webnovel

The Campaign

"Grabe na talaga girl, pinagpala yata talaga ako ngayong araw na ito! Ikaw ba naman sunod-sunod na pakitaan ng crush? Love na love talaga ako ni Lord!"

Mas lalo na nga'ng nangisay si Zubby dahil matapos niyang makita si Sonny Lizares, sumunod naman na nagpakita sa headquarters ang anak ni Congressman Yap na si Major Yap. At saka 'yong anak din ni Konsehal Escala na si Carter Escala. Oo, crush niya 'yong lahat ng iyon, kulang pa nga, e.

"Mukhang nakikinita ko na productive at masaya ang magiging bakasyon ko ngayon," biglang salita ni Zubby habang nakataas pa ang dalawang kamay na animo'y nag-i-imagine sa langit. Nasa labas kami ngayon ng headquarters, hinihintay 'yong Mama niya para sabay-sabay na kaming umuwi.

Ang weird-weird talaga nitong si Zubby. Kung sa iba, ako na 'yong weird, para sa akin siya, e.

"Ilan na 'yong crush mo?" Biglang naitanong ko.

Natigil siya sa pagpapantasiya at napatingin sa akin pero agad din namang nag-iwas ng tingin dahil nag-isip.

"Hmmm..." Nagsimula siyang magbilang gamit ang kamay niya at mukhang mini-memorize sa isipan niya ang mga pangalan ng crush niya. "Si Breth, Sonny, Carter, Major, Koby, Justine. Hmmm, sino pa ba?"

Anak ka ng baboy kang bata ka!

Hindi ako makapaniwalang napatingin ngayon kay Zubby. Parang kulang na kulang ang ilang taon naming pagiging magkaibigan para intindihin na talagang marami siyang crush. Parang hindi pa ako nasasanay.

"Pambihira ka talaga, Zubby, kulang pa 'yon?" Puna ko sa kaniyang sinabi.

"Ek, kasalanan ko bang maraming guwapo sa ciudad natin?" Maarte pang sabi niya.

Sasagot pa sana ako kaso biglang dumating na si Tita Gina kaya umalis na kami agad.

"Ayla, sasama ka lang talaga sa akin ha? Ako ang bahala sa 'yo!" Biglang sabi ni Tita Gina habang nag-aantay kami ng masasakyang traysikel papunta sa proper. "Pero aabisohan na kita nang mas maaga ha? Hindi masiyadong malaki ang scholarship na ito, parang assistance lang ito sa pag-aaral niyo pero malaking tulong na ito para kahit papaano'y mabawasan ang magagasta mo kapag magko-kolehiyo ka na," dagdag na sabi pa ni Tita Gina.

"Okay na okay na po 'yon, Tita Gina, kaysa naman po wala 'di ba?" Sagot ko naman kaya napa-thumbs up pa si Tita Gina bilang pa-unang sagot.

"Kaya aliw na aliw ako sa 'yong bata ka!" Biglang sabi ni Tita Gina sabay pisil sa pisnge ko. "Kahit tahimik ka pero pursigido ka sa buhay! Hindi katulad ng iba r'yan, maingay na nga ang lakas pang magreklamo." Nag-sideway glance pa siya sa banda ni Zubby na nasa mismong gitna namin ni Tita.

"Wow, Ma, harap-harapan talaga?"

"Joke lang, anak!" At ngayon ay si Zubby naman ang kaniyang pinagdiskitahan. "Siyempre, mahal na mahal kita! Ikaw kaya ang unang prinsesa namin ng Papa mo," malambing na dagdag niya pa kaya wala sa sarili akong napangiti dahil sa nasasaksihan sa pagitan ng mag-inang ito.

Isang alaala ang nanumbalik sa aking isipan…

"'Nay, ang sabi ni Ate Aylen, napulot niyo lang daw po ako sa may tae ng kalabaw? Totoo po ba 'yon, 'Nay?" Agad na sumbong ko matapos akong sabihan ni Ate Aylen nang ganoon. Nasa likuran ko lang siya at naririnig ko ang tawa niya.

Natigil si Nanay sa paglalaba. Pinatuyo niya 'yong basang kamay niya at marahang hinawakan ang aking pisnge. Ngumiti nang pagkalawak-lawak si Nanay sa akin.

"'Wag kang maniniwala riyan sa Ate Aylen mo. Siya 'yong nakita lang natin sa may mga kawayan doon sa likuran ng ating bahay."

"Nanay!" Narinig kong pagmamaktol ni Ate pero dahil sa sinabi ni Nanay unti-unting lumawak ang aking ngiti at agad nilingon si Ate at binelatan.

"Ikaw pala 'yong napulot lang, e," pangangantiyaw ko agad sa kaniya.

Humaba ang kaniyang nguso pero agad din namang sinabayan ako sa pagtawa.

