webnovel

Kabanata 4

Pinagmasdan ni Mina ang kanyang paligid. Nakabalik na rin siya sa wakas sa lugar na kanyang kinalakihan. Lahat halos ng mga nakatira sa lugar na ito ay mga alchemist gaya niya at ng kanyang asawa. Dito siya ipinanganak, nagka-isip at nagka-asawa kaya naman masakit sa kanya na iwan ang lugar na ito, ngunit ano ang kanyang magagawa kung mismong mga taong kanyang itinuring na mga kaibigan ang siyang tumutugis sa kanya?

Napabuntong-hininga siya. Wala siyang panahon upang alalahanin pa ang nakaraan, kailangan niyang makarating sa kanilang tahanan nang mabilis. Iniayos niya ang kanyang balabal na nakalagay sa kanyang ulo upang matakpan ang kanyang mukha at saka niya kinapa ang patalim sa kanyang bulsa bago magsimulang maglakad.

May ilang tao ang naglalakad ngunit hindi siya binibigyang pansin ng mga ito, hanggang sa may mahagip ang kanyang mga mata na dalawang pamilyar na mukha. Noong una ay hindi pa siya sigurado ngunit nang titigan niya ang mga ito nang mabuti ay bigla siyang kinabahan. Si Selyn na kapatid ni Romulus at si Lana na unang asawa nito. Naghiwalay sila dahil palagi siyang sinasaktan ni Romulus ngunit nagkaroon pa rin sila ng dalawang anak, isang babae at isang lalake.

Dating kaibigan niya sina Selyn at Lana kaya naman nakasisiguro siyang kapag nakita siya ng mga ito ay agad siyang makikilala. Binilisan niya ang kanyang paglalakad upang hindi siya mapansin. Alam naman niya na delikado ang ginawa niyang pagpunta rito ngunit hindi pa siya handang mamatay. Kailangan pa niyang tulungan si Thea at mahanap ang kanyang anak.

Nakahinga naman siya ng maluwag nang makarating siya sa dati nilang tahanan. Tumingin siya sa paligid upang makita kung may tao, mabuti na lamang at malayo sa iba pang bahay ang kanilang tahanan kaya walang makakapansin sa kanya. Binuksan niya ang tarangkahan ng kanilang bahay. Kinakalawang na ito at halatang hindi nagagamit. Pumasok siya at naglakad patungo sa kanilang pinto ngunit nagulat siya nang makitang sira ang kandado nito at ang mga bintana ay sira na. May mga tao na pumasok sa kanilang bahay. Dali-dali siyang pumasok sa loob at nagtungo sa kanilang kusina. Napangiti siya nang makitang hindi nadiskubre ng mga taong iyon ang daan patungo sa kanilang aklatan.

Ang pintuan sa kanilang aklatan ay nasa sahig sa ilalim ng kanilang lamesa, natatakpan ito ng makapal na carpet at kakulay lang din ng kanilang sahig kaya naman hindi ito agad mahahalata. Tinulak niya ang pinto at agad naman itong bumukas. Isang hagdan ang bumungad sa kanya. Bumaba siya roon at pinindot ang bukasan ng ilaw. Isang ngiti na naman ang sumibol sa kanyang labi nang makita ang kanilang aklatan. Isa itong aklatan na matatagpuan sa ilalim ng kanilang bahay. Tama talaga ang kanilang desisyon na gawing lihim ang aklatang ito. Dito nakatago ang lahat ng pag-aaral na kanilang ginawa, maging ang mga sangkap sa paggawa ng perpektong elixir.

Nilapitan niya ang lamesa kung saan palaging dating nakaupo ang kanyang asawa at doon niya nakita ang aklat na kanyang hinahanap. Ang mga impormasyon ukol sa elixir. Agad niya iyong binuklat at binasa.

