webnovel

Chapter 22

Sa paglaho ng kanilang mga kalaban ay nabalot naman ng pagkabahala ang grupo ni Mina. Bumagsak na kasi ang katawan nito sa pagkakahawak ni Isagani at patuloy ang pamumutla nito.

"Mina, lumaban ka." Wika ni Isagani habang yakap-yakap ang nanlalamig nitong katawan.

"A-ayos lang ako." wika naman ng dalaga at mariing ipinikit ang kanyang mga mata.

Mabilis siyang binuhat ng binata at dinala iyon pabalik sa bahay ni Tata Teryo. Pagdating nila roon ay agad silang nagsara ng bahay at agaran din ang pagtingin ni Tata Teryo kay Mina.

"Nalason ka Mina, hindi ko alam ang uri ng lason ito. Dahan-dahan itong kakalat sa dugo mo hanggang sa ikaw ay mamatay." wika ni Tata Teryo na lubhang ikinagalit ni Isagani. Nagwala ito sa loob ng bahay na tila ba iyon lamang ang siyang makakapagpahupa ng galit na namumuo sa kanyang dibdib. 

"Wala ka na bang magagawa Tata Teryo? Hindi pwedeng mamatay si Mina." Wika ni Luisa. Nanginginig ang mga kamay nito habang nakahawak sa malamig na kamay ni Mina. Nangingilid na rin ang luha nito dahil kahit siya ay binabalot na ng takot na baka maging huli na ang lahat para sa kanila.

Si Gorem at Amante naman ay nasa isang sulok lamang habang tila nakatulala lang ang mga ito at nakatingin sa higaan ni Mina.

"Mahinang natawa si Mina upang kahit papaano ay mabawasan ang tensyong namumuo sa paligid.

"Hindi ako mamamatay. Magpapahinga muna ako, Lumabas muna kayo." Utos nito at naiwan doon si Tata Teryo at si Isagani na nooy nakaupo na sa sulok ng silid.

"Tata Teryo, ilang araw bago kumalat ang lason sa katawan ko?" nanghihinang tanong ni Mina

"Kulang-kulang isang linggo. Mina, hindi mo maaring gamitin ang mga usal mo sa mga araw na iyon dahil mapapabilis nito ang pagkalat ng lason." wika ng matanda.

"May magagawa ba ako?" tanong ni Isagani, nakalapit na pala ito sa higaan ng dalaga. Lumuhod ito sa papag at hinawakan ang kamay ni Mina. Marahan niya itong hinimas bago ilapat sa kanyang pisngi. Ramdam niya ang panlalamig ng balat ng dalaga na animoy nagiging isang malamig na itong bangkay. Halos wala na ring dugong dumadaloy sa sistema nito dahil sa sobrang kaputlaan ng dalaga.

"Hindi ka maaaring mamatay, lahat gagawin ko para mabuhay ka lamang. Mina, noon pa man gusto na kita. Nais kong lagi kang makasama at masilayan sa tuwina. Pakiusap, ayokong mawala ka nang hindi ko man lang nararanasan ang magandang buhay na kasama kita." Nangingilid ang luhang sabi ni Isagani. Napaluha na rin si Mina sa tinuran nito dahil ramdam niya ang takot at kalungkutang bumabalot sa pagkatao ni Isagani. 

Hindi niya maintindihan ngunit pakiramdam niya ang sandaling iyon ang magiging huli nilang pag-uusap. Nanghihina man ay sinubukan niyang hawakan ito ng mahigpit sa takot na baka bigla na lamang itong mawala sa kanyang paningin.

Hindi na nila namalayan ang paglisan ni Tata Teryo sa silid dahil tila ba ang oras na iyon ay para sa kanila lamang. Nakatulog sila pareho habang magkahawak kamay. Ang isa ay nakahiga sa papag habang ang isa naman ay nasa lapag. Ito ang naabutang sitwasyon ni Tata Teryo nang muli itong bumalik sa silid. Payapang nagpapahinga ang dalawa kung kaya't hindi na muna niya ito inisturbo.

Matapos niyang mapalitan ng dahon ang sugat ni Mina ay marahan niyang nilapatan ng kumot ang dalawa at muling nilisan ang silid.

Kinabukasan, nagising na lamang si Isagani nang may maramdaman siyang malamig na simoy ng hangin na pumapaikot sa kanya. Pagmulat niya sa kanyang mata ay naroroon sa harapan niya ang Diwatang si Mapulon. Nakatayo ito habang masuring pinagmamasdan ang kalagayan ni Mina. Nang magtama ang kaniang paningin ay muling nabuhayan si Isagani na maililigtas na nila ang dalaga.

"Buhat pa sa kailaliman ng Impy*rno ang lasong kumakalat sa katawan ngayon ni Mina. At ang tanging lunas nito ay nasa kamay ng kung sino man ang lumason sa itinakda." wika ni Mapulon at agad niyang naalala ang wangis ni Alisha.

"Handa ka bang magsakripisyo para sa kaligtasan ng Itinakda?" tanong ni Mapulon at napapikit si Isagani. Nang muli niyang imulat ang kanyang mga mata ay naroroon ang pagmamalabis niyang mailigtas ang buhay ni Mina.

"Kahit ano ay gagawin ko. Kung ang pagyakap ko sa kadiliman ang paraan, gagawin ko mailigtas ko lamang si Mina. Isa lang ang pakiusap ko mahal na diwata ng panahon." sambit ni Isagani habang pinagmamasdan ang walang malay na katawan ng dalaga. 

