webnovel

Chapter 31: Pagkatalo

Ilang araw pa ang lumipas at naging mas mahigpit pa ang kanilang pagbabantay. Si Gorem ay inutusan na ang lahat ng aso sa paligid na magbantay. Kalakip kasi ng kakayahan ng kanyang mutya ang makapagpasunod ng mga aso, ordinaryo man o mga asong alaga ng mga engkanto. 

Sa kanilang paglilibot sa bayan ay napadpad sila sa palengke. Kasama noon ni Gorem si Mina at Christy, isinabay na rin kasi nila ang pamamalengke ng mga gulay at karne na kailangan nila sa bahay ni Manong Ricardo. 

Habang namimili sila ay nabangga sila ng isang batang naglalaro sa palengke. Mabuti na lamang at mabilis na nasalo ni Gorem ang basket na bitbit ni Christy kung kaya hindi ito nahulog sa lupa. Nang sipatin naman nila ang bata ay nakita nila itong nakangisi sa kanila. Hindi into humingi ng paumanhin o pasensya. Ngumisi lang ito at nagsenyas ng maghanda sila bago ito tumakbo papalayo.

Nagkatinginan naman si Gorem at Mina at nang akmang hahabulin na nila ito ay bigla naman itong nawala. 

"Sino ang hinahanap niyo Ineng?" Tanong ng isang matanda may dala-dalang tungkod. 

"Wala po." Sagot ni Mina at bigla itong tumawa. Ngumisi ito ng nakakaloko at nagsabing...

"Sa pagpatak ng dilim at pagtalikod ng buwan sa kalupaan, doon magsisimula ang tunay na laban. Ikaw itinakda, ihanda mo ang iyong sarili dahil oras na para ialay mo ang iyong buhay para sa aming panginoon." Wika nito habang tatawa-tawa.

Sa pagkakataong iyon ay tila ba natigalpo sila at hindi nakagalaw. Hindi maipaliwanag ni Mina ang nararamdaman dahil sa mga oras na iyon ay tila ba nais niyang kitilan ito ng buhay ngunit wala siyang magawa. Ganoon ba ito kalakas? Na maging ang mga kasangga niya ay walang magawa upang kalabanin ang tigalpong pinakawalan nito.

Nang tuluyan nang makalayo ang matanda ay noon lamang nakagalaw sila Mina. Maging si Gorem pala ay natigalpo nito at hindi nito nagawang maamoy ang matanda. 

"Bumalik na muna tayo. Hindi natin siya pwedeng sundan dahil kasama natin si ate Christy." Wika ni Mina at bumalik na nga sila sa bahay ni Maning Ricardo. 

Matapos maisaayos ang mga pinamili nila ay tinungo na nila ang bahay na tinutuluyan ng mga antinggero. Doon ay naabutan nila ang mga ito na nagpapatalas pa rin ng kanilang mga sandata. 

"Tandang Ipo, meron kaming nakasalubong kanina sa palengke, hula ko ay iyon ang Huklubang tinutukoy niyo. Noong una ay isang bata ito at naging isang matanda ito kalaunan. Hindi ko din maipaliwanag ngunit napakalakas ng kapangyarihan niya, dahil nagawa niya kaming tigalpohin ni Gorem." Salaysay ni Mina

Napaisip naman ng malalim si Tandang Ipo sa tinuran ng dalaga. Hindi na sila nag aksaya ng oras, mabilis nilang inihanda ang kanilang mga kakailanganin para sa pagsapit ng dilim. Inabisuhan na rin ni Sinag ang mag-anak ni Manong Ricardo. A huwag lalabas ng bahay pagsapit ng dilim. Mas ligtas sila sa loob niyon dahil na din sa mga engkantong nakabantay sa palibot ng kanilang bahay.

Kinahapunan ay matiyaga silang nagbantay sa bukana ng bayan upang salubungin ang mga nilalang na nagbabanta sa kanilang kaligtasan. Hindi pa man din lumulubog ang araw ay namataan na nila ang grupo ng kalalakihang papalapit sa bayan ng Lombis.

