Sobrang laki ng bahay ng mga Lizares dito sa Maynila. Sa sobrang laki, halos mabali na ang leeg ko kakatingin sa mataas na kisame ng kanilang bahay, sa kakatingin sa iba't-ibang klaseng muwebles na meron sila rito.
Ilang araw na ako rito pero sa tuwing ibubuka ko ang mata ko, sa tuwing lalabas ako ng kuwarto kung saan ako natutulog, sa tuwing magkakaroon ako ng pagkakataon na gumala sa loob at labas ng bahay ay namamangha pa rin ako.
Sino bang hindi? Sobrang laki ng bahay nila. Pero wala nang mas lalaki pa sa mansion nila sa bayan namin na kung tawagin nila na Manor de Lizares. Mukhang wala namang pinagkaiba, malalaki talaga ang mga bahay nila at hindi ko alam kung saang sulok pa ng bansa ang ibang bahay nila. Ganito ba talaga ka-yaman ang mga Lizares? Talagang-talaga ba?
I can't directly describe the entire house. Use your imaginations na lang woy.
"Ang ganda ng house, in fairness," wika ni Sia habang iginagala pa ang tingin sa kabuuan ng dining room ng malaking bahay na ito.
Tatlong araw matapos naming makarating sa Maynila ay saka lang nakabisita si Sia rito kaya ngayon lang siya nakapunta sa mansion na ito ng mga Lizares.
Abala ang mga kasambahay na umasikaso sa amin. Gusto ko sanang tumulong, palagi naman, kaso palagi rin nila akong sinasabihan na hindi na dapat, bisita raw ako ng mga Lizares kaya hindi na dapat akong gumawa ng mga gawaing bahay kahit kating-kati na akong tumulong sa kanila. Hindi ako sanay na wala akong ginagawa. Ayokong maging donya kasi hindi naman talaga ako donya, mas lalong hindi seniorita.
"By the way, pasensiya ka na kung ngayon lang ako nakabisita sa 'yo. 'Yong boss ko kasi, masiyadong apurado, kararating ko lang ng Manila ang dami na agad na utos sa 'kin. Mabuti nga day-off ko ngayon, e. I have the whole day to be with you."
"Salamat, Ate," magalang na sabi ko sa mga kasambahay na nagsilbi sa amin ni Sia para mabigyan ng merienda. "Ano ka ba, Sia, okay lang 'yon, 'no. Hindi mo naman talaga ako responsibilidad, e."
"Like, duh, Aylana! Nangako kaya ako kay Tita at Tito na babantayan kita rito. Alam ko namang mababantayan ka talaga ni Engineer Sonny dito pero iba pa rin talaga kapag may kamag-anak na nagchi-check sa 'yo from time to time, 'no. At saka, catching up na rin natin 'to," sagot naman niya sabay lantak no'ng cake na inihanda ng mga kasambahay.
"Sige, ikaw bahala," sagot ko na lang. "Oo nga pala, saan ka nga pala nagta-trabaho? Hindi ko naitanong 'yon sa 'yo, a?"
Sinimulan ko na ring kainin 'yong cake na para naman sa akin. Sinubo ko muna ang unang slice ng cake bago ko siya tiningnan.
"O, ba't nakasimangot ka?" Puna ko sa masama n'yang mukha.
"I work with Project Aureliana."
"Project Aureliana?"
"It's a private charity organization owned by the Osmeñas. Basta! All about charities and kawang-gawa ang mga ginagawa namin."
Ha?
"Teka, Osmeña? Osmeña ang may-ari ng pinagta-trabahuan mo?"
Literal na napatigil ako sa pagkain dahil sa narinig ko mula sa kaniya. Nagulat lang ako.
"Yeah. And guess who's my boss in Project Aureliana?"
"Si Senyora Auring? Siya lang naman ang may-ari n'yan, 'di ba?"
Isang tikhim ang sinagot niya sa akin. Umayos pa siya sa pagkakaupo at inatupag ang pagkain niya.
"Y-Yeah… Sino pa ba? Y-Yeah, si Senyora Auring nga. Akala mo si Breth Osmeña, 'no?"
Huh?
