webnovel

III

"𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢, 𝘴𝘢𝘯𝘢 𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘱𝘢𝘵𝘢𝘸𝘢𝘥 𝘮𝘰 𝘢𝘬𝘰."

𝘕𝘪𝘺𝘢𝘬𝘢𝘱 𝘴𝘪𝘺𝘢 𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘯𝘪𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘐𝘯𝘢 𝘢𝘵 𝘥𝘢𝘮𝘢𝘯𝘨-𝘥𝘢𝘮𝘢 𝘯𝘪𝘺𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘪𝘯𝘪𝘵 𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘮𝘢𝘮𝘢𝘩𝘢𝘭 𝘯𝘪𝘵𝘰... 𝘢𝘵 𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘭𝘶𝘯𝘨𝘬𝘶𝘵𝘢𝘯 𝘯𝘪𝘵𝘰. 𝘚𝘢 𝘬𝘢𝘣𝘪𝘭𝘢 𝘯𝘨 𝘮𝘶𝘳𝘢 𝘯𝘪𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨-𝘪𝘪𝘴𝘪𝘱, 𝘢𝘭𝘢𝘮 𝘯𝘪𝘺𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘪𝘣𝘪𝘨 𝘴𝘢𝘣𝘪𝘩𝘪𝘯 𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘩𝘪𝘯𝘨𝘪 𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘸𝘢𝘥. 𝘕𝘨𝘶𝘯𝘪𝘵 𝘬𝘶𝘯𝘨 𝘣𝘢𝘬𝘪𝘵 𝘪𝘺𝘰𝘯 𝘩𝘪𝘯𝘪𝘩𝘪𝘯𝘨𝘪 𝘴𝘢 𝘬𝘢𝘯𝘪𝘺𝘢 𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘯𝘪𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘐𝘯𝘢 𝘢𝘺 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘯𝘪𝘺𝘢 𝘭𝘶𝘣𝘶𝘴𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘶𝘯𝘢𝘸𝘢𝘢𝘯. 𝘈𝘯𝘨 𝘢𝘭𝘢𝘮 𝘯𝘪𝘺𝘢 𝘭𝘢𝘮𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘭𝘪 𝘢𝘵 𝘯𝘢𝘵𝘢𝘵𝘢𝘬𝘰𝘵 𝘴𝘪𝘺𝘢.

"𝘐𝘯𝘢---"

"𝘚𝘩𝘩𝘩..." 𝘱𝘢𝘨𝘬𝘢𝘭𝘮𝘢 𝘯𝘪𝘵𝘰 𝘴𝘢 𝘬𝘢𝘯𝘪𝘺𝘢. "𝘐𝘵𝘰 𝘭𝘢𝘮𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘪𝘣𝘪𝘣𝘪𝘨𝘢𝘺 𝘬𝘰 𝘴𝘢'𝘺𝘰. 𝘈𝘯𝘥 𝘐 𝘱𝘳𝘰𝘮𝘪𝘴𝘦, 𝘱𝘢𝘨𝘬𝘢𝘵𝘢𝘱𝘰𝘴 𝘯𝘪𝘵𝘰, 𝘮𝘢𝘨𝘬𝘢𝘬𝘢𝘳𝘰𝘰𝘯 𝘬𝘢 𝘯𝘨 𝘯𝘰𝘳𝘮𝘢𝘭 𝘯𝘢 𝘣𝘶𝘩𝘢𝘺..."

"...𝘐'𝘮 𝘴𝘰𝘳𝘳𝘺."

Bumangon si Maia na may luha sa kaniyang mga pisngi. Kung bakit, hindi niya tiyak dahil hindi naman siya mabilis umiyak. Ngunit maaaring malaki ang kaugnayan sa pinagdadaanan niya ngayon. Kahit sino naman siguro na hindi iyakin ay maiiyak din kung nasa sitwasyon na katulad ng sa kaniya.

Bukod sa nasa ibang mundo siya, pati ang katawan na mayroon siya ay iba rin.