"Nais kong tanggalin mo ang anumang memorya ni Mina patungkol sa akin. Ayokong sa muli naming pagkikita ay magkaroon siya ng anumang pag-aatubili sa kanyang magiging desisyon." wika ni Isagani na agad din namang tinanguan ng diwata. Pagkuwa'y naglaho na ito sa silid at muli nang umupo si Isagani sa tabi ng dalaga. Marahan nitong pinalis ang buhok ng dalagang nakakalat sa mukha nito at napabuntong-hininga. Dahan-dahang lumalapit ang mukha nito sa dalaga hanggang sa maglapat ang kanilang mga labi. Kasabay noon ay ang pagtulo naman ng luha ng binata. 

"Paalam Mina, nawa'y sa gagawin kong ito ay makaligtas ka. Lubos kong ikatutuwa ang mabuhay ka at maabot mo ang nais mong kapayapan. Huwag kang mag-alala, lahat ng sakit at pagdurusa mo ay dadalhin ko sa paglisan kong ito." pabulong niton gwika sa dalaga bago niya tuluyang nilisan ang lugar.

Sa kanyang pag-alis ay tumulo naman ang luha ng dalaga habang ito ay nakapikit. Tila ba nang mga oras na iyon ay dinig nito at ramdam ang lahat nag sinabi ng binata sa kanyang pagkakahimbing.

Paglabas ni Isagani ay sinalubong naman siya nina Luisa at Amante.

"Kayo na ang bahala kay Mina, pagsapit ng hapon mamaya, pumunta kayo sa bukana ng bayan, doon iiwan ko ang lunas sa lasong nagpapahirap kay Mina. Ilayo na ninyo siya dito at mamuhay na kayo ng matiwasay. Hangad ko ang inyong kaligayahan." wika ni Isagani sa mga ito na lubha nilang ipinagtaka.

Tuloy-tuloy lang na lumayo si Isagani sa bahay at kahit anong gawin nilang pagtawag rito ay hindi na ito lumilingon.

Sa pagtama ng sikat ng araw sa balat ni Isagani ay doon niya naramdaman ang init nito. Para bang unti-unting nanunuot sa sistema niya ang realidad na simula sa araw na iyon ay hindi na niya muling masisilayan si Mina. Hindi na niay muling maririnig ang maganda nitong boses at ang matatamis nitong mga ngiti sa kanya. Simula sa araw na iyon ay mag-iiba na ang landas na tinatahak nila.

Sa paglapit niya sa paanan ng bundok ng Siranggaya ay nasilayan niya si Alisha na nakangising nakatanaw sa kanya. Tulad ng dati, nakakubli sa itim na belo ang mukha nito na animo'y ayaw niya itong matamaan ng sinag ng araw.

"Sa wakas ay natauhan ka rin mahal ko." wika ni Alisha.

"Hindi ako napunta rito para makipaglandian sayo, narito ako para himukin ka sa isang kasunduan. Ako kapalit ng lunas sa lasong ibinigay mo kay Mina." wika ng binata at napasimangot lamang si Alisha. Saglit lamang iyon at muli itong ngumiti. dinukot nito ang isang maliit na bote na naglalaman ng berdeng likido at inihagis iyon sa binata.

"Tunay ba ito? Paano ako nakakasigurong ito nga ang lunas?" 

"May isang salita ako mahal ko, iyan ang lunas sa lason dahil nanggaling pa iyan sa kailaliman ng iyong kaharian." nakangising wika nito. Sinipat-sipat pa iyon ng binata bago nito pinalitaw ang kasangga nitong si Agla at inabot doon ang maliit na bote. Dagli din na naglaho si Agla sa kanilang paningin pagkakuha nito ng bote.

Di naman mabura sa pisngi ni Alisha ang ngiti sa kanyang mga labi habang tila hibang na pinagmamasdan ang malungkot na mukha ni Isagani.

"Huwag kang mag-alala, sa oras na maging isa na kayo ni Sitan ay mapapawi ang lahat ng lungkot na iyong nadarama. " Tila sabik na sabik na wika ni Alisha at hinatak na papasok ng gubat si Isagani.

Di kalayuan sa paanan ng bundok Siranggaya ay naiiyak na nakamasid lamang si Gorem. Marahas niyang pinahid ang kanyang mga luha subalit patuloy lamang ang pangingilid nito.

Pagsapit ng hapon at nakaabang na sa bukana ng bayan si Amante at Luisa. Puno ng pagkabahala ang mga mukha nila habang naghihintay. Ilang sandali pa ay dumating na si Gorem na namamaga ang mga mata sa kakaiyak.

"Anong nangyari?" Tanong ni Luisa at agad na nilapitan si Gorem.

"Sumama na si Isagani sa kanila. Kapalit ng lunas para kay Mina. " Umiiyak na wika nito.

Sa kanilang pag-uusap ay biglang lumitaw si Agla sa kanilang harapan, mabilis nitong iniabot kay Amante ang maliit na bote at isinalaysay nito ang kakarampot na impormasyon patungkol dito. Matapos mailahad ni Agla ang lahat ng kanyang nalalan ay agaran din itong nawala sa kanilng mga paningin.

Mabilis na silang bumalik sa bahay ni Tata Teryo para maibigay na rito ang lunas para sa sakit ni Mina.

Ilang araw ding nawalang ng kamalayan si Mina at sa kanyang pagkakahimbing ay madalas siyang dinadalaw ng mga diwata sa kanyang mga panaginip upang makipagkamustahan. At sa bawat panaginip na iyon ay meron siyang isang imaheng nakikita ngunit hindi niya ito mamukhaan. Ilang beses din niyang sinubukang ito ay kilalanin ngunit tila ba natatabunan ng isang makapal na hamog ang buong pagkakakilanlan nito. Dahil dito ay mas minabuti na lamang niya itong balewalain upang hindi na rin siya maabala pa.

下一章