webnovel

Chapter 74

Habang papalapit nang papalapit araw ng koronasyon, as mas nagiging komplikado pa ang sitwasyon. Tila ba sinasadya ng tadhana na paulanan sila ng pagsubok na kahit sa hinagap ay hindi nais isipin ni Elysia. 

Ilang pagsubok na rin ang nalagpasan niya at ilang kalaban na ang nakaharap nila na matagumpay naman nilang natalo. Ngunit alam din niyang hindi sa lahat ng pagkakataon ay panalo sila. Habang nagpapalakas sila, ay unti-unti ring lumalakas ang kanilang mga kalaban.

Hanggang sa natapos ang kanilang pag-uusap at tuluyan nang umalis sa bulwagan si Ravi, ay tahimik lang si Elysia. Nakatitig lamang siya sa kawalan at malalim na nag-iisip.

"Hindi mo kailangang mabahala, Ely. May mga sandata tayo kontra sa mga Chiroptera, hindi rin nalalayo sa mga bampira ang paraan mg pagpaslang sa kanila." Hinaplos ni Valdimir ang buhok ni Elysia at ngumiti.

"Alam ko naman, pero Vlad, sa tingin mo, may kutob kasi ako na baka umatake rin sa Nordovia ang mga Chiroptera. Kung hayok sila sa dugo, posible na dito ang magiging punterya nila." Wika ni Elysia.

"Posible nga iyang iniisip mo. Hayaan mo at magtatalaga ako ng mga bantay sa mga bayan. Nalalapit na ang koronasyon kaya siguradong, gagawa ng malaking gulo si Vincent." Saad naman ni Vladimir.

Sa pagkakataong ito ay tuluyan nang natahimik si Elysia. Maging hanggang sa oras ng kanilang pahinga ay laman ng isip niya ang maaaring kaguluhang magaganap dulot ng mga bago nilang kalaban.

Kinabukasan, ang malamlam na sinag ng araw sa bintana ang gumising kay Elysia. Bahagyang isinasayaw ng banayad na hangin ang makapal na kurtina at naramdaman niya ang malamig na haplos nito sa kaniyang balat. Bumangon siya at kinusot ang kaniyang mata, may naaaninag pa siyang isang bulto ng tao sa likod ng kurtina.

Nangungunot ang noo niya habang bumababa, marahil ay si Vlad iyon at pinapanood ang pagsikat ng araw. Ngunit parang hindi rin dahil kilala niya ang hubog ng katawan ni Vladimir.

Dahan-dahan siyang lumapit doon at hinawi ang kurtina ngunit wala siyang nakitang kahit sino, maliban sa isang puting balahibo. Sumikdo ang kaniynag dibdib nang pulutin ang balahibong iyon.

"Kuya Zuriel?" Mahinang tawag niya. Habang hawak ang balahibo. Pagkaraan ng ilang minuto at dahan-dahang naglaho ito sa kaniyang kamay. Bumuga siya ng hangin at tinanaw ng tanawin mula sa kaniyang bintana.

"O, Elysia, iyong panauhin nating demi-beast naroon sa baryo nina Raion, kasama niya ang mga bata." Bungad ni Loreen nang magpang-abot sila sa kusina. Tulad ng dati ay naroroon na naman ito at naghahanda ng pagkain nila. Napangiti si Elysia at saka tumango sa ginang.

"Salamat Auntie, pupunta ako mamaya roon para makipaglaro sa mga bata. Kumusta na si Uncle Luvan? Magaling na ba ang sugat niya?"

"Oo, magaling na ang pisikal na sugat niya, pero hindi pa gaanong bumabalik ang dating lakas niya. Pero maayos na siya kumpara noong una. Kaunting pahinga na lang at manunumbalik din ang lakas niya." Nakangiting sagot naman ni Loreen.