Pinunasan niya ang kaniyang mga luha. Hindi niya tiyak kung ano'ng oras na ngunit maliwanag na ang paligid. Kung ikukumpara niya sa mundong alam niya, marahil ay ikawalo na ng umaga. Ngunit hindi siya nakasisiguro dahil iba ang mundong ito.

Bumaba siya sa kama upang lumabas sa balkon. Pinakiramdaman niya ang kaniyang kaliwang paa at nang makaramdam siya ng kirot ay marahan siyang tumayo at maingat na naglakad.

Sa tulong ng alaala ni Malika, nalaman niya na ang kirot sa kaniyang paa ay dahil sa pagkakalaglag nito sa kabayo na isa ring bagay na nagkukumbinsi sa kaniya na ang nangyayari sa kaniya ay hindi dahil siya ay nababaliw.

Ika-ika niyang tinungo ang pinto papunta sa balkon habang sinisikap na hindi lumingon sa malaking salamin na madaraanan. Hindi niya kasi alam kung kaya niyang makita muli ang repleksyon o kung darating pa ang araw na magkakaroon siya ng lakas ng loob na humarap muli sa salamin. Hindi siya matatakutin ngunit ibang takot ang nadulot sa kaniya ng pangyayaring iyon.

Napabuntong-hininga siya nang makarating sa balkon at tinitigan niya ang tanawin. Bilang si Maia, ngayon lang siya nakaapak dito ngunit sa kabila niyon ay pamilyar na pamilyar sa kaniya ang nakikita. Ang malawak na hardin ng mga damong ligaw, ang nag-iisang puno malapit sa balkon, at ang matayog na bundok sa malayo ay wala pa ring pinagbago.

Masasabi niyang mapanglaw ang itsura ng hardin, ngunit kasalungat naman niyon ang matingkad na kulay bughaw na langit at ang mahina ngunit preskong hangin. May grupo rin ng mga puting ibon na lumilipad sa di kalayuan at maririnig ang huni ng mga maliliit na insekto.

Humigpit ang hawak niya sa pasamano. Ang isipin na tunay na magpapatuloy ang mundo sa kabila ng paghihirap at kaguluhan sa isip niya ay bumalik muli.

Ngunit alam na alam naman niya ang bagay na iyon, dati pa. Kahit may buhay na masaya, magulo, o ang mawala, patuloy na iikot at magpapatuloy ang buhay sa mundo.

Nasaksihan niya ng ilang beses ang bagay na iyon. At natitiyak niya na ganoon ang nangyayari sa mundong kinalakihan niya sa kabila ng pagkawala niya.

Huminga siya ng malalim. Wala siyang ideya kung ano ang tunay na nangyayari at kung bakit siya nandito. Ngunit kung talagang hindi isang masamang panaginip ang lahat ng ito, isang bagay lang ang kaniyang magagawa: Kailangan na niyang ayusin ang sarili.

Kailangan niyang kumilos at gumawa ng paraan upang malaman ang mga sagot.

___________________________

"Kasaysayan ng Kaharian ng Aguem."

Kinuha ni Maia ang makapal na aklat na pumukaw sa kaniyang atensyon. Pamilyar sa kaniya ang pangalan ng kaharian. May pakiramdam siya na narinig o nabasa na niya iyon ngunit marahil dahil ay nasa loob siya ng katawan ni Malika at ang mga alaala at kaalaman nito ang dahilan.

Kasalukuyang nasa silid-aklatan siya ng palasyo upang aralin ang mundong ito at makahanap ng sagot kung bakit siya napunta dito. Napansin niya na kahit may mga alaala siyang nalaman, hindi pa iyon ang lahat. Tila ang mga alaala ni Malika ay malabo at unti-unti lamang lumilinaw kasabay ng kaniyang pagtuklas sa mga bagay tungkol sa mundong ito.

Binuklat niya ang aklat ng kasaysayan at sa bawat pahina, katulad nga ng kaniyang napansin, unti-unti ring luminaw ang mga alaala ni Malika tungkol sa kahariang ito.

