Nang hindi ko na makayanan ang tibok ng aking puso, ako na mismo ang umiwas ng tingin. Nilingon ko si Fabio at pinilit ang sariling ngumiti sa kaniya kahit hindi naman siya nakatingin sa akin. Nakatingala pa rin siya at pinagmamasdan ang fireworks.
Habul-habol ang hininga, pinilit ko ang sarili kong tingnan ulit ang fireworks pero wala na roon ang isipan ko. Nasa kaniya na.
Minsan lang akong kapusin ng hangin katititig sa isang tao. At sa minsang iyon, alam kong may kakaiba talaga sa nararamdaman ko.
Pero imposible. Imposibleng-imposible. Hindi puwede. Paano si Fabio? Oo, si Fabio! Si Fabio Menandro Varca na naghihintay sa akin, na hinihintay ko. Paano? Mali. Hindi puwede. Imposible siya. Bawal.
At kung anu-anong salita na lang ang itinatanim ko sa aking sarili. Kaya kinabukasan, habang pauwi ako sa amin, 'yon pa rin ang laman ng isipan ko: ang titigan naming dalawa.
Nilabanan ko ang sarili kong hanapin ang kaniyang pangalan sa Facebook at Google pero sa huli… hinanap ko pa rin.
Isang click lang ng kaniyang pangalan, nakita ko agad ang account niya. Hindi kami friends sa Facebook at naka-private pa ang account niya. Wala akong masagap na balita tungkol sa mga gusto kong malaman at makita.
Inilapag ko ang cell phone ko sa damuhan at mariing tinitigan ang kaniyang timeline. Ang nakikita ko lang sa kaniyang account ay ang kaniyang profile picture, cover photo, at iilang common na information katulad ng isang pagiging chemical engineer niya sa Lizares Sugar Corporation at kung saan siya nagtapos ng kolehiyo sa parehong kurso na University of Negros Occidental – Recoletos. Ang profile picture niya ay 'yong nakalantad ang pang-itaas na parte ng kaniyang katawan. Dagat ang nasa likuran niya at nakalagay sa balikat niya ang mahabang buhok niya sa batok, naka-ekis ang braso sa may bandang dibdib na mas lalong nagpa-depina sa kaniyang malaki at mahulmang braso. Samantalang ang cover photo naman niya ay ang larawan nilang pamilya.
Nandito ako ngayon sa maliit na burol. 'Yong burol kung saan niya sinabi sa akin ang story ni Tungkung Langit at Alunsina. See, hanggang ngayon, tanda ko pa rin. Siya kaya?
Asa ka pa Ayla, hindi nga yata niya alam na ikaw 'yong kausap niya no'ng gabing iyon, e.
Tinanaw ko ang paligid at sinimot ang preskong hangin. Sumandal na rin ako sa punong ito at naghintay ng himala.
Dapat natutulog ako ngayon, pambawi sa pagpupuyat na ginawa ko kagabi at sa pagod na rin pero hindi ko talaga kayang ipikit ang mata ko. Sa tuwing pipikit ako, mukha niya ang nakikita ko. Mas lalo pang nadagdagan sa isipan ko ang profile picture niyang ito.
Napabuntonghininga ako at hinayaan ang sariling magpaanod sa hangin.
Maya-maya lang din ay biglang may dumating na himala. Tumunog ang cell phone ko na nagpapahiwatig na mayroon akong bagong mensahe sa kung kanino man galing iyon. Kinuha ko ang cell phone kong nakalapag lang sa damuhan. Hinawakan ko ito sa screen mismo at iniharap sa akin.
Anak ng baboy?
Unti-unting nanlaki ang mata at bibig ko at halos sambitin ko na ang lahat ng santo dahil sa nakita ko.
Kanina 'Add Friend' lang 'yong nakalagay. Bakit ngayon 'Request Sent' na 'yong nakalagay? Ano na? Ano ang nangyari?
Gulat na gulat at hindi makapaniwala sa nadatnan sa aking screen.
"Anong nangyari?"
Pipindutin ko na sana ang cancel button nang biglang nag-appear na naman sa screen ko ang isang notification na SONNY LIZARES ACCEPTED YOUR FRIEND REQUEST!
Anak ng baboy!
Nailapag ko ang cell phone ko sa damuhan ulit at tinitigan na naman ito.
Aksidente kong napindot ang add friend na button tapos ngayon, friends na kami? Anak ng baboy?