Matapos kumain ay agad na siyang pumunta sa baryo nina Raion. Nasa liwasan pa lamang siya ay nakikita na niyang nakikipaghabulan si Zyrran sa mga bata. Masayang nakikigulo ito at pansin niya ang kakaibang kinang sa mga mata nito. Habang nasa di kalayuan naman si Ravi at nagmamasid lamang sa mga batang naglalaro.

Nilapitan niya ito at tumabi sa pagkakatayo.

"Mukhang masaya si Zyrran sa pakikipaglaro sa mga anak-anakan ko ah," puna ni Elysia. Lumingon naman sa kaniya ang binata at bahagyang tumango at dahil hindi nakatingin ang dalaga sa kaniya ay walang nagawa ng binata kun'di ang magsalita.

"Buong buhay niya ay nakatuon lang sa mga aralin at pagsasanay. Hindi naranasan ang magalaro kaya masaya talaga siya." Sagot naman ni Ravi.

"Bata pa si Zyrran at karapatan niya ang makapaglaro katulad ng ibang mga bata."

"Hindi para kay Zyrran ang bagay na iyan, Prinsesa Elysia. Dahil nag-iisang anak na lalaki si Zyrran, at siya ang magmamana ng trono ng kaniyang ama, sa darating na tamang panahon." Saad ni Ravi at napailing naman si Elysia.

Hindi na siya nagsalita pa dahil naiintindihan naman niya ang pinupunto nito. Ngunit hindi siya sang-ayon rito. Marahil ay iba ang nakagisnan nilang paniniwala at hindi ganoon kadali upang baguhin ang mga ito.

Malungkot niyang pinagmasdan ang tumatawang si Zyrran. Napakainosente ng tawa nito at naaawa siya dahil pilit itong punagkakait sa kaniya ng kaniyang pamilya.

Hapon nang bumalik na sa palasyo ang mga bata kasama si Ravi at Zyrran. Matapos maghapunan ay nagkaroon naman ng oras na nagkasama si Elysia at Vladimir. Dahil maagang natapos ang mga gawain ng binata ay maaga din silang tumungo sa kanilang silid.

"Wala tayong magagawa dahil iyon ang tadhana ni Zyrran."

"Ibig sabihin, ganoon din ang mangyayari sa magiging anak natin? Ngayon pa lang ay naaawa na ako sa kaniya." Umiiling na reklamo ni Elysia. Seryosong napatingin naman si Vladimir sa dalaga at may kakatuwa itong ekspresyon sa kaniyang guwapong mukha.

"O, bakit may mali ba akong nasabi? Magiging asawa mo ako, malamang magkakaanak tayo, isa kang hari at magiging reyna ako, at kung sakaling magkakaanak tayo mg lalaki magiging tagapagmana siya at mararanasan niya rin ang buhay ni Zyrran, nakakalungkot hindi ba?" Paliwanag ni Elysia at napangiti naman si Vladimir.

Marahang hinapit ng binata ang beywang ng dalaga at kinintalan ito ng masuyong halik sa labi.

"Oo, mangyayari iyon, pero hindi naman ibig sabihin na magiging malungkot ang buhay niya, iba ang kamumulatan ng mga magiging anak natin dahil alam kong hindi ka papayag na maging malungkot ang buhay nila." Nakangiting wika ni Vladimir.

"At hahayaan mo akong gawin ang gusto ko sa mga anak natin?"

"Bakit naman hindi? Ikaw ang ina kaya ikaw ang masusunod. At isa pa, mahaba ang buhay ko, hindi nila kailangan manahin agad ang trono." Tugon naman ni Vladimir.

Bahagyang napaisip si Elysia at doon napagtanto niyang may punto ang binata. Immortal si Vladimir kaya hindi kailangang isakripisyo ng mga anak nila ang kanilang kabataan para lamang sa mga aralin at pagsasanay upang maging magaling na hari. Magkakaroon sila ng mahabang panahon para matutuhan iyon at magagawa din nilang masulit ang kanilang pagiging bata.

"Bakit hindi ko agad naisip iyon?" Natatawa pang tanong ni Elysia.

