webnovel

The Cabalen Scene

"Sayang at hindi pa natin alam kung anong gender ng bata. Edi sana binili ko na 'tong lahat na barbie stuffs na 'to, o. Ang ku-cute!"

Nandito na kami sa department store ng SM, sa may baby's section. Kanina ko pang pinipilit si Miss Alyssa na nakabili na ng mga gamit si Sonny para sa bata pero nagpumilit pa rin siyang mamili para mas marami raw ang gamit ng bata. Hindi raw dapat kinakapos ng gamit ang isang batang Lizares. Ang sinabi ko lang sa kanila ay ang dede ng bata na lang ang kulang kaya halos mapuno ang cart na dala namin ng iba't-ibang klaseng babyron.

"Babae ba ang hula n'yo, Miss Aly?"

"Alyssa na lang kasi, Ayla. At saka, oo, sana, para naman magkaroon ng kalaro 'yong anak ni Kuya Tonton at Kuya Decart." Wala sa sarili akong napangiti sa sinabi niya. "Kuya Darry, ikaw na munang bahala rito, magsi-CR lang ako," kinalabit niya si Boss Darry na abala rin sa pagpili ng iilang gamit. "Sama ka, Ayla?"

"Hindi na, A-Aly."

"Okay, si Kuya Darry nang bahala sa'yo. I'll be quick."

Naiwan nga kaming dalawa ni Boss Darry sa isang hallway na punong-puno ng mga pambabaeng gamit.

"Ako, hula ko lalaki 'yan," bigla ay sinabi niya ilang minuto nang makaalis si Alyssa.

"Bakit n'yo naman po nasabing lalaki, Boss?"

He chuckled a bit at tuluyang humarap sa akin habang nakapamulsa pa. Ang tanging nasa gitna naming dalawa ay ang cart na marami-rami na rin ang laman.

"Nothing. Nakikita ko lang sa awra mo at saka malakas ang dugo ng lalaki sa pamilya namin. Look at us, naka-six boys talaga si Mom at Dad."

Pareho kaming natawa dahil sa sinabi niya.

"Tama nga naman. Ang sabi nga rin ni Sonny, lalaki rin ang gusto niya."

"Oh, so he's talking to you, huh? Hindi ba siya nagiging rude sa'yo?"

"Hindi naman. Minsan lang din naman kaming mag-usap, e. Minsan lang din kasi siyang pumunta sa bahay niya. Madalas kasi siya sa bayan natin, 'di ba? Dahil sa trabaho."

"Bakit kayo magkasama?"

Isang mala-kulog na boses ang nagpatigil sa usapan namin ni Boss Darry. Agad kong tiningnan ang kaliwang banda ni Boss Darry at doon ko nga siya nakita, magkasalubong ang kilay na nagpalipat-lipat ang tingin sa aming dalawa.

Matinding paglunok ang nagawa ko at dahil sa kaba'y hindi ko na alam kung anong gagawin ko lalo na no'ng harapin at pantayan ni Boss Darry ang tindig ni Sonny.

"Ang tanong ko… bakit kayong magkasamang dalawa?" Mababakas ang galit sa kaniyang boses na mas lalong nagpakaba sa'kin.

"We bought some stuffs for the baby, Kuya."

"Anong karapatan mo para bumili ng mga gamit ng anak niya?"

Nararamdaman ko na ang tension sa kanilang magkapatid. Gusto kong awatin silang dalawa kasi kulang na lang talaga at suntukin ni Sonny ang pagmumukha ng kapatid niya.

"Pamangkin ko 'yang dinadala niya kaya hindi naman siguro bawal kung pagbilhan ko rin 'yan ng iilang gamit?���

Bakit ba hindi sabihin ni Boss Darry na kasama namin ang isang pinsan nila na si Alyssa?

"Paano mo nasabing pamangkin mo 'yan? Sinabi mo ba, Ayla?"

Naramdaman ko ang tingin sa akin ni Sonny pero wala akong lakas na salubungin ang tingin niyang iyon.

"Hindi sinabi ni Ayla sa amin, Kuya."

"Sonny? Darry?"

Anak ng baboy! Pagkakataon nga naman, oo.

Gusto kong umatras sa labang nangyayari sa harapan ko lalo na no'ng sumulpot bigla si MJ Osmeña mula sa likuran ni Sonny.