Hindi ko alam kung matutuwa ako o pagagalitan ko ang sarili ko pero wow, nakakagulat ang lahat ng pangyayari! Nang dahil sa katangahan ko!
Pero ang bilis naman niyang tanggapin ang request ko? Online ba siya?
Naliliyo at parang hindi pa rin makapaniwala sa nangyari lang, tinatagan ko ang sarili kong tingnan kung anong mayroon sa profile niya.
Nag-scroll ako, at ang unang tumumbad sa akin ay ang litrato nilang dalawa ni MJ Osmeña kagabi. Mukhang nag-uusap sila, seryoso, at nasa isang tabi. Ito 'yong nadatnan ko, ito 'yong pag-uusap nilang pinakinggan ko. Parang naka-tag lang sa kaniya ang picture na iyon. Marami pang ganoon, puros tagged photos ang nakikita ko. Galing sa kagabing pagdiriwang. Base sa timeline niya, hindi siya mahilig mag-post at kung anu-ano pa, kaonti lang ang shared posts niya at more on tagged posts or tagged photos lang. Huling shared post niya tungkol sa isang science experiment ay noong January pa nitong taon na ito. Matagal na, magju-June na bukas oh.
Pero himala yatang online siya ngayon at tinaggap niya ang friend request ng isang hindi hamak na simpleng mamamayan lang ng bayan namin? Wow. Nakakagulat talaga.
Signs of aging siguro kaya hindi na siya mahilig sa social media? Ganoon ba? Ayoko siyang tawaging matanda kasi nasa twenties pa naman siya pero mukha na talaga siyang matanda kung umakto puwera na lang talaga sa pisikal na anyo.
Anak ng baboy, ano ba itong pinagsasabi ko?
Tumayo ako at nagsimulang tahakin ang daan pauwi, pilit iwinawaksi ang tungkol sa pagkatao niya. Mali nga kasi ito. Hindi puwede.
Kinabukasan, unang araw ng Hunyo. Matapos ang lahat ng kasiyahang hatid ng pista, inayos ko ang mga dadalhin kong resume. Susubukan ko na naman ang maghanap ng trabaho sa kabisera ng probinsiya. Wala kasi akong mahanap na trabaho rito sa bayan namin. Wala rin naman kasi akong alam kung may hiring ba sila o ano kasi wala namang malalaking kompanya ang nandito sa bayan namin. Mas marami sa kabisera pero wala pa rin talaga.
Bitbit ang plastic envelope na pinaglagyan ko ng iilang importanteng dokumento kung sakaling matanggap ako, matiyaga kong hinintay kung kailan aalis ang bus papunta sa kabisera. Naka-suot ako ngayon ng business attire. Hindi ako sanay pero kailangan, e. Para maging presentable naman ako kung magbibigay man ako ng resume sa kung anong kompanya ang hiring ngayon.
Nang lumarga na ang bus na sinakyan ko, maghihintay na naman ako ngayon ng mga dalawang oras mahigit bago tuluyang makarating sa kabisera mismo. Oo, medyo malayo pero para sa trabaho, kakayanin.
Habang nasa biyahe, nagkaroon ako ng pagkakataon para maghanap ng trabaho sa internet. Marami sa Facebook. Katunayan nga, may isang Facebook group na 'yon lang ang laman, kung saan at kung ano ang hiring sa buong probinsiya namin. May nakita akong dalawa, at 'yon ngayon ang pupuntahan ko. Hindi ako pamilyar sa lugar pero tutulongan naman yata ako ng Google Maps para matunton kung saan banda ang lugar ng mga kompanyang a-apply-an ko. Isang pagawaan ng tinapay at isang nasa mall.
Matapos ang mahigit dalawang oras, sa wakas ay nakarating na ako sa kabisera. Nagsibabaan ang lahat ng pasahero sa malaking terminal ng bus at agad akong naghanap ng jeep na masasakyan papunta sa una kong pupuntahan. Magdo-double ride ako kasi medyo malayo pa ang unang kompanyang pupuntahan ko.
