webnovel

The Revelation

Anak ng baboy, ang sama na naman ng tiyan ko!

Umagang-umaga, pagduduwal na naman ang sumalubong sa akin. Dumiretso ako sa lababo at isinuka ko lahat, pati kaluluwa ko, inilabas ko na.

Ilang buwan ko nang nararamdaman 'to, aabot na nga yata ng dalawa o tatlong buwan, e. Gusto ko sanang magpa-checkup sa isang espesiyalista o 'di kaya sa health center ng bayan namin kaso wala akong oras atsaka baka dagdag gastos lang sa'kin 'yon. Siguro, normal lang itong nararamdaman ko kahit parang may kakaiba na sa akin.

Halos ingudngud ko na ang mukha ko sa lababo, baka sakaling sa ganoong paraan ay mailabas ko lahat at nang hindi na bumalik kinabukasan.

"Ayla, okay ka lang?"

Anak ng baboy!

Agad kong nilingon ang direksyon ng pinto palabas ng kusina nang bigla kong narinig ang boses ni Nanay. Nakatayo nga siya sa may pinto at nagtatakang nakatingin sa akin. Pinahiran ko ang bibig ko at naghanap ng rason para hindi na mag-alala si Nanay. Walang alam si Nanay sa pagsusuka kong ito dahil sa tuwing nagigising ako dahil sa pagsusuka, saktong wala na sila ni Tatay sa bahay.

"'N-Nay…"

Ayokong mag-alala si Nanay at ayoko na siyang abalahin pa. Kapag nalaman niyang may mali sa akin, siguradong pipilitin niya akong magpatingin sa doctor lalo na ngayong may trabaho na ako at kaya ko nang ipatingin ang sarili ko sa mga espesyalista.

"Okay ka lang ba, Ayla?" Tanong ulit ni Nanay sa isang matigas na paraan. Mariin siyang napatingin sa akin.

"O-Opo, 'Nay. Okay lang po ako. Ganito lang po ako araw-araw, dahil lang po siguro sa acid," pagdadahilan ko.

Biglang nabitiwan ni Nanay ang dala niyang sako at biglang lumapit sa akin, hinawakan ako sa magkabilang braso. Sa sobrang gulat sa mga galaw niya, hindi agad nag-sink in sa akin ang expression niyang gulat na gulat at seryosong nakatingin sa mga mata ko.

"Anong sabi mo? Araw-araw?"

Mas lalong humigpit ang pagkakapisil ni Nanay sa braso ko. May kirot ito pero hindi ko magawang kalasin ang pagkakahawak niya.

"O-Opo—"

Umiwas siya ng tingin sa akin at pa-iling iling pa sa kabilang banda saka niya ibinalik ang tingin sa akin, mas mariin na ngayon ang pagkakatitig at pagkakahawak niya.

"Nadatnan ka ba sa buwang ito?"

Anong klaseng tanong 'yan?

Napalunok ako nang matindi dahil sa naging tanong ni Nanay. Napa-isip talaga ako at oo nga, nadatnan ba ako sa buwang ito?

"H-Hindi pa yata d-dumadating, 'Nay."

Dahil sa naging sagot ko, bigla niyang binitiwan ang pagkakahawak niya sa braso ko. Sinapo niya ang noo niya at halos magpaikot-ikot na sa kaniyang kinatatayuan.

"Okay lang po kayo—"

"Ayla! Magtapat ka nga sa akin! Buntis ka ba?" Huminto si Nanay sa ginagawa niya at ibinalik ang tingin sa akin. "Tumaba ka, mas dumami ang kinakain mo, ngayon nagduduwal ka pa araw-araw, at hindi pa dinadatnan. Sabihin mo sa'kin ang totoo, buntis ka ba, Aylana?"

Ano?

"'N-Nay?"

"Ayla, sumagot ka! Buntis ka ba? Totoo ba ang usap-usapan na may nobyo ka na? Siya ba ang ama nang dinadala mo? Aylana Rommelle, sabihin mo sa'kin ang totoo!"

Teka, sandali? Ano?

Unti-unting nangunot ang noo ko sa mga pinagsasabi ni Nanay. Ayaw tanggapin ng utak ko ang mga pinagsasabi niya sa akin. Sa dami rin ng tanong niya, hindi ko alam kung ano ang unang sasagutin.

"'Nay, teka po, ano po?" Sinubukan kong pigilan siya sa palakad-lakad na ginagawa niya para maharap siya nang maayos.