"Breth Osmeña? Bakit naman siya 'yong sasabihin ko? May kinalaman ba siya sa charity na pagmamay-ari ng Lola n'ya? Hindi naman siya 'yong tipo na mahilig sa ganoon, e."
"Y-Yeah, tama ka nga. But he works there."
"Huh? Nagta-trabaho siya roon? Edi, magkatrabaho kayo?"
Tumango siya sa naging tanong ko.
"He's like my direct boss. But it's fine. Wala na naman sa akin 'yong nangyari dati. He has a girlfriend now and bali-balita na they're going strong and matagal na raw sila. So… working there isn't that big deal to me."
Napatitig ako kay Sia dahil sa sinabi niya. Tunog defensive siya at mukhang ang sarili niya ang sinasabihan niya.
Talaga bang okay lang, Sia? O hanggang ngayon, si Breth Osmeña pa rin talaga?
Napabuntunghininga na lang ako at tumango na lang sa sinabi niya. Hindi na ulit nagtanong tungkol sa trabaho niya. Baka kako may maungkat pang hindi na dapat pang ungkatin.
Nag-usap lang kaming dalawa ni Sia hanggang sa gumabi na at kinailangan na niyang umuwi sa apartment na tinitirhan niya. May sasakyan siyang dala at in fairness sa kaniya, marunong na siyang magmaneho, ha.
Naging routine na naman ang naging takbo ng buhay ko sa mansion na iyon. Madalas akong mag-isa kasi busy si Sonny sa pag-aaral, trabaho, at kung anu-ano pa. Dito naman siya umuuwi kaya nagkikita kami tuwing umaga o gabi, depende sa schedule niya. Okay lang naman sa akin, naiintindihan ko naman.
Parang nasasanay na nga ako, e.
Gusto ko sanang makipag-usap sa mga kasama ko rito, baka kasi mapanis 'tong laway ko, kaso nahihiya naman ako at alam n'yo naman na hindi ko talaga forte ang makipag-usap sa iba.
Hindi rin naman nila ako kinakausap. Feeling ko tuloy parang pinagbawalan silang makipag-usap sa akin. Game sana akong makipag-chikahan sa kanila kung sila ang mag-i-initiate ng conversation namin, e. Game talaga ako sa ganoon.
Walong buwan na 'yong tiyan ko. Sa susunod na buwan na ang due date ko. Isang buwan na lang pala at makikita ko na ang maliit na nilalang na nasa loob ng tiyan ko.
Noong isang araw, nakapagpa-check-up ako sa isang bagong doctor. Nasa probinsiya kasi si Doc Dahlia Hinolan at hindi na siya puwedeng mag-check sa akin kaya ipinasa at inirekomenda niya ako sa kakilala niyang doctor din. Kilala rin naman daw ni Sonny kaya pumayag na siya.
Babae pa rin 'yong Ob-Gyne ko. Healthy naman daw ang bata, sabi niya, kaya expect ko na raw ang due date ko. Walang ibang kumplikasyon kaya matinding kaginhawaan iyon sa akin. Akala ko kasi, malaki ang epekto sa anak ko ang mga nakaraang nangyari. Mabuti na lang talaga at malakas at malusog ang bata… mukhang alam ko na kung kanino ito magmamana.
"O, Ayla, ang aga mo namang nagising?"
Saktong pababa ako ng hagdan ay siyang pagdating ng isang pamilyar na mukha. Nagulat ako kaya kinailangan kong huminto para kalmahin ang sarili ko.
Sunod-sunod na paglunok ang nagawa ko nang makitang may iilang maleta akong nakita na ipinapasok ng iilang kasambahay.
Nakatayo sa gitna ng malaking sala si Sir Siggy Lizares. Nakapamulsa at nakangiting nakatingala sa akin.
Napalunok ulit ako. Medyo kinabahan sa naging situwasiyon.
Masiyado kasi akong nasanay na kaming dalawa lang ni Sonny ang nandito sa mansion na ito. Simula no'ng dito ako nanatili, hindi ko pa nakita ang ibang Lizares na nanatili rito. Ngayon lang. Ngayon lang talaga.
Dahan-dahan akong bumaba ng hagdan habang sapu-sapo ang tiyan ko. Legit na sobrang nahihiya na ako ngayon.