So to cut the story short, napuntahan ko nga ang dalawang kompanya. Nakapagpasa nga ako ng mga resume sa kanila pero iisa lang ang sinabi nila: tatawagan ka na lang namin for interview and for further notice. Eksaktong-eksakto, 'yon talaga. Marami na akong narinig na ganiyan, at lahat ng iyon nauuwi talaga sa wala. Para naman akong si tanga no'n na maya't-mayang naghihintay ng tawag o text man lang pero lumipas na ang ilang buwan, wala pa rin. Siguro pati itong dalawang kompanyang ito, ganoon din ang kahahantungan.
Isang nakakapagod at mahabang buntonghininga ang ginawa ko nang makalabas ako sa gusali ng pangalawang kompanyang pinasahan ko ng resume. Hindi ko na alam kung pang-ilang kompanya na iyan simula no'ng magsimula akong mag-apply, hindi ko na binilang basta marami na.
Tanghali na, siguro kakain na muna ako tapos saka ako maghahanap ng isa pang kompanya, maaga pa naman.
Naglakad-lakad ako, naghahanap ng puwedeng makainan, 'yong mura at 'yong karinderya lang sana. Pa-ubos na ang pera ko. Literal na pa-ubos na kaya sana magkaroon na ako ng trabaho. Malilintikan talaga ako nina Tatay kapag nanghingi ako ng pera sa kanila. Simula no'ng mag-aral ako ng koheliyo, hindi na talaga ako nanghingi ng pera sa kanila. Binibigyan nila ako pero hindi naman malaki, alam niyo naman ang trabaho ng mga magulang ko. At minsan hindi ko rin naman tinatanggap. Siguro kapag hindi na talaga ako makakita ng trabaho, babalik ako sa bukirin. Mas madali ang pera ro'n, e.
Sa paglalakad ko, may nakita akong isang karinderya sa kabilang daan. Naghanap ako ng pedestrian lane para roon tumawid. Maraming sasakyan ang nasa daan ngayon. Medyo delikado kaya kailangan talaga na sa pedestrian lane ka dumaan. Kung saka-sakali mang masagasaan ako ngayon, at least 'di ba mababayaran ako ng kung sino ang makakabunggo sa akin.
Biro lang, ayoko pang mamatay 'no.
'Yong pedestrian lane dito, kahit malago naman ang kabisera ng probinsiya, ay walang mga traffic lights at kung anu-ano pa. Tanging traffic enforcer lang ang mayroon. Tapos sakto ring tanghalian na kaya hindi mo na talaga makita ang traffic enforcer na naka-assign sa pedestrian na ito.
Lumingon ako sa kaliwa't-kanan, naghihintay ng pagkakataong maubusan ng sasakyan ang gitna ng daan. Kahit malaki na ako, hindi talaga ako sanay sa ciudad. Hindi ako sanay sa ganito. Masiyado akong nasanay sa bayan namin na payapa lang at kahit maraming mayaman, kaonti lang ang sasakyan ang nandoon. Hindi katulad dito sa kabisera na daig pa Maynila sa sobrang dami ng sasakyan. Mabuti nga't hindi pag nagkaka-traffic dito, e.
Nasa gilid lang ako ng daan at talagang naghintay ako. May tumawid galing sa kabilang daan. Nakamasid lang ako roon. Lalo na sa babaeng hindi man lang nakatingin sa kaniyang dinaraanan. Nakayuko siya at mukhang may hinahanap sa loob ng kaniyang bag. Parang ako 'yong na-s-stress kay Ate.
Umiwas ako ng tingin para lingunin ang kanan ko, may nakita akong sasakyan na sobrang bilis ng pagpapatakbo, mukhang walang balak huminto. Bumalik ang tingin ko sa pedestrian lane pero 'yong babae nandoon pa rin. Nakayuko at nakaupo pa sa gitna at mukhang may pupulutin. Bumalik ulit ang tingin ko sa sasakyan na mabilis magpatakbo, hindi talaga siya bumabagal. Bumalik na naman ang tingin ko sa babae at nandoon pa rin siya.
Anak ng baboy? Hindi niya ba alam na nasa gitna siya ng daan?
Habang papalapit ang sasakyan, mas lalo yatang bumibilis ang takbo nito pero ang babae talaga ay nasa gitna pa.
Anak ng baboy talaga!
Tumakbo ako at agad hinablot ang kamay ng babaeng nasa gitna ng daan. Kinaladkad ko siya papunta sa gilid ng daan at tiningnan kung saan papunta ang sasakyang mabilis ang takbo at saktong bumunggo ito sa isang malaking puno sa gilid ng daan.
