webnovel

CHAPTER 16 “LOVE LETTER”

NASA veranda nang mga oras na iyon si Daniel at inaabala ang sarili sa pagtugtog ng gitara nang maramdaman niya ang presensya ng kung sino na nakatayo sa kaniyang likuran.

"May kailangan ka Ate?" tanong niya kay Danica nang maupo ito sa bakanteng silya na katapat ng okupado niya.

Nagkibit lang ito ng balikat. "Mukhang ikaw ang may kailangan, ano itong narinig ko galing kay Aling Salyn na may kasabay ka raw na babae sa kotse mo kapag umuuwi ka?" nasa tono ni Danica ang pinaghalong excitement at curiosity.

"Ano?"

Narinig niyang nangalatak ang kapatid niya. "Ano ka ba Daniel, umamin ka na, sino iyon at mukhang may lovelife ka na agad kasisimula pa lang ng semestre?" ang patuloy na pagtatanong sa kaniya ng kapatid niya.

Noon natatawang ipinatong ni Daniel ang hawak niyang gitara sa sa center table na naroon saka nagsalita. "Si Ara iyon, taga-rito din siya sa barangay natin," sagot niya.

Kabisado niya ang ugali ni Danica, alam niyang hindi ito titigil hangga't hindi siya nito napapaamin kaya minabuti niya na sabihin nalang ang totoo sa nakatatandang kapatid.

"Yeah?" ang nakangiti nitong sabi sa makahulugang tono.

Naiiling na dinampot ni Daniel ang gitara saka tumayo. "Matutulog na ako, maaga pa ako bukas. Oo nga pala, hindi ko pa nasasabi sa iyo, student assistant ako sa library ng isang buong school year," aniya pa bago tuluyang iniwan ang kapatid.

Alam niyang sa ginawa niyang iyon ay lalo niyang pinukaw ang curiosity ni Danica. Kaya naman hindi na siya nagtaka nang sundan siya nito hanggang sa makapasok na siya sa loob ng kaniyang silid.

"Ano? At paano naman nangyari iyon?" ang taka nitong tanong.

"Matutulog na ako Ate, bukas nalang tayo mag-usap," ang natatawa niyang sabi saka hinawakan sa braso si Danica at hinila palabas ng kaniyang silid.

"P-Pero---,"

"Please? Bukas, promise ikukwento ko sa'yo ng buo," pangako niya saka na tuluyang isinara ang pintuan ng kaniyang kwarto.

Nang mapag-isa ay tahamik na naupo si Daniel sa gilid ng kaniyang malaking kama. Pagkatapos ay ibinagsak niya pahiga ang kaniyang sarili saka sandaling nakipagtitigan sa kulay puti na kisame.

Gusto niyang iparating kay Ara ang tungkol sa lihim na nararamdaman niya para rito. Pero hindi niya alam kung tama bang aminin na niya ang lahat kahit masyado pang maaga?

Buntong hininga lang ang isinagot ni Daniel sa sarili niyang tanong, pagkatapos ay bumangon saka kinuha sa drawer ng kaniyang sidetable ang isang pad ng stationery paper na natatandaan niyang nakatuwaan lang niyang bilhin noong araw na mamili siya ng mga kailangan niyang gamit para sa pagbubukas ng unang semestre school year na ito sa isang kilalang bookstore.

Maganda kasi ang design niyon, gitara at red rose. Hindi naman niya naisip na magagamit pala niya ito sa ganitong sitwasyon.

Matapos isulat ang date ay sinimulan ni Daniel ang paggawa ng isang simpleng liham para sa dalaga. Pero dahil nga sa pag-aalala niya na baka makilala ni Ara ang kaniyang sulat kamay ay minabuti ng binata na i-type iyon gamit ang kaniyang laptop saka niya ipinrint gamit ang mismong papel na magandang pero misteryosong disenyo.

Dear Ara,

Hindi na mahalaga kung sino ako.

Ang importante, itong nararamdaman ko para sa iyo na hindi ko alam kung saan nanggaling at kung saan papunta?

Napakaganda mo. At para sa akin ikaw ang pinakamagandang babae sa mundo ko.

Ingatan mo palagi ang sarili mo. Mahalaga ka sa akin.

Always,

…...

*****

"TOPRE ka," si Danica kinabukasan habang kumakain sila ng almusal.

Mabilis na nagsalubong ang mga kilay ni Daniel sa narinig. "Anong torpe?" tanong niya sa nagpo-protesta na tinig.

Noon inabot ng kapatid niya ang tasa nito ng kape saka uminom.

"Bakit, hindi ba totoo naman? Bakit kailangan mo pang idaan sa anonymous letter? Bakit hindi mo nalang aminin sa kanya na gusto mo siya?" anito sa kanya.

"Komplikado, pakiramdam ko kasi may gusto rin sa kanya si Jason," aniyang sinundan ang sinabi ng isang malalim na buntong hininga.

"Si Jason, iyong kaibigan mo?" paglilinaw ni Danica.

Tumango si Daniel saka nagpatuloy sa pagkain. Totoo naman kasi iyon.

Oo at noong simula ay ayaw niyang aminin sa sarili niya ang mga napapansin

niyang concern ni Jason kay Ara. Pero kahapon nang magkakasabay silang kumain ng lunch, nahalata niya sa mga panakaw nitong sulyap sa dalaga na para bang hindi lang pagtingin na kaibigan ang mayroon ito para sa babaeng nagugustuhan niya.