"Ayos lang 'yan, minsan talaga nawawala na isip mo dahil nilalamon ka na ng pag-aalala. Pero Ely, natutuwa ako dahil nakikita mo ang sarili mo na magkakaroon ng anak sa akin. Ilan ang gusto mong anak?" Pilyong tanong ng binata. Agad na pinamulahan ng pisngi si Elysia at pagak na tumawa upang maikubli ang hiya niya.

"Bakit ako ang tinatanong mo?" Iwas niya at humagalpak naman ng tawa si Vladimir.

"Malamang tutulong lang ako sa paggawa pero ikaw ang magdadala kaya kailangan kitang tanungin, isang dosena ba?"

"Anong isang dosenang pinagsasasabi mo, ayoko nga, siguro dapat nasa tatlo lang hanggang lima. Hindi ko na kaya ang isang dosena." Reklamo pa ni Elysia at nangislap naman ang mata ni Vladimir sa narinig.

Dahil sa kulitan ng dalawa ay napuno ng tawanan ang kanilang silid. Hating-gabi nang magdesisyon silang magpahinga at tulad ng nakasanayan magkayakap ang dalawa.

Kinabukasan, halos tanghali na nang magising si Elysia. Isang balita ang natanggap nila mula sa mga mensahero. Kasunod na rin nito ang mga kasamahan ni Ravi na nahiwalay sa kanila noong kasagsagan ng pag-atake sa kanila.

Tulad ng inaasahan, maayos ang naging kalagayan nila bukod sa mga alikabok na tila kumapit na sa mga balahibo nila. Nasa maayos rin na kalagayan ang ama ni Zyrran na ngayon ay nasa bulwagan na ng palasyo at kausap si Vladimir.

"Ang prinsesa mo ang nakahanap sa anak ko? Kung gano'n sa kaniya pala dapat ako magpasalamat. Nakakatuwa naman, ngayon pala'y hinahayaan mo nang maglibot ang iyong magiging reyna." Narinig niyang wika ng kung sino mula sa loob ng bulwagan.

Nang makita naman siya ng mga kawal sa labas ay agad nilang binuksan ang pinto ng bulwagan. Pumasok siya at doon niya nakita ang isang mala-leong nilalang, matangkad at napakalaki ng katawan nito. Mahaba ang mga balahibo nito sa ulo maging sa mukha na maihahalintulad mo sa isang leon. Kulay berde ang mga mata nitong may halong ginto at natatakpan naman ng kalasag ang mabalahibo nitong katawan.

Magalamg siyang bumati rito at mataman niyang tinitigan ang bawat reaksiyon nito. Napatitig rin sa kaniya ang nilalang na tila sinusuri rin maging ang buo niyang pagkatao. Pakiramdan niya, pati kaluluwa ang nakita na nito.

"Kakaiba nga ang napupusuan mong maging iyon reyna Haring Vladimir. At nararamdaman ko na isamg mandirigma ang nananalaytay sa dugo niya." Wika ni Haring Leodas.

"Marapat lang din na maging maayos ang magiging koronasyon upang maging matatag na itong pundasyong ng kahariang itinatag ninyo ni Duke Morvan. Nakatutuwa lang isipin na ang laki na ng pinagbago nitong kaharian mo Haring Vladimir. Saksi ako sa hirap at pagsisikap ninyo noon, kaya binabati kita. At para naman sa 'yo Prinsesa Elysia, maraming salamat sa pagliligtas mo sa aking anak, napakalaking bagay ang ginawa mong pagkuha sa kaniya sa lugar na iyon." Mahabang wika ng hari.

"Walang ano man po, kahit sino sigurong tao o nilalang ang makakakita kay Zyrran ay tutulong rin. Masaya po akong nakarating kayo ng ligtas sa palasyo. Siguradong matutuwa si Zyrran dahil nandito na kayo. " Naka ngiting tugon ni Elysia.

下一章