Nagpupuyos sa galit ang kaniyang mata hanggang sa maibagsak na niya ang luhang mukhang kanina niya pa pinipigilan. Nataranta ako sa ginawa niyang pag-iyak. Hindi ko alam kung ano na ang gagawin.

Huling beses na nakita kong umiyak siya, no'ng namatay si Ate. Nang dahil lang kay Ate.

"Ayla, magsabi ka sa akin ng totoo. Ina rin ako at alam ko kung may mali sa'yo. Matagal ko nang napapansin ang mga pagbabago sa katawan mo. Ngayon, sabihin mo sa akin kung totoo bang buntis ka?"

At parang biglang isinampal sa akin ang isang katotohanan. Umiwas ako ng tingin kay Nanay at inisip nang mabuti ang huling itinanong niya.

Ako? Buntis? Buntis ako?

"Usap-usapan ka ng mga kasamahan ko, Ayla. Sinasabi nilang nobyo mo raw ang anak ng mga Varca. Palagi ka nilang nakikitang kasama siya sa bayan. Nagpabuntis ka ba sa kaniya, Ayla?"

Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Buntis ba ako? Imposible. Hindi puwede.

Nanghihina ang mga tuhod ko at laking pasasalamat ko sa lababo na naging sandalan ko sa mga oras na iyon. Nagsasalita si Nanay pero hindi ko na marinig dahil nalunod na ako sa sariling realisasyon.

Buntis ako. Buntis ako! Paano? Imposible 'yon. Bakit ako nabuntis?

Sabay ng pagkakaalala ko sa gabing iyon ay ang isang sampal na malakas na dumapo sa kaliwang pisnge ko.

"Bakit ka nagpabuntis, Ayla?"

Nagising ako sa pagkakatulala ko at agad napatingin kay Nanay. Umiiyak na siya ngayon at nanlulumo pa rin. Pinilit ko siyang alalayan nang makitang halos matumba na siya sa harapan ko pero bigla ulit niya akong sinampal. Ngayon, damang-dama ko na ang sakit.

"Hindi ka pa kasal pero nagpabuntis ka na? Ganoon ka ba talaga ka-landi gaya ng sabi ng iba na nagmamadali ka na?"

Ano?

Hindi ko alam kung saan ako masasaktan, sa katotohanang buntis ako o sa kasinungalingang sinabi ni Nanay.

Malandi ako gaya ng sabi ng iba?

"'Nay—"

"Paki-usap, Ayla, sabihin mo sa aking mali ito, na hindi ka buntis! Parang awa mo na, Ayla. Papatayin ka ng Tatay mo kapag nalaman niyang buntis ka!"

Gusto kong tanggihan ang mga sinasabi ni Nanay pero ang hirap itanggi ang tiyan kong lumalaki na. Tama nga siya, buntis ako.

Naibagsak ko rin ang mga luhang pinipigilan ko. Napatingin ako kay Mama. Gusto kong magsalita. Gusto kong depensahan ang sarili ko pero ni-isang salita, hindi ko magawang ilabas.

"Putang ina, Ayla!" Sigaw ni Nanay. "Hanggang sa ganitong situwasiyon ba naman, tatahimik ka?"

Patuloy sa pagbagsak ang mga luha ko. Buntis ako. Nabuntis ako ng isang gabing iyon. Nabuntis niya ako. Anong gagawin ko?

"'Nay… hindi pa naman po sigurado kung buntis ako," pagdadahilan ko, sinusubukang ayusin ang gumagaralgal kong boses.

Lumingon si Nanay sa akin at masama akong tiningnan.

"Patunayan mo sa akin na mali ang hinala ko. Bumili ka no'ng pang-test na para sa buntis at ipangalandakan mo sa akin na negatibo ang resulta. Bibigyan kita ng pagkakataong maipakita sa akin na mali ako bago ko sabihin sa Tatay mo ang tungkol dito," huling sinabi ni Nanay bago siya padabog na lumabas ng bahay dala-dala ang sakong kanina'y nabitiwan niya.

Ilang buwan na ang nakalipas mula nang mangyari ang gabing iyon. Nagbago na nga ang taon.

Buong araw sa opisina, lutang ang isipan ko. Dinadala ako sa naging usapan namin ni Nanay kanina, sa mga pinagsasabi niya.