Bumilis ang tibok ng puso ko. Sobrang kinabahan talaga ko. Ano 'yong nangyari?
"Oh, my God! Oh, my God! What happened?"
Napalunok ako at tiningnan ang babaeng nasa harapan ko. Dahan-dahan kong tinanggal ang pagkakahawak ko sa palapulsohan niya at medyo umatras.
Pinagmasdan ko ang mukha niya at halos mamilog ang bibig at mata niya dahil siguro sa gulat.
"M-Ma'am, okay lang po kayo, Ma'am?" may biglang lumapit na isang medyo matabang lalaki sa amin at agad tinanong ang babaeng nasa harapan ko.
Tiningnan no'ng babae ang bagong lapit na si manong ewan tapos ibinigay niya sa kaniya ang bag niya at may tinanggal siya sa bandang tenga niya. Mukhang earphones pero walang wire. Weird. Ano 'yon? Teka, kaya ba wala siyang narinig? Kasi may nakasalampak sa tenga niya? 'Yon ba 'yon? Bakit walang wire?
"P-Please hold this, manong," sabi niya sa manong na iyon at muling tumingin sa akin. "Oh, my God! You saved my life!" medyo pasigaw na sabi niya sa akin.
Nagulat ako siyempre, sino bang hindi?
Pagak akong napangiti at nilingon ang likuran niya kung saan ang sasakyang iyon at pinagkakagulohan na ng lahat dahil nga bumangga ito sa isang puno. Naramdaman ko ring lumingon ang babaeng iyon sa kung saan ako nakatingin.
"I almost got hit by that!" itinuro niya pa ang sasakyang nabunggo na ngayon. "Thank you for saving me!"
Bumalik ang tingin ko sa babae.
Nag-i-english, may guard, maganda, maganda rin manamit, mayaman. Pero pamilyar ang kaniyang mukha. Parang nakita ko na siya, hindi ko lang alam kung saan.
"W-Walang anuman po," magalang na sabi ko at handa nang umalis sa harapan niya.
Anak ng baboy!
Bigla niya akong niyakap. Dahil sa gulat, para akong hindi makagalaw.
"Thank you for saving me! I didn't notice the incoming car cause I'm talking to someone and I forgot I was in the middle of the road. Oh, my God! Thank you talaga. What's your name? I'm Kiara!" kusa siyang kumalas sa yakap na ginawa niya at ngayon ay mababakas na ang kalma sa kaniyang mukha. Inilahad niya ang kamay niya sa aking harapan. Pero ako, nanatiling tulala, mukhang ako na naman ang nagulat.
Kiara? Pamilyar ang mukha niya pati ang pangalan niya. Saan ko nga ba narinig ang pangalang iyon?
"A-Ayla po…" kahit nahihiya, inabot ko ang kamay niya at panandaliang kinamayan ito.
"Thank you, Ayla, sobrang thank you talaga. I owe you my life."
"O-Okay lang po…"
"What can I do to repay your kindness? Name anything, I will give it to you."
Hala…
Agad akong sunod-sunod na umiling sa sinabi niya.
"Hindi na po, okay lang po. Hindi naman po kailangan ng kapalit sa bawat tulong na ibinibigay sa ibang tao," mahinang sagot ko pero mukhang narinig niya kasi bigla siyang ngumiti.
"You're so kind… but please, at least can I treat you for lunch? Kahit 'yon lang."
"H-Hindi—"
Anak ng baboy.
Biglang tumunog ang tiyan ko. Grabe ka naman tiyan, ngayon ka pa talaga ngangawa nang ganiyan?
"Please?" nakangiting tanong niya sa akin.
Gusto kong tumanggi kasi nakakahiya nga pero gutom na gutom na ako. Kaya kahit nahihiya, unti-unti akong tumango.
"Thank you!" lumawak ang kaniyang ngiti at bigla akong hinigit papunta sa kung saan.
May mamahaling restaurant sa tapat namin kaya roon siya pumasok. Mas lalo akong nahiya. Ang mahal dito. Desinyo pa lang ng buong restaurant, alam mong mahal na ang tinda nila rito. Hindi naman ko makaangal kasi pati 'yong lalaking tinawag niyang manong ay inaya na rin niyang kumain sa parehong restaurant. Nasa kabilang lamesa nga lang 'yong manong na iyon, samantalang nasa iisang lamesa naman kaming dalawa.
