling tsansa ko para makaalis sa kadiri at nakakatakot na kulungan na 'to.
Napatitig siya sa palad ko na madumi dahil sa mga pinagdaanan ko sa lugar na 'to. Napansin ko ang paghinga niya nang malalim at ipinangpunas ang sleeve ng suot niya roon para linisin 'yon. Nadumihan tuloy ang suot niya.
Nakatingin lang ako sa kaniya at binibigyan ng init ng kamay niya ang malamig na palad ko.
Nang makuntento na siya sa pagpunas sa kamay ko, dahan-dahan niya nang isinuot sa ring finger ko ang singsing at hindi ko inaasahan nang ilapit niya sa mga labi niya 'yon at halikan.
Napasinghap pa ako dahil naramdaman ko ang lambot ng mga labi niya ro'n pero bigla na lang nagliwanag ang kamay ko.
Napatingin ako sa singsing na 'yon sa daliri ko dahil doon nanggagaling 'yung liwanag at gumapang ang liwanag na 'yon papunta sa leeg ko na parang nagmistulang leash sa'kin.
"A-anong nangyayari?!" nagpapanic na tanong ko at ilang sandali lang, unti-unti nang nawala ang liwanag na 'yon.
Binitawan na rin niya ang kamay ko.
"Saan nanggaling 'yung liwanag na 'yon P.A?!" nalilitong tanong ko pa rin pero hindi niya pinansin ang tanong ko at sinusian na ang gate ng kulungan ko saka binuksan 'yon.
"Simula ngayon, Gani na ang itatawag mo sa'kin at hindi P.A. dahil sa mundong ito..." pabitin niyang sabi.
Para naman akong tanga na naghihintay sa sasabihin niya pero kinakabahan na ako.
"...ikaw na ang alipin ko." He grinned.
Napataas ang isang kilay ko. "A-ano? Alipin?"
"Oo. Ikaw ay aking ali—"
"Alipin mo mukha mo!" Hinawi ko siya kaya sumalpok ang likod niya sa pader at wala nang nakaharang sa pinto kaya makakalabas na ako nang walang problema.
Makakatakas na 'ko!
Nakatakbo na ako palabas ng kulungan nang...
"Tigil!" sigaw niya at bigla-bigla na lang ay tumigil nga ang mga paa ko sa pagtakbo.
Namilog nang sobra ang mga mata ko dahil parang naparalisa ang katawan ko. "Bakit hindi ako makagalaw?!" Kahit anong utos ko sa katawan ko na tumakbo, ayaw talaga.
Narinig ko ang mga yabag ng taong papalapit na sa'kin at pumunta na siya sa harapan ko.
Sobrang sama na ng tingin ko sa kaniya. "Anong ginawa mo sa'kin?! Bakit hindi ko makontrol ang katawan ko?!"
"Kishikishikishi." weird na pagtawa niya. "Kahit anong gawin mo, hindi mo ako matatakasan Queen dahil ikaw ay akin ng Fenea. Ibig sabihin ay aking alipin at sa pamamagitan ng singsing na aking isinuot sa iyo, susundin mo ang mga utos ko sa ayaw mo man o sa gusto." Ang lawak-lawak ng ngiti niya. "Galaw."
Doon ay nagawa ko nang makontrol ang katawan ko at kinilabutan ako sa mga nangyayari sa'kin. "M-may samaligno ka, 'no?!" Kung iisipin ko, noong huli ko siyang makita, sugatan siya pero ngayon, wala na siyang kasugat-sugat.
Kailangan kong protektahan ang sarili ko!
Naghanap ako ng magagamit panlaban at nakakita ako ng isang mahabang kahoy kaya pinulot ko 'yon at iniamba sa kaniya. "Sige! Subukan mong lumapit! Kayang-kaya kitang labanan!" banta ko sa kaniya.
"Bitawan mo 'yan."
Agad ko namang binitawan 'yung kahoy kaya nanlaki ulit ang mga mata ko. "Aaaaahhh!" tili ko. "Hindi totoo ang lahat ng 'to! Kuya Marco, gisingin mo na ako sa bangungot na 'to!"