"M-Magandang umaga, Sir Siggy," magalang na bati ko nang makaharapan ko na siya.
Mahina siyang tumawa bilang paunang sagot tapos ay marahan niyang tinapik ang balikat ko.
"Siggy na lang, Ayla. Puwede ring Kuya Siggy kung trip mo. Basta 'wag na 'yong Sir. Hindi ako sanay tinatawag sa ganoon, lalo na sa mga babaeng magiging miyembro na ng pamilya namin."
Tipid akong ngumiti sa sinabi niya kahit na sa kalooblooban ko ay sandamakmak na kilig na ang nararamdaman ko.
Enebe, Keye Siggy, pereng tenge.
Anak ng baboy, Ayla, ang sagwa!
"Ang aga mo namang nandito?"
Isang mala-kulog na boses ang nagpatigil sa akin sa planong pagsagot kay Siggy Lizares. Napatingin ako sa bandang hagdanan at nakita ko nga roon si Sonny na mukhang kagigising lang.
Ang cute n'ya. Humihikab pa talaga siya habang bumababa.
"Inutusan ako ni Mommy na dalhin dito 'yong mga gamit nila. At saka dito na rin ako magbi-breakfast. I miss the lutong bahay," sagot niya sabay lakad papunta sa direksyon ng kusina.
Teka, sandali. Ano 'yong sinabi n'ya? Nandito si Donya Felicity? Like, totoo?
"Ang sabihin mo, nag-away na naman kayo ni Sandi kaya ka nandito. Ugok."
Lumapit si Sonny sa kaniya at marahas niyang inakbayan ang kapatid.
Ang cute nilang tingnan. Tama nga 'yong naririnig ko sa iba, na sila ang pinaka-close sa magkakapatid.
"Hindi kami nag-away. Nag-break kami."
Natigil sa pang-aasar si Sonny. Natigilan din ako.
Ha? May girlfriend pala siya? Sino?
"Bro…" Nag-aalalang tanong ni Sonny sa kaniya.
"Bro…" Sagot din ni Siggy habang nakatingin sa kapatid.
Ano bang trip nila?
"Ikain mo na lang 'yan, bro. Panigurado, ikaw na naman 'yong may kasalanan kung bakit kayo nag-break." At bigla silang naglakad papasok sa dining room.
Anong trip ng magkapatid na 'yon?
Na-weird-uhan man sa inasta nilang dalawa, sinundan ko pa rin sila papuntang dining room. Sakto kasing inihain na ang agahan namin.
"Mamayang gabi pa uuwi sina Mommy at Daddy dito sa bahay. Dumiretso kasi sila sa kompanya kanina after their flight tapos ang sabi ni Mommy kanina na makikipagkita sila for lunch kay Charles at MJ. Panigurado, shopping spree na naman ang gagawin ni Mommy after their lunch," biglang kuwento ni Siggy habang kumakain kami. Nakatingin lang siya sa kapatid.
"E, ano naman ngayon?" Walang galang na sagot ni Sonny sa kapatid.
"Ugok! Sinasabi ko lang ang sched ni Mom. Dapat kasi ikaw 'yong susundo sa kanila kanina sa airport kaso hindi ka raw matawagan nang kahit sino kaya no choice sila, ako 'yong binulabog."
"I was busy with grad school. Tinapos ko na lahat kagabi kaya magdamag akong gising. Mag-s-shift na ako into online class para maka-take ako ng leave."
Napatingin ako kay Sonny dahil sa sinabi niya.
Magdamag siyang gising kagabi? Sana sinabi n'ya nang matimplahan ko siya ng kape.
"For what?"
"For Ayla."
Ha? Anong para sa akin?
"Oo nga pala. Next month na nga pala ang due date n'ya. That's good though. Pero nagpaalam ka na ba kay Daddy?"
Ano? Para sa akin? Ang ano?
"I'll tell them later."
"Sige, ikaw bahala."
Nagpatuloy ang pag-kain namin nang tulala ako, iniisip kung ano 'yong ibig sabihin n'yang para sa akin. Ang ano ba? Ang sinabi lang naman n'ya kanina ay tungkol sa leave na gagawin n'ya. Pero leave sa ano? Sa group chat? Sa grad school na sinasabi n'ya? Ano? At ano ang kinalaman ko roon? Ano ba!