Kating-kati na akong hanapin sa internet ang mga sintomas ng isang buntis pero hindi ako makahanap ng tiyempo dahil maya't-maya akong kinakausap ni Shame kaya hindi ako makapag-tipa sa computer nang ganoon. Tama nang si Nanay lang ang may hinala. Ayoko nang magkaroon pa ng hinala sina Shame, mas delikado kung isa sa kanila mula sa kompanyang ito ang makaalam. Hindi pa naman sigurado pero sana nga mali si Nanay. Hindi ko alam kung anong gagawin ko kapag naging tama siya. Paniguradong lagot talaga ako kay Tatay.

Nang saktong umalis silang tatlo para sa iba't-ibang gawain na kailangang gawin sa labas ng opisina, nagpa-iwan ako para bantayan ang opisina, pumayag naman sila kasi wala naman akong ibang ginagawa.

Tinipa ko ang "Pregnancy Symptoms" sa Google.com. Mahigit isang milyon ang ipinakitang resulta sa isang segundo lang na iyon. Madami akong nabasa at sumasakit ang ulo ko sa mga nababasa ko. Iilan sa mga sintomas na nabasa ko, naramdaman ko, pero karamihan din doon ay hindi pa. May pag-asa pa na hindi ako buntis, ayon sa isang article, dahil nararamdaman din ng ilang may sakit ang ganitong klaseng sintomas, hindi lang ang mga buntis. Tanging ang paggamit ng Pregnancy Test na tinatawag nila ang siyang magpapatunay na buntis ka nga.

May pag-asa pa. Baka nga tama ang unang hinala ko, nang dahil lang ito sa stress ko sa trabaho. Stress eating, stress sleeping, masamang tiyan, sumasakit na ulo dahil sa kakatingin sa computer buong araw. Oo, nang dahil lang ito sa stress at wala ng iba.

Sinarado ko ang lahat ng tabs at sumandal sa swivel chair, hinilot ko ang ilong ko dahil nararamdaman ko na naman ang hilo.

Teka, sandali. Posible ba talaga na mabuntis ako sa unang subok lang?

Umayos ulit ako ng umupo at nagtipa na naman ng tanong kay google.

Can a girl get pregnant the first time she has sex?

Cl-in-ick ko ang unang article na nakita ko. Ayon sa kidshealth.org…

'Yes, a girl can become pregnant the first time she has sex. Anytime a girl has a vaginal sex with a guy, she is at risk for becoming pregnant. Even if a guy ejaculates outside of but near a girl's vagina or pulls out before he comes, a girl can get pregnant.'

And there it is… isang pindot lang, nasagot na agad ang katanungan sa utak ko.

Naiiyak na ako. Hindi ko na alam kung anong gagawin. Kinagat ko ang kuko ko para kahit papaano'y maibsan ang kabang nararamdaman ko. May nangyari sa amin ni Engr. Sonny ilang buwan na ang nakakalipas. Isang beses lang iyon at unang beses ko pa. Nakuha niya ang pagkababae ko at ngayon, nangangamba akong baka may nabuo sa isang gabing iyon.

Hindi ba siya gumamit ng proteksiyon na sinasabi nila? O talagang sobrang lasing na siya nang gabing iyon na hindi na niya alam kung anong ginagawa niya? Bakit hindi ko pinigilan ang gabing iyon? Ako 'yong nasa huwisyo, e, sana pinigilan ko. Bakit ba kasi pinapairal ko ang nararamdaman ko, na gustong-gusto ko 'yon. Habang-buhay ko talagang pagsisisihan 'to.

Sinapo ko ang noo ko na animo'y sinasapo ko ang buong mundo. Mamayang uwian, dadaan ako sa botika sa bayan para bumili no'ng sinasabi ni Nanay. Kinakabahan din ako sa pagbili no'n dahil baka husgahan ako ng mga nagbebenta ng gamot sa kung bakit bumili ako no'n, baka isipin niya buntis talaga ako. Kinakabahan talaga ako.

Bumukas ang pintuan ng opisina at sabay no'n ang maiingay na boses ni Shame, Ezekiel, at Sir Johnson.

Dali-dali kong m-in-inimize ang tabs ng computer ko dahil nakalantad pala roon ang mga pinag-ssearch kong tungkol sa pagbubuntis. Umayos ako sa pagkakaupo at pilit na nginitian ang mga kasamahan ko.

Pa-simple kong kiniskis ang palad ko para walain sa sistema ko ang kabang nararamdaman at ang pag-ooverthinking. Baka saan pa ako dalhin nito.

"Ako naman ang lalabas, magba-banyo lang," paalam ko sa kanila.

