webnovel

Chapter 29

Matapos makapagpahinga ay muli na nilang tinahak ang daan paakyat ng bundok. Sa pagkakataong iyon ay palihim na nilang ginamitan ng engkantasyon ang kanilang mga kasama upang kahit papaano ay mapadali ang kanilang pag-akyat sa bundok.

Gayunpaman ay inabot pa rin ng hapon nang marating nila ang gitna ng gubat. Doon ay minabuti na nilang maghintay na sumapit ang dilim.

Sa gabi madalas gumagala ang mga baboy ramo kaya naman sa gabi lang din sila maaring mangaso o sa madaling araw. Habang nagpapahinga ang grupo ni Pedring ay tinungo naman ni Milo at Maya ang isang tahimik na parte ng gubat at doon naupo.

Ilang sandali pa ay nagsimula nang mag-usal ng dasal ni Milo at ngapalipad ng mga usal na pantawag sa mga nangangalaga ng kagubatang iyon. Hindi pa man din nakakailang minuto ay paisa-isa nang naglitawan ang mga ito sa harap ng dalawa. Limang engkantong gubat ang lumitaw at lumapit sa kanila, bawat isa ay tila ba nababalutan ng kulay berdeng liwanag, isa sa mga ito ay dati na ring nagpakita kay Milo noong minsan na silang nangaso ni Maya sa gubat na iyon.

Agad na ipinabatid ni Milo ang kanilang pakay sa gubat.

"Nais niyong buhayin ang bayan ng Miranda? Maraming laman-lupa at engkanto ang namatay sa bayang iyon dahil sa pagdating ng isang masamang nilalang." Wika ng isang engkanto, nababakas sa mukha at boses nito ang galit na hindi nila maipaliwanag.

"Alam niyo ba kung anong nilalang iyon?" Tanong ni Maya at agad na umiling ang engkanto.

"Walang pagkakakilanlan ang nilalang na iyon, ni ang wangis nito ay walang nakakaalam, lahat ng nakakita sa wangis at pagkakakilanlan nito ay hindi na pinalad na mabuhay." Sagot naman ng isa.

Nagkatinginan si Milo at Maya dahil sa sagot ng nilalang. Kung gayon ay wala pa rin silang malalaman patungkol sa nilalang na iyon.

"Masisiguro niyo bang maibabalik sa dati ang bayan? Paano kung bumalik ang nilalang na iyon at muling salakayin ang bayan, masisiguro niyo bang hindi na kailanman mgagambala ng masasamang nilalang ang lugar na iyon?" Tanong ng engkantong minsan na nilang nakilala.

"Kasama sa alay ang tatlong buhay na bertud ng aswang. Iyon ang magsisilbing pananggalang ng bayan ng Miranda laban sa mga nilalang ng kaliwa. Naihanda na namin ang mga dapat gawin at ang siyam na alay na lamang ang kulang. Kakailanganin din namin ang inyong tulong sa oras na magsimula ang ritwal," mahabang wika ni Maya at agad na nagkatinginan ang mga engkanto.

"Kung iyon ang ikabubuti ng lahat ay malugod kaming tutulong sa ritwal," tugon ng mga engkanto na halos sabay-sabay ang mga ito sa pagwika.

Napangiti si Milo at muli ay hinintay nila ang paglabas ng buwan sa kalangitan. Mayamaya pa ay narinig nila ang mga gulat na reaksyon ng mga kasama nila. Tumayo na sila sa kanilang kinauupuan at tinungo ang mga ito. Doon ay nakita nila ang paglaput ng sampong baboy-ramo na nakahilira habang naglalakad.

"Hindi kayo nagbibiro nang sinabi niyong maghihintay lang tayo at walang gagawin kun'di ang ibaba ang mga hay*p na ito?" Mangiyak-ngiyak na wika ng isang lalaki. Isang milagro para sa mga tulad nilang mahirap ang ganitong kaganapan.

Saan ka makakakita na halos ang pagkain mo na ang kusang lalapit sa iyo? Kung hindi ito milagro, ano ito? Nagsiluhod ang mga tao at agad na nagpasalamat sa panginoon dahil sa milagrong iyon. Nilukob ng kasiyahan ang kanilang mga damdamin. Sabay-sabay pa silang napasinghap nang biglang magpakita sa kanila ang tatlong engkanto.

"Huwag kayong matakot, hindi kami naririto para takutin kayo. Narito kami para ibigay sa babaylan ang nais iparating ng aming hari," saad ng engkanto habang inilalahad ang isang basket na natatakpan ng pulang tela. Marahang kinuha ng isa pang engkanto ang takip nito at bumungad sa kanila ang samo't-saring halamang gamot na makikita lamang sa mundo ng mga engkanto.

"Maraming salamat. Iparating niyo sa inyong hari ang aming lubos na pasasalamat sa kaniyang kabutihan. Maraming salamat din sa pagtulonh sa amin na makompleto ang aming gagamiting alay," tugon ni Maya.