Abala siya sa pagbanggit ng mga pagkaing o-order-in daw niya sa waiter na naghihintay. Ni hindi man lang siya tumingin muna sa menu na ibinigay sa amin, diretsong nagsalita lang siya para sabihin na nga ang order. Mukhang sanay na sanay na siya at mukhang madalas siya rito para saulohin ang kung anong binebenta nila rito.
Iginala ko ang tingin ko at tiningnan ang mga taga-serve ng mga pagkain. Nakasuot sila ng isang pulang uniporme.
Mag-apply kaya ako bilang waitress? Puwede kaya? Malayo sa tinapos ko pero puwede kaya?
"So…" bumalik ang tingin ko sa kaniya nang kinausap niya ako. Malawak pa rin ang ngiti niya sa akin. "What's your full name?" kinuha niya 'yong basong may manipis na hawakan na may lamang tubig. 'Yon yata 'yong tinatawag nilang wine glass? Hindi ko alam.
"A-Ayla Encarquez po…" pilit akong ngumiti, nahihiya pa rin sa kaniya kasi nasa isang magarang lugar kami tapos basta nakakahiya talaga.
"Thank you talaga ha?"
"W-Walang anuman po…"
Pang-ilang beses ba siya dapat mag-thank you? Itong pagpapakain nga lang niya sa akin, sobra-sobra na, e.
"Lunch break niyo ba? Is it okay ba na ma-late ka pabalik sa pinagtatrabahuan mo? The food kasi will take minutes before ma-serve." Binigyan niya ako ng isang apologetic na ngiti.
Agad akong umiling.
"Hindi po. Wala po akong trabaho kaya okay lang po."
Bumakas ang gulat sa kaniyang mukha at panandaliang pinasadahan niya ng tingin ang damit na suot ko.
"Oh, so naghahanap ka ng trabaho? Am I right?"
Agad akong tumango sa naging tanong niya.
"Really? May nahanap ka na ba?" umiling ako. "So, anong course ang natapos mo?"
Umayos ako ng upo at tumikhim.
"I-Information Technology po."
"I.T.? Interesting. Hmm, saan ka nga pala nakatira?"
"E-Escalante po…"
Anak ng baboy, bakit ba ako na-uutal? Sabagay, nakaka-intimidate naman talaga ang pagiging sopistikada niya.
"Oh?" bumalik naman ang gulat niyang ekspresiyon sa mukha. "We're from the same city!"
Ha? Kaya pala pamilyar siya. Kaya pala pakiramdam ko nakita ko na siya sa bayan namin. Pero hindi ko alam kung kaninong pamilya siya belong kasi hindi naman lahat ng mayaman sa bayan namin, kilala ko.
Itinuro niya ako at unti-unting lumawak ang kaniyang ngiti.
"You need a job, right?"
Nagtataka man sa biglang sinabi niya, tumango na lang ako. Matapos kong tumango, kinuha niya ang cell phone niya sa bag na kanina niya pang dala at may kinalikot doon. Hindi ko naman alam kasi malay ko ba. Matapos ang ilang kalikot, inilagay niya sa tenga ang cell phone niyang iyon. Mukhang may tinatawagan siya at habang naghihintay, tina-tap ng kaniyang hintuturo ang lamesa.
"Hello, Mrs. Oro!" mas lalo kong itinikom ang aking bibig nang batiin na niya kung sino ang tinawagan niya sa kabilang linya. "Yes, Mrs. Oro! I know you're in a lunch break right now, but can I ask you something?... 'Di ba po may isang slot pa tayo for the personnel in I.T. department?... Yes po, may ire-refer po sana ako… Ay oo nga pala, ako nga pala ang head ng HR. Yes, yes… please reserve that slot na lang kasi I have someone for that job. Thank you Mrs. Oro!"
Ha? Head siya ng HR? Anong kompanya? Tama ba 'yong narinig ko mula sa kaniya?
Malawak ang naging ngiti niya habang inilalapag ang cell phone sa lamesa. Ipinatong niya ang dalawang siko sa ibabaw ng lamesa, pinagsalikop at ipinatong ang baba niya sa likod ng pinagsalikop niyang kamay.
"Since you're from Escalante and you saved my life, you now have a job!"
Ha?
"P-Po?" ano 'yong sinabi niya?
Inabot niya sa akin ang kaniyang isang kamay.
