webnovel

Chapter 19

Sumapit na ang katapusan ng buwan ng gapasan ng palay nang marating nila ang bulu-bunduking bayan ng Belandres kung saan matatagpuan ang bundok ng Siranggaya.

Tahimik na tinatanaw ni Mina ang tugatog ng bundok na iyon, habang malalim na pinag-iisipan ang mga dapat nilang gagawin. Sa ngayon ay wala pa silang ideya kung anong mga panganib ang naghihintay sa kanila. Kung sapat na ba ang lakas nilang lima para sugpuin ang anumang nilalang na nagkukubli sa kabundukang iyon.

Sa kanilang paglapit sa lugar na iyon ay lumalakas din ang pagramdam niya sa mga di kaaya-ayang mga nilalang na pumapalibot sa lugar na iyon. Normal naman kung titingnan ang bayan ng Belandres sa araw, ngunit pagsapit ng alas kwatro ng hapon ay nagmamadali nang magsi-uwian ang mga ito sa kani-kanilang mga bahay at doon na nagsisimula ang pagkapal ng hamog sa kalupaan. Unti-unti na din bumibigat ang presensya sa lugar na animoy bumababa ito galing sa bundok ng Siranggaya.

Kasalukuyan silang tumuloy sa isang bahay na pagmamay-ari ng isang Albularyo na kaanib din ng samahan nila Tandang Karyo. May katandaan na rin ito at halata din sa katawan nito ang sobrang kahirapan ng buhay. Pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay nila sa bayang iyon. Mais, palay, monggo at kung anu-ano pang maaring maitanim sa lupa at anihin. Ngayon ngang natapos na ang buwan ng gapasan ng palay ay papasok naman ang gapasan ng mais. Lahat ng mga kalalakihan ay naghahanda na para sa gapasan, maging ang iilang kababaihan ay nakikisali na din. May mga iilang tao rin ang dumadayo roon upang makigapas. 

"Sa dami ng taong nakikigapas rito, yung iilan hindi mo na mapapansin. Ito din ang panahon kung saan marami ang nadadayong aswang na nakikigapas rito. Bukod pa riyan, isa rin ito sa panahon kung saan may mga taong nadadayo upang maghanap ng mga mutya." wika ng matandang nagngangalang Tata Teryo.

"Tata Teryo, mukhang marami kang bisita ah, tutulong din ba sila sa paggapas dun sa lupain ni Don Matias?" tanong ng isang lalaking napadaan. Hatak-hatak nito ang kanyang kalabaw na may sakay na isang bata at mga bayong na may lamang dayami.

"Oo, pinapaliwanag ko sa kanila ang kalakaran, tutungo na ba kayo roon?"

"Oho Tata, medyo marami-rami raw ang gagapasin kaya nanghihimok pa ang Don na magtawag ng mas maraming kasama." wika pa nito.

"Ganun ba, sige sabihin mo sa Don na dadalhin ko itong mga bisita ko." wika naman ng matanda at nagpaalam na ang lalaki sa kanila.

"Si Don Matias ang may pinakamalawak na lupain dito sa Belandres. Halos sakop na ng lupain nito maging sa hangganan ng bundok ng Siranggaya. Hindi naman ako tutol sa inyong misyon, ngunit simula nang mawala ang mga lahi ng tumawo sa bundok na iyon, hindi na naging maganda ang pakiramdam ko sa bundok na yan. Bakit hindi na lang muna ninyo ipagpaliban ang lakad niyo? Sa ngayon, magmasid muna kayo sa paligid." suhestiyon ng matanda na agad naman nilang tinanguan bilang pagsang-ayon dito. Batid din naman kasi nila na kulang pa talaga ang mga kakayahan nila at impormasyon patungkol sa mga maari nilang makalaban.

Dahil na din sa suhestiyon ng matandang albularyo ay pansamantala muna nilang ipinagpaliban ang pagpasok sa bundok ng Siranggaya. Sa umaga ay tumutulong sila sa matanda sa mga gawaing bahay at sa bukirin at kapag gabi naman ay salitan sila sa pagmamatyag sa buong paligid, lalo na sa paanan ng bundok.

Samantala, sa isang dako, patuloy na lumalawak ang pwersa ng dilim. Naglipana ang mga aswang, maligno, kapre, sigbin at mga engkantong itim sa buong paligid. Sa isang parte naman ay doon nagtitipon-tipon ang lupon ng mga mambabarang at mangkukulam. Ngunit ang mas nakakaagaw ng pansin ng lahat ay ang babaeng nakaupo di kalayuan sa mga ito na animo'y pinagmamasdan ang kanyang nasasakupan. 

Normal na tao lang ito kung iyong sisipatin, mahaba at itim na itim ang buhok nito, maganda ang wangis nito na maihahalintulad mo sa isang diwata, may kaputian din ang balat nito na tila ba hindi nasisikatan ng araw. Nakasuot ito ng itim na kasuutan habang sa ulo naman nito ay nakapatong ang isang itim na belo na ginagamit nitong pangkubli ng kanyang pagkakakilanlan kung kinakailangan. 

Bakas sa maamo nitong mukha ang ngiting hindi umaabot sa kanyang mga mata. Kapansin-pansin din kilos at awra nito ang isang kaugaliang makikita o mapapansin mo lamang sa mga nilalang na maharlika. Sa bawat pagkumpas ng kamay nito ay nakasunod naman doon ang mga nilalang na halinang-halina sa buo nitong pagkatao. 

"Mahal na takda, nasa bayan na ng Belandres ang ating mga panauhin." wika ng isang sigbin na kakarating lamang.

Marahang tumawa naman ang babae at hinimas ang ulo ng sigbin.

