webnovel

KABANATA 10

MANAKA-NAKA akong sumisilip sa aming bintana. Halos magkakalahating oras na ang nakararaan nang magtext si Nakame. Maglilimang buwan na kami pero hindi pa rin ito nagbabago. Palagi na lang late!

Kung ako sa iyo, anak, mag-relax ka lang at hintayin mo na lang sa may sala si Nakame, advice sa akin ng pinaka-open-minded kong mommy. Kasalukuyan itong nagpapalambot ng karne ng baka, ulam namin mamayang gabi.

Napayakap ako mula sa likuran niya. "Thanks, Mommy, mula nang ipakilala ko si Nakame sa iyo ay never kang tumutol sa relasyon namin."

Ngumiti ito sa akin. "Kung ano man ang makapagpapasaya sa iyo ay andito lang ako, anak. Susuportahan kita." Parehong naagaw ang atensyon namin ni Mommy nang biglang may nag-doorbell. "Tiyak na si Nakame na iyan, hija. Sige na, labasin mo na siya." Hahatiran ko kayo mamaya roon ng maiinom.

"Okay, Mommy." Kumalas na ako sa pagkakayakap sa kaniya at excited na pinagbuksan si Nakame. Nahihiyang Nakame ang napagbuksan ko. Ewan ko ba rito, ang tagal-tagal na namin pero hanggang ngayon nahihiya pa rin sakin.

"Babe, Ha-happy fifth monthsary," nauutal niyang sabi sabay abot ng flowers at cake.

Tiyak si Jeyda na naman ang nag-bake ng cake na dala nito. Napaka-sweet talaga ng kapatid nitong babae.

"Thanks, babe," sabi ko saka kinuha ang flowers at cake na dala-dala niya. Magmula nang maging kami ay never itong nawalan ng ibibigay sa akin. Agad naman itong umupo habang ako ay kumukuha ng platong paglalagyan ng cake na dala niya.

Ipinatong ko sa lamesang kaharap ni Nakame ang cake. Si mommy naman ay binigyan ng juice si Nakame. Nahihiya pa itong nagpasalamat. Sunod ko namang inilagay sa flower vase ang biniling tulips ni Nakame. Kahit kailan talaga ay never akong nakalimutan dalhan nito ng bulaklak, kahit na alam kong mahal ngayon ang benta ng mga tulips.

Tumabi na ako ng upo sa kaniya at nagkuwentuhan lang kami ng kung anu-ano. Mayamaya ay nag-ring ang cellphone nito. Tiyak na isa na naman sa mga barkada niya ang tumatawag rito. Hindi nga ako nagkamali dahil ilang beses na binanggit nito ang pangalan ni Brennan.

Pinakaayaw kong kasama niya iyon tuwing nakikipaglaro ito ng DOTA. Ayaw ko sana siyang naglalaro ng ganoon pero alangang pagbawalan ko? Kahit nagdo-DOTA ito ay never naman siyang nawalan ng oras sa akin. Tulad ngayon, mas inuna pa akong puntahan at iyon ang mahalaga. Uunawain ko siya at ganoon rin siya sa akin.

ILANG oras din ang inilaan ko sa girlfriend ko bago ako nagpaalam. Mahigpit pa niya akong niyakap, habang nahihiya naman akong nagpaalam sa Mama nito. Mabait ang Mommy ng girlfriend ko kaya open kami sa bahay nila. Wala ang papa nito dahil nasa ibang bansa at nagtatrabaho roon bilang engineer. Kumaway pa ako bago tuluyang umandar ang sinakyan kong tricycle.

Late na ako sa usapan namin nina Brennan, tiyak pag-iinitan na naman ako noon. Nakarating ako sa Computer Cafe na madalas naming tambayan pagkalipas ng halos limang minuto. Naglalaro na sila, naroon na kasi ang mga kalaban namin.

Tinanguan ko lang ang may-ari ng Computer Cafe, beki kasi ito at may lihim yatang pagnanasa sa akin. Nag-umpisa na akong maglog-in. Puro trashtalk ang maririnig sa loob ng Computer Cafe,

"Kanina ka pa late, Nakame. Kung nakapunta lang dito si Macky, hindi ka kakailanganin ng grupo," panimula ni Brennan.

Hinayaan ko na lang siyang dumada sa gilid ko. Nag-concentrate na lang ako sa paglalaro. Sa unang round ay nanalo ang kalaban naming team. Nang mag-round two ay nakabawi na kami. Hanggang three sets ang pinag-usapan ng magkabilang team so kung sino ang mananalo sa round three ay siya nang mananalo.

Nang matapos ang laro ay halos mapatalon ako. Pati ang mga kagrupo ko ay naghiyawan na rin. Obviously, kami ang nanalo. Kukunin na sana ng kasama ko ang pinag-usapan nilang pustahan sa kabilang grupo nang biglang . . .

Mukhang hindi matanggap ng nakalaban naming grupo ang pagkatalo. Nagkatulakan at naglabas ang isa sa mga nakalaban namin ng panaksak. Pati ang baklang may-ari ng Computer Cafe ay nagtatakbo palabas. Nagsitakbuhan na ang ibang nanunuod.

Namalayan ko na lang na nahila ako ng isa sa mga nakalaban namin. Lahat ng mga kasama ko sa grupo ay kumaripas na ng takbo. Kahit anong tawag ko sa mga kasama ko ay wala sa kanila ang tumulong sakin. Binugbog ako. Puno na ng pasa ang buo kong katawan, nakasarado na nga ang isa kong mata at putok ang kaliwang kilay.

"Butasin na iyan!"

Natigilan ako nang marinig iyon. Mula iyon sa leader nila. Naramdaman ko na lang ang isang matalim at malamig na bagay sa tagilirang bahagi ng aking katawan. Ramdam ko ang pamamanhid nito. Umagos roon ang masaganang dugo. Matapos nila akong saksakin ay nagsitakbo na sila. Mula sa bulsa ko ay narinig kung tumunog ang ringtone ng cellphone ko. Tumatawag si Lydhemay. Unti-unti akong napahiga sa sahig. Narinig ko na lang ang pagpasok ng may-ari ng Computer Cafe.

"Bilis, itakbo na natin sa hospital!"

Kahit nanlalabo na ang mga mata ko dahil sa natamo kong bugbog ay malinaw pa ring rumehistro sa aking kamalayan ang dalawang pulis na bumuhat saakin.

Hanggang sa nagdilim na nga ang lahat sa akin . . .

下一章