Sabay-sabay silang sumagot sa akin ng okay kaya bitbit ang panyo, lumabas ako ng opisina para pumunta sa common comfort room ng floor. Malapit ito sa pantry.

Sinarado ko ang takip ng inidoro at inupuan ito. Kailangan kong mapag-isa para mailathala ko ang mga plano sa utak ko, sa kung ano ang gagawin ko mamaya.

Tapping the floor through my shoes, I think of a plan that only me can know.

Bahala na si Alunsina at Tungkung Langit. Bahala na si Bathala. Bahala na si Batman. Bahala ka na, Lord.

Huminga akong malalim at bumalik na sa opisina. Pagkapasok ko, ang una kong nakita ay ang mga mata ni Shame na nakatingin sa akin. Seryoso ang kaniyang tingin, taliwas sa expression niya sa tuwing pumapasok ako sa opisina na laging ngumingiti kahit galing lang ako sa labas. Ngayon kasi, seryoso ang kaniyang mga mata at parang malalim ang nasa isip. Kusa siyang umiwas. Hindi ko alam kung anong meron sa kaniya, masiyado akong maraming iniisip para intindihin pa ang expression ni Shame, baka may problema lang siya na personal, mabuti pang hindi ko na alamin.

Nagpatuloy ang buong maghapon ko na pilit kong ipino-focus ang utak ko sa trabaho. Kahit paminsan-minsan ay sumusulpot ang problema ko, pinilit ko pa rin ang sarili ko.

Hanggang sa mag-uwian, para akong zombie na walang kabuhay-buhay. Siguro, normal na kina Shame na makita akong ganito kasi wala naman silang naging imik sa pagiging tahimik ko. Pero ang nakakapagtaka lang, kung bakit tahimik din si Shame habang pasakay kami sa shuttle bus ng central.

Nang makarating sa bayan at handa na sanang magpaalam kay Shame para maka-uwi na, bigla niya akong pinigilan.

"Ayla…" Pigil sa akin ni Shame sabay hawak sa braso ko.

Pilit akong ngumiti sa kaniya. Naghihintay kung anong idudugtong sa pagtawag niya sa akin. Ilang segundo siyang natahimik, mukhang nagdadalawang-isip na ipagpatuloy ang kung ano man ang sasabihin niya.

"Ah, wala, sige uwi na tayo. Bye," binitiwan niya ang braso ko at kumaway sa akin at biglang tumalikod. Dire-diretso hanggang sa nawala siya paningin ko.

Ayoko nang problemahin ang mga aksyon ni Shame, paniguradong walang kinalaman 'yon sa akin.

Imbes na puntahan ang terminal papunta sa sitio namin, pinuntahan ko muna ang isang tagong botika sa bayan, 'yong wala masiyadong tao para kahit papaano'y walang makakita sa akin kung sakaling bibili man ako no'ng kailangan ko.

Sa bawat hakbang na ginagawa ko, habang papalapit ako sa botikang iyon, mas lalong lumalakas ang kabog ng dibdib ko, na animo'y kulog sa sobrang lakas, sa sobrang pangamba.

Anak ng baboy naman Ayla! Bibili ka lang naman! Anong nakakakaba roon?

Humugot ako ng isang malalim na hininga bago ako tuluyang lumapit sa botika.

Mukha na siguro akong timang nito. Bahala na talaga.

Humigpit ang hawak ko sa sling ng bag na dala-dala. Pagak akong ngumiti at naghintay kung kailan ako mapapansin ng tindera sa botika. Laking pasasalamat ko na lang talaga at dalawa lang kami ang bumibili ngayon.

Hinintay kong matapos si Ate'ng Tindera sa unang customer niya bago ako nagpapansin sa kaniya. Hindi ko naman kilala 'yong isang bumibili at mukhang hindi rin naman niya ako kilala pero mas mabuti na 'yong sigurado kaya pa-simple kong tinago ang mukha ko.

"Magandang hapon po, ano pong bibilhin n'yo, Ma'am?" Nang makaalis ang isang customer na iyon, agad akong nilapitan ng isang tauhan ng botika. Dalawa lang sila at 'yong isa ay isang kahera.

Paano ba sabihin 'to?

Pinagsalikop ko ang dalawang kamay at pilit pinapakalma ang sarili. Paano ba kasi sabihin 'to?

"Uh… Miss? Anong atin?"