Matapos ang agahan namin ay nagpaalam si Siggy na aakyat daw muna sa kuwarto niya para magpahinga. Pagod daw kasi siya galing sa gig niya kaninang madaling araw.
Ako naman, gaya ng madalas kong ginagawa sa araw-araw na mag-isa, ay naglakad-lakad sa hardin ng mansion. Tumitingin-tingin ako sa iba't-ibang klaseng magagandang halaman at bulaklak. Nagpapa-araw na rin kasi alam n'yo na, ang vitamin D ay kailangan ng ating balat. Maaga pa naman kaya paniguradong healthy pa ang sikat ng araw ngayong oras.
Paminsan-minsan akong napapahinto sa ginagawa kong paglalakad para i-appreciate ang ganda ng mga bulaklak.
Tumigil ako sa collection ng succulents, kung ito'y tawagin ng mga kasambahay na nandito. Ang dami nila at sobrang ganda pa ng designs nila. Ang liliit nilang tingnan pero sobrang ganda.
Kumuha ako ng isang maliit na pot para tingnan nang malapitan ang halaman na iyon.
Ang cute! Parang gusto ko tuloy mag-alaga nang ganitong klaseng tanim. Wala sa amin 'to, e. Ngayon ko nga lang nakita 'to. Ang ku-cute talaga nila. Nakakagigil.
"That's Mom's collection."
Anak ng baboy. Talagang ang ganda ng timing n'ya, ano?
Napalingon ako sa nagmamay-ari ng mala-kulog na boses. Malapit lang siya sa akin at nasa mismong tabi ko na siya at kumakain ng… marshmallow?
"Gusto mo?" Offer n'ya sa hawak n'yang isang pack ng malalaking marshmallow.
Gusto kong matawa pero seryoso 'yong atmosphere kaya umiling na lang ako para tumanggi.
Hindi ko tuloy alam kung sino ang mas cute: 'yong succulents ba o siya na kumakain ng marshmallow sa tabi ko. I think it will be the latter.
Anak ng baboy, Ayla! Magpigil ka naman sa mga pinag-iisip mo.
"Ang gaganda ng mga tanim ni Donya Felicity," sabi ko, pilit ibinibigay sa mga tanim ang buong atensiyon ko. Sinasakop na naman kasi ako ng kaniyang mabangong amoy.
"Mas marami ang succulents niya sa Manor. May isang greenhouse talaga siya na ang laman lang ay iba't-ibang klaseng succulents and cactus," dagdag na kuwento n'ya.
Pinagmasdan ko nang maigi ang kinuha kong pot.
"Um, Sonny, puwedeng magtanong?"
"Go on."
Huminga akong malalim para makahugot ng lakas ng loob. Saka ko ibinalik ang kinuha kong tanim sa kaninang puwesto nito.
"Um, ano, tungkol sa mga magulang mo?" Bahagya ko siyang nilingon para makita kung anong magiging reaksiyon niya kapag binanggit ko ang mga magulang niya pero nanatili pa ring parang walang expression ang mukha niya at patuloy pa rin siya sa pagkain ng marshmallow. Umiwas na lang ako ng tingin at nagpatuloy. "Um, ano, talaga bang okay lang sa kanila na nandito ako ngayon? Hindi ba sila nagalit o ano no'ng nalaman nilang dadalhin mo ako rito?"
Pinag-krus ko ang dalawang daliri ko sa likuran, hoping for an answer na masa-satisfy ako.
Dahil sa naging tanong ko, kitang-kita ko kung paano siyang natigilan sa pagkain ng marshmallow. Lumingon siya sa akin at seryoso akong tiningnan.
"That's fine with them, Ayla. Wala rin naman silang magagawa. Gusto ko naman 'tong ginagawa kong ito. Gusto ko naman ang situwasiyon nating ito."
Ano? Gusto? Ha? Ano 'yong ibig n'yang sabihin?
Medyo naguluhan ako sa naging sagot ni Sonny. Gusto ko mang intindihin pero hindi ko talaga maintindihan, e.