Hindi ko alam pero may na-imbento na ba ang tao na isang time machine? May isang tao na kayang nakabalik sa nakaraan para bisitahin o baguhin ito? Sa sobrang dami ng tao sa mundo at sa sobrang talino ng ibang tao, siguro naman naka-imbento na sila nang ganoong klaseng makina o teknolohiya? Basi sa nalalaman ko mula sa eskuwelahan, wala pa raw kahit na sino ang nagtagumpay na gumawa no'n. Siguro kung sa pelikula o libro, may nakagawa na no'n pero sa totoong buhay… imposible raw.

Kung sana mayroong time machine sa mundo, ano? Para malaya mong mabalikan ang mga alaala ng nakaraan na gusto mong balik-balikan. Para malaya mong makasama pa rin ang mga taong nasa iyong nakaraan. Kung sana lang…

Ano ba ang mas maganda? 'Yong magkaroon ng time machine sa mundo at malaya mong nababalikan ang iyong nakaraan na gustong-gusto mong balikan?

O 'yong habang-buhay na lang na buhay ang mga tao sa mundo, 'yong walang kamatayan para hindi mo na kailangan ng time machine para balikan pa sila sa nakaraan. Ano kaya ang mas magandang kapangyarihan? Kung mayroon lang akong kakayahan na ganoon, siguro sa akin, gamit na gamit na iyon.

Sinalubong ko ang bagong umaga na hindi gaanong masaya at hindi rin gaanong malungkot, 'yong sakto lang, 'yong kasiyahan ko lang sa araw-araw.

Trabaho sa bukirin sa umaga at pagkarating ng hapon, lumuwas naman ako ng bayan para sa unang araw ko sa pagsali sa kampanya. Gaya ng inaasahan, kasama ko nga si Tita Gina at si Zubby.

Abala ako sa paglalagay ng tinapay sa isang puyo at iilang kendi nang biglang dahan-dahang iginalaw ni Zubby ang kaniyang ulo para lingunin at pagmasdan ang kung anong naka-imprinta sa harapan ng t-shirt ko.

"Ang pangit ng nasa t-shirt mo," biglang sabi niya tapos ay bumalik siya sa kaninang ginagawa.

Anak ng baboy!

"Hoy 'yang bibig mo Zubeida," agad na saway ko sa kaniya at iginala ko ang tingin ko sa paligid, baka may nakarinig sa sinabi niya.

Patay-malisya siyang nagpatuloy sa ginagawa.

"Mabuti pa itong nasa t-shirt ko, ang super guwapo!" Nangingisay na naman na sabi niya.

Pinasadahan ko na lang ng panandaliang tingin ang mukhang nasa t-shirt ko at pinagpatuloy ang ginagawa.

Binigyan kasi kami isa-isa ng mga t-shirt na may mukha ng mga tatakbong konsehal. 'Yong akin kasi, mukha ng pinakamatandang konsehal sa bayan namin na si Evangelito 'Evan' Prietos at saka 'yong nasa t-shirt naman ni Zubby ay 'yong si Einstein Albert 'Einny' Lizares. Pinili niya talaga 'yan, halos makipagpatayan pa siya kanina para makuha lang 'yan.

"Pero guwapo 'yong apo niyan," biglang sabi niya matapos ang katahimikan naming dalawa, itinuro niya pa ang bandang t-shirt ko.

"Crush mo na naman?"

Tumaas-baba lang ang kilay niya bilang sagot at tuluyan na talagang nagpatuloy sa ginagawa.

Mga alas-tres ng hapon sinimulan ang unang kampanya ng partido. Ang unang lugar na pinuntahan namin ay ang Sitio Sta. Cruz ng Barangay Old Poblacion. Medyo malapit sa dagat ang venue ng pulong-pulong kaya habang abala ang mga pulitiko sa pangungumbinse sa mga mamamayan ng Sitio Sta. Cruz ay kinaladkad ko si Zubby malapit sa may dagat. Wala lang, magpapahangin lang. Minsan ko lang kasi talaga malanghap ang maalat na hangin ng dagat. Puros bukid kasi ang nakikita ko sa araw-araw.

Maingay na nag-unat si Zubby nang makalayo kami sa tumpokan.

"Nakakapagod!" aniya.

Sinimot ko ulit ang dagat. Ang sarap maligo, high tide yata ngayon kasi malaki ang dagat.

"Grabe, unang araw pa lang pero parang mabibiyak na 'yong utak ko!" dagdag na pagmamaktol niya.

"Bakit? May utak ka ba?" pagbibiro ko pa sa kaniya.

"Woy, grabe siya oh!" agad na reak ni Zubby na pa-simple kong tinawanan lang.

"Siguro, disappointed ka 'no? Kasi hindi kasama ang nasasakupan ni Mayor sa unang araw ng pangangampanya?"

Ha?

"Ano ba 'yang sinasabi mo, Zub?" patay-malisyang tanong ko at mas lalong nag-iwas ng tingin sa kaniya.

"Nasa Hong Kong pa rin 'yon, sa makalawa pa raw ang balik."