Wala sa sarili kong binasa ang labi ko at napatingin sa babaeng nasa harapan ko. Hinihintay niya ako sa kung anong sasabihin ko. Paano ba kasi sabihin 'to sa isang normal na paraan? Kinakabahan talaga ako, unang beses ko 'to.

"M-May ano po… may ano po kayo… 'yong para sa ano—"

"Um, Miss, ano po bang bibilhin n'yo po?"

Panandalian akong pumikit at bumuga ng hangin nang marinig sa boses ng tindera na parang nagtataka na siya sa akin o 'di kaya'y nauubosan na siya ng pasensiya sa tagal kong sabihin kung ano ba talaga ang bibilhin ko.

Anak ng baboy ka talaga Ayla! Umayos ka nga!

"'Yong para po sa buntis?" Dire-diretsong sabi ko, halos hindi na humihinga at hindi man lang sinigurado kung tama ba ang naging tanong ko.

Tiningnan ko si Ate'ng Tindera at nagtatakang mukha ang nakita ko sa kaniya.

"Para po sa buntis? Vitamins po ba? Gatas?"

"H-Hindi… 'yong pang-check sa buntis?"

Anak ng baboy, hindi ko talaga alam kung anong hinahanap ko. Nakalimutan ko kung anong tawag do'n pero pang-check talaga ng buntis 'yon, e.

"Pang-check sa buntis?" Nagtataka pa ring tanong ng babae. "PT? Opo, PT po ba?"

Huh? PT?

"Siguro? Oo, mukhang 'yan nga," sabi ko na lang para makaalis na ako. Hiyang-hiya na ako sa sarili ko.

"Ilan po bibilhin n'yo, Ma'am?" Biglang umaliwalas ang mukha no'ng tindera nang mapagtanto niya kung ano ang bibilhin ko.

"Isa lang," sagot ko sabay halungkat ng pera sa maliit kong coin purse. "Magkano nga po pala?" tanong ko bago pa man siya makalayo sa'kin.

"One hundred sixty pesos po, Ma'am," sagot niya habang may kinukuha sa isang estante.

Kumuha ako ng one hundred pesos' bill, isang singkuwenta, at isang sampung piso. Inilapag ko iyon sa harapan ko, sa isang glass na estante na siyang nagbubuklod sa akin at sa kanilang nasa loob ng store.

Habang naghihintay sa binili ko, through my peripheral vision, nakita at naramdaman ko ang presensiya ng isang bagong customer.

"Isang box nga po ng Lola Remedios," sabi niya.

Sa sobrang pamilyar ng boses niya, ang una kong ginawa ay ang manigas sa kinatatayuan ko. Hindi ko ginalaw ang ulo ko para lingunin siya dahil sa tanang buhay ko, sa kauna-unahang beses sa buhay ko, sa tinagal-tagal naming naging magkaibigan, ngayon lang ako kinabahan sa presensiya niya. Kilalang-kilala ko ang boses niya pati na ang pamilyar na amoy na ngayo'y umaabot na sa ilong ko.

"Ayla? OMG, Ayla!"

Sinasabi ko na nga ba!

Hinawakan niya ako sa balikat kaya kahit ayoko, napatingin ako sa kaniya. Hilaw at pagak akong napangiti sa kaniya. 'Yong kaninang kalmado ko ng puso, nagbabalik na naman sa pagbilis ng takbo nito.

"Z-Zub…"

Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Oo, kaibigan ko siya, pero sa lahat talaga ng pagkakataon, ngayon ko pa talaga siya makikita?

"Oo, Ayla, alam kong maganda ako at oo ako 'to si Zubby na mahal na mahal ka. Pero masiyado ka namang OA, para kang nakakita ng multo d'yan."

Bakit sa lahat ng pagkakataon, ngayon pa talaga? Ngayon pa na bumibili ako ng isang bagay na itinatago ko nga sa lahat?

"N-Nagulat lang ako. A-Anong ginagawa mo rito?" Pinilit ko ang sarili kong ibalik sa normal ang nararamdaman ko pero hindi talaga, e, kinakabahan talaga ako.

"Ek, edi siyempre, bibili ng gamot. Botika 'to, remember?" Natatawa pang sabi niya kaya pagak ulit akong natawa. Biro naman siguro 'yong sinabi niya 'di ba? "Choss lang, pinapabili ako ni Gina Mahinay ng Lola Remedios. Alam mo na, matanda na ang isang 'yon, kailangan na talaga ng tulong ni Lola Remedios," natatawang dagdag pa niya.