"Ito naman ay para sa batang manlakakbay na kasama ng babaylan. Ang iyong presensya at pagpunta dito sa lupang aming sinasakupan ay lubos naming kinagagalak. Tanggapin mo ang munting handog namin para sa iyo. Naway makatulong ito sa inyong paglalakbay," wika ng babaeng engkanto habang inaabot ang dalawang hugis bilog na kasinglaki naman ng holen.

"Ano ang mga ito?" Tanong ni Milo habang nakatitig sa dalawang bagay na ngayo'y nasa palad na niya.

"Ang kulay asul na bato ay ang buhay na mutya ng batis na nakalagak pa sa mundo namin. Ang kulay lupang bato naman ay nanggaling pa sa puno ng sinukuan na nasa tuktok ng bundok na ito. Ang punong iyon ay pinangangalagaan ng isang nilalang na siyang magiging kasangga mo. Ang bawat mutya na ito ay inihandog sa iyo ng kalikasan sa ngalan ni Bathala. Pangalagaan mo sana ito at gamitin sa kabutihan," mahabang paliwanag ng engkanto at saglit na napatunganga si Milo.

Hindi niya mawari kung bakit siya binigyan ng mga engkanto ng ganito kalakas na mga mutya. Bukod sa mutya ng tikbalang na nasa pangangalaga na niya ay muli siyang nadagdagan ng mutya ng batis at mutya ng sinukuan.

"M—maraming salamat. Pangako, gagamitin ko ito sa tama at sa kabutihan lamang," wika ni Milo na nagpangiti naman sa engkanto.

Matapos maipaliwanag sa kaniya ng mga nilalang ang gamit at kakayahan ng kaniyabg bagong mutya ay nagpaalam na sila sa mga ito.

"Humayo na kayo nang walang pag-aalala. Gabay niyo sa gabing ito ang mga lambana hanggang sa makabalik kayo sa inyong mga tirahan. Nawa'y magtagumpay ang ritwal at maibalik na sa ayos ang inyong bayan." Kumakaway na wika ng engkanto.

Nagpatuloy na sa paglalakad ang kanilang grupo, hatak-hatak nila ang lubid na nakatali sa mga baboy-ramo. Hindi nila alintana ang kadiliman ng gabi dahil na din sa mga nagliliwanag na lambana na nagsilbing tanglaw nila.

"Sa tingin mo, makakaya ko bang gamitin ang mga mutyang ito?" Tanong ni Milo na bakas sa mukha ang pag-aalangan.

"Sa oras na makilala mo ang gabay na nangangalaga sa mga mutya ay doon mo malalaman. Hindi dahil ibinigay sa iyo ng kusa ay mapapasunod mo na ang mga gabay nila. May dadaanan ka pa ring pagsubok para makuha ang respeto at tulong ng mga gabay mo. Tulad din sa nangyari sa inyo ni Karim. Si Karim ang gabay ng mutya ng tikbalang na siya mo namang gamit sa ngayon," paliwanag ni Maya at napatango si Milo.

Dahil sa sinabi ng dalaga ay bahagya niyang naintindihan ang mga dapat noyang gawin. Tama si Maya, hindi dahil ibinigay sa kaniya ay hindi na niya paghihirapan. Walang bagay sa mundo ang makukuha mo ng hindi pinaghihirapan. Minsan ang mga bagay na nakukuha mo ng madali ay mabilis ding nawawala sa iyo. At walang bagay na permanente sa mundong ibabaw, lahat may katapusan at lahat may kabayaran.

Kapag gumawa ka ng mabuti ay mabuti rin ang isusukli sa iyo, kapag gumawa ka ng masama, ay masama rin ang darating sa buhay mo. Iilan lamang ito sa mga paalala ni Lolo Ador kay Milo na muling nanumbalik sa isipan niya dahil sa mga pangyayari nang gabing iyon.

Haloa madaling araw na din nang marating nila ang kanilang bayan. Pare-parehong pagod at uhaw ang nararamdaman nila pagkarating sa bayan. Agad naman silang sinalubong ng mga kababaihan at binigyan ng maiinom para mapawi kahit ang uhaw lamang nila.

"Mabuti naman at nakabalik kayo agad. Magpahinga na muna kayo, alam kong pagod na kayo," bungad ni Simon. Tumango naman si Maya at tuloy-tuloy na pumasok sa bahay ni Pedring. Tinungo nito ang kwarto at agad na natulog.

Si Milo naman ay sandaling nanatili muna sa labas ng bahay at pinagmasdan ang mga taong nagtutulong-tulong na magtayo ng temporaryong tulugan para umano ay mabantayan ang mga baboy-ramong kanilang nahuli sa gubat.

Naririnig pa niyang nag-uusap ang mga ito at bakas sa mga usapan nito ang kasabikan nilang mulimg makitang mabuhay ang kanilang bayan.

Kalaunan ay napagpasiyahan na rin ni Milo ang magpahinga. Bago humiga ay muli siyang nagdasal upang makapagpasalamat sa Maykapal. Humingi rin siya ng gabay para sa gagawin nilang ritwal kinabukasan. Matapos ang pagdarasal ay nahiga na siya sa papag at tuluyan nang nagpahinga.

下一章