Hindi na naman dapat ako interesado sa mga pinagsasabi nitong si Zubby pero kusang nakikinig ang tenga ko kaya hindi ko nagugustohan iyon.

"Bumalik na nga lang tayo roon, Zub. Kung anu-ano na pinagsasabi mo, e." Bago pa man masagot ang kaniyang pinagsasabi, kinaladkad ko na siya pabalik sa pulong-pulong.

"Kuya Einny is so determined 'no?"

Nang makabalik sa pulong-pulong, saktong tumigil kami ni Zubby sa likuran ng isang babae at isang lalaki na nakatayo lang at nakamasid sa nagsasalita sa gitna.

Mukhang si Einny Lizares nga talaga ang pinag-uusapan nilang dalawa at base sa kulay at tela ng kanilang damit, mukhang kasama sila sa pangangampanya pero bakit hindi ko naman sila napansin kanina?

"Kuya Einny is just basically following the steps of your father, Uncle Herd. Kasi we all know na you can't even follow his steps," sagot naman ng lalaking medyo magulo ang buhok. Nagpalipat-lipat sa kanilang dalawa ang tingin ko.

Hanggang sa kalabitin na nga ako ni Zubby at nang lingunin ko siya, tinuro niya ang lalaking nasa harapan namin at nilabian ako ng 'Siggy.'

Tumango na lang ako sa kaniya at pinabayaan siya sa kilig na kaniyang nararamdaman. Ngayon sigurado na ako, crush nga niya lahat ng Lizares brothers.

"Sino ba naman kasi ang may gusto sa politics, Kuya Siggy? E, ikaw nga nahihirapan ka nga'ng gustuhin ang family business niyo, e, ako pa kaya na wala naman talaga sa dugo natin ang pagiging politician?"

Inakbayan ni Siggy Lizares ang babaeng nasa tabi niya.

"Teka nga, Aly, bakit ka nga pala nandito? 'Di ba dapat ang daddy mo ang tinutulungan mo ngayon sa pangangampanya?"

"Ugh! The politics in Bacolod is so magulo. Dito na lang ako, chill lang at saka exciting because of the places. Teka, where is Kuya Sonny nga pala? I thought he will be here?"

Kuya Sonny? Sonny Lizares?

Umiwas ako ng tingin sa dalawang nag-uusap na iyon at pa-simpleng iginala ang tingin sa paligid. Nandito siya?

Teka, bakit ko nga pala siya hinahanap?

"Probably with his girl. I don't know, Al. Ang sinabi niya lang sa akin, mamayang gabi pa siya makakahabol."

"He has a girl? Who? Hindi niya yata nasabi sa akin?"

Anak ng baboy naman. Bakit ba ako nakikinig sa usapan ng dalawang ito?

"Bro code, Alyssa."

"Fuck that bro code!"

Anak ng baboy! Ang bata-bata pa ng babaeng ito tapos kung makapagmura parang… anak ng baboy talaga.

"Your language, Alyssa Quanda. Baka i-uwi ka namin bukas," may pagbabantang sabi ni Siggy Lizares sa babaeng kasama niya.

"Sorry, Kuya Sig, not gonna happen again."

Inakbayan ulit ni Siggy Lizares ang batang babaeng iyon at kinaladkad sa kung saan. Basta, umalis sila sa harapan namin ni Zubby.

"Kilala mo 'yong girl?" Nang makaalis ang dalawa ay agad nang binuksan ni Zubby ang kaniyang bibig at kinausap na nga ako.

Nagkibit-balikat ako bilang sagot.

"Malay ko…"

"Si Alyssa Lizares 'yon, anak ng Congressman ng Lone District ng Bacolod, Herd Lizares? Pinsan ni Don Gabriel."

Napa-ah na lang ako sa sinabi ni Zubby at hindi na masiyadong hinabaan pa ang usaping iyon.

Pero… may girlfriend si Sonny Lizares? Talaga? Sino naman kaya ang pumatol sa medyo mayabang at medyo mabait na lalaking iyon?

Pakialam ko ba?

Natapos kami sa Sitio Sta. Cruz kaya lumipat kami agad sa Sitio Cogon, nasasakupan ng Barangay Alimango.

Ganoon pa rin ang ganap, magsasalita ang mga tatakbong pulitiko, pagkatapos no'n mamimigay kami ng mga merienda sa mga taong dumalo at iilan na ring mga t-shirt, pamaypay, atbp na ipinamimigay ng mga pulitiko.

Parehong eksena ang nagaganap araw-araw. Kahit gusto ko mang maging ilap sa mga tao, hindi ko naman magawa kasi nga kailangan kong makisalamuha sa mga tao. Pero ganoon pa rin, tahimik pa rin ako.

Hanggang sa dumating ang araw na sumama na ang nasasakupan ni Mayor sa pangangampanya namin.

Isang linggo na lang yata at eleksyon na, saka naman nagpakita ang matagal ko nang gustong makita.

"Magandang umaga, Mayor!"