"A-Ang ibig kong sabihin, wala ba kayong pasok ngayon?" Pag-iiba ko sa usapan. Mabuti na lang talaga at naalala kong nag-aaral pa nga pala si Zubby at usually ay wala siya rito sa bayan ng weekdays. Weekends lang siya umuuwi sa bahay nila.

"Long weekend, girl. Actually, kakauwi ko lang kanina. T-in-ext kaya kita na umuwi na ako, hindi mo ba nabasa?"

Sa sobrang clouded ng utak ko ngayong araw, nakalimutan ko nang i-check ang cell phone ko.

"Ah, oo nga pala," pagdadahilan ko na lang.

"Gala tayo sa Sabado ha? Wala ka namang duty, 'di ba?" Tinaas-baba pa niya ang kilay niyang sabi sa akin.

Ngumiti ako sa kaniya at kahit lutang na lutang ang utak ko, tumango pa rin ako. Sobrang plastic ko na ngayong araw, swear.

"Ano nga palang binili mo?" Tanong niya sa akin.

Sasagot na sana ako nang biglang…

"Heto na po, Ma'am."

Naibalik ko ang tingin ko sa harapan nang marinig kong nagsalita si Ate'ng Tindera.

Dali-dali kong kinuha ang isang maliit na plastic na may laman na no'ng binili ko. Agad ko itong ipinasok sa sling bag ko para hindi na makita ni Zubby. It's the last thing I want her to see. Not now. Not ever.

Oo, kaibigan ko si Zubby pero hindi ko muna kayang sabihin 'to sa kaniya. Hindi ko nga rin na-kuwento ang mga nangyari sa kaniya tungkol sa isang linggong pananatili ko sa Manila kasama si Engr. Sonny. Ito pa kaya?

"G-Gamot lang ni Nanay," pagdadahilan ko. "Sige, Zubby, aalis na ako ha? Baka gabihin pa ako sa daan, e. Magkita na lang tayo sa Sabado," nakipag-beso ako sa kaniya at dali-daling umalis, halos patakbo na nga. Hindi ko na siya hinintay na sumagot pa. Basta ang alam ko, gusto kong makaalis sa harapan niya.

Nakaalis nga ako sa presensiya ni Zubby, nagpatuloy naman ang bumabagabag sa akin.

Habang naglalakad pauwi na sa bahay, kinuha ko sa sling bag ang binili ko kanina sa botika.

Isang parihabang lalagyan na gawa sa plastic ang nakita ko. May nakalagay na 'Pregnancy Test.'

Teka? Kaya ba PT 'yong tawag ni Ate'ng Tindera kanina kasi Pregnancy Test pala ang tawag dito? Bakit ba ang inosente ko sa mga ganitong bagay? Bakit ba hinayaan ko ang sarili kong maging inosente sa usaping ganito?

Habang naglalakad, binabasa ko ang instruction kung paano gamitin 'to. Iniintindi ko bawat salita. Isang beses lang 'to, isang gamitan kaya dapat maging tama ang resulta. Sa lahat ng test sa mundo, isa ito sa mga ayaw kong ipasa, pangalawa sa drug test.

Isang makahulugang tingin ang ipinupukol ni Nanay sa akin sa oras ng hapunan. Tahimik lang siya pero alam mong may kakaiba sa kaniya at halatang may itinatago. Ang nakakapagtaka lang ay kung bakit wala lang kay Tatay ang pagiging seryoso ni Nanay. Tahimik lang din si Tatay pero 'yong normal na tahimik lang at alam mong walang bumabagabag.

Maya't-maya akong tinitingnan ni Nanay. Maya't-maya rin ang ginagawa kong pag-iwas ng tingin.

Hanggang sa natapos na ang hapunan, nanatiling tahimik si Nanay. Siya na mismo ang nagligpit ng pinagkainan namin. Si Tatay ay lumabas ng bahay para yata mag yosi. Naiwan kami ni Nanay sa loob.

"Anong resulta?" Mahinang tanong ni Nanay habang inaabala ang sarili sa mga hugasin. Ni hindi man lang siya lumingon sa akin.

"H-Hindi ko pa po nagagamit, 'Nay."

"Gamitin mo na nang matapos na 'to, Ayla."

Na-iiyak na naman ako. Pumasok ako sa kuwarto at kinuha 'yong binili ko kanina. Habang naglalakad papunta sa banyo, tiningnan ko si Nanay pero abala pa rin siya sa mga hugasin.