"Hindi ito isang panaginip Queen. Sumunod ka sa'kin palabas at ipaliliwanag ko sa'yo kung ano ba talaga ang nangyayari." Nakangiti pa rin siya at naglakad na palabas.
Gaya ng utos niya, sumunod nga ako sa kaniya.
Kainis talaga! Hinding-hindi ako makapapayag na maging sunud-sunuran nang ganito! Tiningnan ko ang singsing na suot ko at sinubukan kong tanggalin 'yon pero hindi na matanggal sa daliri ko.
Napalingon naman siya sa'kin. "Ako lang ang makakatanggal n'yan sa'yo." tumingin na ulit siya sa nilalakaran namin. "Gaya ng sabi ko, naririto tayo ngayon sa aming mundo. Ang Sargus at dito sa bayan ng Leibnis naman naninirahan ang tulad naming mga Gisune. Batid ko na nakita mo na sila at totoo sila. Sa mundo ninyong mga mortal, maikukumpara kami sa tinatawag n'yong Fox."
Unti-unti na nga akong naniniwala sa sinasabi niya dahil noong nakita ko 'yung mga tao sa lugar na 'to, 'yung mga buntot nila, parang sa fox nga talaga at parang tunay. At 'tong singsing na parang magic na nagliwanag kanina. Hindi nga normal ang lugar na 'to at ang mga nakatira rito lalo na 'tong lalaking kasama ko ngayon.
Pero hindi pa rin agad ako dapat magtiwala. Sasakyan ko muna ang mga sinasabi niya sa ngayon.
"Kung nagsasabi ka talaga ng totooo na ibang mundo na 'to, ibalik mo na ako sa mundo ko! Wala ka namang mapapala sa'kin! Bagsak na ang career ko at dumami na ang mga antis ko kaya ibalik mo na ako sa'min!"
"Ngunit ano ang magagawa natin? Isang buwan pa ang kailangan nating hintayin bago magbukas ang lagusang binabantayan ng Sphynx. Iyon ang daan pabalik ng mundo ninyong mga mortal."
Namilog ang mga mata ko. "Ano?!" malakas na tanong ko at napansin ko na may ibang mga tao na kaya napatingin na ako sa paligid. Nasa labas na kami ng main gate ng kulungan at nakatingin sa'min ang mga tao sa paligid dahil sa lakas ng boses ko.
Nakita ko na naman ang makatotohanan nilang mga buntot sa likuran nila pati na ang traditional robes na suot nila.
"Tumahimik ka muna at ipapakilala kita sa mga Gisune rito sa Leibnis," utos na naman niya sa'kin at hindi na nga ako makapagsalita.
May samaligno talaga 'tong mga 'to!
Nakasunod pa rin ako sa kaniya at napansin ko na lumalabas sa mga bahay nila ang mga tao rito—kung tao nga talaga sila—at wumawagwag ang mga buntot nila sa pagkakakita rito sa lalaking 'to.
Bigla siyang tumigil sa paglalakad kaya napabunggo ako sa likuran niya pero hindi niya man lang ako nilingon. Hindi naman ako makareklamo dahil hindi pa rin ako makapagsalita.
Sinilip ko kung ano bang dahilan at tumigil siya sa paglalakad at nakita ko ang isang matandang babae na may kaliitan. May tungkod na siya at puting-puti ang buhok na nakabraid paikot na boknay.
Kulay silver ang suot niyang silk robe at may apat siyang mababalahibong buntot na kulay puti.
Bakit 'tong lalaking 'to, wala? Para lang siyang normal na tao.
"Inang Sreimi," tawag niya rito.
"Ginoong Gani, mabuti at ligtas kayong nakabalik." Ngumiti sa kaniya 'yung Inang Sreimi at napakamot naman siya sa batok niya.
"Inang, paumanhin kung kayo ay aking napag-alala dahil sa nangyari sa akin kahapon."
"Ano ba ang nangyari at halos maubos ang enerhiya na mayroon ka nang ika'y nakabalik na rito? Nabalitaan ko na natagpuan ka nila sa kagubatan sa labas ng bayan na gumagapang patungo rito at hinang-hina."
Sa labas ng bayan?
