webnovel

Chapter 78

Nangunot ang noo ni Milo dahil sa babalang iniwan ng nilalang na iyon. Hindi nagtagal ay pumasok na din siya sa loob ng bahay at doon na siya ngkuwento sa kaniyang lolo.

"Galit na galit siya lo, kaya batid kong hindi siya titigil hanggat hindi niya nakukuha ang gusto niya."

Lumipas pa ang mga araw at tuluyan na ngang nanumbalik ang lakas at sigla ni Aling Lara, nakakabangon na ito sa higaan at malaya nang nakakagalaw sa loob ng kubo. Kapag lalabas naman ito ay dala-dala niya ang langis na pinagbabaran ng mutya ni Milo bilang pangontra at pantaboy sa nilalang na nais siyang saktan. Sa umaga ay normal na ginagawa ni Milo ang kaniyang mga gawain, sa hapon ay magpapahinga siya upang magkaroon ng lakas sa pagsapit ng kadiliman. Sa gabi naman ay nasa labas lang siya ng kanilang bakuran at laging nag-aabang.

Alam niyang naroroon lamang sa di kalayuan ang berbalang at naghihintay ng tamang pagkakataon na umatake. 

"Hindi siya makakalapit dahil alam niyang tangan mo na ang mutyang kinatatakutan niya. Kung nais niyang lumapit ay wala siyang ibang magagawa kun'di ang magpakita ng buo sa'yo." Wika ni Karim, pareho silang nakatanaw sa iisang direksyon sa kagubatan, kung saan nararamdaman nila ang nilalang na nagmamasid din sa kanila.

"Nakakainip na nga, hindi ba puwedeng tayo na lamang ang lumapit sa kaniya?" Tanong ni Milo at natawa naman si Karim sa narinig.

"Alam kong naiinip ka, nararamdaman ko ang bawat nararamdaman mo Milo. Maaari naman, kung gusto mo makipaglaro tayo sa kaniya, noong isang linggo pa nangangati ang mga gabay mo na makipaglaban. Masyado na raw silang nangangalawang." Turan pa ni Karim at bigla na ring lumitaw ang dalawang engkanto sa magkabila niyang tabi.

"Milo, isang salita mo lang, susugod kami ng sabay sa'yo. Sa kahit anong laban ay kasangga mo kami, hanggang kamat*yan." halos sabay pang wika ng mga engkanto at napatawa naman si Milo. Sa totoo lang ay kanina pa din niya gustong makipaglaro sa kanilang panauhin. Dahil sa mga tinuran ng kaniyang mga gabay ay nabuo ang loob niya. Tila isa siyang kidlat na biglang nawala sa harap ng bakuran nila. Kisap-mata lamang iyon nang lumitaw siya sa harapan ng kaniyang pinagmamanmanan at sinalubong iyon ng malakas na suntok sa mukha. Sa bawat atake niya ay nagliliwanag ang kaniyang mutya ng kakao na ginawa niyang kwentas.

Dahil sa bilis at liksi ng pagkilos ni Milo ay hindi nagawang ilagan ng berbalang ang kaniyang mga atake. Nag-aangil na napasubasob ito sa lupa at marahas na lumingon sa kaniya kasabay ng matatalim nitong mga titig sa kaniya.

"Ako pa lang 'yan, wala pa ang mga kasangga ko." Nakangising wika ni Milo. Akmang tatakbo ito, mabilis namang humarang si Karim at sinipa ang nilalang. Galit na galit na umatungal ito at tila yumanig pa ang lupa sa kabila ng anyo nitong nasa espiritual pa ring wangis.

"Ang galing, natatamaan mo rin siya?" magkahalong mangha at gulat na wika ni Milo.

"Gabay mo kami, malakas kami dahil sayo, kung ano man ang kaya mo ay kaya din namin." wika pa ni Karim sabay hambalos ng nag-uumbukang braso nito sa nilalang na kalaban nila.

Walang pag-aatubiling nakisali na din ang dalawa pang engkanto na animo'y sabik sa pakikipaglaban hanggang sa tuluyan nang bumagsak sa lupa ang nilalang at naglaho ito. Nagpalinga-linga si Milo upang hagilapin ang presensya nito ngunit nabigo lang siya. Para itong naglaho nang parang isang bula.

"Marahil ay bumalik na ito sa kaniyang katawan. Kung ano man ang matamo niyang sugat o sakit ay paniguradong iindahin din ng kaniyang katawan." Saad ni Karim.Napatawa naman si Milo dahil sa sinabi nito.

"Mas mabuti nga iyon at matatahimik tayo ng mga ilang araw. Batid kong sa muling pagbabalik niya ay mas iigting pa ang kaniyang galit sa atin. Pero mas mainam na din na mabaling sa atin ang atensyon niya." Nakangiting wika ni Milo.

"Alam kong iyon talaga ang binabalak mo kaya mas minabuti naming pag-igihan ang pag-atake sa kaniya." Natatawang turan ni Karim na sinundan din ng tawa ng dalawang engkanto.

Masaya pa silang nag-uusap hanggang sa marating na nila ang bakuran ng kubo ni Lolo Ador. Pasimple namang pumasok si Milo at saka diretsong nahiga na sa papag niya.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay nasa bukid na siya kasama ang kanyang mga kaibigan. Iyon kasi ang araw na napag-usapan nilang manghuhuli sila ng mga alimango sa palayan. Nataon naman kasi na anihan na ng mga alimangong ipinunla nila sa palayan.