"You're hired, Ayla. Welcome to the company. Welcome to the Lizares Sugar Corporation."
Ano?
Hindi ko alam kung saan ako magugulat. 'Yong may trabaho na ako o 'yong sinabi niya na Lizares Sugar Corporation? Ano raw?
Kahit alanganin, ayoko namang maging bastos kaya tinanggap ko ang kaniyang kamay. Pilit pa ring nilo-loading sa utak ko ang sinabi niya.
"The stars aligned for you today, Ayla. We need one personnel in our I.T. department and you saved my life and you need a job and I am the Human Resource Head of Lizares Sugar Corp so yeah… I know you don't need anything from me or accept everything I want to give you for saving my life but at least ito man lang, matanggap mo bilang kabayaran sa pagsalba mo sa buhay ko ngayong araw."
"T-Talaga po?" gulat at parang naliliyo pa rin sa kaniyang sinabi, unti-unti akong ngumiti sa kaniya.
"Yes, may dala ka bang resume r'yan or something? Para makuha ko ang information mo."
Hala, Lord! Grabe ka naman, Lord!
Dahil sa kasiyahang natamo ko, dali-dali kong hinalungkat ang plastic envelope na dala ko at hinanap ang extra'ng resume na dala-dala ko. Inabot ko ito agad sa kaniya. Pinagmasdan ko siya habang binabasa ang kung ano ang nakasulat sa resume ko.
Ayoko sanang maniwala sa karma pero ganito pala ang mapapala mo sa karma, mabuti pa sigurong maniwala na lang ako. Good karma is it.
"So you're a fresh graduate," sabi niya habang binabasa pa rin ang resume ko. "Reasonable enough. You can be trained." Matapos basahin, ibinalik niya sa akin ang tingin niya at ipinasok ang resume ko sa loob ng kaniyang bag. "Bukas, pumunta ka sa Lizares Sugar Corp. Dalhin mo ang TOR mo, tapos hanapin mo lang ako. Sabihin mo lang ang pangalan ko and the security guard will send you right away to my office. Don't worry, papasok ako ng opisina bukas."
"A-Ano pong pangalan niyo po?"
Para akong tanga, kanina pa kami nag-uusap pero hindi ko alam ang buo niyang pangalan.
"I'm Kiara Lizares. Sabihin mo lang Kiara Lizares, papapasukin ka na agad. I'll inform them na rin pati ang brother-in-law ko para makapasok ka."
Kiara Lizares?
Hindi ko na alam kung ano ang mga sunod niyang sinabi matapos niyang sabihin sa akin ang buong pangalan niya. Agad akong napatulala at napatitig sa kaniya.
Kiara Lizares? Lizares?
Oo nga pala! Siya 'yon! Ang asawa ni Konsehal Lizares! Siya 'yon! Bakit ba hindi ko agad siya namukhaan! Siya 'yon talaga, e!
"Let's eat, Ayla."
Natigil ang pagtitig ko sa kaniya nang biglang nagsidatingan ang mga pagkaing in-order niya.
Para pa rin akong nakalutang sa ere hanggang sa makauwi na ako sa amin. Ibinigay niya sa akin ang calling card niya kaya nakatitig ako ngayon sa maliit na papel na iyon.
Kirsten Ara Lejandra Francisco Montinola – Lizares
Human Resource Director
Lizares Sugar Corporation
(034) 454 1234 / 0945 301 9154
Napasinghap ako at agad itinago ang calling card na ibinigay niya sa akin nang makarating ako sa bahay. Medyo maaga akong nakarating kasi hindi na ako naghanap pa ng ibang trabaho gaya ng una kong plano. Sobrang saya ko ngayon, sa totoo lang. Hindi naman talaga ako nanghihingi ng kapalit sa lahat ng ginagawa ko sa ibang tao pero bakit kusa itong dumadating sa akin? Ang gusto ko lang naman talaga ay ang makatulong. Wala naman sa intensiyon kong tumulong kasi naghahanap ako ng kapalit. Hindi ko nga siya kilala no'ng una. Kung hindi niya pa sinabi sa akin ang buong pangalan niya baka hanggang ngayon pala-isipan pa rin sa akin kung sino siya. Kaya pala sobrang pamilyar niya.
