webnovel

XII

"Maraming salamat, iha."

Binigyan ni Maia ng maliit na pagtango ang ale na binilhan niya ng mga prutas bago niya nilisan ang munting tindahan nito.

Natapos na siya sa pamimili ng mga pagkain na maaari nilang kainin at lutuin ni Mindy at ngayon ay oras na upang siya ay bumalik sa bahay nila Namar at Yara. Ang tanging hiling niya lamang ay sana hindi pa rin pansin ni Einar na siya ay nawawala.

"Oof!"

Nabigla si Maia nang may bumangga mula sa kaniyang gilid na halos mabitawan niya ang bitbit na bayong. Nilingon niya ito at isang batang lalaki ang lumagpas sa kaniya dahil tumatakbo ito.

"Alon!" sigaw ng isang batang babae mula sa likuran na agad nilingon ni Maia. Mahaba at nakaipit ang buhok nito, at may kasunod din itong tatlo pang bata---isang babae at dalawang lalaki. "Mag-ingat ka nga! Nabangga mo si ate!"

Huminto ang batang nagngangalang 'Alon' at tumakbo pabalik sa kaniya at sa mga kaibigan nito na nakatayo na malapit sa kaniya. "Paumanhin po, ate. Hindi ko po sinasadya," anito na ang kanang kamay ay nakalagay sa likod ng ulo nito.

Hindi inaasahan ni Maia ang biglaang mapalibutan ng mga batang nasa walo hanggang sampung taong gulang at bahagya siyang napaatras. "Uh... A-Ayos lang."

Yumuko muli ang bata at nagpasalamat bago humarap sa mga kaibigan nito. "Paunahan tayo sa palaruan!"

"Eh?! Lugi kami ni Lua," pagrereklamo ng babaeng nakaipit ang buhok.

Lumukot ang mukha ng batang si Alon bago sandaling nag-isip. "Edi... muli nalang kitang ibabakay tapos ganoon rin si Kin kay Lua."

"Sang-ayon ako!" bulalas ng batang lalaking nakasumbrero. "Tiyak na ang aking pagkapanalo."

"Ikaw ang pinakamabagal sa pagtakbo sa ating tatlo, Mikkel," walang emosyon na sambit ng pinakamatangkad sa mga bata na malamang ay si Kin. "At hindi ka pa nanalo sa amin kahit bakay pa namin ni Alon sila Lua."

"Hmp! Iba na ako ngayon," ganti ni Mikkel. "At isa lamang ang paraan upang malaman kung sino sa atin ang nagsasabi ng katotohanan." Tumingin ito kay Maia. "Ate! Maaari po ba na ikaw ang bumilang para sa patas na paligsahan?"

Nabigla man ay tumango na lamang si Maia. "Ma... Maaari naman."

"Maraming salamat po!" masiglang sambit nito na sumaludo pa sa kaniya.

Napailing na lamang si Maia habang luminya na ang tatlong bata na ang dalawa ay may bakay na batang babae. Ngunit bago bumilang si Maia ay hindi niya mapigilang magtanong, "Tiyak ba kayo sa inyong gagawin? Hindi ba delikado ito?"

Si Mikkel muli ang sumagot gamit pa rin ang tila pang-balagtasan nitong pananalita. "Huwag po kayong mag-alala, magandang ate! Ito na po ang pangatlo naming pagtatapat at tunay na magaling ang aking dalawang kaibigan subalit---" Lumuhod ito at humanda sa pagtakbo. "---ang uuwing panalo sa araw na ito ay ako! Kung kaya, Ate, kung maaari po ay pakisimulan ang pagbibilang."

Sinunod ni Maia ang hiling ng bata na may munting ngiti sa kaniyang mga labi. Hindi niya mapigilan na matuwa sa mga batang ito.

"Isa," simula niya.

"Dalawa." Humigpit ang pagkakayakap ng dalawang babae sa bumabakay sa mga ito. At...

"Tatlo!"

Mabilis na sumulong ang mga bata ngunit hindi makapaniwala si Maia na ang dalawang bata na may bakay ang nauuna habang si Mikkel ang nahuhuli. Tama nga ang sinabi ni Kin na mabagal itong tumakbo.

May ngiting tinignan niya ang mga batang tumatakbo hanggang sa nilingon siya ni Mikkel at sumigaw. "Salamat po sa pagbibilang, Ate Ganda!"

Nagulat si Maia sa sinabi nito at agad niyang ibinaba nang husto ang talukbong ng suot na roba sa kaniyang ulo dahil agad sinundan ng tingin ng mga tao ang tinitignan at kinakausap ni Mikkel na walang iba kung hindi siya. Nilingon din siya ng apat na bata at nagpasalamat habang kumaway sa kaniya ang dalawang batang babae. "Paalam, Ate Ganda!" sabay na sigaw ng mga ito.

Napailing na lamang si Maia at sinuklian ang pagkaway ng mga ito hanggang sa kumanan na ang mga ito at hindi na niya makita. Nagsimula na rin siyang maglakad sa direksyong tinahak ng mga ito, may ngiti sa kaniyang mga labi ngunit may kirot rin sa kaniyang puso.

Mukhang napakasaya ng mga batang iyon kahit sa simpleng pagtakbo lamang.

Ngunit kung sabagay, hindi ba na ganoon naman talaga ang mga bata? Napaka-simple lamang ng kailangan ng mga ito upang maging masaya. Basta ay may matatawag na pamilya... may mga kaibigan... sapat na.

