webnovel

Capitulo Viente Dos

Matapos ang kaguluhan ay hindi umalis si Lucas sa tahanan ng mga Zamora upang damayan ang kaibigan ng pamilya. Isinantabi muna niya ang nararamdamang inis dahil sa pagtatalo nila ng kasintahan.

Nalaman niya kay tatang Pitong na umuwi na ito, inutusan niyang sundan ang dalaga at siguruhing ligtas itong makakauwi.

"Tumahan ka na Mariya, huwag kang mag-alala hindi kita pababayaan. Sina ama at ina ay gumagawa na ng paraan upang matulungan ang iyong ama." masuyong wika ni Lucas sa dalagang yakap-yakap at patuloy na umiiyak.

Dinala na ng mga gwardiya sibil sa Fort Santiago sa bagong bayan ang aman nito upang doon ay litisin at kung mapatunayan ang mga ibinibintang ay maaring magarote ang Gobernadorcillo.

Hindi niya mapapayagang mangyari iyon, mabuting tao si Don Thomas, mula pagkabata ay kilala na niya ito, mas lalong napalapit ang loob niya dito ng maging magkasintahan sila ng panganay nitong anak na si Katrina.

Sumikip ang kaniyang dibdib ng maalala ang yumaong kasintahan, kung hindi ito nawala ay malamang mag-asawa na sila at mayroon na ring anak, isa na sana silang tunay na pamilya ng nga Zamora. Nangako siyang aalagaan niya ang bunso nitong kapatid na si Mariya maging ang ina nito at ama. Subalit tila yata ay mabibigo siya, muling nagtagis ang kaniyang bagang.

Nakatulog sa kaniyang dibdib ang dalaga, maingat niya itong binuhat at dinala sa silid nito sa loob ng malaking bahay. Nang matiyak na maayos na ang pagkakahiga ng kababata ay nagpaalam na siya kay Donya Trinidad na namamaga rin ang mga mata at tila hindi rin mapakaling pauli-uli sa malawak na salas ng bahay.

Tipid lamang itong tumango, nababasa niya ang galit sa mga mata ng ginang. Naiintindihan niya ng galit nito sa gumawa ng kasinungalingang nagpahamak sa asawa nito dahil pareho lamang sila ng nararamdaman.

Nangako siya sa Ginang na tutulungan niyang mapawalang sala ang Gobernadorcillo. Sumakay siya ng kalesa at nagpahatid sa kanilang tahanan. Agad siyang sinalubong ng nag-aalaang si Donya Juliana sa harap ng pintuan ng kanilang bahay.

"Kamusta anak, ano nang kalagayan ni Donya Trinidad at ng iyong kaibigan?"

"Tiniyak kong maayos na ang lagay nila ina bago ako umalis." pagod na sagot niya. Tila naubusan siya ng lakas sa pagaasikaso sa tahanan ng Gobernadorcillo.

"Mabuti naman, ang iyong ama ay naroon pa rin sa Intramuros at nakikipagpulong sa Gobernador Heneral." kwento ng kaniyang ina. "Halika tumuloy ka na nagpahanda ako ng hapunan alam kung gutom at pagod ka anak." ani pa ng Ginang. Sumunod siya sa ina, awtomatikong lumibot ang kaniyang tingin sa loob ng bahay.

"Anak halika na sa kumedor." tawag ng kaniyang ina, hindi niya namalayang huminto pala siya sa pagsunod dito. Kunot ang noong muli siyang humakbang. Sa kusina ay muling naghanap ang kaniyang mata, naroon ang kanilang tagasilbi na si Manang Pasita at ang apo nitong si Norma naghahanda ng kaniyang hapunan.

Para lamang sa isang tao ang inihaing pagkain. "Kumain na kaming lahat ikaw na lamang ang hindi." tila nabasa ng ginang ang katanungan sa mata ng anak.