"Ang elixir ay isang makapangyarihang bato na nagbibigay sa kung sinuman ang gagamit nito ng walang hanggang buhay. Ngunit ang batong ito ay may kadilimang itinatago. Ang buhay na walang hanggan ay may kalakip na sakripisyo.

Ang taong nasa labing-pitong taong gulang at pababa na gagamitan ng elixir ay magiging isang mabangis na hayop pagsapit ng edad na labing-walo. Habang ang mga nasa edad na labing-walo pataas naman ay pagkatapos lamang ng tatlong araw. Dito titigil ang kanilang pagtanda, magkakaroon sila ng matinding takot sa sinag ng araw at sila ay mauuhaw sa dugo ng tao.

Tuwing kabilugan ng buwan ay magiging pula ang kanilang mata at tutubuan sila ng matutulis na pangil na kanilang gagamitin sa pagsipsip ng dugo mula sa ibang tao. Magkakaroon sila ng kakaibang kakayahan na hindi pa nakikita sa normal na tao at maaari nila itong gamitin anumang oras nila naisin.

Hindi sila mamamatay sa normal na paraan ngunit mayroong paraan upang tuluyang magwakas ang kanilang buhay. Ito ay sa pamamagitan ng..." napahinto si Mina sa pagbabasa. Kung ganoon ay may paraan upang magwakas ang buhay nila.

Ipinagpatuloy ni Mina ang pagbabasa, "Ang mga kagaya nila ay tatawaging Black Blood o Bampira."

Isinara ni Mina ang aklat. Nabatid niyang kailangan niya nang umalis. Agad niyang inilagay sa kanyang sisidlan ng aklat maging ang ilan pa na sa tingin niya ay kanyang kailangan. Namg masiguro niyang nasa kanya na lahat ng kanyang kakailanganin ay dali-dali siyang lumabas sa aklatan, isinara ang pinto nito at muling tinakpan. Sumilip siya sa labas upang masigurado na walang tao at saka siya dali-daling lumabas, ngunit nabigla siya nang sa kanyang paglabas ay isang kamay ang humawak sa kanyang braso.

Nanlalaki ang mata niya itong nilingon, mas lalo siyang nabigla nang makitang ang humawak sa kanya ay si Lana.

"Sabi ko na nga ba at ikaw yan Mina," wika nito.

Hindi sumagot si Mina. Kinakabahan siya. Paano kung ipagkalat nito na nandito siya? Hindi siya maaaring mamatay dito. Kailangan ni Thea ang tulong niya at kailangan niyang mahanap ang kanyang anak.

Napansin ni Lana ang pangamba sa mukha niya kaya naman binitawan niya ito, "huwag kang mag-alala. Wala akong pagsasabihan na nandito ka," wika niya.

"Ngunit---"

"Nais ko lang makumpirma na ikaw talaga ang aking nakita. Wala akong galit sa iyo. Alam kong wala kang kasalanan. Ang may kasalanan ay si Romulus at ang mga taong humabol sa iyo noong gabing 'yon dahil lamang nais nilang mapasakamay ang elixir na inyong pinaghirapan. Kaibigan kita Mina. Hindi kita pagtataksilan," dugtong pa ni Lana, dahilan para maluha si Mina.

Niyakap niya ang kaibigan.

"Nais pa kitang makausap nang matagal ngunit alam kong nagmamadali ka. Mag-ingat ka sana. Ang aking anak na si Rezus. Malaki ang galit niya sa iyo at kay Aria dahil sa pagkamatay ng kanyang ama. Sinubukan ko siyang kausapin ngunit buo na ang kanyang loob na mahanap kayo at mapatay. Siya na ang tinuturing na pinuno dito. Marami siyang tauhan na naghahanap sa iyo."

"Maraming salamat, Lana," sagot ni Mina. "Balang-araw ay magkikita tayong muli at mababayaran kita sa kabutihan mo sa akin. Magiingat ka rin."

Ngumiti si Lana sa kanya bago silang tuluyang magpaalam sa isa't isa.

下一章