'Yong kinakabahan kong puso ay unti-unting nadudurog sa napagtanto.

Magkasama ba sila?

"Fuck!"

Narinig ko ang mahinang pagmumura ni Boss Darry sa may harapan ko. Agad niyang tinulak ang cart at agad akong hinawakan sa braso.

"M-MJ! Tapos ka na? Tara na!"

Gusto ko sanang lingunin silang dalawa pero hindi ako makagalaw sa paghablot sa akin ni Boss Darry. Nilingon ko siya dahil hindi na kaya ng mata ko ang makitang magkasama silang dalawa. Nasa tenga na niya ngayon ang cell phone at mukhang may tinatawagan.

"Kuya Sonny is here. Pay this, ilalayo ko lang si Ayla sa dept. store."

Ilang segundo matapos ang tawag niya kay Alyssa ay dumating na rin ito.

"Ako nang bahala rito. Dalhin mo na si Ayla sa Cabalen. For sure hindi sila pupunta roon. Hindi type ni MJ 'yong mga ganoong klaseng resto."

Marahan akong kinaladkad ni Boss Darry patungo sa Cabalen. Dapat sana umalis na lang kami kung gusto talaga nilang umiwas.

Nang makaupo ay agad akong nagsalita.

"Bakit dito mo po ako dinala, Boss? Siguro po dapat ay umuwi na ako?"

"Hindi tayo uuwi hangga't hindi ka nakakakain. Susunod na rin si Aly dito, don't worry."

Tumango ako sa sinabi niya. Pilit pinapakalma pa rin ang puso kong sobrang bilis na naman ng tibok.

"H-Hindi naman po alam ni MJ Osmeña ang tungkol sa'min ni Sonny, 'di ba, Boss?"

Napabuntonghininga siya bilang unang sagot.

"Hindi ko alam. Sana hindi niya alam."

"Hi, Ayla, Darry, can we join?"

Anak ng baboy na inihaw!

Halos sabay kaming napasinghap ni Boss Darry dahil sa boses at sa presensiya niya. Akala ko ba hindi pumupunta 'yon dito? Bakit nandito 'to?

Nilingon namin siya ni Boss Darry pero agad ding lumampas ang tingin ko sa lalaking nasa likuran niya. Kagat-kagat ang pang-ibabang labi, mababakas sa mukha niya na parang gusto niyang kaladkarin si MJ Osmeña palabas ng resto pero mukhang huli na ang lahat.

"I don't like it here, MJ, let's eat at Gilligan's instead." Lumapit na siya nang tuluyan sa babaeng kinausap niya.

"I want it here, Sonny, dito na lang tayo," sabi niya sabay upo sa bakanteng bangko sa mismong tabi ko.

Hindi ko na talaga alam kung anong gagawin. Hindi ko na alam kung anong susunod na mangyayari.

Wala sa sarili akong napahawak sa tiyan ko nang makaramdam ako nang panandaliang kirot mula rito.

Relax lang, baby, magri-relax na si Mama.

"Have you ordered na ba? It's my treat since naki-share kami ng table sa inyo. I'm not interrupting something naman, 'di ba?"

Sobrang tahimik ng table namin at tanging siya lang ang dumadada. Lumapit ang waiter at tinanong kami sa mga orders. Si Boss Darry na ang nagsabi ng order ko pero sa kabuuan, si MJ Osmeña lang talaga ang nagsasalita sa aming apat.

"Hi, Ayla! How's your baby? We bump with each other again, sana naman pansinin mo na ako ngayon, kaibigan din naman ako ni Raffy."

Wala sa sarili akong napalingon sa kaniya at pagak na ngumiti, hindi malaman kung anong sasabihin sa sinabi niya. Gusto kong sumagot nang 'hindi ibig sabihin ay kaibigan ko ang kaibigan mo, kaibigan na rin kita.' Your friends aren't my friends and my friends aren't your friends.

"H-Hi, MJ."

"Magkakilala pala kayo ni Darry?"

"U-Uh, na-nagtatrabaho kasi ako sa milling nila kaya ma-magkakilala k-kami," umiwas ako ng tingin sa kaniya at mentally ay inayos ang takbo ng bibig ko. Ba't ba kasi ako nauutal. Anak ng baboy naman.

"Oh, that makes sense. Okay… kaya ba magkasama kayo ngayon? For work purposes?"

"MJ!"