Naupo na si Lucas at nagsimulang kumain, nakarinig siya ng mga yabag ng paa papasok sa kusina, bumilis ang tibok ng kaniyang puso at mabilis na nilingon ang taong nagmamayari niyon.

Ang pagod na hitsura ng kaniyang ama ang nakita at agad din ang pagsalakay ng pagkadismaya sa dibdib niya. Bumalik sa normal ang tibok ng kaniyang puso at muling kumunot ang kaniyang noo.

"Papa, ya estás aquí." Narito na pala kayo ama. pinilit niyang ignorahin ang dismayang nararamdaman at isinantabi upang makibalita sa kaniyang ama.

Sa gilid ng kaniyang mata ay nakita niyang muling naghahain ang mga tagasilbi ng hapunan para sa bagong dating.

"Serio ano na ang nangyari sa inyong paguusap ng Gobernador Heneral." ang kaniyang ina. Tumayo ito sa kinuupuang bangko na yari sa narra at muli ring naupo ng umupo ang kaniyang ama.

Umiling-iling ang kaniyang ama. "Matibay ang mga ebidensyang hawak ng heneral, meron din silang mga testigo. Ang hindi ko mapaniwalaan ay sila din ang pinagbibintangan na nagnanakaw at nagsusunog ng mga kalakal natin bukod sa siya din ang tinuturong utak sa nangyaring nakawan ng mga armas at pasabog."

"Anong kalokohan iyan!" ang hindi makapaniwalang sambit ng kaniyang ina na napataas pa ang tinig. Maging siya ay nagulat sa sinabi ng ama.

"Hindi magagawa ni Ginoong Thomas ang paratang na iyan." ang naiiling din niyang sambit.

"Ganiyan din ang saloobin ko sa nangyayari. Nakiusap na ako sa Goberndor heneral at nakiusap na muling imbestigahan ang kaso, subalit sarado ang kaniyang isip. Kinakabahan ako at natatakot sa maaring mangyari sa aking kaibigan." ang nanlulumong wika ng senyor.

Nawalan siya ng ganang ipagpatuloy ang pagkain. Iniisip niya ang maaring kahinatnan ng pamilya ng dating kasintahan. Ano ang mangyayari kay Donya Trinidad at sa kaniyang kababatang si Mariya?

Hindi niya kayang isiping pahihirapan ang mga ito at kukutyain ng mga tao dahil sa maling paratang. Patuloy na nagusap ang kaniyang mga magulang habang siya ay nahulog sa malalim na pagiisip kung papaano matutulungan ang pamilyang itinuring na rin niyang kaniya.

Malalim na ang gabi ng matapos silang maghapunan. Tumuloy siya sa itaas ng bahay sa pangalawang palapag. Merong apat na silid doon.

Huminto siya sa tapat ng silid ng kaniyang kasintahan nagdadalawang isip kung sisilipin niya upang tingnan kung naroon ang dalaga. Subalit muli niyang narinig sa isip ang mga salitang binitiwan nito kanina.

"Mahalaga sayo dahil sila ang pamilya ng pinakamamahal mong si Katrina."

"Hindi mo sila kayang husgahan dahil mahal mo ang anak nila, ngayon mo patunayang hindi mo na mahal si Katrina, kung makikialam ka sa kanila ay patutunayan mong tama ako."

Muling nagtagis ang kaniyang bagang at ikinuyom ang kaniyang palad. Nagpatuloy siya sa paglakad at tinungo ang kaniyang silid.

Kinabukasan pagkagising pa lamang ni Lucas ay nagmamadali siyang nagtungo sa kusina naroon ang kaniyang ama at ina maging ang ilang mga tagasilbi. Nagdikit ang kaniyang kilay at muling tumingin sa ikalawang palapag ng bahay at sa palibot ng sala.

"May hinahanap ka ba anak?" bumalik ang kaniyang tingin sa kaniyang ina. Umiling siya at tipid na ngumiti dito. Matamlay na humila siya ng upuan at naupo sa harap ng kaniyang ina. Nasa kanang dulo ng lamesa ang kaniyang ama na siyang lagi nitong upuan.

