webnovel

Chapter 35

"Doktora, sigurado po kayo?" Ilang beses ng tinanong ni Sarah at Hazel si Valerie simula pa kanina ng sabihin nito na siya din ay magbibigay ng dugo kay Sophia. Alam ng dalawang nurse na maaaring manghina ang doktora kapag kinuhanan nila ng dugo si Valerie.

"Wala tayong ibang choice. Delikado na kung lalabas pa ang isa sa inyo. Simula kanina ay tiyak ng may mga sumunod na sa atin." Sigurado si Valerie na alam na din ni Luke ang nangyari sa kanya. At gaya ni Iggy, tiyak niyang nag-aalala na ang boyfriend sa kanya. At hindi papayag ang dalawa na hindi agad siya mabawi.

Napapikit si Valerie ng maramdaman ang tusok ng karayom. At makalipas ang ilang segundo ay dumaloy na ang kanyang dugo papunta sa blood bag na nakakonekta sa karayom.

"Hazel, pagkatapos ko ay si Ka Mario na ang isunod mo. Magpapahinga lang ako sandali. Sabihan n'yo ako kaagad kapag tapos na ang pag kolekta mo ng dugo sa kanya. Magsisimula na tayo kaagad sa operasyon ni Sophia." Tumango ang dalawang nurse.

....

"Kayo po si Ka Mario, ang ama ni Sophia?"

Paglabas ng tent ni Valerie ay nagpalinga-linga siya sa paligid para hanapin ang ama ng kanyang pasyente. Hindi naman siya natagalan at nakita din ang hinahanap. Sa pagkakatanda niya ay ito ang sinigawan ni Hazel kanina.

"Opo, ako nga po." Sagot ni Mario. Nagulat si Valerie ng bigla itong lumuhod sa harapan niya at nag-iiyak.

"Pasensiya na po kayo. Pasensiya na po kayo. Wala na po akong maisip na ibang paraan. Mahal na mahal ko po ang anak ko, siya na lamang po ang natitira kong lakas para magpatuloy sa buhay." Ang mga kasama ni Mario ay nagsimula ng mangilid ang mga luha ng makitang tuluyan ng bumigay ang itinuring nilang parang Kapitan sa lugar. Pati sila Dante, Kanor, at Arman ay lumuhod na din sa harap ni Valerie. Luluhod pa sana ang lahat pero nagsalita si Valerie.

"Isa po akong doktor at hindi po santo." Napatingin kay Valerie ang lahat. "Isa ka po bang anghel?" Nangiti si Valerie ng madinig ang boses ng isang bata. "Tumayo na po kayo at saka po tayo mag-usap." Sabi ni Valerie ang sumunod naman si Mario at ang mga kasamahan.

"Ang sakit po ni Sophia ay hindi na iba sa akin kaya masasabi ko po na malaki ang pag-asa ng anak ninyo. May ilalagay lamang po akong parang band-aid sa ugat ng kanyang puso at magiging maayos na ang lahat. Ang tanging problema po natin..." Napatingin agad si Mario kay Valerie.

"Gagawin ko po ang lahat para lamang sa anak ko pero kung hihilingin n'yo po na dalhin siya sa ospital ay hindi ko magagawa. Ilang beses na po kaming nagpabalik-balik sa iba't-ibang ospital pero tinanggihan kami dahil..." Muling naiyak si Mario at ganoon din ang ginawa ng iba.

"Mahirap maging mahirap Doktora. Wala po kaming magawa kapag nagkakasakit ang iba sa amin. Kailangan namin maglakad ng malayo para lang makarating sa ospital pagkatapos ay uuwi din kami dahil walang gustong tumanggap sa amin dahil wala kaming pambayad. Minsan po ay inaabot na ang mga kasama namin sa daan ng..." Hindi maituloy ni Mario ang sasabihin dahil ayaw na sana niyang maalala ang pagkamatay ng ilan sa kanila dahil sa hindi sila nagamot o nabigyan man lang ng gamot.

Ramdam ni Valerie ang hirap ng kalooban ni Mario at maging ang mga kasamahan nito kaya hindi din niya napigilang tumulo ang kanyang mga luha.

"Kaya humantong po kami sa pagkapit sa patalim. Ang hiling ko lang po ay maging maayos ang aking anak at pagkatapos ay handa po kaming panagutan kung anuman ang mali namin nagawa." Sabi ni Mario.

Napangiti si Valerie. Tama ang kanyang hinala sa simula pa lang. Pagmamahal sa isang anak ang nagtulak kay Mario pero isa lang ito sa mga dahilan. Kapag naayos ang lahat ay kakausapin niya ang mga kasama sa TOP para sa problema ng mga tiga-dito.

"Wala po akong ibang hihilingin sa inyong lahat kungdi, dasal. Dasal na malagpasan natin ang lahat ng ito. At sa inyo, Ka Mario, dugo." Matapos pahiran ang luha ay kumunot ang noo ni Mario dahil sa sinabi ni Valerie.

"Kailangan po ni Sophia ng dugo habang ginagawa ko ang operasyon. Kayo lamang po at ako ang may kaparehas na type ng dugo niya." Sabi ni Valerie. "Gagawin ko po ang lahat Doktora." Ngumiti si Valerie.

"Doktora, gaya po ng sabi ko, wala po kaming pera..." Hindi naituloy ni Mario ang sasabihin dahil nagsalita si Valerie. "Sabi ko po sa inyo, dasal at dugo n'yo lamang po ang kailangan ko." Muling naiyak si Mario at hinawakan ng mahigpit ang kamay ni Valerie.

"Maraming salamat po Doktora." Sabi ni Mario. Isang matamis ng ngiti ang sinagot ni Valerie.

....

"Mukhang sadyang inililigaw tayo ng mga kumuha kila Val, Cap." Sabi ni Andre. Naikuyom ni Luke ang isang kamay habang tinitingnan ang sirang phone ni Valerie sa kabilang kamay.

....

Pagdating nila sa lugar kung saan na-locate ang signal ng tracker ni Valerie ay naghiwalay ang ORION at PHOENIX para palibutan ang buong lugar.

Habang naglalakad ay nakita ng PHOENIX ang itim na van na ginamit ng mga kumuha kay Valerie. Sa kabilang daan naman ay nakita ng ORION ang puting van na nagpaputok naman kila Iggy.

Nang magkita sila sa mismong location ng tracker ay saka lamang nila napagtanto na sadyang iniligaw sila ng grupo nila Dante.

Si Luke ang nakakita sa phone ni Valerie na nakabagsak sa lupa.

....

"Cap!" Lahat sila ay napalingon ng madinig ang sigaw ni Arater. "May daang tao dito!" Muling sigaw ni Arater at lahat sila ay nagmamadaling pumunta sa pwesto ni Arater.

"Magaling talaga sila!" Sabi ni Aziz ng makita na may dalawang daang-tao sa harap nila.

"Head!" "Tail!" Napatingin ang ORION at PHOENIX sa kani-kanilang Captain ng sabay itong magsalita. Nakita nilang sabay ding dumukot sa bulsa ang dalawa at sabay ding tumingin ang mga ito sa kanila.

"May coin ba kayo?" Tanong ni Iggy na nagpatulala sa lahat.

下一章