webnovel

Huling Tibok ni Mirna

Pinilit ni Edgar tumakbo sa kotse para pumunta na kaagad sa airport pauwi sa probinsya kung nasaan ang nanay niya. Matagal nang nalaban si Mirna sa sakit niya. Matagal na syang nahihirapan. Naririnig ko ang mga panalangin niya:

"Isang araw pa po, Diyos ko. Isang araw pa para makita ko ang ngiti ng anak kong natupad na niya ang mga pangarap niya."

Isang araw pa. Lumaban sya. Ayaw niyang umuwi ang anak na si Edgar sa probinsya ng dahil sa meron syang sakit. Gusto niyang umuwi si Edgar kasama ang pangarap. Mataas ang inaakala ni Mirnang pangarap ni Edgar. Iniisip niyang pangarap ni Edgar na makaangat sa corporate world. Ang alam niyang pangarap ni Edgar ay yumaman ng mayamang mayaman.

Gusto niyang umuwi si Edgar na masaya dahil nakuha na niya ang pangarap nito.

Mali si Mirna. At ngayon malalaman niya kung bakit sya mali ng akala. Malalaman niya kung bakit ko sya binigyan ng pagkakataong magkaroon ng mga karagdagang oras para makita ang anak. Malalaman niyang kasama sya sa plano kung bakit kailangang may isang taong kailangang huminto ang oras sa isang tibok.

Nakita niyang umuwi si Edgar ng hindi nakangiti. Punong puno ng kalungkutan ang mukha. Agad syang niyakap nito.

Agad na tinanong ni Mirna "Natupad mo na ba ang pangarap mo, anak?" pinilit niyang ngumiti sa mahina niyang kalagayan.

"Hindi ko po alam, nay." sagot ni Edgar. Nagtataka si Mirna sa sagot ng anak. Meron na sya ng lahat. Kotse, bahay, titulo at mataas na posisyon sa trabaho.

"Proud ka ba sakin, nay?" tanong ni Edgar ang sumagot sa tanong Mirna.

"Ay oo naman anak. Matagal na." luha ang kasabay ng sagot niya. Nasagot ang tanong niya sa pagkakamaling isiping materyal na bagay ang pangarap ng anak. Ang katotohanan? Pangarap ni Mirnang guminhawa ang anak. At pangarap naman ni Edgar na mabigyan ng maluwag na buhay ang ina. Pangarap ni Edgar na maging masaya ang ina sa tagumpay niya.

Pangarap nila ang isa't isa. Sa loob ng mahabang panahon ng paglaban nila, ang pagbabantay sa likod ng bawat isa. Ang pagtutulungan, ang bawat alaala. Yun, ang pangarap nila.

Nakaramdam ng ligaya si Mirna sa yakap ng anak. "Proud na proud sa'yo si nanay, anak. Ayokong malimutan mo yun."

Hagulhol ang pagtawag ni Edgar sa ina.

Oras na.

Dalawang palakpak para makita nilang dalawa ang bawat pagkakataong nagkasama sila sa laban. Pinakita ko ang bawat pagkakataong kasama nila ako pareho sa magkahiwalay na laban ng buhay.

Lumapit ako kay Mirna para hawakan ang mga kamay niya at para hawakan sa balikat si Edgar. Binulong ko kay Edgar ang mga salitang kakailanganin niya sa daang wala ang ina. Mahaba ang daan, madilim, mabigat - pero alam kong kakayanin niya.

"Lumaban ka pa, Edgar." bulong ko sa kanya. At humarap ako kay Mirna.

"Mirna? Tara na."

Matapos ang salitang yun. Idinilat ni Mirna ang mga matang kakailanganin niya sa bagong paglalakbay, at ipinikit ang mga matang hindi na niya dapat dalhin.

Halos gumuhit sa puso ko ang hiyaw ni Edgar. Masakit. Mabigat. Kailangan niyang lumaban.

Mahigpit ang hawak sakin ni Mirna habang tumatayo sa pinagkakahigaan. Patuloy ang hagulhol ni Edgar.

"Sino ka?" unang tanong ni Mirna habang nakapako sakin ang tingin.

"Kilala mo 'ko, Mirna" ngiti ang isinagot ko sa boses na alam kong pamilyar sa kanya. Agad na gumuhit ang ngiti sa mga mukha niya.

"Aalagaan niyo po si Edgar, hindi po ba?" ramdam ko ang puso ni Mirna ang pagtitiwala.

"Oo naman." pagsisiguro ko.

Dalawang palakpak para makita ni Mirna ang liwanag. Liwanag na matagal na niyang kinasasabikan. Liwanag ng katotohanan. Liwanag ng pagmamahal.

Liwanag ng pag-uwi.

下一章