"Magandang umaga, Madam Julieta!"

Kaliwa't-kanan ang naging bati ng lahat nang dumating sa headquarters ang Mayor at ang kaniyang asawa kasama ang kanilang mga anak at iba pang staff.

"Maganda umaga rin sa inyong lahat. Kumusta ang inyong ginagawa?" Malawak ang naging ngiti ni Mayor Sally Montero sa lahat at pinasadahan niya talaga ng tingin ang mga taong nasa harapan niya. Nasa likuran kami ni Zubby kaya alam kong hindi kami makikita agad. At saka ano bang pakialam ko kung makita ako ni Mayor? Para namang makikilala niya ako agad. Sa dami ba naman ng taong nakasalamuha na niya, imposibleng makilala at maalala niya pa ako.

"Maayos naman po, Mayor, handa na po ang lahat para sa kampanya mamaya," sagot naman no'ng leader namin.

Isang linggo na lang bago ang eleksiyon at may tatlong barangay pa kaming hindi napupuntahan. Tatapusin ng partido ang tatlong barangay na iyon bago paghandaan ang engrandeng stage rally na magaganap dalawang araw bago ang eleksiyon.

"Mabuti, mabuti. Mamaya nga pala sa kampanya, ikinalulugod ng aking mga anak at ng kanilang mga kaibigan na tulungan tayo mamaya sa pamimigay ng merienda sa mga tao kaya aasahan ko na sana ay makatulong nga sila." Inakbayan ni Mayor ang kaniyang dalawang anak at iniharap sa lahat.

Malawak na ngumiti si Miss Yulia sa lahat at si Vad naman ay tipid lang na ngumiti sa kanila.

Napatitig ako sa kaniya. Naaalala niya pa kaya ako? Ilang taon na rin ang nakalipas pero kung makikita niya ba ako ngayon, susumbatan ulit niya kaya ako gaya nang ginawa niya sa akin noon?

Umiwas ako ng tingin bago pa man mamuo ang luha sa aking mata.

Tatlong taon na ang nakalilipas pero bakit ganito, ganoon pa rin? Dapat nga ako pa ang magtanim ng hinanakit sa kaniya dahil sa mga salitang binitiwan niya sa akin, sa mga paratang na isinumbat niya sa akin pero bakit ganito ang puso ko? Hindi marunong magpabago ng nararamdaman?

Inayos ko ang sombrerong suot ko at nagpatuloy sa pagbabalot ng mga pagkain. Matinding yuko ang ginawa ko lalo na nang makita kong palapit siya rito.

"Sir Vad, ito po 'yong mga pagkain na idi-distribute niyo mamaya. You will distribute it after the speeches of the candidates." Lumapit nga siya pero marami namang kasama.

Pinigilan ko ang sarili kong matingnan siya sa mata. Natatakot na baka nga nakikilala niya pa ako. Pero para saan kung sa tingin ko ay wala na sa kaniya kung ano man ang nangyari sa nakaraan?

"Ayla!"

Anak ng baboy.

Mariin akong pumikit at kusang natigil ang kamay ko sa paggawa nang marinig kong isinigaw ni Zubby ang pangalan ko. Nagsimulang kumabog ang aking puso dahil sa kabang aking nararamdaman. Hindi ko alam.

"Dito naman po Sir—"

"Wait…"

Mas dumoble ang kaba ko nang marinig ko ang kaniyang boses at kahit hindi ko tingnan, alam kong nasa harapan ko siya mismo.

"Ano po 'yon, Sir Vad?" Tanong no'ng babaeng kanina pa salita nang salita.

"Are you—"

"Babe!" Natigil naman ang kung ano man ang gusto niyang sabihin nang may sumigaw, mukhang siya ang tinatawag. "Aalis na raw tayo sabi ni Tito Sally," dagdag na sabi no'ng unang tumawag sa kaniya.

Para akong estatuwa, hindi gumagalaw at pinipigilan ang huminga.

Naramdaman kong nawala ang presensiya ng mga taong nasa harapan ko kanina kaya dahan-dahan akong nag-angat ng tingin.

Unang nakita ng aking mata ang kaniyang likuran na naglalakad na palayo sa akin habang kausap ang babaeng kilala ng lahat bilang nobya niya.

"Ayla, tulungan daw natin si Mama roon." Tuluyang nakalapit si Zubby sa tabi ko. Pero nanatili pa rin ang tingin ko sa kaniyang likuran, tahimik na nananalangin na sana, lumingon man lang siya ulit. "Woy, okay ka lang?"

Napasinghap ako nang maramdaman ang tapik ni Zubby sa akin. Pagak akong ngumiti sa kaniya at pinagpatuloy ang naudlot na ginagawa. Pinipigilan na rin ang sariling maluha sa nasaksihang sakit.

"Tama na 'yan, puntahan natin si Mama, kailangan niya ang tulong natin. Arat na!" At hindi na nga ako nakaangal sa ginawang pagkaladkad ni Zubby sa akin.