Hindi niya tuloy maiwasang maisip na kung naging normal ba ang kabataan niya noon, maiintindihan kaya niya ang kasiyahan ng mga batang iyon ngayon? May alaala kaya na babalik sa kaniya tungkol sa kaniyang mga naging kalaro?

Bigla ba niyang maaalala ang mga kalarong iyon at maiisip kung ano na kaya ang ginagawa ng mga ito ngayon? May trabaho na ba sila? May pamilya at mga anak? O kaya naman ay iniikot ang iba't-ibang panig ng mundo?

Magandang alaala ba ang babalik sa kaniya? O nakakatawa? Nakakahiya kaya? O nakalulungkot?

Bumagal ang paglalakad ni Maia nang makarating siya sa kantong nilikuan ng mga bata. Hindi na niya makita ang mga ito, marahil ay lumiko muli sa ibang daan.

Nagpatuloy na siya sa paglalakad patungo sa kabilang direksyon.

Naglakad siya...

At naglakad...

At umasa na may magandang alaala sa kaniyang kabataan ang babalik.

Ngunit wala siyang ganoon.

Ang tanging mayroon siya ay ang pagtakbo upang sanayin ang kaniyang katawan sa mga labang haharapin pagtanda niya...

Ang aralin ang paggamit ng baril upang tapusin ang kalabang haharang sa kaniya...

Ang matutong gamutin ang kaniyang sariling sugat upang maging tagapagligtas ng kaniyang sarili...

Ang itatak sa kaniyang isip na siya ay nag-iisa upang mabuhay.

"Iha?"

Masaya ang mga batang iyon. Masaya sa payak nilang pamumuhay.

"Iha?"

At nang makita niya ang kasiyahang iyon ay nakaramdam siya ng inggit dahil hindi niya naranasan ang ganoong kasiyahan...

"Iha?!"

At kasabay rin ay ang konsensya dahil hindi maalis sa kaniyang isipan kung ilang bata kaya na katulad nila Mikkel ang pinutulan at pinagkaitan niya ng ganoong kasiyahan?

Pumikit-pikit si Maia nang mapansin na tila ay nanlalabo ang kaniyang paningin at tila ay lumalapit sa kaniyang mukha ang batong daan na nilalakaran...

"Iha!"

At napagtanto niya na para sa kaniya pala ang pagtawag na kanina pa niya naririnig.

Inunat niya ang kaniyang mga kamay sa kaniyang harapan upang maiwasan niya na masubsob ang kaniyang mukha ngunit bago pa tumama ang kaniyang mga palad sa batong daan ay may malakas at mainit na mga braso ang yumakap at sumalo sa kaniya.

"Ayos ka lang ba, Mis?"

Malalim at mababa ang tinig na iyon, malumanay ngunit sigurado... at napakaganda sa pandinig. Ngunit may nagsasabi kay Maia na tumakbo palayo dahil pamilyar kay Malika ang tinig na iyon.

"Naku po! Kailangan mong maupo, iha," sambit ng isang ale na tumakbo patungo sa kaniya na sa tingin niya ay ang aleng kanina pa tumatawag sa kaniya. "Mabuti at siya ay iyong nasalo, ih---K-Ka---"

Huminto sa pagsasalita ang ale na nakadagdag sa hindi magandang pakiramdam ni Maia tungkol sa lalaking umaalalay sa kaniya at nang muli itong nagsalita ay ramdam niya ang tuluyang paglaglag ng kaniyang puso.

"M-Mahal na Prinsipe?!"

"Shhhh..." agad na bulong nito sa ale at hindi maintindihan ni Maia ang biglaang pagbilis ng tibok ng kaniyang puso. "Huwag po kayong mai...ngay...."

Napahinto sa pagsasalita ang prinsipe dahil sa pag-alis ni Maia sa pagkakahawak nito sa kaniyang baywang at sa pag-ayos niya ng talukbong sa kaniyang ulo.

"Mis? Ayos ka na ba?" may pagtataka sa tinig ng prinsipe at alanganing lumayo sa kaniya.

Pinulot ni Maia ang bayong na nabitawan na ipinagpasalamat niya ay hindi naman natumba habang ang isang kamay niya ay madiing nakahawak sa kaniyang talukbong upang hindi ito hanginin o matanggal. "Ayos na po ako. Maraming salamat," aniya sa mahina at mas maliit na tinig, sa pag-asa na hindi siya makilala ng mga ito lalo na ng prinsipe.

"Tiyak ka b---"

Hindi na pinatapos ni Maia ang pagtatanong ng ale at kumaripas na siya ng takbo. May pakiramdam rin siya na tinawag siyang muli ng prinsipe at ng ale ngunit sa lakas ng tibok ng kaniyang puso ay hindi na siya sigurado.

Nagpatuloy siya sa pagtakbo hanggang sa nakakita siya ng makitid na eskinita at doon pansamantalang huminto upang magtago. Makalipas ng ilang segundo ay kaniyang sinilip ang kalye at nang wala siyang makitang anino ng prinsipe o ng ale ay doon bumigay ang kaniyang mga binti at umupo siya.

Kakaibang hingal at pagod ang nadarama niya ngunit tila ay nakatulong ang mga iyon upang mawala ang hilo na naramdaman niya kanina. Sinandal niya ang likod at ulo sa pader na nasa kaniyang likod at pumikit upang ayusin ang kaniyang paghinga.

"B-Bi...? B-Binibini?!"

Narinig ni Maia ang pagtakbo na patungo sa kinauupuan niya ngunit hindi na siya nagtangkang kumilos o dumilat man lang dahil kilala na niya kung sino ang dumating.

下一章