Sa lipunang mayroon sa mundong ito, nahahati sa apat na klase ang mga tao. Una ang mga Maginoo, na kinabibilangan ng mga taong may dugong bughaw at mga tao o pamilyang may mataas na katungkulan sa lipunan. Ikalawa ang mga Maharlika o katumbas ng mga mandirigma o sundalo sa mundo niya, ikatlo ang mga Timawa o pangkaraniwang tao, at ang pang-apat ay ang mga Alipin.

Hindi alam ni Maia kung ano ang mararamdaman tungkol sa kaalaman na iyon ngunit kung iisipin, wala rin namang pinagkaiba ang uri ng lipunan dito sa lipunan na kinagisnan niya. Maliban na lamang siguro sa katotohanan na legal at lantaran sa mundong ito ang pangdi-diskrimina, pang-aabuso, at pang-aapi sa mga taong 'mas mababa'.

Bumuntong-hininga siya at ibinalik ang aklat. Mukhang wala namang maitutulong sa kaniya ang pagbabasa sa kasaysayan ng mundong ito.

Nilibot niya ang silid-aklatan upang maghanap ng ibang aklat. Sa katunayan, hindi niya alam kung ano ang dapat hanapin o kung may makikita ba siyang makatutulong sa kaniya dito. Kung tutuusin, malaki ang posibilidad na wala dahil ang silid-aklatan na ito, bagama't napakalaki, ay halos wala nang laman.

Ngunit hindi naman na iyon nakapagtataka.

Bukod kay Malika at kay Mindy, wala nang nakatira dito. Ang lahat ay lumipat na sa mas malaki at bagong palasyong nakatayo sa harap ng abandonadong palasyong ito. Kung bakit naiwan si Malika dito ay hindi pa malinaw sa kaniya ngunit may ideya na siya. Dahil si Malika ay may pagka-maldita.

Ngunit wala na siyang pakialam kung ano ang nagawa ni Malika at kung paano humantong sa ganoon. Ang importante ay ang makahanap siya ng paraan na makaalis sa katawan at mundong ito.

Patuloy na nilibot niya ang silid-aklatan at nasa huling istante na siya ng mga aklat nang may nakita siyang maaaring makatulong sa kaniya.

Hindi na dapat siya tutungo sa bahaging ito ng silid dahil napakadumi at marami pang mga kahon at gamit na nakatambak na natatabunan ng puting tela. Buti na lamang at nagpatuloy siya dahil wala masyadong alaala si Malika sa silid na ito.

Kinuha niya ang aklat tungkol sa mahika na nababalutan ng makapal na alikabok habang may bahagi sa alaala ni Malika ang luminaw.

Tama. May mahika ang mundong ito. Maaari niyang magamit iyon upang makabalik---

Natigilan si Maia nang may isa pang alaala ang luminaw. Ang paggamit ng mahika sa mundong ito ay isang krimen. At kahit sinong mapatunayan na gumamit o may kinalaman sa paggamit ng mahika ay pinaparusahan ng kamatayan.

Kinagat niya ang kaniyang ibabang labi. Kung ganoon, hindi siya maaaring gumamit ng mahika. Dahil kahit makatutulong iyon sa kaniya, malaki ang posibilidad na si Malika ang sumalo ng kasalanan niya...

At hindi niya papayagan iyon.

Marami na siyang nasirang buhay noon. At iniwan na niya iyon upang magbagong buhay. Wala siyang balak na manira ng buhay sa mundong ito kahit pa sabihin na maldita at may kasamaan ang katauhan ng may-ari ng buhay na iyon.

Binalik niya ang aklat nang may bigat sa pakiramdam. Kailangan niyang makaisip ng iba pang paraan.

Nagpasya siyang lumabas na ng silid ngunit bago iyon ay sinuri niyang muli ang huling istante at sa tuktok ay may nag-iisang aklat na taliwas sa madumi at maalikabok na silid na ito. Malinaw ang pagka-lila nito dahil sa linis na tila ay may gumamit at nagbasa nito.

