webnovel

LIANE

Nang magising ako kinaumagahan dahil sa katok na nagmumula sa pinto ng kwarto ay halos hindi ako makakilos dahil sa panghihina at pananakit ng buong katawan. Pakiramdam ko ay para akong tumakbo ng napakalayo at hindi natulog. Bukod pa roon, ramdam ko rin ang tila panlalagkit at paninigas ng balat sa bandang tiyan.

Kaya naman pinilit kong bumangon kahit halos pikit pa ang aking mga mata dahil ito ang unang araw ko sa trabaho at hindi p'wedeng hindi ako pumunta.

"Liane, Liane?" Tawag ng kung sino mula sa labas. Ilang beses muna akong tumikhim dahil sa panunuyo ng lalamunan bago ko nagawang magsalita.

"Sino 'yan?"

"Si Melanie 'to. Ginising na kita dahil maaga tayong papasok. Nakaligo na ako, sumunod ka na bago pa magising iyong iba."

"Sige, kukuha lang ako ng bihisan."

"Sige." Ilang sandali pa ay narinig ko na ang papalayong mga yabag nito.

Napapabuntonghiningang hinawi ko ang kumot upang makatayo na. Pero biglang nanlaki ang mga mata ko at halos panawan ako ng ulirat ng makita ang hitsura ng mga iyon.

Punung-puno ng dumi at doon ko lang din naramdaman ang pagkirot ng mga talampakan ko. Nakita ko rin ang bakas ng natuyong dugo sa mga binti ko.

"A-anong? Paano? Pero panaginip lang ang lahat ng iyon. Isang masamang bangungot…" Naiiyak na bulong ko habang pilit na pinapahid ang mga bakas ng dugo gamit ang nanginginig kong mga kamay.

Gustung-gusto ko nang sumigaw dulot ng labis na takot na nararamdaman pero pinigil ko iyon dahil kapag may nakarinig sa akin at makita ang hitsura mo ay hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko.

Kaya naman kahit nanginginig ang buong katawan ay pinilit kong tumayo at kinuha ang tuwalya bago marahang naglakad palapit sa pinto at dahan-dahan iyong binuksan.

Sinilip ko muna kung may tao sa labas, nang masiguro kong walang ibang tao ay mabilis akong lumabas at tinungo ang banyo.

Pagpasok ay agad kong ini-lock ang pinto kasabay ng pagbukas ng ilaw. Halos hindi ako magkandatuto sa paghuhubad ng suot kong t-shirt dahil sa pagmamadali. At nang tuluyan kong mahubad ang suot ko ay doon ko nakita ang bakas ng natuyong kung ano.

Hindi napigilang i-trace ang ilan sa mga bakas na iyon. Nang biglang may kung anong alaala ang pumasok sa isip ko. Tinig ng nag-uusap na mga lalaki. Ang pakiramdam na para bang may humihimas at humahalik sa akin at sa katawan ko. Biglang nag-init ang buong mukha ko nang maalala ko rin ang kakaibang pakiramdam na lumukob sa buong katawan ko. Kasunod ang tila pagbulwak ng likido sa pagitan ng mga hita ko.

Pero pagkatapos ng masarap na pakiramdam na iyon ay ang nakakakilabot na bangungot. Mabilis kong pinigilan ang sarili na muling alalahanin ang pangyayaring iyon at wala sa sariling nagbuhos ng isang tabong tubig. Muntik pa akong mapasigaw dahil sa lamig niyon na naging dahilan para tuluyang magising ang diwa ko.

Mariin kong kinuskos ang mga binti at paa ko at wala akong pakialam kahit namumula na ang balat ko, maalis lamang ang pakiramdam na naiwan dahil sa natuyong dugo.

Hindi ko namalayan na umiiyak na pala ako dahil hindi ko maintindihan ang mga nangyayari. Ang inaakala kong bangungot ay hindi pala likha ng utak ko kung 'di isang totoong pangyayari na aksidente kong nasaksihan. At hindi ko alam kung anong gagawin ko para mabura sa isip ko ang mga nangyari.

下一章