Tuwang-tuwa sila habang nanghuhuli roon, maging si Gustavo ay nakisali na rin sa kanila. Napakasaya ng araw na iyon na punong-puno lamang ng tawanan at tila walang panganib na nakaamba sa kanila.

"Ang lulusog ng mga alimango natin ah." Masayang puna ni Nardo.

"Oo nga, buti na lang pala bukod sa hito naisipan din nating magpunla ng mga alimango dito. Bukod sa napapangalagaan nito laban sa mga peste ang mga palay may naaani pa tayong masarap na pang-ulam." Sang-ayon naman ni Ben.

"Tama ka, wala namang pinagkaiba ito sa mga alimango sa dagat. Pareho pa ring masarap." Dugtong pa ni Milo habang itinatali ang mga sipit ng alimangong iyon. Ang sobra kasi dito ay ipapamigay nila sa mga tarabahador habang ang kalahati naman ay ipagpapalit nila sa mga bagong punla na palalakihin naman nila sa palayan.

"O, ako na ang bahalang magpalit ng mga ito sa bayan, mas malapit naman sa bayan ang bahay namin. Tulad pa rin ng dati." suhestiyon ni Nardo.

"Sigurado ka, ayaw mong magpasama?" Tanong ni Ben.

"Puwede naman, bakit buryong ka pa rin ba sa bahay niyo? Palibhasa wala si Tatay Kaloy kaya hindi ka mapirmi sa bahay niyo." Biro pa ni Nardo sabay akbay rito.

"Puro talaga kayo kalokohan, kung 'di ko pa alam siguradong dadaan pa kayo doon sa babaeng nililigawan niyo, sino ba 'yong magkapatid na 'yon, si Ana at Rina?"natatawa pang sulsol ni Milo at natawa na rin ang dalawa.

"Sige na dalhin niyo na ito, para makauwi kayo ng maaga. Huwag kayong magpapagabi ha." Paalala pa ni Milo.

Tuluyan na ngang umalis ang magkaibigan, hapon nang dumating sila sa bayan—sa bahay ng taong pinagpapalitan nila ng mga alimango. Tulad ng dati ay ito na rin ang magdadala ng punla sa bukid nina Milo kinabukasan kaya naman ay dumiretso na sila sa bahay ng dalawang magkapatid. Mga sampong bahay pa ang lalakarin nila bago marating iyon.

Habang naglalakad sila sa daan ay bigla na lamang tumumba si Ben sa lupa. Nataranta naman si Nardo dahil biglaan ang nangyari. Wala naman siyang nakita pumukpok kay Ben ngunit agad niyang napansin ang nagdurugo nitong ulo na animoy hinambalos ng isang bato. Mayamaya pa ay napansin niya ang mabilisang pagguhit ng isang kalmot sa likuran ng kaniyang kaibigan. Doon na napasigaw si Nardo sa sobrang takot at pag-aalala sa kaibigan.

"Tulungan niyo kami, may sigbin rito inaatake ang kaibigan ko." Sigaw ni Nardo. Nagkumpulan ang mga tao at kaniya-kaniyang reaksiyon ang mga ito nang makita ang sitwasyon ni Ben.

"Hala, hindi ba't anak yan ni Ka Igmi. Naku si Ben yan, Sigbin? Hapon pa lang ah, at napakalaking kalmot naman yan." Komento ng isang ale.

Hindi naman ito pinansin ni Nardo dahil abala na siya sa pagpigil ng pagbulwak ng dugo mula sa kalmot nito sa likod. Isa lamang iyon ngunit may haba ito na sampung pulgada at napakalalim din nito.

Natataranta na siya at hindi na niya alam ang gagawin niya. Naluluha siyang tinatawag ang pangalan ni Ben ngunit wala na itong malay.

"Tulungan niyo 'ko, dalahin natin siya kay Lolo Ador." Iyak ni Nardo, dalawang taga-bayan naman ang bukal sa loob na tumulong sa kanila. Mabilis silang gumawa ng mahihigaan ni Ben. Gawa lamang iyon sa dalawang kawayan at tinalian ng matibay na tela upang mabuhat nila si Ben nang hindi nasasagi ang sugat nito.

Pagdating nila sa bahay ni Lolo Ador ay doon na napahagulgol si Nardo. Ikinuwento niya kay Milo ang nangyari bago natumba si Ben.

"Imposibleng ang nakalaban natin ang may gawa nito. Malaki ang pinsalang iniwan natin sa kaniya." Pabulong na wika ni Karim na noo'y nasa tabi ni Milo.

"Ibig sabihin, hindi siya nag-iisa mukhang marami sila."sambit pa ni Milo at muling napatingin kay Ben na noo'y nilalapatan ng paunang lunas ni Lolo Ador.

"Wala kang kasalanan Nardo, magiging okay din si Ben. Mabuti at nadala mo ang pangontra mo, kung hindi ay malamang dalawa kayo ang isinugod dito." Wika pa ni Milo.

"Yung pangontra kasi ni Ben, binigay niya sa ate niyang Buntis. Nakalimutan kong banggitin kanina sa'yo. Patawad Milo naging pabaya na naman ako."puno ng pagsisising wika ni Nardo.

Tinapik lang ni Milo ang balikat niya at hindi na umimik pa. Sa pagkakataong iyon ay mas sinisisi niya ang kaniyang sarili dahil hindi niya agad naramdaman na nasa panganib na ang mga kaibigan niya.

下一章