Kinabukasan nang magising si Mina ay natagpuan niyang natutulog si Sinag sa bangko malapit sa kanyang higaan. Nasa loob na sila ng kubo noon na kanilang tinutuluyan.
Maingat siyang bumaba sa papag at naglakad papalabas ng kubo. Hindi pa noon sumisikat ang araw kaya naman ay kitang-kita pa niya ang maliwanag na buwan sa kalangitan. May panaka-naka na ring tandang ang tumitilaok hudyat na papasapit na ang umaga.
Alam niyang tapos na ang problema ng mag-ina kaya naman panahon na upang lisanin nila ang baryong iyon. Saglit siyang nanalangin at nagpasalamat sa panginoon dahil muli at muli ay nagawa siya nitong tulungan sa oras ng kanyang mga laban. Nag-alay din siya ng mga usal sa kanyang mga gabay upang pakainin ang mga ito at pasalamatan. Hindi na kasi niya nagawa iyon kagabi dahil sa nakatulog na siya agad.
Pagsapit ng bukang liwayway ay agad na silang nagpaalam sa mag-ina upang ipagpatuloy ang kanilang paglalakbay. Ayon kay Tandang Ipo ay mabilis na lang nilang mararating ang kasunod na baryo dahil hindi na iyon nalalayo dito.
Kinatanghalian ay kasalukuyan na nilang tinatahak ang isang di kayabungang gubat patungo sa baryo Kidlaw. Yun na ang baryo kung saan naghihintay ang iba pa nilang magiging kasama sa paghadlang sa magaganap na anihan ng mga aswang.
Hindi na sila nag abala pang huminto para kumain para mas madali nilang marating ang naturang baryo. Ilang oras pa ang lumipas ay narating na nga nila ang baryo Kidlaw ng walang problema. Agad naman silang sinalubong ng isang matandang lalaki na nakasuot ng sombrerong gawa sa dahon ng aanahaw.
Agad namang napansin ni Mina ang maliit na taong nasa balikat ng matanda. Isa iyong duwendeng puti na may malakabuteng salakot sa ulo. Nangingintab din ang puti nitong kasuotan na animo'y gawa sa isang kristal. Maamo at palangiti ang mukha ng matanda na agad na bumati sa kanila ng magandang araw. Tutugunin na sana niya iyon nang mapansin niya ang binatang nasa likuran nito.
Kakaiba ang presensya nitong tinatangan dahil nagtatangan ito ng isang bertud ng mga aswang.
Maging si Tandang Ipo ay napatitig din sa kasama nilang binata habang napapakunot naman ang noo ni Sinag.
Agaran naman iyong napansin ng matanda at mabilis na ipinakilala ang binata sa kanila. Ayon dito ang pangalan ng binata ay Isagani, anak ito ng isang gabunang aswang na napaslang ng mga uri nito noong nagdaang anihan kasama ang ina nitong isang manggagamot.
Mabait na tao ang mga magulang nito kaya naman ay hindi na sila nagdalawang isip na kupkupin ito. Malaki din ang naitutulong ng binata sa pagramdam sa mga papalapit na kauri nito.
Masaya naman nilang binati at tinanggap ang binata ng buong puso dahil alam nilang isa ang matandang si Karyo sa mabusisis pagdating sa mga tao at nilalang.
Isang ermetanyo si Karyo katulad ni Tandang Ipo. Pagkatapos magkamustahan ay tumuloy na sila sa isang bahay sa gitna ng baryo at doon isinaayos ang kanilang mga gamit. Tumulong naman sa kanila si Isagani lalo na sa mga mabibigat nilang dalahin at ito na din ang nagpakain ng kanilang kalabaw na ginamit.
"Ramdam ko ang presensya ng isang makapangyarihang diwata sa kalooban mo." Wika ni Mina habang inaayos nila ang kangga sa lilim ng isang malaking puno.
"Ngunit nasa loob mo din ang matinding poot at paghihiganti sa kamatayan ng iyong mga magulang kaya naman nahihirapan ito na pangibabawan ka." Dagdag pa niya.
Tahimik lamang na napatitig sa kanya ang binata habang napapakunot ang noo.
"Huwag mo sanang ikagalit ito. Pero higit kang lalakas kung makikipag- isa ka sa kanya. Nasa iyo din naman ang desisyon, ito ay isang payo lamang. Magnilay ka at isantabi ang galit na iyong nararamdaman at doon mo makikita ang tunay na kahalagahan ng iyong buhay. " Wika pa ng dalaga at muling nagsalubong ang kilay ng binata. Padabog nitong inilapag ang kangga sa lupa bago hinarap ang dalaga.
"Hindi mo alam ang sinasabi mo. Ang galit at poot na nararamdaman ko, ito nalang ang nagiging dahilan ko para mabuhay. " Galit na saad ng binata. Nanlisik ang mga mata nito ngunit ipinagkibit-balikat lang ni Mina iyon.
Mapait siyang napangiti at tumingin sa punong nasa harapan nila.
"Aswang din ang kumitil sa buhay ng Inay ko. At harap-harapan niyang dinukot sa katawang tao nito ang kanyang kalluluwa. Naiintidihan ko ang galit mo dahil galing na din ako diyan." Malungkot niyang wika bago nilisan ang binata.