Panandalian kong tiningnan si Sonny nang sawayin niya si MJ Osmeña. Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko at unti-unting kumikirot ang bandang puson ko. Ewan ko. Nandidilim na rin ang paningin ko.

Kalma lang, Ayla, hingang malalim.

"What? I'm just asking lang naman, bawal ba? Nagtataka lang kasi ako, e, bawal ba talaga? Puwede namang diretsahin ako kung bawal malaman ang rason."

"We need to discuss something, MJ."

Dahil sa kabang pilit kong kinikimkim, biglang pumatak ang luha ko. Naiiyak ako sa nangyayari sa paligid ko at naiiyak ako sa unti-unting kirot na nararamdaman ko.

"Anong idi-discuss n'yo? Tungkol ba sa baby niya?"

"MJ!"

"Bakit nga pala kayo magkasama kanina sa department store? Bibilhan mo ba siya ng mga gamit pambata?"

"MJ, stop it!"

"On the other day, nakita rin kita Darry, sa department store namimili ng damit pambata. Para ba sa kaniya 'yon, Darry? Are you the father of her child?"

Anak ng baboy?!

"I said stop it, MJ!"

Gulat akong napalingon sa kaniya dahil sa huling sinabi niya, binalewala ang malakas na hampas sa lamesa. Ano 'yon? Bakit si Boss Darry ang pinaratangan niyang ama ng anak ko?

"Uuwi na ako. Enjoy the dinner."

Gusto ko siyang sundan at sabihin sa kaniya na mali ang iniisip niya, na hindi si Boss Darry ang ama kundi ang lalaking mapapangasawa niya.

Sinubukan kong tumayo pero sa pagtayo ko ay ang unti-unting pagdilim ng paligid ko.

Isang malalim na hininga ang una kong ginawa. Madilim ang paligid, may tumawag sa pangalan ko. Lumingon ako sa bandang kaliwa ko at doon ko nga nakita kung sino ang tumawag sa pangalan ko.

"Are you okay?"

Ang nag-aalalang mukha ni Sonny ang una kong nakita.

"Ayla, are you okay?"

Na sinundan ng presensiya ng isang babae. Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa at pinilit ang sarili kong bumangon sa pagkakahiga. Nauuhaw, nagugutom, inaantok, hindi ko alam kung ano talaga ang nararamdaman ko ngayon.

"Hey, be careful."

"Dahan-dahan lang, Ayla."

Sabay din nila akong inalalayan na dalawa.

Ano na naman ba ang nangyayari? Bakit mukhang nasa isang hospital na naman ako? Ang huli kong natatandaan ay 'yong pag-alis ni MJ Osmeña sa Cabalen.

"A-Anong nangyari? Nasa ospital ba ako? May nangyari ba sa anak ko?"

Lumipat si Alyssa sa kanang banda ng higaan at tiningnan lang niya ang pinsan niya para sa sagot kaya tumingin na rin ako kay Sonny.

"Magpahinga ka muna, Ayla, we'll talk about this later. Ipatatawag muna namin ang doctor." Pagpapakalma niya sa'kin pero hangga't hindi ko naririnig ang sagot na gusto ko, hindi yata ako kakalma.

"Simple lang 'yong sagot ko, Sonny, may nangyari ba sa anak ko?" Pag-uulit ko sa tanong ko pero this time, may diin na bawat salita.

"The baby is fine. So, please, relax lang? Ayokong na-sstress ka na naman."

Wow. Coming from him, ha?

Nanatili akong tahimik hanggang sa nag-presenta na si Alyssa na tawagin ang doctor. Naiwan kaming dalawa sa malaking kuwartong ito. Sa tantiya ko, nasa private room ako ngayon. May nakakabit sa aking dextrose pero alam kong ang doctor lang talaga ang magpapaintindi sa akin sa kung anong nangyari.

Pinagsalikop ko ang dalawa kong kamay at marahang pinikit ang mata ko kahit na nakaupo ako.

Akala ko ba malakas ang kapit ng bata? Bakit ba, maya't-maya ang pagdala sa akin sa ospital? Pangalawang beses na ito at hindi ko na talaga mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyari na sa anak ko ngayon. Ito na lang ang rason ko para mabuhay, pati ba naman siya mawawala rin sa'kin? 'Wag naman sana.

"Walang nangyari sa bata, kung 'yan ang inaalala mo."