"Magaling, narating na din nila ang Belandres, oras na para makuha ko ang dapat ay sa akin." wika nito sa mapang-akit nitong boses habang nakangisi.

"Mahal ko, oras na para ikaw ay bumalik sa piling ko. Huwag kang mag-alala, mapapasaakin ang katawan ng gabunan upang iyo na itong mapakinabangan. Pagdating ng oras na iyon, muli na tayong magsasama at maghahari sa sanlibutan." wika pa nito habang yakap-yakap nito ang isang tabletang gawa sa malapad na bato. Samo't saring simbolo din ang nakaukit roon na animo'y hinukay pa sa kailaliman ng lupa. 

Habang nagkakasiyahan ang iba't ibang klase ng nilalang sa Siranggaya ay tahimik naman nagmamasid sa kanila ang isang nilalang na nagkukubli sa isang mayabong na puno ng sampalok. Mabalasik ang mga ginto nitong mata, habang ang kulay abo nitong buhok ang siyang nagsisilbi nitong sabulag sa mga nilalang na naroroon. Maya-maya pa ay kusa na ding humalo sa hangin ang buong kaanyuan nito hanggang sa tuluyan na din itong naglaho nang hindi natutunugan ng mga nilalang.

Samantala, sa bayan ng Belandres ay naging matiwasay at maayos naman ang naging pamumuhay doon nila Mina. Naging katuwang na din sila ni Tata Teryo sa panggagamot nito. Simpleng kulam at barang lang madalas ang nagpapakonsulta sa matanda kaya naman hindi ito naging mabigat kay Mina.

Isang araw, habang kasa-kasama ni Mina itong si Mang Teryo ay isang pamilya ang lumapit sa kanila. Dala-dala nito ang dalaga nitong anak na halos malaki na ang tiyan. Napakunot naman ang noo ni Mina dahil nakikita niyang buntis lang naman ang anak nito ngunit sa inaasal ng mga ito ay tila ba may malubha iting sakit.

"Tata Teryo, Tata Teryo tulungan niyo po ang anak namin. Pagalingin niyo po siya. " Wika ng ina nitong maluha-luha pa. Agad naman silang pinapasok ng matanda sa bahay nito.

Nang tukuyan na silang makaupo ay agad na nag-usisa ang matanda.

"Ilang taon na ba itong anak niyo Ale?" Tanong ni Tata Teryo habang pinupulsuhan ang dalaga.

"Labing-walo na po. Hindi ko nga maintindihan, nang sumapit ang kaarawan niya kamakailan, okay naman siya pero ilang linggo pa lamang ang lumipas, bigla na lamang lumobo nang ganyan ang kanyang tiyan. Hindi ho kaya nakulam ang anak ko?" Pagsasalaysay nito.

Muling napakunot ang noo ni Mina sa narinig, dahil batid niyang hindi kulam ang sakit ng anak nito bagkus ito ay nagdadalang-tao.

"Neng, meron ka bang nakilalang lalaki noong nakaraan?" Tqnong ni Mina at natahimik ang ina nitong umiiyak kanina pa.

"Meron po, pero tatlong beses lang kami nagkita noon. Bakit po, siya po ba ang kumulam sa akin?" Sambit ng dalaga.

Umiling naman si Mina at dinama nito ang pulso ng dalaga. Tama nga siya ng hinala, buntis nga ang babaeng iyon. At hindi ordianryo ang bata dahil ramdam niya ang mabilis nitong paglaki sa tiyan ng babae.

"Meron ba siyang ginawa sayo, ibinigay o pinakain?" Muling tanong ni Mina, habang sinisipat-sipat ang bawat parte ng katawan ng babae, leeg, dibdib, tenga, bunganga, maging ang mga mata nito.

"Meron siyang ibinigay, tatlong bagay din, una yung bulaklak ng kung anong halaman na hindi ko kilala, tapos yung isang batong itlog na pinalunok niya sa akin at yung pangatlo ang isang kwentas na gawa sa bato ng kweba." Wika ng babae at ipinakita ito kay Mina at sa matanda.

Sa kanyang pagkapa isang marka naman ang naramdaman niya sa likod ng tenga nito na agad naman niyang pinakita sa matanda.

"Marka ng engkanto?"

"Oho, Tata Teryo, dalawang bagay lamang ang naiisip ko, una lubos niyang kinalulugdan ang babae kung kaya't nagawa niya ito ang pangalawa meron itong masamang balak." Sagot naman ni Mina.

"Mabait naman ang lalaking iyon, sa katunayan siya rin ang dahilan kung bakit buhay pa ako. Minsan na din akong kamuntikan nang mamatay bago pa man sumapit ang kaarawan ko. Nahulog ako sa bangin doon sa bundok mabuti na lamang at nasalo niya ako." Pagtatanggol ng babae.

"Naalala ko ang batang iyon, mukhang anak mayaman, napakalinis at napakaganda ng kutis nun. May problema ho ba Tata Teryo?" Tanong ng ina ng dalaga.

"Ale, hindi ho nakulam ang inyong anak. Ang paglobo ng kanyang tiyan ay isang normal na kaganapan sa pagbubuntis." Wika ni Tata Teryo at saglit na natigilan ang Ina nito. Maging ang dalaga ay nagulat din sa narinig.

Ang kaninang pag-aalala ay napalitan ng galit, akmang magtataas ng kamay ang babae upang sampalin ang dalaga ay bigla naman itong naestatwa sa hindi maipaliwanag na dahilan.

Isang angil naman ang kanilang narinig sa loob ng bahay na animo'y galit na galit ito.

"Wala kang karapatan na siya ay saktan dahil hindi ikaw ang kanyang ina." Wika ng boses na may kasamang gigil at pagtitimpi.

下一章