"I mean, yeah, I kind of like you noon and matagal-tagal na rin kitang napapansin sa city natin. Hindi man ganoon kalalim pa ang nararamdaman ko sa 'yo pero paniguradong sooner or later, mahuhulog na rin nang tuluyan ang loob ko sa 'yo. It's just a matter of time, Ayla, and everything will fall into its right pieces."
Palaisipan sa akin kung ano 'yong mga pinagsasabi niya. Pero hindi ko alam sa puso ko kung bakit natutuwa pa rin ito kahit wala naman akong maintindihan sa sinabi n'ya. Siguro ganito lang 'to, kahit hindi maintindihan ng utak mo, kapag puso ang kinilig, wala ka nang magagawa kundi sundin ito. Bulag na bulag talaga ang pag-ibig at hindi ko alam kung ba't nagpa-uto ako rito.
Mas napalapit kaming dalawa. Araw-araw ko na siyang kasama simula no'ng araw na iyon. Taliwas ito sa mga araw na halos wala siya at halos hindi ko na siya makita sa malaking bahay na ito. Even with his parents' presence, palagi siyang nakaalalay sa akin: sa mga kailangan ko.
Sa totoo lang, habang nalalapit ang araw na manganganak na ako, mas lalo akong kinakabahan. But thanks to him, na lessen ang kabang nararamdaman ko.
Masiyado siyang hands on. There's this one time pa nga na naabutan ko siyang natutulog sa salas ng bahay habang hawak ang isang libro. Nang basahin ko ang pamagat, hindi ko mapigilan ang mapangiti sa tuwa. Nagbabasa kasi siya ng isang libro tungkol sa mga buntis at sa mga bata. Actually, maraming nakalatag na ganoon sa center table ng salas. 'Yong iba, bago. 'Yong iba naman, halatang luma na, may sulat-sulat na kasi sa bawat pahina ng libro. Paano ko nalaman? Sorry kasi tiningnan ko 'yong mga libro, e.
It's all about this little things and big efforts he always exerts. Hindi ko alam kung paano ko makalilimutan ang mga ginagawa niya sa akin ngayon. Mas lalo akong nahuhulog. At hindi ko alam kung makababangon pa ba ako knowing na hindi ko alam kung sinalo niya ba ako. Ewan. Masiyadong magulo ang buhay ko.
July na. Ilang linggo na lang at manganganak na ako. Handa na ang lahat, maski ang gamit na dadalhin namin sa ospital sa araw na manganganak na ako ay handa na. Ewan ko ba kay Sonny, siya kasi may pakana no'n. Gusto ko pa sanang umangal na masiyadong maaga ang pagpi-prepare na ginagawa niya pero hindi naman ako makaangal.
Weekend ngayon kaya as usual, nandito na naman si Sia para sa weekly visit niya sa akin. Nagpapahangin lang kami rito sa malawak na hardin ng mansion habang dinadama ang panghapong hangin. Kanina pa siya rito. Katatapos nga lang naming mag-merienda, e, kaya abala siya ngayon sa cell phone niya. Pinabayaan ko na kasi kanina pa kami nag-uusap, e.
"Ayla, may tanong ako sa 'yo. 'Wag ka sanang ma-offend, ha? Curious lang talaga kasi ako, e, at saka matagal ko nang gustong itanong 'to sa 'yo. Hindi lang ako makasingit because of some circumstances."
Marahan kong hinahaplos ang tiyan ko nang magtanong si Sia. Tumango ako sa kaniya at medyo na-curious na rin sa magiging tanong niya.
"Ano ba 'yon?"
"Anong story n'yo ni Engineer Sonny? I mean… yeah you're beautiful like me pero gusto ko lang talaga malaman kung how, when, where, why, what… ever? Basta lahat na lang na tanong sa mundo, gusto ko nang itanong sa 'yo."
Ano?
Naguluhan naman ako sa naging tanong niya. Ang dami naman niyang tanong.
"Huh?"
Huminga siyang malalim at mukhang pinakalma muna ang sarili bago nagsalita.
"Paano kayo nagkakilala? Paano nabuo 'yan?" Sabi niya sa kalmadong paraan sabay nguso sa bandang tiyan ko.
Anak ng baboy.