Napatingin ako rito sa Gani na 'to sa narinig ko. Hindi kaya siya 'yung narinig kong umungol doon sa may halamanan kahapon?
"Iyon po ay dahil sa portal na sapilitang nakapagpadaan sa dalawang nabubuhay na ang naging kapalit ay ang paghigop sa aking enerhiya. Para lamang talaga sa akin ang portal na iyon na mula sa aking kwintas ngunit nabasag iyon dahil sa nangyari." nakangiting paliwanag niya at may narealize ako.
Kung ganoon, ang portal pala na sinasabi niya ang nagligtas sa'min mula sa pagkakahulog sa rooftop ng building.
"Dalawang nabubuhay? Ang binibini bang ito ang iyong kasama mula sa mundo ng mga mortal?" Tiningnan ako nitong Inang Sreimi at ngumiti sa'kin nang mabait.
Tipid naman na ngumiti ako bilang paggalang.
"Ganoon na nga po. Ang pangalan niya ay Queenzie Ruiz ngunit tinatawag siya nang marami na Queen sa kanilang mundo." pagpapakilala sa'kin nitong Gani. "Magsalita ka na muli." utos niya sa'kin.
"Hello po." Doon ay nakapagsalita na ulit ako at nakangiti kong inabot ang kamay ko para makipagkamay kay Inang Sreimi pero bigla itong yumuko sa'kin.
"Ikinagagalak kitang makilala binibining Queen." magalang na sabi nito at inangat na ang mukha saka ngumiti nang malawak. "Ang aking pangalan ay Sreimi Cygnus at ako ang pinakamatandang nabubuhay na Gisune rito sa Leibnis."
"A-ahhh... Sige po." Inalis ko na ang napahiyang kamay ko at pinilit na makangiti pa rin kahit naculture shock na naman ako.
Sobrang galang naman niya. Napakalaki ng tanda niya sa'kin pero yumuko siya. Sa bagay, ako si Queen.
Tumingin na ito ulit kay Gani. "Ngunit ginoong Gani, nais ko lamang mabatid kung bakit mo siya dinala rito? Batid mo naman na hindi na nagpapapasok ng ibang nabubuhay ang ating bayan dahil sa pinagdaanan ng ating lahi sa kamay ng mga maheya."
Napangiwi naman ang ngiti ni Gani at napatingin din sa'kin. "Ang totoo po ay hindi rin sadya ang pagkakasama ko sa kaniya rito ngunit huwag kayong mag-aalala." Inakbayan niya ako bigla kaya napatingin ako sa kaniya. "Ginawa ko na siyang aking Fenea."
Sinalubong niya naman ang tingin ko at biglang hinipan ang mga mata ko kaya napapikit ako.
Tatanggalin ko na sana ang pagkakaakbay niya sa'kin nang biglang tumunog ang sikmura ko dahil sa gutom.
Sabay-sabay kaming napatingin doon na tatlo at umakyat naman ang dugo ko sa mukha dahil sa pagkapahiya.
"Kishikishikishi. Paumanhin Inang, daldalhin ko muna ang aking Fenea sa aking tahanan upang siya ay makakain. Kailangan pa naman niya nang napakaraming lakas para ako ay mapagsilbihan." pagpapaalam niya kay Inang Sreimi.
Nakangiti naman itong tumango. "Nais ko mang usisain pa ang kaniyang pagiging Fenea ngunit kailangan mo na nga siyang pakainin. Hindi maganda sa isang napakarikit na binibining katulad niya ang malipasan ng gutom." Nagbigay daan na siya sa'min.
"Bibisita na lamang po ako sa inyong tahanan upang mapag-usapan po natin iyon nang maayos." Tinanggal niya na ang pagkakaakbay sa'kin.
Yumuko ulit sa'min si Inang Sreimi at doon ay naglakad na paalis si Gani. Sumunod naman ako sa kaniya kaagad.
Kung saan may pagkain, syempre, doon ako pupunta.
Napatingin ulit ako sa gilid ng daan at marami nang mga fox people ang halatang hinintay ang pagdaan niya.
"Maligayang pagbabalik ginoong Gani!"
Kumaway naman siya sa mga ito dahilan para lalong wumagwag ang mga buntot ng mga ito sa tuwa.