Nagsimula na rin siyang kumain ng almusal. Naririnig niya ang pag-uusap ng kaniyang ama at ina subalit wala doon ang kaniyang pansin.

Ang munting kaba sa kaniyang dibdib mula kahapon ay unti-unting bumibigat. Sa halip na ang kaniyang isipin ay ang kalagayan ng kaibigan ng kanilang pamilya ay ang babaeng may matigas na puso ang gumugulo sa kaniyang isipan.

Saan naman kaya ito nagpunta. Marahas siyang uminom ng tubig at ibinagsak ang walang lamang baso sa lamesa. Napaigtad ang kaniyang ina at nagtatakang tinapunan siya ng tingin napahinto naman sa pagsasalita ang kaniyang ama. Humingi siya ng paumanhin at magalang na nagpaalam sapagkat tapos na siyang mag-almusal.

Ang balak niya ay magtungo sa tahanan ng mga Zamora upang kamustahin ang mag-ina, pagkatapos ay magtutungo siya sa bagong bayan upang makausap ang Gobernadorcillo. Nakasalubong niya si tatang Pitong ng makalabas siya ng pintuan ng bahay.

"Magandang umaga Ginoong Lucas." bati nito sa kaniya, inalis nito ang suot na sumbrerong buli at magalang na tumungo ang ulo.

"Magandang umaga rin ho... ah... gising na po ba s-si binibinig Lyra." tumikhim siya at hindi ipinahalata ang alinlangan sa kaniyang tinig.

Ngumiti ang matanda. "Kanina pang madaling araw ginoo, sa pagkakaalam ko ay may kakausapin siya. Darating ang negosyanteng Mejicano, sa bahay-kalakalan sa La union, doon tutungo ang binibini."

"Bakit siya ang ipinadala ni ina, naroon naman si Ginoong Nicolas." ang tinutukoy ay ang tauhan ng kaniyang ina na itinalagang manguna sa kalakalan ng trigo doon.

"Sa tingin ko ay magandang ang binibini ang pumunta roon sa lawak ng kaniyang kaisipan ay mas matutugunan niya at mapangungunahan ang pangangalakal sa mga Mejicano at Aleman. Hindi ba at matapos niyang makausap ang mga negosyanteng taga cadiz at mga ingles ay naging maayos at bumaha ang pamilihan ng kalakal."

Matipid siyang tumango. "Gaano siya katagal mamamalagi roon?" matigas niyang tanong. Mukhang hindi naman nahalata ang pag-iiba ng kaniyang timpla dahil masigla pa rin itong sumagot, makikita ang labis na paghanga sa dalagang pinguusapan.

"Naku, siguro ay aabutin ng dalawang linggo, kaya sa palagay ko ay naroon siya ngayon sa sentro ng kalakalan upang siguruhing maayos lahat bago siya lumakad patungong La union. Hindi ba at napakasipag na dalaga."

Muli siyang tumango at nakahinga ng maluwag. "Kung ganoon ay hindi pa siya nakakaalis ng Maynila. Gusto kung puntahan niyo siya tatang Pitong. Si Ginoong Fausto ang ipapadala ko sa La Union, mas maraming aasikasuhin dito sa Maynila at mas kakailanganin ni ina ng tulong ngayon dito dahil sa gulong nangyayari sa mga Zamora." sumangayon naman ang matanda at sinunod ang kaniyang utos. Siya naman ay nagtungo sa bahay ng Gobernadorcillo.

Malugod siyang binati ni Donya Trinidad at pinatuloy sa magara nitong tahanan. Bakas sa mukha nito ang kapaguran. Malaki ang pagkakahawig nito kay Mariya, maliit lamang din na babae at kulay kayumanggi ang balat sapagkat isa itong pilipino samantalang insulares naman si Don Thomas.