Kinahapunan ay nagtipon-tipon na sila upang magpulong sa nalalapit na anihan. Si Isagani noon ay nasa isang tabi lamang at nagmamasid sa mga kaganapan habang ang lahat ng antinggero at mga albularyo ay seryosong nag-uusap usap.
"Dahil ito na ang pinakamalaking anihan na magaganap, kakailanganin natin ng masusing paghahanda at maraming kasamahan. Sa susunod na araw ay dadating ang pangkat ni Samuel. Ayon dito nakahikayat pa siya ng mga albularyo na maaring makatulong sa atin." Wika ni Tandang Karyo.
"Mina makakapagtawag ka pa ba ng mga kasangga sa mundo ng mga engkanto?" Tanong ni Tandang Ipo.
Tumango naman si Mina at ngumiti.
"Kasalukuyan nang tinitipon ng aking gabay na tikbalang ang kanyang mga kauri. Ganun din ang iba ko pang mga gabat. Huwag kayong mag-alala dahil may dadating na tulong sa oras ng digmaan." Wika ni Mina na lubos na ikinagaan ng kanilang mga problema.
Kinagabihan ay muling tinungo ni Mina ang malaking puno sa labas ng kanilang tinutuluyan upang doon magdasal. Nasa kalagitnaan siya ng pagdadasal nang maramdaman niya ang presensiya ni Isagani na umaaligid sa kaniya. Hindi ito lumalapit ngunit alam niyang naroroon lang ito.
Matapos siyang magdasal ay agad niyang iminulat ang kanyang mata at nasipat niya ang binatang nakatayo di kalayuan sa punong pinagdadasalan niya.
"Hibang ka ba o sadyang matapang ka lang. Hindi mo ba alam na mapanganib ang gabi sa lugar na ito. Hindi dahil naghahanda ang mga aswang sa anihan ay wala ng panganib sa paligid." Wika ng binata na halata ang pagkayamot nito.
Napangiti lang si Mina at ikinumpas ang kanyang kamay. Agad na nagsilitawan ang kanyang mga gabay sa paligid ng puno. Naroon ang tikbalang, ang reyna ng mga engkantada ng kabundukan, ang engkanto ng sapa at iilan pang mga di pangkaraniwang nilalang. Napaatras naman si Isagani at napaangil dahil sa gulat na lubos namang ikinatawa ng dalaga.
"Hindi ako nahihibang, hindi ko lang alintana dahil nariyan ang aking mga gabay na nagbabantay sa akin. Ikaw bakit ka nandito? Hindi ba dapat ay naroroon ka sa loob kasama ang mga ermetanyo?" Tanong nito na ikinapula naman ng pisngi ng binata.
"Kung nag-aalala ka, ayos lang, sanay na akong may nakaaligid sa akin. Ang pag-aligid ng isang nilalang ay hindi na iba sa tulad kong tila pinamamahayan na nila. " Makahulugang wika ni Mina at naglakad ito papalabas ng bakuran.
"Saan ka pupunta?" Habol na tanong ng binata. Naiinis man siya ay hindi niya maipaliwanag kung bakit ganon na lamang ang pagnanais niyang sundan at maging anino ng dalaga. Kahit hindi niya maintindihan ang sarili ay sinusunod pa rin niya ang inuutos ng kanyang isipan dahil tila ba doon lamang siya nakakaramdam ng kapayapaan.
"Saan ka ba pupunta?" Tanong niya ulit sa dalaga habang mabilis silang naglalakad sa kalsada.
"Mag-iikot ikot lang saglit. Nais kong makita ang buong lugar bago ito lamunin ng mga magaganap sa susunod na mga araw." Wika ng dalaga habang pinagmamasdan ang mga taong payapang nagkakasiyahan sa daan. May mga pamilya din silang nakikitang sabay-sabay na kumakain na labis naman nilang ikinalungkot.
"Sa tingin mo, makakaya ba natin ang mga uri mo? Hindi ko alam kong kakayanin ko. Pero alam kong hindi tayo pababayaan ng Ama. Nasubukan mo na bang magbalik-loob sa kanya?"
"Isa akong aswang, patatawarin ba ako ng Ama dahil lang sinabi mong magbalik-loob ako?"
"Labis na mapagpatawad ang Ama, kahit gaano ka pa kasama kung bukal sa puso mo ang pagsisisi ay patatawarin ka niya. Hindi ka purong aswang Gani. Nararamdaman kong meron sa dugo mo ang kapareho sa akin. Hindi ka lamang namulat sa isa mo pang pagkatao. Alam kong isang babaylan ang iyong ina. At alam ko din ang sanhi ng kamatayan niya. Dahil iyon din ang ikinamatay ng Inay."
"Nais kong mamulat ka at magsisi upang sa darating na panahon ay magawa kang tulungan ng nagkukubli mong gabay." Dagdag pa ng dalaga at natahimik na sila pareho. Nagpatuloy lang sila sa paglilibot habang si Isagani ay malalim ng nag-iisip. Hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ng dalaga sa tinutukoy nitong kanyang gabay ngunit may punto ito sa mapagpatawad ang Ama dahil minsan na din itong nabanggit ng kanyang ina at ama. Hanggang sa makabalik na sila sa tahanan ay ganoon pa din ang umiikot sa isipan ni Isagani hanggang sa tuluyan na siyang makatulog ng payapa sa lalim ng gabi na noon lamang nangyari buhat nang paslangin ang kanyang mga magulang.