webnovel

Ang Hindi Inaasahang Pagkikita

Mula sa kanyang suot na dress, nagpalit si Lin Che sa isang magarang palda. Bumagay lamang ito sa kanyang katawan at lalong nagpatingkad ng kanyang hitsura.

Sa loob ng dressing room, sinukat niya isa-isa ang lahat ng mga napiling damit. Buong sigla naman siyang tinulungan ng salesperson.

Sa isang gilid, eleganteng nakaupo si Gu Jingze habang iniinom ang kanyang kape at nagbabasa ng diyaryo. Bagama't magalang na tinanggihan ni Lin Che ang kanyang offer, mahahalata sa kanya ang labis na pagkamangha pagkapasok pa lang nila sa store. Nilibot niya ang buong tindahan at hindi makapaniwalang nakatingin sa mga display.

Parang hindi pa talaga siya nakasuot ng mamahalin at magagandang damit.

Nang itaas niya ang kanyang ulo, nakita ni Gu JIngze si Lin Che na nakasuot ng gown na kulay jade-green. Bumagay ito sa kanyang makinis at maputing kutis. Para siyang isang rumaragasang ilog pagkatapos ng ulan; napakasarap pagmasdan. Nakalabas din ang kanyang maninipis at mahahabang binti. Sa kabuuan, siya'y kaakit-akit at maganda sa paningin ng kahit sino.

Napangiti ang salesperson at buong tuwang napabulalas, "Bagay na bagay sa'yo ang suot mo, Madam. Napakaganda mo pong tingnan."

Nakaramdam naman ng hiya si Lin Che sa papuring iyon.

Sinuri siya ng tingin ni Gu Jingze. Talaga nga namang bagay sa kanya ang suot na gown.

Kahit na parang hindi ito babae kung kumilos, pero ngayon, napakahinhin niyang tingnan at punung-puno ng alindog ng isang tunay na babae.

Hindi niya mapigilang magnakaw ng dalawa pang sulyap dito. Nang mapansin niyang palingon sa kanya si Lin Che, inilayo na niya ang kanyang tingin.

Lubos namang nasiyahan si Gu Jingze. Sumenyas siya sa salesperson at binayaran ang lahat ng bill. "Pakibalot ang lahat ng mga bagay at kasya sa kanya at paki-deliver sa Gu Villa."

Hindi makapaniwala si Lin Che. Tiningnan niya si Gu Jingze habang ang mga mata'y sumisinag ang liwanag dahil sa sobrang tuwa.

Ang yaman naman ng taong 'to.

Tuwang-tuwa naman ang salesperson. Buong galang nitong inihatid sa may pinto ang dalawang customers at naiinggit na nakatingin kay Lin Che na papasok na sa loob ng mamahaling Porsche.

Hindi nagtagal, dumating na sila sa kompanyang pinapasukan ni Lin Che. Nagpasalamat siya dito at saka nagmamadali ng bumaba sa sasakyan.

Dinala ni Yu Minmin si Lin Che sa isang seven-star hotel kung saan gaganapin ang auditions. Habang naglalakad, mahigpit nitong pinagsabihan si Lin Che, "May isang role na kailangan mong subukan ngayon. Kapag umalis ka ulit sa kalagitnaan ng audition, 'wag ka ng magpapakita pa sa kompanya. Sa tingin mo ba, ikaw si Lin Li? Kung gusto mo talagang pumili ng sarili mong roles, then be like her. Kahit hindi siya sobrang sikat, at least, kilala naman siya bilang isang artista. Galingan mo ang pag-aaudition at wag na wag kang mag-iisip ng kahit anong kalokohan."

Sa isip ni Lin Che, suportado ng buong pamilya si Lin Li kaya naman sisikat talaga ito. Napakarami na rin ng ginawa ng kanyang stepmother para lang mapaayos ang career nito. Isa pa, sa tuwing makakakuha siya ng role, lagi itong inaagaw sa kanya ni Lin Li. Ganun pa man, ayaw niya pa ring sumuko. Parang umatras siya kaagad kahit di pa nagsisimula ang laban kung ngayon pa lang ay susuko na siya.

"Ayusin mo ang pag-aaudition ngayon." Pagpapatuloy pa ni Yu Minmin, "Napakayaman ng investor ngayon. Siya ay mula sa pamilya ng mga Gu, sikat at misteryosong pamilya sa ating bansa. Walang nakakaalam kung gaano kayaman o makapangyarihan ang pamilyang ito. Kahit mabigo ka man sa audition na'to, tiyak na bibilis ang pag-usad ng career mo 'pag nagustuhan ka ng investor na ito."

Hindi na nakikinig si Lin Che sa sinasabi ng manager; ang kanyang atensiyon ay nabaling na kay Lin Li at Qin Qing na naglalakad papunta sa kanya.

Balingkinitan at mahinhin si Lin Li samantalang matangkad at gwapo naman si Qin Qing. Habang naglalakad ang dalawa, ang lahat ng mga mata ay nakatuon sa kanila.

"Wow, Lin Li."

"Fiance niya 'ata 'yang kasama niya. Balita ko, ikakasal na raw sila. Ubod ng yaman ang pamilya ng kanyang fiance at siya rin ang tagapagmana ng mga kayamanan nila."

"Ang gwapo naman ng fiance niya. Bagay na bagay sila."

"Ang swerte talaga ni Lin Li."