Palaging maayos ang mga pananamit nito, magara at palaging may suot na ternong alahas, malaking hikaw na perlas at tatlong patong na kwintas. Ang mukha nito ay may pagkaistrikta na siyang palaging kinatatakutan ni Mariya noong mga bata pa sila subalit palagi itong mabait sa kaniya.

Pumasok siya at nabungaran ang kaniyang kababatang malungkot na nakaupo sa mahabang upuang yari sa matibay na kahoy at may kutson sa ibabaw, nakasuot ito ng puting baro't saya at may hawak na makulay na abaniko.

Sa kabila ng suliranin ay maganda pa rin ang dalaga. May payak na ngiti siya nitong sinalubong at yumakap sa kaniya.

"Kanina pa kita hinihintay Ginoong Lucas." garalgal ang boses nitong dulot ng matagal na pag-iyak. Muling sumikip ang kaniyang dibdib hindi niya alam ang gagawin upang maalis ang paghihirap sa puso ng dalaga, natatakot siyang maging dahilan ng muling paghina ng puso nito ang nangyayari sa pamilya nito.

Nangako siya kay Katrina na hindi niya hahayaang maging iisa ang kapalaran nila ng bunsong kapatid. Sapagkat tulad ni Mariya ay mayroon ding sakit sa puso ang dati niyang kasintahan na ikinamatay nito.

"Hindi na namin alam ang gagawin, kinukumpiska ng mga pinadalang gwardiya sibil ng Gobernador Heneral ang mga negosyo ni ina, at ang mga lupa namin ay sinasamsam ng mga prayle, ang sinasabi nila ay ninakaw lang ni ama ang mga titulo ng mga lupain." muling umiyak ang dalaga.

"ĺNo pueden hacer eso!" Hindi nila maaaring gawin iyon! galit na wika niya. "Voy a hablar con mi padre al respecto." Kakausapin kong muli ang aking ama tungkol dito.

"Ano na lamang ang mangyayari sa amin Lucas, si ama ay walang kasiguruhang makakalaya, at unti-unti ng lumulubog ang negosyo ni ina, pinag-uusapan kami ng mga maharlika at tinatawag kaming mga maharlikang-panggap." ang nahihirapan nitong sumbong.

"Huwag kang magpadala sa kanila Mariya!" ang galit na asik ni Donya Trinidad. "Iikot muli ang gulong at kapag tayo ay nakaahon sa suliraning ito ay makikita nila!"

"Ngunit paano natin maayos ang gulong ito ina?" ang tinig ng dalaga ay may halong pagaakusa na tila ba ay sinisisi ang ina sa nangyayaring gulo sa kanilang pamilya. "Kung hindi ninyo sana-----"

"---Manahimik ka Mariya!" ang nanlalaking matang putol ng Ginang sa sasabihin ng anak. "May naisip na akong sulusyon sa ating prolema." anito, tumingin ito sa kaniya. "Ginoo, iho... matagal na naming kaibigan ang inyong pamilya, halos anak na rin ang turing ko sa iyo at labis kong ikinalungkot na hindi na madudugtungan ang pagsasama ninyo ng aking anak na si Katrina..." may lungkot na sa tinig nito at maging siya ay bahagyang nalungkot sa pagkabanggit nito sa pangalan ng yumaong kasintahan.

"Kung... kung pakakasal ka sa aking anak na si Mariya ay masusulusyonan ang problema sa aming negosyo at maging sa mga lupa, higit pa roon ay maiiwasang magarote ang aking asawa na itinuturing mo na ring pangalawang ama, at... at sigurado akong labis na magpapasalamat ang aking si Katrina sa langit. Alam kong hiniling niya sa iyo na huwag pabayaan ang bunso niyang kapatid. Tiyak na magiging masaya siya kung makakasal ka kay Mariya."

Tila naubusan ng sasabihin ang nabiglang binata. Napaiwas ito ng tingin subalit tumama iyon sa dalaga. Nangungusap ang malungkot nitong mga mata at tila ba umaasang papayag siyang makasal dito.