Nakilala kaya niya ako? Alam pa ba niya ang pangalan ko? Kaya ba parang natigilan siya kanina nang marinig niyang isinigaw ni Zubby ang pangalan ko? Kaya ba? O nag-iilusyon lang ako?

Dahil sa nangyari kanina, ginawa ko ang lahat maiwasan lang siya. Oo, gusto kong makita siya pero hindi pa yata ito ang tamang panahon para mag-krus ulit ang landas namin. Hindi ko kakayanin.

Umayon naman ang panahon at pagkakataon dahil sa lahat ng lugar na pinuntahan namin ngayong araw, abala siya sa mga kaibigan niyang sumama nga sa kampanyang ito, lalo na sa kaniyang nobya. Kaya paniguradong nakalimutan na niya ang presensiya ko.

"Alam mo, Ayla, hindi kita minsan maintindihan, e."

Nasa huling lugar kami ngayong araw at gabi na. Abala pa ang mga kandidato na magsalita sa gitna at nakaupo lang kami sa malayong sulok nang magsalita bigla si Zubby.

"Sinasabi mo sa akin na gusto mong mag-move on o 'di kaya'y naka-move on ka na pero sa tuwing nand'yan siya, titig na titig ka naman. Ano ba talaga, Ayla?"

Umiwas ako sa pagkakatitig kay Vad mula rito sa malayo at napabuntonghininga.

"Alam mo bang muntik mo na akong ipahamak kanina?" Patungkol ko sa ginawa niyang pagsigaw sa pangalan ko habang nasa malapit lang si Vad.

"Huh? Ano namang nagawa ko?" Pa-inosenteng tanong niya pa.

Nag-iwas ako ng tingin sa kaniya at umiling.

"Ito ba 'yong kanina? 'Yong nasa malapit lang sa 'yo si Vad?" Imbes na ako ang magsabi sa kaniya, mabuti at siya na mismo ang nakaalala sa kaniyang nagawa.

Tumango ako.

"O, e, ano ngayon? Ayaw mo no'n? Alam niyang nandito ka tapos magkakilala naman kayo 'di ba? Anong masama ro'n, Ayla?"

Napabuntonghininga ulit ako dahil sa sinabi ni Zubby. Nauubusan na rin ng pasensiya.

"Para saan pa, Zub? Para sumbatan na naman niya ako ulit sa kasalanang hindi ko naman nagawa?"

Inilagay ni Zubby ang dalawa niyang kamay sa harapan niya, animo'y pinapatigil ako.

"Okay, relax girl. Okay?" Pagpapakalma niya sa akin kaya nag-iwas na lang ako ng tingin. "Paano kung wala na lang sa kaniya ang nangyari noon? Paano kung ikaw na lang pala ang nakakaalala sa nangyari noon dahil lahat ay piniling kalimutan na ang nangyari? Edi ikaw ang talo."

Nagtiim-bagang ako dahil sa sinabi ni Zubby.

"Ayla, kung mahal mo pa rin siya matapos ang lahat, mahalin mo, 'wag mong pigilan ang nararamdaman mo sa kaniya."

Mas lalo akong nagtiim ng bagang habang nakatingin sa kanila.

"Paano ko mamahalin ang isang taong may mahal ng iba?" Mapait na sabi ko.

Sumandal ako sa katawan ng puno na kinauupuan namin at mariing pumikit. Sa wakas at napagtantong masakit sa mata ang aking nakikita.

"Edi magmo-move on. Simpleng problema na may simpleng solusyon lang, e. At saka, Ayla, seventeen years old ka lang, bata pa tayo. Marami pa tayong makikilala sa daan, hindi mo kailangang manatili sa iisang memoryang sinaktan ka na nga, hindi ka pa binigyan ng importansiya." Ikinuyom ko ang aking kamao, pinipigilan ang nararamdaman. "Hindi ka nga naghahabol katulad ng kamag-anak mong si Sia pero daig mo pa siya sa pagiging masokista mo. Bakit nakapikit ka na? Ibuka mo 'yang mata mo, titigan mo silang dalawa hanggang sa mamanhid 'yang puso mo sa sakit nang tuluyang tumatak sa utak mo na hindi lang siya ang lalaki sa mundo."

Hindi ko sinunod ang sinabi ni Zubby. Minsan lang siyang ganiyan pero alam mong tatagos talaga sa buto mo ang kung anong mga salitang mabibitiwan niya.

Nagpatuloy ako sa pagpikit at pinipigilan ang sariling bumuo ng luha sa aking mata kahit na ang dibdib ko ay masikip pa rin at para akong nalulunod.

Hindi ko alam kung bakit kami dumating sa ganitong usapan. Hindi namin napag-usapan ang ganitong klaseng topiko dahil pilit kong iniiwasan iyon at hinahayaan naman niya ako.

"Hi, girls…"

Anak ng baboy?