"Mukhang tama nga ang balitang ibinigay ni Apo Salong, mga antinggero, ermetanyo at mga albularyo. Nakakatuwa naman." wika ng isang lalaki habang nagpapahid ng kanyang laway na walang patid na tumutulo sa kanyang bunganga.

Pagsilay nila sa mga nilalang ay agad silang nagtaas ng bakod at poder upang kanilang mapaghandaan ang mga pag atake ng mga ito. Batid nilang hindi ordinaryong mga aswang iyon bagkus ay mga gabunan iyon ng kanilang uri. 

Ilang sandali pa ay isa isa nang nag-usal ng mga engkantasyon ang mga ito sa pagpapalit anyo. Hindi pa man din lumilipas ang ilang minuto ay tuluyan na ngang nakapagpalit ng anyo ang mga ito. Sobrang kilabot ang kanilang naramdaman pagsilay sa mga wangis ng mga ito. 

Nagsisiitiman ang mga anyo nito at may mga sungay itong nakausli sa kani-kanilang mga ulo. 

Bahagyang napaatras ang ibang mga antinggero nang umangil ang isang nilalang na siyang namumuno sa grupong iyon. Hindi nila maipaliwanag pero kakaibang kilabot talaga ang bumabalot sa kanila ng mga oras na iyon.

"Simple lang ang nais namin. Ibigay ninyo sa amin ang itinakda at ang isinumpang kauri namin at walang dugong dadanak ngayong gabi." wika nito habang inililibot ang paningin sa mga taong naroroon.

"At sa palagay niyo ay matitinag niyo kami? Hindi kami mga tanga para paniwalaan ang mga salita ninyo." wika ni Tandang Karyo, na noo'y nakatayo sa tabi ni Isagani.

"Tanda, ano ba ang mas mahalaga sa inyo, buhay niyo o buhay ng dalawang hinihingi namin?" nakangising tanong nito at natawa lang si Tandang Karyo.

"Lahat ng buhay ay mahalaga. Ang may likha lamang ang siyang may karapatang bumawi nito. Hindi ang mga tulad niyong demonyo." pasigaw na wika ni Tandang Ipo.

"Kalokohan, Kung iyan ang gusto niyo, wala kaming magagawa kundi ang lipulin kayo."wika nito sabay utos sa mga kasama nito na umatake.

Ang bukana ng bayan ng Lombis ang siyang naging lugar ng kanilang digmaan. Malayo man sa sentro ay dinig na dinig ng mga tao ang nagaganap na labanan sa pagitan ng mga ermetanyo, antinggero at albularyo kontra mga gabunang aswang.

Sa kalagitnaan ng laban ay napansin ni Mina ang kakaibang lakas ng mga gabunan. Tila ba hindi napapagod ang mga ito, at hindi ito nakakaramdam ng sakit kahit pa malubha na ang natatamo nilang mga sugat.

"Para silang mga manika. Wala nang buhay, tila gumagalaw lang sila dahil sa utos sa kanila." pansin ni Sinag. Mabilis niyang tinawag ang kampilan ni Malandok. Pagkahawak niya nito ay mabilisan din niyang tinagpas ang ulo ng aswang. Nagulantang sila sa mga sumunod na nangyari dahil muling gumalaw ang katawan ng aswang na naputulan ng ulo. Ang parteng naputol ay naging isang malaking bunganga na lubhang nagpakaba sa ibang mga albularyo at antinggero.

"Tama nga ang hinala ko, ang mga nilalang na iyan ay hindi na mga gabunang aswang kundi mga manikang pinapagalaw ng hukluban. Walang kamatayan ang mga iyan dahil wala na silang kaluluwa." sigaw ni Sinag para abisuhan ang kaniyang mga kasama.

"Isagani, subukan mong gamitin ang kapangyarihan ni Adlaw." wika pa ni Sinag na agad namang sinunod ni Isagani. Tinawag ng binata sa kanyang isipan ang diwatang si Adlaw at pinasanib ito sa kanyang katauhan.