Ang galing talagang mamili ng mga Lizares, 'yong maganda, matalino, mabait, 'yong tipong isang perpektong babae. Sabagay, mga dekalibreng lalaki rin naman sila at nararapat lang na isang dekalibreng babae rin ang makakatuluyan nila. Kaya Ayla ha, tama na 'yang pag-iisip mo sa nangyaring titigan niyo no'ng isang gabi, bawal mag-assume. Assumera.
Pero oo nga naman, bakit nga pala hindi ko naisipang mag-apply sa central nila? May job opening pala sila, bakit kaya hindi ko nabalitaan? Bakit walang nagsabi sa akin? Siguro sa kadahilanan na ang mga nagtatrabaho sa central na iyon ay sila-sila rin lang ang nakakaalam. Kung wala kang connection sa central nila, hindi mo malalaman na hiring pala sila. Ganoon daw iyon doon, e. Kaya hindi na ako umasang makakapasok pa ako sa central nila kahit gusto ko naman.
Pero ngayon, tadhana na ang nag-udyok na magtrabaho ako roon. Tadhana rin ba ang dahilan kung saka-sakaling…
Asa ka pa Ayla! Asang-asa ka talaga! Paano na lang si Fabio!
"'Nay, may trabaho na po ako." Habang nag-aayos ng lamesa para sa hapunan, bigla kong sinabi iyon kay Nanay.
Tumingin siya sa akin at agad namilog ang kaniyang mata.
"Talaga? Saan naman? Aba'y mabuti. Boyet, may trabaho na raw ang anak mo," agad na sigaw ni Nanay kay Tatay na papasok pa lang sa bahay.
Nilingon ko si Tatay at may multo ng ngiti ang kaniyang bibig.
"Mabuti naman," sabi niya. "Bayaran mo ang ginastos nila sa 'yo. Ayokong magkaroon ng utang ng loob sa pamilyang iyon."
Hindi man magbanggit ng pangalan si Tatay, alam ko kung sino ang ibig niyang sabihin. Napayuko na lang ako at tumango. Para wala nang mahabang usapan pa at baka mauwi na naman sa away itong simpleng pag-uusap naming ito.
"Saan ka, Ayla? Sa kabisera ba?" pinilit ni Nanay na pagaanin ang atmosphere namin kaya nang maayos na ang hapag-kainan, sabay-sabay kaming nagsi-upuan. Ngumiti ako kay Nanay.
"Sa central ng mga Lizares, 'Nay."
"Oh? Hiring ba sila ngayon?" nagtataka pang tanong ni Nanay.
"Ano namang posisyon mo roon?" tanong ni Tatay.
Pinasadahan ko ng tingin si Tatay pero parang nasa normal na ekspresiyon lang naman ang mukha niya. Hindi naman tunog nang-iinsulto o kung ano. Parang kuryus lang ganoon.
"I.T. staff po," sagot ko naman.
Pareho silang tumango.
"Mabuti naman. Pagbutihin mo lang 'yang trabaho mong iyan at 'wag mong bibitiwan 'yan," kalmadong sabi ni Tatay. Tumango ako at nagpatuloy sa pagkain. Kalmado na rin ngayon kasi parang aprubado ni Tatay ang sinabi ko at ang trabaho kong ito.
Sa kauna-unahang pagkakataon, makakatulog ako ng mapayapa, ng masaya, ng walang iniisip na iba, na kalmado ang lahat.
Napatitig ako sa bubong ng aming bahay hanggang sa dalawin ako ng antok.
Kinabukasan, maaga akong nagising. As in sobrang aga na ako na nga mismo ang nagsaing, naghanda ng agahang dadalhin ni Tatay sa pagsasaka niya sa bukid. Inspiradong-inspirado ako at ang ganda lang sa pakiramdam.
"Natutuwa ako sa 'yo, Ayla. Pagbutihin mo ang unang araw mo sa trabaho," sabi ni Nanay sa akin bago sila umalis ni Tatay para sa bukirin. Hindi na ako nakapagpasalamat pa pero sa kalooblooban ko, masaya na ako sa simpleng salita lang na ganoon ni Nanay.
Dinala ko na ang lahat ng puwedeng kailanganin mamaya. TOR, diploma, birth certificate, at kung anu-ano pang importanteng papeles. In case lang naman na kailanganin 'no, Aylana ang laging handa.