Dahan-dahan akong nagmulat ng mata nang makarinig ako ng boses ng isang lalaki.

Bumungad sa akin ang isang lalaki na nasa tabi ko mismo, may distansiya naman pero malapit sa akin. Nasa kaliwang banda ko siya habang si Zubby naman ay nakaupo sa kanang banda ko.

Nakakunot ang noo kong tiningnan siya pero ang tingin niya ay nagpalipat-lipat lang sa aming dalawa ng aking kaibigan.

Nand'yan na naman ang mata niyang para kang nakakakita ng ulap sa tuwing makikita mo. Hindi ko alam, ang lalim ng kaniyang mga titig. 'Yong tipong unang tingin mo pa lang sa kaniya alam mo nang mahuhulog ka sa isang patibong pero pinagpatuloy mo pa rin ang pagtitig sa kaniya. Katulad ng nararamdaman ko kay Vad, alam kong masakit pero sige pa rin ako. Siguro nga, masokista talaga ako.

Anak ka ng baboy talaga Ayla!

"S-S-Sonny…"

Naputol ang pagtitig ko kay boy tingkoy nang marinig kong magsalita ang kaibigan ko.

Ewan ko ba, parang naaaliw akong tawagin siyang boy tingkoy.

Napangiwi na lang ako nang makita ang mukha niyang parang nakakita ng anghel sa isang masalimoot na pagkakataon.

"May itatanong lang sana ako sa inyo, if you don't mind?" Naibalik ko na naman ang tingin ko kay boy tingkoy nang magsalita siya gamit ang mala-kulog niyang boses.

Napapagitnaan nila akong dalawa pero hindi naman 'yong sobrang lapit talaga, mas malaki ang distansiya namin ni boy tingkoy kaysa ni Zubby.

"A-Ano 'yon?"

Bumalik na naman kay Zubby ang tingin ko.

Gusto ko siyang pektusan, seryoso, masiyado siyang halata!

"This is just a random question but what do you think about MJ Osmeña?"

Eh?

Nabaling naman ang tingin ko kay boy tingkoy dahil sa naging tanong niya. Anong klaseng tanong ���yan?

"M-MJ Osmeña?"

"Yes. You knew her, right?"

"Right! Yes. I know her. MJ Osmeña. She's my idol. Very beautiful. Smart. Talented. And pretty."

Anak ka na talaga ng baboy Zubeida Yesenia Mahinay! Pepektusan na talaga kita.

Halos tabunan ko ang mukha ko dahil sa naging sagot ni Zubby.

Bakit ka ba nag-english? E, pinoy lang naman 'yang kausap mo? Anak ng baboy talaga, Zubby! Madaldal ka nga pero kapag talaga kaharap mo ang crush mo, pumapalya pagiging madaldal mo, e.

"Ikaw?"

Ha?

Naibalik ko ulit ang tingin ko sa kaniya nang magsalita siya at sakto ngang nakatingin siya sa akin. Wala akong masabi kaya nagkibit-balikat na lang ako. Kailangan ba may sabihin ako?

"Do you live here?" Pa-simple akong napangiwi dahil sa naging tanong niya.

"We did, yes—I mean, yes we are. Me and her we live here but not here, my house is in the other barangay and her is also in the other barangay but we live in this city."

Mapapamura talaga ako ng wala sa oras dahil kay Zubby e. 'Naknamp-

Mahinang tumawa si boy tingkoy pero narinig at nakita ko pa kaya napatitig ako sa kaniya ng ilang segundo.

"Why you ask MJ Osmeña?"

Zubeida tama na!!!!!

"Just randomly thinking about her. Thanks for your time, girls."

Just randomly thinking about her? Anong klaseng sagot 'yon?

"May research study ba siya tungkol kay MJ Osmeña?" Natanong ko sa sarili ko habang nakasunod ang tingin ko sa paglayo ni boy tingkoy sa puwesto namin.

"Ayla!!!!!!"

Mariin akong napapikit dahil sa mahina at alam kong nagpipigil na tili ni Zubby habang niyuyugyog ako. Agad kong binatukan ang anak ng baboy dahil sa lahat ng kagagahang nagawa niya kani-kanina lang at para na rin matigil siya sa ginagawa niya ngayon din.

"Ano 'yon, Zubby?" Agad na tanong ko nang makitang medyo kalmado na siya.

Sinapo niya ang noo niya at napatitig sa may lupa.

"Nakakahiya ba 'yong ginawa ko?" Tanong niya.

"Sobra. Bakit ka ba kasi nag-english?" Mas lalo yatang nanlumo si Zubby dahil sa naging sagot ko.

"Nag-english kasi siya kaya napa-english na rin ako," nanlulumo na talagang sagot niya habang nasa ganoon pa ring posisyon. "Ayla! Nakakahiya! Hindi ko na siya crush, nakakahiya 'yong ginawa ko sa harapan niya!" at dahan-dahan niya akong nilingon at niyugyog ulit.