May lumapit na sa kaniya na mga babae kaya napatigil siya sa paglalakad.
"Ginoo! Nagpadala ako ng mga prutas sa iyong tahanan upang bumilis ang iyong paggaling!"
"Ako rin ginoo!"
"Ginoong Gani, ang tagal naming hinintay ang iyong muling pagbabalik!"
Pinagkakaguluhan na siya ng mga babaeng 'yon at may nanggigitgit na sa'kin kaya napalabas ako sa kumpulan nila.
Napaikot sa pagkainis ang mga mata ko. Ni walang pumapansin sa'kin. Naniniwala na talaga ako na ibang mundo talaga 'to. Walang duda.
Pero gutom na ako kaya kailangan ko nang kausapin 'yung Gani na 'yon na bigyan na ako ng pagkain.
Makikipagsisikan na sana ako...
"Maraming salamat sa inyo mga binibini ngunit kailangan ko nang umalis dahil hindi pa kumakain ang aking Fenea."
Lumabas na siya sa kumpulan na 'yon at sakto naman na ako ang bumungad sa kaniya.
Nanlaki ang mga mata ko dahil ang lapit ng mukha namin sa isa't isa at naramdaman ko ang abnormal na paglakas ng tibok ng puso ko.
Siguro, dahil nagulat lang ako sa kaniya. Bigla ba namang sumulpot.
Ngumiti siya sa'kin. "Halika na." Hinawakan niya ang kamay ko at marahan akong hinila paalis doon.
Napatingin ako sa kamay niya na may hawak sa kamay ko.
Gustong-gusto ko talaga ang init na ipinapasa ng palad niya sa kamay ko.
Ilang minuto ang makalipas sa paglalakad namin ay narating na namin ang isang napakagandang bahay na makaluma.
Gawa 'yon sa kahoy na may pagkajapanese style ang pagkakagawa noong sinaunang era at ang ele-elegante talaga. Garden ang unahan n'on kaya lalakarin muna namin 'yon bago marating ang pinakangbahay na 'yon.
Dumaan na kami ro'n at sinalubong kaagad kami ng nasa sampung babae na pare-parehas ang suot. Maayos silang nakapila nang taglima at sabay-sabay na yumuko sa'min. Isa lang din ang mga buntot nila katulad ng mga nakita ko kanina.
"Maligayang pagbabalik, ginoong Isagani." sabay-sabay na bati nila nang magalang kay Gani.
Napabuka naman ang bibig ko sa pagkamangha. Mga servants sila?!
"Kishkishkish."
Napatingin ako kay Gani nang tumawa na naman siya nang wierd at alam kong ako 'yung pinagtatawanan niya dahil sa pagnganga ko sa pagkamangha sa dami ng mga servants niya pero inalis na niya agad ang tingin niya sa'kin at sa mga servants na tumingin.
"Ipaghanda n'yo kami ng makakain," utos niya sa mga 'yon at yumuko ulit sila.
"Masusunod po." Maayos silang umalis at pumasok ng bahay habang ako naman, hindi pa rin madigest ang mga nangyayari.
Napatitig ako kay Gani. "Ano ka ba rito at parang prinsipe ka naman kung itrato?" Nagtataka lang ako. Ang ganda-ganda naman ng buhay niya rito pero nagtyaga siya na maging P.A. ko sa mortal world. "Saka ginamitan mo rin ba sila ng singsing na 'to para mapasunod mo?" Ipinakita ko sa kaniya ang singsing na isinuot niya sa'kin sa kulungan.
"Hindi, ano. Sila ay akin talagang mga tagapagsilbi at ang tungkol sa kung ano ako sa lugar na ito, isa iyong sikreto." mapaglaro niyang sabi. "Halika at kumain na tayo. Hindi pa rin ako kumakain dahil dumeretso kaagad ako sa kinapipiitan mo." Hinawakan niya na naman ang kamay ko at isinama sa loob ng bahay niya.
Sobra na talaga akong nacucurious sa pagkatao ng Isagani na 'to.
Sino ba talaga siya?
At ano ang motibo niya sa pagpasok sa buhay ko?
Ipagpapatuloy...