Maka-ilang beses akong napakurap dahil sa tanong niya.
Wow. Awkward.
Tumahimik ako ng ilang segundo. Sinadya ko talaga kasi naghahanap ako ng mga tamang salita na sasabihin sa kaniya. Hindi ako mahilig mag-share sa ibang tao. Lalong-lalo na tungkol sa mga personal na usapin. Pero pinsan ko naman 'to si Sia, hindi naman siguro masamang mag-share sa kaniya kahit awkward?
"Ano kasi… May ano… May seminar kami rito sa Maynila no'n. Magkasama kaming dalawa. Tapos… Pareho kaming nalasing kaya ayon… Boom. Nabuo nang hindi inaasahan 'to," lakas-loob na kuwento ko sabay turo pa sa tiyan kong malaki na talaga at medyo mabigat pa. Dinaan ko pa sa tawa para matuwa siya.
"OMG! Labag ba sa kalooban mo 'yon? Ni-rape ka ba niya?"
Ano?!
"Woy, hindi a?! G-Gusto ko naman 'yong nangyari at kahit lasing ako no'n, naaalala ko naman ang lahat. Pumayag ako kaya hindi gano'n. Masiyadong mabigat ang paratang na gano'n, Sia."
Grabe naman 'yon. Rape talaga ang term? May consent ko naman 'yon kaya hindi naman niya ako ni-rape.
"Gusto mo? So may gusto ka sa kaniya?"
Anak ng baboy.
Naibalik ko ang tingin ko sa kaniya dahil sa biglaang naging tanong niya. Matinding paglunok ang nagawa ko.
Ni-isang tao sa mundong ito, hindi alam na may gusto ako kay Sonny Lizares. 'Yon ang sekretong pilit kong itinatago sa sarili ko.
Umiwas ako ng tingin sa kaniya at dahan-dahang tumango. Ramdam na ramdam ko ang pang-iinit ng tenga ko. At sana, hindi niya mahalata ang paniguradong namumula kong pisnge. Dahil 'yon sa hiya, hindi sa kilig. Ano ba.
"Sino bang hindi?" Dagdag na sabi ko. Still can't look at her in the eyes.
"OMG! For real? So si Engineer Sonny talaga ang gusto mo at hindi si Fabio? Kaya ba ang tagal mong sinagot si Fabio kasi si Engineer Sonny talaga ang gusto mo?"
Mas lalo akong na-weird-uhan sa expression ni Sia. Mukhang mas kinilig pa siya kesa sa akin, e.
"Hindi ko alam. Siguro?"
Ngayon ko lang napagtanto na kaya siguro hindi ko masagot-sagot si Fabio dahil may nararamdaman ako kay Sonny. Kasi noon pa lang, siya na talaga.
"You're a bad girl. Mas malala ka pa pala sa akin. Magpinsan nga talaga tayo. Mabuti na lang talaga at hindi mo sinagot 'yong Fabio'ng iyon. Alam mo, matagal ko nang gustong sabihin sa 'yo na 'wag mong sagutin 'yong kumag na 'yon, e. I've known him since elementary and masiyadong conceited ang ugali no'n. Hindi ko nga lang masabi sa 'yo no'n kasi nga bestfriend mo 'yong pinsan niya. Mabuti na lang talaga at hindi naging kayo. Mabuti na lang at pinairal mo ang pagiging malandi mo, pinsan!"
Hay naku, Olesia Cecilia. Ewan ko na lang talaga.
Gusto ko pa sanang sagutin ang sinabi ni Sia nang makaramdam ako ng kirot sa bandang tiyan ko. Natigilan ako at mukhang naramdaman ni Sia 'yon. Nagtanong siya kung okay lang ako pero hindi ko siya masagot agad dahil pinapakiramdaman ko pa ang sarili ko.
Hindi pa naman siguro ako manganganak, ano? Third week of July pa 'yong due date ko. First week pa lang ngayon. Masiyado pang maaga.
"Aylana, okay ka lang ba?" Tanong niya ulit.
Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko nang maramdaman kong parang may pumutok at biglang may dumaloy na likido galing sa maselang bahagi ng katawan ko hanggang sa binti.
Anak ng baboy. Ano 'yon?