"Mahirap nga iyan. Pero mahirap din mag-jump sa isang conclusion. Malay mo ganoon lang talaga si Jason, maalaga sa kaibigang babae?" paliwanag pa ng ate niya.

May point naman si Danica sa sinabi nitong iyon. "Sana nga, kasi kung sakali, syempre ayoko rin naman na masira ang pagkakaibigan namin ni Jason," pagsasabi niya ng totoo.

"Mas maganda siguro ipakilala mo ako kay Ara. Curious tuloy ako sa kanya?" nasa tono naman ni Danica ang sinabi nito kaya hindi napigilan ni Daniel ang mapangiti.

Tumawa lang si Daniel saka na tumango at tumayo. "Aalis na ako," aniya sa kapatid na hinalikan pa niya sa ulo bago iniwan.

Nasa loob na ng kotse niya si Daniel nang may maalala. Pagkatapos noon ay nakangiti siyang nagdayal sa kaniyang telepono.

AGAD na kumabog ang dibdib ni Ara matapos mabasa ang numero na rumehistro sa screen ng kaniyang telepono. Pero syempre hindi niya kailangang magpahalata na kinakabahan siya at apektado siya sa simpleng tawag lang mula kay Daniel kaya sinubukan niyang gawing normal ang tono ng boses niya nang tanggapin niya iyon at nagtagumpay naman doon ang dalaga.

"Daniel, kumusta?" ang masayang bungad niya sa binata.

"Gusto ko sanang itanong sa iyo kung gusto mong sumabay na sa akin sa pagpasok? Para hindi ka na mag-commute?" tanong sa kaniya ng nasa kabilang linya.

Mabilis na lumapad ang pagkakangiti ni Ara dahil sa narinig. "G-Ganoon ba, sa tingin ko," aniyang sandaling natigilan dahil ang totoo hindi niya alam kung tatanggapin ba niya ang alok ni Daniel o tatanggihan.

"Pumayag ka na, daanan na kita ah? On the way na ako," anitong pagkasabi noon ay saka pinutol ang linya.

Sa nangyaring iyon ay agad na nagtumindi ang kaba na nararamdaman ni Ara. Mabuti nalang at patapos na siya dahil saktong paglabas niya ng kwarto ay saka naman niya narinig ang pagtigil ng isang sasakyan sa harap ng kanilang bahay.

"Nay, aalis na po ako," tawag niya sa nanay niya na noon ay nasa kusina.

"Sige, mag-iingat ka," ang sagot naman nito saka bago siya tuluyang lumabas ng kabahayan.

"Hey, good morning!" ang masiglang bati ni Daniel sa kaniya nang buksan niya ang pintuan ng passenger side.

"Good morning," ang nahihiyang sagot ni Ara saka na sumakay. "Thank you ah, nakakahiya man," aniya saka nahihiyang ngumiti.

Tumango lang ang binata. "Tara na?" anito.

"Okay," ang simple at maikling sagot lang ni Ara.

Kung gaano siya kaligaya nang mga sandaling iyon, hindi niya magawang ipaliwanag. Basta ang alam niya masaya siya, hindi lang dahil sa kasama niya si Daniel sa pagpasok sa eskwela kundi pati narin ang katotohanan na ito pa mismo ang nag-offer sa kaniya ng ride. At para sa katulad niyang lihim na humahanga sa binata, malaking bagay iyon, kaya naman masasabi niya na talagang buo na naman ang buong araw niya dahil kay Daniel.

*****

NAGING malaking challenge para kay Daniel kung papaano niya maipapadala o maibibigay kay Ara ang sulat na ginawa niya para rito kagabi.

Wala kasi siyang makuhang perfect timing kaya naman hindi naging madali para sa kanya ang gawin ang bagay na iyon. Dahilan kaya mas pinili niyang ipirmi na lamang iyon sa bulsa ng suot niyang pantalon.

Hindi nakasabay sa pagkain ng lunch sa kanila si Jason. Mas maaga kasi ang schedule ng pananghalian nito at silang dalawa ni Ara ang nagsabay.

"Sa canteen nalang tayo?" tanong niya sa dalaga nang palabas na sila ng library building.

Tumango si Ara. "Sandali lang, nasi-CR kasi ako eh, kung gusto mo mauna ka na puntahan nalang kita doon," anitong umakma pang tatalikuran na siya pero mabilis niyang nahawakan ang braso ng dalaga para pigilan.

"Okay lang, I'll wait for you here. Akin na ang mga libro mo para hindi ka mahirapan," aniya rito.

Tumango lang si Ara saka iniabot sa kaniya ang hinihingi ng binata. Nang maiwan siya ay noon niya nagmamadaling kinuha ang sulat sa kaniyang bulsa saka pasimpleng iniipit sa kulay berdeng notebook na nakaibabaw sa mga libro na ibinigay sa kaniya ng dalaga.

Sa tindi ng kaba na nararamdaman niya nang mga oras na iyon, parang gusto na nga niyang sang-ayunan ang sinabi sa kaniya kanina ni Danica, na torpe siya. Doon lihim na natawa ang binata.

下一章