Bigla ay nagsalita siya sa kalagitnaan ng katahimikan naming dalawa. Sa totoo lang, hindi ko na alam kung paano siya kakausapin matapos no'ng nangyari. Marami ring katanungan sa isip ko ngayon.

"It is you whom I'm worried about."

Napatulala na lang talaga ako sa isang tabi. Hinihintay kung kailan darating si Alyssa at ang doctor.

Saan na ba patungo? May patutunguhan pa ba ang lahat ng ito? May rason pa ba para magpatuloy?

A, oo, ang anak ko. Ang anak ko ang tanging rason para ako'y magpatuloy. Siya ang habangbuhay kong rason para mabuhay pa sa mundong ito. Kahit mag-isa, aalagaan ko siya. Kahit walang kaagapay.

Ano ba 'tong iniisip ko. Epekto pa ba 'to ng pagbubuntis?

"Good morning, Miss Ayla. Good morning Engineer Sonny."

Dumating na lang ang doctor at si Alyssa, hindi ko talaga nasagot ang mga pinagsasabi ni Sonny kanina. Malawak ang naging ngiti ni Doc Hinolan sa'kin pero ang paraan ng pagngiti niya kay Sonny ay parang na-uulol na aso. Ewan ko ba sa mata ko.

Mas lalo tuloy akong napasimangot no'ng maalala ko ang sinabi ni Ma'am Kiara noong nakaraan. Totoo ba 'yon? Imposibleng hindi. Maganda naman si Doc Hinolan, mayaman pa, tapos professional. Hindi magkakalayong naging ex nga nila ang isa't-isa. Ewan ko kung bakit ba ako nagseselos, e, gusto ko lang naman si Sonny, hindi ko naman siya mahal para umabot sa puntong pagseselosan ko talaga maski ang doctor na ito. Si MJ Osmeña lang naman talaga ang pinagselosan ko, e.

"Kumusta ang pakiramdam mo, Miss Ayla?"

Agad akong nilapitan ni Doc Hinolan at inasikaso.

"M-Mabuti naman po, Doc."

"I have a good news and bad news to you. Anong gusto mong unahin ko?"

Ganito ba talaga ang mga doctor? May pa-reveal kyeme?

"U-Uh, good news?"

"Really, Dahlia?"

"Grabe si Ate Dahlia, kahit doctor na, hindi pa rin nagbabago."

Napatingin ako sa magpinsan nang magsalita silang dalawa. Si Alyssa ay natatawa habang nakatingin kay Doc Hinolan. Si Sonny naman ay parang naiirita na sa pakulo ni Doc. Si Doc naman ay mukhang pinipigilan lang ang sariling matawa.

"Choss lang. Itong pinsan mo talaga, Aly, alaskador pero pikon pa rin hanggang ngayon, 'no?"

"Tumpak na pak, Ate Dahlia."

Pa-simple ko na lang na kinamot ang bandang batok ko dahil sa tawanan nilang dalawa. Kung mas nauna ko sigurong nakilala si Doc Hinolan sa labas ng ospital, baka isipin ko talagang hindi siya doctor. Hindi talaga halata, e, mabuti na lang at naka-coat siya sa unang kita ko sa kaniya.

"Kidding aside, Ayla. Masiyado kasing stress 'yong daddy kaya nila-lighten up ko lang ang mood. But anyways, I want to tell you that the baby's fine. Again, gaya nga ng sabi ko, malakas ang kapit ng bata sa'yo. Nawalan ka lang ng malay dahil sa stress at sa pagod. Minabuti naming i-confine ka muna rito sa ospital to monitor the baby's condition inside your belly. But rest assured that the baby's fine. It is you; I want to talk to privately. Can I?"

Tiningnan ni Doc ang dalawa pang tao na nandito. Si Alyssa ay agad ngumiti at tumango.

"Lalabas na muna ako, Ayla, ha?"

"Ano ba 'yang sasabihin mo na hindi ko dapat marinig?"

Pero ang nag-iisang lalaki sa kuwartong ito ay nanatiling nakatayo at mukhang walang balak na lumabas ng kuwarto. Nagtanong pa kung bakit.

"Girls talk, Edison Thomas."

"Girls talk your ass, Barbaric. Ano ba kasi 'yan."