Pa-ulit ulit niyang sinabi ang salitang nakakahiya. Hindi ko alam kung matatawa ako o maaawa sa situwasiyon nitong si Zubby, e. Ibang klase talaga kapag kaharap niya crush niya, nauutal at halatang nawawala sa sarili. Katulad kanina. Pero sa lahat, ito 'yong pinakamatindi dahil nag-english talaga siya.

Hinayaan kong pagsisihan ni Zubby ang ginawa niya kanina.

Tinanaw ko sa malayo si boy tingkoy. Kasama na naman niya 'yong kapatid niyang medyo magulo ang buhok at 'yong kapatid niyang mahaba talaga ang buhok. Abala siya sa pakikipag-usap sa kanila kasama ang iba pang kakilala na sumama sa kampanyang ito.

Iniisip niya si MJ Osmeña? Ibig sabihin, may gusto siya sa dalagang iyon? Grabe. Anong kamandag ba ang mayroon si MJ Osmeña at halos lahat ng lalaking nandito sa bayan namin, nahuhumaling sa kaniya? Maganda nga siya pero lantaran naman ang kaniyang pagiging mapaglarom lantaran ang kaniyang bisyo.

Habang papalapit ang eleksiyon mas lalong naging abala ang lahat. Nagpapasalamat na rin ako sa Diyos na hindi na ulit nag-krus ang landas naming dalawa ni Vad Montero. Siguro ipagpapasalamat ko na hindi siya mahilig tumulong sa pangangampanya lalo na ngayong hindi naman talaga masiyadong nangangampanya si Mayor dahil wala na naman siyang kalaban. Sumasama lang siya sa mga pagpupulong para ipakita na suportado niya ang kaniyang sariling partido.

Dalawang araw bago ang eleksyon, magaganap ang stage rally o ang mas malaking pagtitipon ng mga supporter ng mga kandidato. Ang partido ni Mayor ay piniling sa tapat ng shopping center o palengke ng bayan mag-set up ng stage para sa stage rally.

Isang malaking pagtitipon ang magaganap ngayon. Lahat ng supporters na galing sa bente-unong barangay ay luluwas ngayon sa kabisera ng bayan namin para ipakita ang kanilang suporta sa partido ni Mayor.

Kahit na maraming kalaban, mas marami pa rin ang naging mga supporter ng partido ni Mayor. At sa stage rally ding ito ay darating ang mga kakandidato bilang Gobernador, Bise-Gobernador, Congressman, at ang mga Board Member ng aming distrito.

Noong nakaraang linggo nga pala, binisita ang aming bayan ng iilang mga tatakbong senador para naman ligawan ang mga botante ng aming bayan.

Ang gulo-gulo talaga. Hindi ko na nga dapat ikinu-kuwento 'to, e, pero wala tayong magagawa, kasali ito sa pinagdadaanan ko sa buhay.

Nakaupo ako sa bubong ng Canter na sasakyan para makita kung ano ang nangyayari sa stage. Ito 'yong sinasakyan namin sa tuwing nangangampanya kami sa mga barangay.

Katabi ko kanina si Zubby pero biglang inutusan siya ni Tita Gina kaya iniwan muna niya ako saglit.

Tahimik akong nakamasid sa paligid. Sinisipat ng tingin ang mga taong nandito, sinisipat ng tingin ang mga pulitikong prenteng nakaupo sa mga upuan na nasa stage kasama ang kanilang pamilya at ilan pang sikat na tao sa aming bayan na wala naman talagang kinalaman sa pulitika pero lantarang sinuportahan ang partido ni Mayor Sally Montero.

Pinagsalikop ko ang kamay ko at napabuntonghininga.

Ano ba talaga ang makukuha ng mga tao sa mga pulitikong ito? Pera? Atensiyon? Tulong? Ano ba? Hindi ko kasi maintindihan kung bakit parang sinasamba na ng mga taong ito ang mga pulitikong ito na wala namang ibang ginawa kundi ang pakintabin ang puwet nila sa nagtitingkarang upuan na hatid ng posisyon sa gobyerno. Palagi kong naririnig sa kanilang mga plataporma na kapag inuluklok mo raw sila sa puwesto, maraming tao raw ang matutulongan nila. Bakit ba? Hindi ba nila kayang tumulong sa iba kahit walang posisyon sa gobyerno? Kailangan ba lahat ng tulong ay may kaakibat na kapalit? Hindi ba puwedeng bukal na lang na tumulong sa iba?

Alam ko itong scholarship o assistance na makukuha ko mula kay Mayor ay parte ng budget ng bayan para sa mga estudyanteng kapos at kailangan ng sustento ng pag-aaral. Hindi naman dapat ginagamit ito bilang kapalit para lang tumulong ka sa pangangampanya.

O 'di ba? Para akong tanga. Alam ko ang tama sa mali pero heto ako't tinatahak pa rin ang daang medyo mali. Ano ba naman kasi ang magiging boses ko? Kapag ba nagreklamo ako, may makikinig sa akin? Mga magulang ko nga hindi ako magawang pakinggan, ibang tao pa kaya?