"S-Sia… Paki ano, pakitawag si Ate Ivy. Baka nasa kusina."
"Bakit? May masakit ba sa 'yo?"
Bigla kong naalala 'yong bilin ng doktor na huminga nang malalim para mapakalma ang sarili ko kung sakaling may ganitong mangyari sa akin at nangyayari na nga sa akin. How to calm down?!
Anak, kalma ka muna!
"P-Parang… Parang m-manganganak na yata ako," mahinang sabi ko.
"Ano?!"
But Sia, as exaggerated as she is, ay gano'n nga ang naging reaksiyon niya.
"Oo kaya please? Tawagin mo muna si Ate Ivy o kahit sino sa mga kasambahay. Alam na ni-"
"Shit! Manganganak ka na! Teka, nasa'n na 'yong cell phone ko!! Kailangan kong tawagan si Engineer Sonny!"
Anak ng baboy naman, Sia, e.
"Teka, Sia, si Ate Ivy muna tawagin mo. Alam na niya ang gagawin niya. Baka nasa loob lang ng bahay. Mamaya mo na lang tawagan 'yang si Sonny. Nasa Negros 'yan, e. Umuwi siya kahapon kaya wala ring magagawa 'yan. Si Ate Ivy na lang kasi meron."
Pero hindi talaga nagpa-awat si Sia. Talagang kinalikot niya muna ang cell phone niya bago nataranta.
"Kailangan n'yang malaman 'to. O, heto, hawakan mo, nagri-ring na 'yan. Hahanapin ko lang si Manang Ivy."
Ibinigay niya sa akin ang cell phone saka kumirapas ng takbo.
Tumingin ako sa cell phone niya. At talagang tinawagan niya si Sonny.
Dahan-dahan akong tumayo para kahit papaano'y mapakalma ang sarili ko.
Anak ng baboy. Kalma ka muna, anak, wala pa tayo sa ospital.
Matagal bago niya nasagot ang tawag. Mukhang busy pa ang isang 'to. Bakit ba kasi tinawagan ni Sia?
"Yes, Olesia?" Agad na bati niya.
"S-Sonny…"
Putang ina!
Mariin akong napapikit nang maramdaman ko ang pagkirot ng tiyan ko.
Anak ng baboy. Ang tagal naman!
"Ayla? Is this you?"
Hooh. Ang sakit na talaga jud.
"Oo, Sonny, ako 'to. Ano kasi… Uh, ano, pupunta na kami sa ospital ngayon."
"What? Why?"
Napapikit ulit ako para matiis ang sakit. Hoho, anak ng baboy.
"Parang ano… Parang manganganak na ako. Masakit na kasi 'yong tiyan ko at saka pumutok na rin 'yong tubig."
"What?!"
Inilayo ko sa tenga ang cell phone nang kaluskos ang narinig ko galing sa kabilang linya. Hindi ako masiyadong maka-concentrate sa nangyayari sa kabilang linya. Mas inaatupag ko ang sakit na nararamdaman ko.
"Sige, Sonny. Si Sia na lang ang magbabalita sa 'yo."
Pinatay ko ang tawag at saktong dumating na ang iilang kasambahay na kasama ko rito, kasama si Sia. May dala ng bag 'yong isa at mukhang pati 'yong family driver ng mansion ay naki-join.
"Can you walk? Or Manong will carry you?" Tanong ni Sia nang makitang nakatayo ako para salubungin sila.
Nag-OK sign ako sa kaniya kaya umalalay na lang sila sa akin hanggang sa makasakay ako sa sasakyan at hanggang sa makarating ako sa ospital.
Inasikaso ako ng mga nurses at iba pang medical staff. Maski nga ang doctor ko rito sa Maynila ay agad nakarating minutes after akong dalhin sa pribadong ospital na ito.
Pero pagkarating ko roon, hindi agad ako nakapanganak. Hindi ko naipasok sa utak ko ang sinabi ng doctor na dahilan kung bakit kasi masiyado kong inisip ang sakit na nararamdaman ko.
Anak ng baboy! Hindi pa ba ako manganganak sa ayos na ito? Ang sakit na! Sobra! Handa nang lumabas ng anak ko. Pipigilan n'yo pa ba?
~