webnovel

UNKNOWN

Apat na nilalang ang bigla na lamang lumitaw sa loob ng kwarto ng nahihimbing na dalaga na maipagkakamali mo bilang isang normal na tao dahil sa kulay kayumanggi nitong mga balat, itim na buhok at matitipunong mga katawan. Pero kung tititigan mong mabuti ang kanilang mga mata makikita mong hindi ito mata ng isang pangkaraniwang tao. Dahil iba ang kulay ng mga iyon. Oo at puti ang paligid pero ang bilog na nasa gitna niyon ay manipis na itim habang pula naman ang sentro.

At ang kanilang mga dila ay tila dila ng isang ahas na kaya nilang pahabin anumang oras nila gustuhin. Maging ang kanilang mga kuko ay kaya nilang pahabain at maaaring maging sandata dahil sa tulis ng mga iyon.

~~~~~

"Anong nangyayari? Bakit narito tayo at hubo't hubad?" Nagtatakang tanong ng bunso kong kapatid habang isa-isa kaming tinitingnan.

"P'wede ba? H'wag mo nga akong tingnan!" Naiinis na sabi ng pangatlo sa amin sabay takip ng mga kamay sa harapan nito. Habang kaming dalawa naman ng sumunod sa akin ay walang pakialam na tahimik na nakatayo sa gitna ng maliit na kwarto habang nakahalukipkip at iginagala ang mga mata sa paligid hanggang sa dumako ang mga mata namin sa kama kung saan naroroon ang isang nahihimbing na nilalang.

Agad na nagsalubong ang mga mata namin dahil sa kaalamang agad naming napagtanto. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko ng mga oras na iyon. Napakatagal na panahon ko itong hinintay at inasam at ngayong narito na siya sa harap namin ay tila nablangko ang isip ko.

"Tumigil nga kayong dalawa diyan!" Saway ko sa dalawa kong nakababatang kapatid sa matigas na tinig kaya natigil ang pagbabangayan ng mga ito at kunot-noong napatingin sa 'kin.

"What the…? Anong ibig sabihin nito?" Nanlalaki ang mga matang anas ng isa habang napasinghap naman ang isa pa nang dumako ang atensiyon ng mga ito sa babaeng himbing na natutulog.

"Hindi ba siya nahihirapan sa ayos niya?" Nakangiwing tanong ng bunso namin nang makita ang ayos ng babae, nakalawit ang dalawang binti at suot pa rin ang mga sapatos. Maging ang suot nito ay tila hindi kumportableng pantulog. Pagkatapos ay walang sabi-sabing lumapit ito sa natutulog na babae at tinanggal ang suot nitong sapatos bago binuhat para iayos ng higa. "'Yan! Hindi na siya mangangalay." Pero sa halip na umalis na sa tabi ng babae ay nanatili itong nakasampa sa ibabaw ng kama at nakatitig dito.

"Bakit parang ang bigat ng pakiramdam ko habang tinitingnan ko siya?" bulong nito habang marahang pinaglalandas ang kaliwang hintuturo sa pisngi nito.

Halos sabay-sabay na lumabas ang aming mga dila na animo'y nilalasahan ang hangin nang maglandas sa pisngi ng babae ang isang butil ng luha na tumama sa dulo ng daliri nito. At parang iisang tao na sabay-sabay kaming napahakbang palapit sa kama sa hindi maipaliwanag na dahilan.

"Hindi ko maintindihan ang nangyayari? Paanong narito tayo? At base sa hitsura ng paligid nasa loob tayo ng bahay-paupahan. Paanong nagkaroon ng ibang tao dito sa lugar natin? Paano siya nakapasok dito?" Sunod-sunod at naguguluhang tanong ng pangatlo kong kapatid.

Narinig namin ang pag-ingit ng babae at ang paggalaw nito kaya pare-pareho kaming natigilan at halos pigil-hiningang hinintay kung tuluyan ba itong magigising. Nakahinga lang kami ng maluwag nang umikot lang ito ng higa at humarap sa dingding.

"Kailangan na nating umalis baka bigla pa siyang magising at makita tayo. At bukas na bukas ay aalamin natin kung paano siya nakarating at nakapasok dito sa lugar natin," sabi ko habang nakatitig sa likod ng nahihimbing na dalaga.

sa isang kisap-mata ay naglaho ang mga ito na parang usok na tinangay ng hangin.

下一章