Napabuntonghininga ulit ako. Lumalalim na naman ang iniisip ko, kasing lalim ng aking hininga. Kung saan-saan talaga napapadpad ang utak ko.

"Ayla! Baba ka riyan, samahan mo ako." Tinawag ni Zubby ang pansin ko. Nasa ibaba siya ng Canter.

Walang pag-aalinlangan akong bumaba at pinuntahan siya. Kailangan ko pa ring gawin 'to kung gusto ko talagang mag-kolehiyo.

"Saan ihahatid 'to?" Tanong ko sa mga packed-lunch na bitbit ng ilang kalalakihan na nakasunod lang sa amin.

"Sa stage," malawak na ngiting sagot ni Zubby sa akin at mas lalong binilisan ang paglalakad.

Marahan akong napapikit at kahit ayoko, ipinagpatuloy ko pa rin. Ganito naman palagi, e, kahit ayoko, kailangang gawin ko pa rin kasi hindi naman para sa sarili ko 'to, e, kaya sino ako para tutulan ang mga ayaw ko pero ikabubuti naman ng ibang tao?

Isa-isa naming binigyan ng pagkain ang mga taong nasa stage. Mapa-pulitiko, staff, o pamilya ng mga pulitiko, hindi namin pinalampas.

Kinakabahan ako ngayon din kasi malalaking tao at respetadong tao ang mga kaharap ko. Nagpapasalamat na lang talaga ako sa sombrerong suot ko kaya kahit nasa stage ako, matatakpan kahit papaano ang mukha ko.

Para sa scholarship Ayla! Scholarship!

Mas lalo kong tinatagan ang loob ko nang ako ang nakatoka para bigyan ng pagkain at bottled water ang pamilya ni Mayor. Hindi ko alam kung sinadya ba ni Zubby ito o talagang nagkataon lang.

Habang papalapit ako sa kaniya, mas lalong nawawala ang pahapyaw kong ngiti.

Una kong nabigyan ang unang ginang ng aming bayan na si Mrs. Julieta Montero. Malugod niya itong tinanggap. Ang sunod ko namang binigyan ay ang panganay na anak na si Miss Yulia.

Laking pasasalamat ko na lang talaga at wala sa akin ang atensiyon ni Miss Yulia dahil alam kong kung makikita niya nang tuluyan ang mukha ko, walang mintis, makikilala niya kaagad ako. At sana, sa kapatid niya, ganoon din.

Pero nagkakamali ako. Nang nasa harapan na ako ni Vad matinding paglunok ang nagawa ko dahil sa titig niya sa akin.

Anak ng baboy naman o!

Ramdam na ramdam ko ang panginginig ng kamay ko pero pinilit ko ang sarili kong maibigay sa kaniya ang packed-lunch at ang bottled water. Kahit alam kong nakatitig siya sa akin, pinigilan ko talaga ang sarili kong salubungin ang mga titig niya. Natatakot ako pero kumakabog din ang puso ko. Ewan ko ba.

"Sandali, you look so familiar?" Nang tanggapin niya ang ibinigay ko, hindi na nga niya napigilan ang magsalita.

Panandalian akong tumingin sa kaniya at ganoon pa rin, nakatitig pa rin siya sa akin.

Hindi ko alam kung matutuwa ako o kakabahan dahil sa wakas, napansin na ulit niya ako.

"S-Sige po, Sir," at nagpatuloy ako sa pagbibigay ng packed-lunch at tubig hanggang sa maubos ang karton na nakatoka sa akin.

Dali-dali akong bumaba ng stage para makaalis na at makalayo sa kaniya.

"Teka sandali, Miss!"

Anak ng baboy!

Kakababa ko pa lang ng stage, napigilan na niya ako. Mas dumoble ang kabog ng aking dibdib nang maramdaman ang hawak niya sa may braso ko.

Hindi nakuntento sa pagpigil sa akin, lumipat siya sa harapan ko para harangan ang dadaanan ko.

Wala sa sarili ko siyang natingnan sa kaniyang mga mata.

"Sinasabi ko na nga ba at pamilyar ka sa akin. Ayla, 'di ba?"

Ang inaasahan kong isang bayolenteng pagkakakilala niya sa akin. Ang inaasahan kong may hinanakit pa rin sa aking tao ay nandito ngayon sa harapan ko, nakangiti habang sinasabi ang pangalan ko. Ay kailanman hindi natuloy.

Mukhang tama nga ako…

Ako na nga lang yata ang naiwan sa nakaraan at nagdadamdam ng sakit. Ako na lang ang may nararamdaman.

Kasi siya… matagal nang naka-usad, matagal nang winala sa isipan ang kung anong nangyari sa nakaraan.

~

Hi, this is the Chapter 6 of Clouded Feelings (Tagalog)

Enjoy reading!

_doravellacreators' thoughts
下一章