"No tiene quie responder ahora, puede pensar en ello." Hindi mo kailangang sumagot ngayon Ginoo. Maaari mong pag-isipan ang mga sinabi ko. " narinig niyang dugtong pa ng Ginang.

"L-lo pensare." P-pag-iisipan ko po. Ang tangi na lamang niyang sinabi. Mabigat ang kaniyang dibdib at puno ng alalahanin ang kaniyang isipan hanggang sa siya ay makauwi. Nalilito siya at tila sumasakit na ang kaniyang ulo sa pag-iisip ng maaring paraan upang masulusyonan ang suliraning bumabagabag sa kaniya na dulot ng pakiusap ng Ginang.

Hindi muna siya tumuloy sa kanilang tahanan, dinala siya ng kaniyang mga paa patungo sa burol. Gumagaan ang kaniyang isipan tuwing naroroon siya, mayroong antisipasyong nadarama, naroon kaya si Lyra?

Tila isang taon na ng huli niya itong nakausap, bagamat inis siya sa ugali nito at sa katigasan ng puso nito ay hindi naman niya magawang tuluyang magalit dito.

Ang kaninang tunog ng mga nadudurog na tuyong mga dahon at maninipis na putol na sangang tinatapakan niya na bubumabasag sa katahimikan ng paligid ay nadagdagan ng mahinang agos ng batis at mumunting huni ng mga ibon habang papasok siya sa kasukalan.

Nahinto siya sa paghakbang ng maulinigan ang dalawang taong nag-uusap. Hinawi niya ang mga nakalawit na baging mula sa malaking puno ng balete upang masilip kung sino ang nangahas na pumasok sa kaniyang sanktwaryo.

Isang tao lamang bukod kay tatang Pitong ang nakakaalam ng lugar at iyon ay ang kaniyang kasintahan.

Natulos siya sa kaniyang kinatatayuan ng makilala ang dalawang taong naguusap ang babae ay nakaharap sa batis samantalang nakaharap naman dito ang lalaking isang dipa ang layo dito. Agad ang pagsalakay ng inis sa kaniyang mukha.

Sino ang nagbigay ng karapatan dito na magdala ng lalaki sa kaniyang burol. Pakiramdam niya ay umuusok ang kaniyang tenga sa inis, natigil siya sa akmang pagsugod ng pumailanlang ang pangit na boses ng pangit na lalaki.

"Napakahusay mo talaga binibini, dahil sa ginawa mo ay tuluyan ng babagsak ang Gobernadorcillo, maging ang mga kasapi natin na noon ay walang tiwala sa mga plano mo ay malaki ang paghanga subalit mas lalong natakot sa iyo. Marahil ay kinatatakutan nilang pabagsakin mo rin sila tulad ng ginawa mo sa mga Zamora."

Tila may sumuntok kay Lucas sa narinig, parang may kung anong humalukay sa kaniyang tiyan at muntik na siyang mabuwal, sa isip ay paulit-ulit ang mga salitang narinig...

"Dahil sa ginawa mo ay tuluyan ng babagsak ang Gobernadorcillo....Marahil ay kinatatakutan nilang pabagsakin mo din sila tulad ng ginawa mo sa mga Zamora."

Sumulak ang galit at kinuyom niya ang kaniyangkamao kasabay niyon ay may tila matatalim na punyal ang sumaksak sa kaniyang dibdib. Napasandal siya sa katawan ng malaking puno dahil sa panghihina ngkaniyang mga tuhod, nararamdaman niya ang panginginig ng kaniyang kalamnan.

Mariin siyang pumikit upang labanan ang pagsikip ng kaniyang dibdib at ang pagkirot niyon, sa kabila ng labis na galit ay labis din siyang nasasaktan. Nang makabawi ay walang lingong-likod na nilisan niya ang lugar na sa palagay niya ay hindi na niya muli pang babalikan.

下一章