Sa kundisyon ng kaniyang kaliwang paa, mas magiging madali sana kung may magagamit siyang hagdan o kahit anong maaaring patungan upang makuha ang aklat kaso ay wala siyang makita. Ang mga kahon naman na naroon ay masyadong mabigat upang mahila o matulak kaya nagpasya nalang siyang akyatin ang istante gamit ang mga hilera nito.

Nasa pangalawang hilera sa baba na ang kaniyang mga paa nang hindi niya maiwasang mabahing dahil sa sobrang alikabok at nawalan siya ng balanse. Maiiwasan niya ang matumba kung itatapak niya ang kaniyang kaliwang paa ngunit nang maalalang hindi pa ito lubusang magaling ay hinayaan nalang niya ang sarili na mahulog.

Napaupo siya sa sahig kasabay ng ilang mga aklat na nalaglag kasama ng 'aklat' na nais niyang kunin na hindi pala isang aklat kundi isang maliit na kahon na lalagyan ng mga pluma. Nadismaya siya sa nakita at nagpasya na lamang na tumayo ngunit bago pa siya makakilos ay may nahulog rin mula sa kaniyang likuran.

"Ah!" Nilingon niya ito at mukhang natamaan niya ang mga larawan na nakasandal sa dingding.

May kalakihan ito at kabigatan ngunit hindi naman siya nasaktan. Agad niya itong tinulak na naging dahilan kung bakit tuluyang nalaglag ang telang nakabalot dito. At sa dami ng alikabok nito, sunud-sunod ang naging pagbahing niya.

Dahan-dahan siyang tumayo kasabay ng pagpulot niya sa puting tela upang tabunang muli ang larawan. Ngunit napahinto siya nang makita kung anong larawan ang nakapinta.

Sa hindi niya maipaliwanag na dahilan, malabo ang imahe ngunit tiyak niya na larawan ito ng pamilyang umampon kay Malika. Ang Punong Lakan at Lakambini, at ang dalawang anak ng mga ito.

May pagkirot sa kaniyang ulo habang tinitignan ang larawan hanggang sa dumapo at napako ang kaniyang tingin sa batang babae na nakakalong sa Punong Lakambini. Malinaw ang mukha nito. Napakagandang bata, itim na itim ang buhok at may kulay luntiang mga mata na parang oliba.

Tama... Nakasama at nakilala ito ni Malika bago ito mawala.

Ang bunsong anak ng pamilya Raselis, si Selina.

Kumunot ang noo ni Maia. Pamilyar sa kaniya ang pangalang iyon...

Ngunit hindi dahil sa mga alaala ni Malika.

Parang narinig na niya bago pa siya napunta sa mundong ito. May nakasalamuha ba siyang kapangalan nito?

O kliyente nila dati?

May nabasa ba siyang pro...file...

𝘈 𝘨𝘪𝘳𝘭 𝘸𝘪𝘵𝘩 𝘦𝘺𝘦𝘴 𝘭𝘪𝘬𝘦 𝘰𝘭𝘪𝘷𝘦𝘴 𝘢𝘯𝘥 𝘩𝘢𝘪𝘳 𝘢𝘴 𝘣𝘭𝘢𝘤𝘬 𝘢𝘴 𝘵𝘩𝘦 𝘯𝘪𝘨𝘩𝘵 𝘸𝘪𝘭𝘭 𝘣𝘦 𝘣𝘰𝘳𝘯...

...𝘚𝘩𝘦 𝘩𝘢𝘴 𝘵𝘩𝘦 𝘣𝘳𝘪𝘨𝘩𝘵𝘦𝘴𝘵 𝘴𝘮𝘪𝘭𝘦 𝘢𝘯𝘥 𝘵𝘩𝘦 𝘬𝘪𝘯𝘥𝘦𝘴𝘵 𝘩𝘦𝘢𝘳𝘵...

Lumaki ang mga mata ni Maia kasabay ng pananakit ng kaniyang ulo at hindi niya maiwasang mapaluhod.

...𝘚𝘦𝘭𝘪𝘯𝘢...