Suot ang itim na slacks, kulay peach na button-down shirt, na pinatungan ko ng itim na coat, plus itim na doll shoes. Nagbabalik na sa maputi ang kulay ng balat ko dahil hindi na ako masiyadong babad sa araw nitong mga nakaraang buwan at taon. Lumabas tuloy ang natural na kulay ng aking pisnge na mamula-mula na may kaonting freckles, kung ito'y kanilang tawagin, sa may ibaba ng aking mata, manipis lang pero kapag tititigan mo nang mabuti makikita mo naman agad. Namana ko ito sa mga Encarquez. May dugong espanyol kasi ang Lolo ko dahilan din para makuha ko ang matangos na ilong, hindi masiyadong makapal at hindi rin naman manipis na kilay, may kurba at makapal na pilik-mata, at kulay kayumangging mga mata ng mga Encarquez. Ang pinong kulot na buhok, manipis na labi, at natural na pantay na mga ngipin ay namana ko naman sa mga Abeles, ang apelyido at angkan ni Nanay.
Ang kalahati ng aking buhok ay pinusod ko samantalang ang kalahati ay hinayaan ko lang na naka-dunghay. Dahil natural nang mapula ang pisnge ko, hindi ko na nilagyan ito ng kahit anong pulbo. Natural na kulay pink na rin ang labi ko pero nilagyan ko ng kaonting lip balm para naman hindi magmukhang dry. Over-all, simpleng mukha lang ang mayroon ako. Hindi naman kasi ako marunong mangolorete ng mukha kahit na alam kong kailangan talaga kasi nga naghahanap ako ng trabaho. Kahit hindi man ako kasing ganda ng pinakamagandang babae sa bayan namin o kung sino pang babae r'yan, presentable pa rin naman ang mukha ko kahit papaano.
Naging dugyot lang naman ako noong kabataan ko kasi nga palagi akong babad sa bukirin no'n. Ayaw ko namang tawaging maganda ang sarili ko kasi normal na mukha lang naman ang mayroon ako. Ano bang kakaiba? 'Yong pekas ko ba sa mukha? Mukha nga'ng dead skin 'to, e.
Ngayon, handa na ako. Alas-siete pa lang ng umaga, paalis na ako papunta sa central ng mga Lizares. May kalayuan din 'yon sa amin kahit na nasa parehong bayan lang naman. Kailangan kong maging maaga, nakaka-disappoint kaya na unang beses mong pumunta rito tapos male-late ka pa.
Ang alam ko, alas-otso ang pasukan ng opisina nila rito kaya ng mga bandang alas-siete y media, nakarating na ako sa central nila. Tiningala ko ang gusaling kalahating gawa sa kahoy at kalahating semento. Halatang makaluma ang desinyo nito. Mga Spanish era ganoon.
Mabuti nang makarating ako, mayroon nang sekyu na nagbabantay sa may pintuan. Naglakad ako papunta sa kaniya at pagak na ngumiti, medyo nahihiya pa.
"M-Magandang umaga po…" bati ko sa kaniya.
Umiinom siya ng kape nang luminon siya sa akin.
"Anong kailangan?" tanong niya habang humihigop sa kapeng hawak niya.
"P-Pinapunta po ako ni Mrs. Kiara Lizares. N-Nandito na po ba siya?"
Anak ng baboy, nakaka-intimidate naman ang sekyung ito.
"Si Ma'am Kiara? Anong kailangan mo sa kaniya?" Inilapag niya ang tasang hawak niya at tuluyan akong hinarap.
"A-Ang sabi niya po, pumunta lang daw po ako rito tapos sabihin ko lang po ang pangalan niya."
"May appointment ka na ba sa kaniya? Kailangan ang appointment bago ka makipagkita sa kaniya, ineng."
Ineng? Mukha ba akong bata sa paningin niya?
Inayos ko ang boses ko pati na rin ang sarili, baka iba pa ang masabi ko.
"W-Wala po akong appointment pero ang sab—"
"Kaya nga, kailangan mo muna ng appointment sa kaniya bago mo siya harapin. Kung wala pa, maghintay ka kung kailan dadating ang nasa front desk para makapag-appointment ka sa opisina ni Ma'am Kiara. Ang aga mo naman masiyado, ineng."
Aba't tinawag na naman akong ineng.
"Umupo ka muna r'yan," dagdag na sabi niya pa sabay turo sa isang mahabang upuan katabi ng post niya.
Wala akong nagawa kundi ang sundin ang sinabi niya at matiyagang naghintay kung kailan dadating ang tao sa front desk.
~