"Lumabas ka na lang kasi. Gusto kong mas maintindihan niya ang mga kailangan niyang gawin without your presence. Hanggang ngayon ba hindi ka pa rin aware na nakaka-distract 'yang presensiya mo sa ibang babae? Go out now, Sonny. And how many times do I have to tell you to stop calling me Barbaric. My name's Dahlia Barbara not Barbaric."

Wow. Na-bulls eye ni Doc Hinolan ang matagal ko nang gustong sabihin sa kaniya.

"Fine."

Pumayag nga siya pero mukhang labag naman sa kalooban niya. Halos ibagsak nga rin niya ang pagsarado ng pinto, e.

Hinintay muna ni Doc Hinolan na tuluyang makalabas si Sonny bago siya lumingon sa akin at ngumiti nang malawak.

"Totoo 'yong sinabi ko kanina. I have bad news and good news for you. The good news is that the baby is super fine but the thing is… baka sa susunod na mapagod ka pa, baka hindi na kayanin ng bata. Gaya nga ng sabi ko kanina, nawalan ka na naman ng malay dahil sa too much stress. Ayokong manghimasok sana sa personal na buhay n'yo ni Sonny, ha, pero na-kuwento kasi ni Alyssa na mag-isa ka lang daw sa isang bahay? Wala kang kasama or katulong man lang? For me, Ayla, hindi advisable sa katulad mong buntis ang mapag-isa. Lalo na ngayon na ang recommendation ko sa'yo ay pansamantala ka munang tumigil sa trabaho mo and complete bed rest ka for the baby, no extra work included like doing chores alone."

"Okay lang naman kung mag-trabaho ako, Doc, sanay naman po ako sa mga gawaing bahay at saka kailangan kong magtrabaho para po sa sarili ko at sa pamilya ko."

Hanggang ngayon, nag-iipon pa rin ako para sa utang na babayaran ko kay Tito Orlan. Nag-iipon din ako para may maibigay akong pera sa mga magulang ko kahit hindi ko alam kung paano ko maibibigay. Paniguradong ayaw na akong makita ni Tatay. Hindi siya aabot sa puntong palalayasin niya ako kung hindi.

"It's a no for me, Ayla. Okay lang ang minsang paggalaw sa loob ng bahay pero hindi mo kailangang saluhin ang lahat. Kaya ka namang buhayin ni Sonny, e." Umiwas ako ng tingin sa kaniya at nanatiling tahimik. "Alam mo ba, no'ng bigla niyang sinabi na nakabuntis daw siya, alam mo kung anong una kong sinabi sa kaniya?" Bigla ay umupo si Doc Hinolan sa may dulo ng higaan. "Ang sabi ko sa kaniya… panindigan niya ang ginawa niya. He's so confused that time. May agreement na ang mga Osmeña at Lizares that time and he didn't know what to do. He was torn between doing what his family wants and telling them about you."

Nanatili akong tahimik. Hindi ko alam kung anong sasabihin sa mga pinagsasabi ni Doc. Hindi ko rin kasi maintindihan.

"But anyways… 'yon nga, dapat hindi ka na ma-stress. Alam kong sobrang stressful ng situation niyo ngayon but try your best to stay away from it. Avoid the extraneous chores, Ayla, ha? Puwede kang gumalaw-galaw sa loob ng bahay pero not to the extent na ikaw na talaga ang gumagawa lahat. Kung wala kang kasama sa bahay, try to convince Sonny na samahan ka niya o 'di kaya'y bigyan ka niya ng kasama. Puwede ka ring mag-jogging every morning to prepare you for the forthcoming labor, para lumaki ang labasan ng bata. Just drink milk, sleep early, and stay away from stress."

"Salamat, Doc."

"Hmm, no worries. See you next month for your ultrasound, ha? I'll also remind Sonny about that. Paano ba 'yan? I'll go na? May pasyente pa akong i-mi-meet. Ingat ka, Ayla." Sumaludo siya sa akin at ngumiti naman ako sa kaniya. Tumalikod na siya at bubuksan na sana ang pintuan nang tumigil siya at lumingon sa akin. "Ayla…"

"Yes, Doc?"

"Ingatan mo siya. Kahit anong mangyari, ikaw at ang bata pa rin ang pipiliin niya."

Doc Hinolan's parting words were like a bomb to me. Wala akong naintindihan sa mga sinabi niya pero feeling ko tumagos 'yon sa puso at utak ko. Para saan 'yon? Anong ibig sabihin no'n?