...'𝘠𝘶𝘯𝘨 𝘫𝘰𝘶𝘳𝘯𝘢𝘭 𝘴𝘢 𝘮𝘢𝘯𝘴𝘺𝘰𝘯...

"Ah!" Humigpit ang hawak niya sa kaniyang ulo, halos sambunutan na niya ang sarili. "A-Ano..."

...𝘚𝘩𝘦 𝘸𝘪𝘭𝘭 𝘣𝘦 𝘴𝘦𝘱𝘢𝘳𝘢𝘵𝘦𝘥 𝘧𝘳𝘰𝘮 𝘩𝘦𝘳 𝘣𝘦𝘭𝘰𝘷𝘦𝘥 𝘧𝘢𝘮𝘪𝘭𝘺... 𝘉𝘶𝘵 𝘵𝘩𝘦 𝘮𝘰𝘮𝘦𝘯𝘵 𝘴𝘩𝘦 𝘳𝘦𝘵𝘶𝘳𝘯𝘴, 𝘦𝘷𝘦𝘳𝘺𝘵𝘩𝘪𝘯𝘨 𝘸𝘪𝘭𝘭 𝘣𝘦 𝘣𝘳𝘪𝘨𝘩𝘵 𝘰𝘯𝘤𝘦 𝘢𝘨𝘢𝘪𝘯...

...𝘓𝘰𝘷𝘦 𝘸𝘪𝘭𝘭 𝘴𝘶𝘳𝘳𝘰𝘶𝘯𝘥 𝘚𝘦𝘭𝘪𝘯𝘢. 𝘚𝘩𝘦 𝘸𝘪𝘭𝘭 𝘣𝘦 𝘢𝘥𝘮𝘪𝘳𝘦𝘥...

...𝘌𝘷𝘦𝘳𝘺𝘰𝘯𝘦 𝘸𝘪𝘭𝘭 𝘣𝘦 𝘤𝘩𝘢𝘳𝘮𝘦𝘥 𝘣𝘺 𝘩𝘦𝘳 𝘣𝘦𝘢𝘶𝘵𝘺 𝘢𝘯𝘥 𝘨𝘳𝘢𝘤𝘦.

Nagsimulang manikip ang kaniyang dibdib at tumulo ang pawis sa kaniyang noo. Ito na naman ba ang katakot-takot na sakit na naranasan niya noong nagising siya sa mundong ito?

...𝘏𝘰𝘸𝘦𝘷𝘦𝘳, 𝘵𝘩𝘦𝘳𝘦 𝘪𝘴 𝘢𝘭𝘴𝘰 𝘦𝘯𝘷𝘺 𝘢𝘯𝘥 𝘩𝘢𝘵𝘳𝘦𝘥...

...𝘍𝘳𝘰𝘮 𝘵𝘩𝘦 𝘱𝘦𝘳𝘴𝘰𝘯 𝘴𝘩𝘦 𝘤𝘰𝘯𝘴𝘪𝘥𝘦𝘳𝘦𝘥 𝘩𝘦𝘳 𝘣𝘦𝘴𝘵 𝘧𝘳𝘪𝘦𝘯𝘥, 𝘩𝘦𝘳 𝘴𝘪𝘴𝘵𝘦𝘳...

"H-Hindi..."

...𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢 𝘙𝘢𝘴𝘦𝘭𝘪𝘴 𝘸𝘪𝘭𝘭 𝘣𝘦 𝘬𝘪𝘭𝘭𝘦𝘥 𝘢𝘯𝘥 𝘚𝘦𝘭𝘪𝘯𝘢 𝘙𝘢𝘴𝘦𝘭𝘪𝘴 𝘸𝘪𝘭𝘭 𝘩𝘢𝘷𝘦 𝘩𝘦𝘳 𝘩𝘢𝘱𝘱𝘪𝘯𝘦𝘴𝘴.

Halos tumigil ang paghinga niya sa alaalang iyon at bago pa siya makasigaw, naglaho ang kamalayan niya.

下一章