Pumasok ako sa banyo at ginawa ang lahat ng kailangang gawin. Pinatakan ko ng ihi ang butas ng PT at matiyagang naghintay ng limang minuto.

Ang sabi sa instructions, kapag isang pulang linya ang lumabas, negative ang resulta, kung dalawang pulang linya naman… ibig sabihin ay positive, buntis ka, nagdadalantao ka. Period.

Isang minuto. Dalawang minuto. Tatlong minuto. Apat na minuto. Sa bawat minuto at segundong pumapatak, bumibilis din ang tibok ng puso ko, pinagpapawisan ako ng malagkit, nanginginig ang kamay ko.

Limang minuto.

Tumayo ako nang maayos, pikit-mata at pigil-hiningang tiningnan ko ang PT.

Nanginginig ang kamay ko at matinding pagdadasal ang ginawa ko na sana… sana mali si Nanay… sana wala.

Sana… anak ng baboy!

Dalawang linya.

Kusang pumatak ang luha ko at dahil sa panginginig, nabitiwan ko ang PT. Wala na akong pakialam kung saan man 'yon mapunta. Nakakapanghina. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Basta ang alam ko, ang umiyak lang ang kaya kong gawin ngayon.

"Ayla! Buksan mo ang pinto!"

Nilingon ko ang pintuan ng banyo nang marinig ang katok at ang boses ni Nanay. Mas lalo akong na-iyak.

Gamit ang nanginginig na kamay, ibinuhos ko ang buong lakas ko sa pagbukas ng pintuan ng banyo.

Agad bumungad si Nanay sa akin na puno ng pag-aalala ang mukha.

"'Nay, sorry, 'Nay. Sorry po, 'Nay," patuloy na sambit ko.

Pumasok si Nanay sa loob at hinawakan ang magkabilang braso ko. Hinawakan niya rin ang pisnge ko at pilit na pinupunasan ang basa kong pisnge.

Hindi nagsalita si Nanay kaya mas lalo akong nanlumo sa sarili ko.

Putang ina, Ayla! Anong nagawa mo?!

Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, minura ko ang sarili ko. Isang kagagahan ang ginawa mo. Bakit mo nagawa 'yon?

Si Tatay!

Tinakpan ko ang bibig ko para pigilan ang sarili sa paghikbi nang malakas. Ayokong marinig ni Tatay. Ayokong malaman niya. Mas lalo siyang magagalit sa akin. Mas lalo niya akong kamumuhian.

Kinuha ni Nanay ang PT na nabitiwan ko kanina. Umiwas na ako ng tingin bago ko pa man makita ang reaksiyon niya. Mas lalo akong masasaktan kapag nakita ko kung gaano ka-disappointed si Nanay sa nagawa ko.

"Ayla, anong nagawa mo? Diyos kong mahabagin, buntis kang bata ka!" pabulong pero may diing sabi ni Nanay sa akin matapos tingnan ang resulta.

Halos madurog na ang labi ko sa sobrang higpit ng pagkakagat ko para lang mapigilan ang sariling umiyak ng malakas.

"Helena, nasaan na 'yong isang lighter ko?"

Anak ng baboy!

Mula sa labas ng banyo, narinig namin ang boses ni Tatay na mukhang kakapasok lang ng bahay. Nagkatitigan kami ni Nanay at sa titig na iyon, alam kong may balak siyang sabihin kay Tatay 'yon.

Umiling ako habang binubulong ang salitang 'Wag.' Hindi ko kakayanin ang galit ni Tatay. Hindi ngayon kung kailan unti-unti na niya akong nakikita bilang isang anak matapos ang ilang taon magmula no'ng mangyari ang pagkawala ni Ate. Hindi sa ganitong paraan.

"Helena!"

Inayos ni Nanay ang sarili niya bago lumabas ng banyo. Sinundan ko si Nanay palabas ng banyo. Nakita ko si Tatay na nasa salas, nakatayo, nakatingin sa direksyon namin.

"Anong nangyari sa inyong dalawa?" Nagpalipat-lipat ang tingin ni Tatay sa amin ni Nanay na mukhang nawi-weirduhan pa sa aming dalawa ni Nanay.

"Ano 'yon, Boyet?" Tanong ni Nanay sa kalmadong paraan.

Pinagsalikop ko ang dalawa kong kamay at inabangan ang susunod na mangyayari.

"Kako nasaan na 'yong isang lighter ko? Hindi na kasi na gana itong isa," sabi ni Tatay sabay pakita no'ng lighter at sinubukan niya pa itong buksan pero wala na talaga.