Bago pa man makatalikod at makaalis si Lin Che, narinig niyang tinawag siya ni Qin Qing, "Lin Che? Anong ginagawa mo dito?"

Hindi agad nakakilos si Lin Che at nag-aatubiling humarap. Nakita niyang masama ang tingin sa kanya ni Lin Li habang naglalakad papunta sa kanya.

Ngumiti nang mapakla si Lin Che kay Qin Qing, "Mag-aaudition ako dito."

Napansin ni Qin Qing ang kanyang suot. Parang iniisip nito na naiiba siya ngayon kaysa sa dating Lin Che na malikot at maingay.

Mas refreshing at dalagang-dalaga siyang tingnan ngayon.

"Saan ka nagpunta? Hinahanap ka na ng iyong pamilya." Hindi alam ni Qin Qing ang totoong nangyari. Ang alam niya lang ay may problema ngayon ang mga Lin. Galit na galit si Han Caiying at lagi siya nitong tinatawag na walang utang na loob.

Tumawa nang mapait si Lin Che habang nakatingin sa mayabang na ekspresyon ni Lin Li. "Ayos lang naman ako. Sa isang kaibigan na ako nakikituloy. Hinding-hindi na ako babalik sa bahay ng mga Lin."

Nagsumbong naman si Lin Li kay Qin Qing. "Ah, Qing, Hindi mo alam kung gaano nag-aalala ang buong pamilya ngayon. Wala siyang pakiramdam! Hindi makatulog sa gabi ang Mama dahil sa sobrang pag-aalala, pero siya..."

Napasinghal naman si Lin Che. Malamang hindi makatulog ang kanyang stepmother ngayon dahil sa sobrang galit na hindi siya nagtagumpay sa balak na pagbenta sa kanya.

Hindi na kaya pang tiisin ni Lin Che ang pagpapanggap ni Lin Li. Malamig niyang sinabi sa mga ito, "May audition pa ako. Pwede na kayong umalis, Qin Qing."

Nalulungkot na nakatingin kay Qin Qing, wala siyang ibang magawa kundi ang ikuyom na lang nang mahigpit ang kanyang mga kamao.

Maya-maya pa'y biglang may nagsigawan sa likod nila.

Nagtatakang lumingon sa likuran, at nakita niya ang nakahilerang mga bodyguards na nagbibigay-daan kay Gu Jingze. Nakasuot ito ng all-black na suit at animo'y isang mandirigma sa ilalim ng madilim na gabi, misteryoso at walang pakialam sa kanyang paligid.

Halos mahimatay si Lin Che ng malaman kung sino ang dumating. Pakiramdam niya ay nananaginip lamang siya.

Kumikislap ang mga mata ni Lin Li habang nakatingin sa lalaking dumaraan. Pinagmasdan niya ang matangkad at gwapong lalaki na walang lingon-lingong nilagpasan lang siya. Sa kanyang tindig at malamig na aura, para itong isang hari na hindi pwedeng malapitan ng kahit sino.

"Ah, Qin Qing, sino 'yan? Parang pamilyar talaga siya," hindi maitago ang curiousity na tanong ni Lin Li kay Qin Qing.

Sa kabilang banda naman, gustong ilibing ni Lin Che ang kanyang sarili sa lupa dahil napansin niyang tumingin sa kanya si Gu Jingze.

Hindi na kakayanin pa ni Lin Che na magtagal doon. Habang nagkakagulo ang lahat, umalis siya sa lugar na iyon.

Hindi naglaon, narinig niya ang boses ni Lin Li mula sa kanyang likod.

"Lin Che, mas mabuti kung umuwi ka na sa bahay."

Humarap siya dito at sumagot nang mapait, "Hindi na ako babalik doon."

Ngumisi si Lin Li. "Baka iniisip mo na hindi ko alam ang binabalak mo kay Qin Qing. Hindi ka nababagay sa kanya. Hindi magtatagal ay magpapakasal na kami at magiging bayaw mo na siya. Kung may utak ka, tigilan mo na ang pang-aakit sa kanya. Tingnan mo ang iyong status; isa ka lang hamak na anak sa labas. Tapos mangangarap kang makuha ang isang mayamang young master na gaya ni Qin Qing?"

Kumirot ang puso ni Lin Che habang mayabang na tinitingnan siya ni Lin Li. "Noong una, may chance ka pa sanang makaakyat sa status ng mga mayayaman sa pamamagitan ng pagpapakasal sa anak ng mga Cheng. Kaso nga lang, 'di ka marunong mag-isip. Baka umaasa kang magkakaroon ka ng chance kay Qin Qing?"

"Kung tapos ka na, pwede na ba akong makaalis?" Kung ibang tao lang sana ang pag-uusapan, okay lang sa kanya. Pero hindi niya kayang tiisin 'pag ang pangalan ni Qin Qing ang binabanggit.

Malalaki ang hakbang na pumunta sa may exit si Lin Che ngunit pinigilan siya ni Lin Li.

"Anong klaseng ugali 'yang ipinapakita mo, ha?!" Ngumisi si Lin Li at sinabi, "Kung babalik ka ngayon at lilinisin mo ang dumi sa aking sapatos, baka pwede ko pang ibigay sa'yo ang role na'to. Kung hindi naman, hangga't naririto pa ako, wag na wag mong papangarapin na makasali sa ganito kalaking production."

下一章