Walang anu-ano'y biglang nagliyab ang buong katawan ni Isagani kasabay nito ang pagbabago ng kanyang anyo. Hindi na ito nagpaligoy-ligoy pa. Agaran niyang pinaulanan ng nagliliyab niyang kamao ang aswang na pinugutan ng ulo ni Sinag. Paglapat ng kanyang kamao ay agad na nilamon ng apoy ng diwata ang buong katawan ng aswang, ilang minuto oa ay naging abo ito at nagsiangil ang mga natitira pang mga aswang. Dahil doon ay nabuhayan ng loob ang kanilang mga kasama. Meron na silang magagawa upang malipol ang mga ito.

Si Isagani ang namuno sa laban kasama ang isang antinggerong nagtataglay ng mutya ng santelmo. Nanatiling nakamasid si Mina sa paligid dahil hinihintay niya ang paglabas ng hukluban. Sa kanyang pagmamasid ay namataan niya ang tatlong nilalang na palihim na gumagapang mula sa kadiliman.

Mabilis siyang nag usal upang tawagin si Mapulon at magamit na niya ang kakayahan nito. Bago pa man makasunggab ang nilalang ay agad itong napigilan ni Mina gamit ang mga baging na biglang sumulpot mula sa lupa. Nagpupumiglas pa ang mga ito bago tuluyang sunugin ni Isagani ang mga nilalang.

"Hindi pa tapos ang laban. Paniguradong maraming naihanda ang hukluban ngayong gabi." Wika ni Tandang Ipo.

Sa kanilang pagmamasid ay doon nga nila nakita ang hukbo ng mga wakwak sa kalangitan. At dahil nakapaghanda sila ay may mga antinggero silang may dalang sibat upang maatake nila ang mga nilalang na nasa himapapawid. Ang mga sibat na iyon ay punong-puno ng mga dasal at orasyon na pangontra sa mga nilalang ng kaliwa.

May mangilan-ngilan na rin sa mga antinggero ang nalalagas at nasusugatan. Ang iba ay pilit pang isinasalba ng kanilang mga kasama ngunit huli na ang lahat. Tuluyan na silang iniwan ng kanilang mga mutya dahil na din sa pagkawala ng kanilang mga tiwala sa kanilang sarili at pananalig sa panginoon.

"Unti-unti na kayong nauubos, hindi pa ba kayo susuko?" Tanong ng hukluban sa katauhan ng isang binata. Nakasuot ito ng kulay lupang kasuotan na nagkukubli sa pagkakakilanlan nito.

"Ano na itinakda, malugod ka bang sasama sa amin o uubusin namin ang iyomg mga kasama?" Nakangising tanong nito.

"Mina, huwag kang magpapadala sa kanyang sinasabi. Lahat ng iyan ay pawanga panlilinlang lamang." Sabad naman ni Sinag.

Inilibot ni Mina ang paningin sa mga kasama, marami na ang nasawi dahil sa kanya at ayaw na niyang madagdagan pa ito.

"Kuya Sinag, ano ang gagawin ko?" Lumuluhang tanong ng dalaga na tila ba naguguluhan sa lahat ng nangyayari. "Kung hindi ako sasama, pati ikaw mamamatay. Ayokong mamatay ka Kuya." Sambit pa nito habang humihikbi.

Puno ng kaba ang mukha ni Sinag nang marinig ang mga katagang iyon sa dalaga. Alam niyang nagdesisyon na itong sumama ngunit hindi siya papayag. Ikamamatay niya ang pagsama dito at sa oras na bumangon sa impyerno si Sitan ay iyon na din ang katapusan ng mundo.

"Mina, dito ka lang, hindi ka sasama sa kanya. Walang sasama sa inyo ni Isagani." Galit na wika ni Sinag. Si isagani naman ay tahimik lang na nakamasid sa kanila. Nag-anyong tao na rin ito dahil nasagad na niya ang paggamit sa kakayahan ni Adlaw. At iyon na din ang sukdulan ng kanyang limitasyon. Kung pipilitin pa nilang lumaban ay panigurado na ang kanilang pagkatalo. Habang nababawasan ang bilang nila ay nadadagdagan naman ang bilang ng kanilang mga kalaban.

下一章