"N-Nand'yan sa likuran ng pinto."

Kinuha nga ni Tatay ang sinabing lighter ni Nanay sa likuran ng pinto. Nagsindi si Tatay ng yosi at nang matapos ay tiningnan niya si Nanay na nanatiling nakatayo. Ako naman ay dalawang dipa ang layo mula sa kaniya, malapit ako sa pinto ng banyo, nag-aabang sa susunod na gagawin ni Nanay. Kinakabahan ako.

Naglakad si Nanay papunta sa pinto ng bahay, malapit kay Tatay, mukhang lalabas. Halatang hawak pa rin ni Nanay ngayon ang PT at hindi ko alam kung anong gagawin niya. Lalabas pa siya ng bahay o lalapit kay Tatay? Hindi ko alam!!!

"Sandali…" Nang lalampas na sana si Nanay kay Tatay, bigla niya itong pinigilan. "Ano 'yang hawak mo, Helen?"

Parang gusto ko na lang talaga magpalamon sa lupa!

"W-Wala…"

"Hindi ako tanga, Helena, kaya 'wag mo akong gawing tanga. Alam kong pregnancy test 'yang hawak mo. Kanino 'yan? Sa'yo?" Biglang hinablot ni Tatay ang hawak ni Nanay at sinipat ito ng tingin.

Umiwas na ako ng tingin, hindi ko na kaya kung rerehistro pa sa utak ko ang reaksiyon ni Tatay. Gusto ko na lang talaga mawala sa mundo.

"Positibo 'to, a? Kanino ba 'to? Imposible namang sa'yo, e, hindi naman ta—"

Para akong hinampas ng dos por dos na kahoy nang matigilan si Tatay sa pagsasalita. Kahit ayoko, nilingon ko siya para makita kung anong nangyari at bakit siya natigilan.

Anak ng baboy!

Dumoble ang dos por dos na kahoy na parang inihampas sa akin nang makitang pareho silang nakatingin sa akin. Hawak-hawak ni Tatay ang PT na kanina'y hawak lang ni Nanay.

'Yong hikbi at luhang sinubukan kong itago at pigilan, kusang bumagsak na animo'y hindi na kaya ang pagpipigil. Parang nadurog ang buong mundo ko nang makita ang reaksiyon ni Tatay.

Sampal. Isang malakas na sampal ang iginawad ni Tatay sa akin. Nagpupuyos sa galit at parang gusto pang manakit ang kaniyang unang reaksiyon.

Sa sobrang pag-iyak, hindi ko na halos maramdaman ang sampal na ibinigay niya sa akin.

Ipinakita niya sa akin ang PT matapos niya akong sampalin. Narinig ko rin si Nanay sa likuran niya na pilit siyang pinipigilan na mas lapitan pa ako.

"Anong ibig sabihin nito, Ayla? Bakit ka may ganito?"

Mas lalo akong nadurog nang marinig ang kalmadong paraan ng pagtatanong ni Tatay. Mas kalmado, mas delikado. Ganiyan siya magalit.

"Buntis ka ba, Ayla?! Sagutin mo ako! 'Wag mo akong daanin sa pa-iyak iyak mo!"

Hindi ko na halos malunok ang sarili kong laway dahil sa halu-halong nararamdaman ko.

"Oo, Boyet, buntis ang anak mo kaya hindi mo siya kailangang saktan!" Narinig kong lakas-loob na sabi ni Nanay sa kaniya.

Marahas na inihagis ni Tatay ang hawak niya sa malayong parte ng bahay. Pumikit ako dahil sa takot, sa takot na baka saktan ulit niya ako.

"Putang ina! Nagpabuntis kang gaga ka?"

Patuloy ako sa pag-iyak, hindi masagot si Tatay nang maayos. Nagkagulo kami sa bahay. Galit na galit si Tatay. Sinusubukan akong ipagtanggol ni Nanay pero alam kong napipilitan lang siya. Kaya sa huli, ako 'yong talo, ako 'yong napagsabihan ng mga masasakit na salita galing sa sarili kong magulang.

"Alam mo, Ayla! Wala ka na talagang ibang ibinigay sa pamilyang ito kundi kahihiyan. Habang buhay mo ba kaming ilalagay sa ganitong klaseng situwasiyon? Tang ina, Aylana Rommelle, nagpabuntis ka nang hindi ka pa kasal! Mahiya ka naman sa sarili mo!"

~

下一章