Noong araw ding iyon ay nakalabas ako ng ospital. Normal na naman ang pakiramdam ko. Wala namang kakaiba. Dahil nakapag-dinner na kami sa labas bago pa man makauwi, kaya pagkarating sa bahay ay tulog agad ako.

Kinabukasan, tinanghali ako ng gising. Kaya no'ng pagbangon ko… halos humiwalay ang kaluluwa ko nang makitang Lunes na at pasado alas-nuwebe na ng umaga.

Anak ng baboy! Isa lang ang ibig sabihin no'n, late na ako sa trabaho ko.

Dali-dali akong naligo. Mabuti na lang talaga at hindi ako nadulas sa loob ng banyo sa pagmamadali. Maingat din naman akong gumalaw kahit na nagmamadali na talaga ako.

Anak ng baboy naman. Hindi ako puwedeng ma-late.

Umabot lang yata ng limang minuto ang pagligo ko. Nag-toothbrush na nga rin ako kasi hindi na kakayanin kung mag-aalmusal pa ako rito. Siguro roon na sa opisina. Nagsuklay lang ako ng buhok, kinuha ang sling bag ko, at agad na bumaba ng ikalawang palapag kasi mahaba-habang lakaran na naman mula rito papunta sa gate ng subdivision. Wala kayang dumadaang pampasaherong motor o jeep man lang dito.

Maternity dress na nga pala ang suot ko ngayon. Hindi na kasya 'yong uniform namin sa opisina, e. Alam naman ng lahat na buntis ako, hindi nga lang nila alam kung sino ang ama.

"Where are you going?"

Diri-diretso ang naging lakad ko papunta sa malaking pintuan ng bahay nang matigilan ako dahil sa malakas na mala-kulog na boses. Gulat akong napatingin sa bandang kusina kasi roon ko narinig ang boses.

Anak ng baboy!

"Sa opisina. Late na 'ko. At saka, nandito ka pa? Hindi ka ba umuwi kagabi?"

Nag-expect ako na umalis na siya kagabi para bumalik sa bayan namin pero bakit nandito pa siya? At saka ano 'yang hawak niya?

"Hindi ka na papasok sa opisina. And I'm here to temporarily accompany you. I can't trust anybody right now and mas lalong I can��t trust Samuel to be your bantay here kaya ako na lang. Put your bag down, come here, and eat your breakfast. Late ka nang nagising."

Isinantabi niya ang hawak na mop at pumunta sa hapag-kainan at isa-isang binuksan ang mga takip ng pagkaing nakahain sa lamesa. Inilagay ko ang dala kong bag sa sofa at sinundan siya sa kusina.

Wow. Anong hangin ang meron ngayong umaga?

Gusto ko mang magtanong pero kasabay nang pagkakita ko sa mga pagkain ay ang paghilab ng tiyan ko. Oo, anak, kakain na si Mama.

"Uh… ikaw? Hindi ka kakain?"

Isusubo ko na sana 'yong fried rice na nasa kutsarang hawak ko nang maalala kong nasa harapan ko pa pala siya. Tumingala ako sa kaniya.

"I'm done pero sige, sasabayan kita."

Walang pag-aalinlangan siyang umupo sa katapat kong silya at kumuha ng pagkain na nakalatag.

"Bukas, maaga kang gumising para makapag-jogging tayo around the village. It's good for the baby daw sabi ni Dahlia."

Habang nagsasandok ng pagkain ay nagsasalita naman siya.

Ano ba kasing biglang nangyari sa kaniya?

"'Di ba may trabaho ka pa sa central? Bakit ka um-absent?" Lakas loob na tanong ko. Hindi pa rin naisusubo ang kutsarang kanina pang may laman na pagkain. Natigilan siya sa ginagawa at napabuntonghiningang tumingin sa'kin.

"Hindi ako absent. I work from home. And I already told you the reason why. Don't make me repeat it, Ayla."

"Hindi ba magtataka ang mga magulang mo kung bakit ka nag-work from home? E, 'di ba, sa kanila ka nakatira? Hindi ba sila magtataka kung bakit hindi ka uuwi sa bahay n'yo?"

"I'm on my own, Ayla. I'm big enough to be on my own. At saka, ito naman ang gusto mo 'di ba? Ang ibigay sa'yo ang atensiyon ko?"

Ano?

~

下一章