webnovel

Kabanata 52

Kabanata 52

Nagising akong napakasakit ng ulo ko pero medyo maayos naman na ang pakiramdam ko. Dinama ko lamang ang malambot na kama at ang kumot na yumayakap sa akin. Hanggang sa unti-unti ay napagtanto kong wala ako sa kwarto ko. Napakunot tuloy ang noo ko, pero agad ko ring naalala ang mga nangyari kahapon.

"Akala ko panaginip. . ." bulong ko na lamang sabay buntong-hininga nang maisip 'yon.

Napabalikwas naman ako para makatihaya at saka nangungulilang tumingala sa kisame ng kwartong kinaroroonan. Naging malalim na naman ang mga hininga ko habang nanunumbalik sa akin ang mga nangyari kahapon. Hindi ko pa rin talaga maisip na 'yon pala ang katotohanan.

Tumunog naman ang cellphone ko na nasa loob pa ng bag kong nakapatong sa bedside table. Napabangon tuloy ako para kunin 'yon at sagutin ang tawag.

"Good morning," bati ni Apollo sa akin. "Kamusta? Uh, nagising ba kita?"

"Hindi, gising na 'ko kanina pa," sagot ko naman.

"Buti naman. Kumain ka na?"

"Hindi pa."

"Oh?Ano'ng gusto mo? Idadaan ko na lang d'yan," pag-aalok pa niya.

"Naku, 'wag na. Ahm, uuwi na rin naman na 'ko. Siguro kakain na lang ako habang nasa byahe," sabi ko naman.

Ayoko na siyang abalahin pa dahil sa totoo lang, nahihiya na ako sa kanya. Masyado siyang ma-effort at natatakot akong masayang ko lang lahat nang 'yon. Alam ko sa sarili kong 'di ko pa siya kayang mahalin pabalik.

"No! Maureen, ako ang nagdala sa'yo dito sa Doña Blanca, kaya dapat ako rin ang mag-uwi sa'yo sa El Rico," giit pa niya.

"Pero Apollo hindi mo naman na kailangang—"

"Maureen, please hayaan mo na lang sana akong gawin 'to," pakiusap naman niya na nagpatigil sa akin sa pagsasalita. "Wala naman akong hinihinging kapalit sa'yo, e. Basta hayaan mo lang ako."

Napabuntong-hininga naman ako. Gusto ko sanang tumanggi at magprotesta, pero pinili ko na lang din na 'wag na. Naisip ko kasing nagmamagandang-loob lang naman 'yung tao sa akin. Tsaka isa pa, matanda na rin naman siya. Alam naman na niya sigurong hindi ko pa mabubuksan agad-agad ang puso ko para sa iba.

"Maureen, are you still there? Ano'ng gusto mong kainin?" magkasunod na tanong niya.

"Just—Just anything. Hindi naman ako mapili," sagot ko naman.

"All right," sagot naman niya. "Hintayin mo na lang ako d'yan, okay?"

"I will," sagot ko at ibaba ko na sana ang tawag nang may maalala akong sabihin. "You take care."

Nang matapos ang tawag ay noon ko lang napansing marami pala akong unread messages at missed calls. Sobrang lalim siguro ng tulog ko kagabi at 'di na ako nagising para masagot ang mga 'yon.

Tinignan ko 'yon isa-isa at halos mataranta ako sa mga nabasa. Galing kay Madam Rhonda at sa mga Olivarez; lahat sila ay tinatanong kung nasaan daw ako. Nag-reply naman ako kay Madam na sabihin na lang sa kanilang okay lang ako at anytime ay uuwi na ako. Mamaya na lang siguro ako magpapaliwanag sa kanila pag nakauwi na ako.

Habang wala pa si Apollo ay nag-ayos muna ako ng hinigan ko at pagkatapos ay naghilamos saka nagtali ng buhok, dahil medyo mainit na. Wala rin namang isang oras ang nakakalipas nang dumating si Apollo. May dala-dala siyang pancakes at kape na mula sa isang fast food

"Sorry, ito lang ang nadala ko," paumanhin niya pa sa akin.

"Okay lang. Nahihiya na nga 'ko sa'yo, e," sabi ko naman sabay ngiti sa kanya. Umupo na rin ako no'n malapit sa mesa at tinulungan siyang ayusin ang mga pagkain.

"Kamusta ka na nga pala ngayon?" tanong pa niya habang kumakain kami.

"Syempre 'di pa rin okay," pagtatapat ko naman. "Pero alam ko, magiging okay din ako."

"Mabuti naman," saad niya at napangiti pa. "Kanina ka pa tingin nang tingin sa phone mo, a?"

"Ah, e, hinahanap na kasi nila 'ko sa bahay," sabi ko naman. "Kaya nga nagmamadali rin ako, e."

"Sorry. . . Dahil sa'kin—"

"Okay lang 'yon," sabi ko naman sa kanya sabay ngiti nang tipid.

Ngumiti lang naman siya pabalik, pagkatapos ay nagpatuloy na kami sa pagkain. Matapos 'yon ay tuluyan na rin kaming umalis sa hotel. Hinanap ko pa nga si Marquita para sana makapagpasalamat, pero ang sabi sa'kin ay may pasok daw sa school. Sabi naman sa'kin ni Apollo, ibibigay na lang daw niya sa'kin ang numero nito.

"Ikaw nga pala? Kamusta 'yung pag-aaral mo? Siguro naman nakatapos ka na ng high school?" usisa naman ni Apollo habang nasa kalagitnaan kami ng traffic.

Tumango naman ako at nagbiro, "Hindi mo nabasa sa mga balita tungkol sa'kin?"

"Fan ako, hindi stalker," tugon naman niya.

"Biro lang," sabi ko naman at muling nagseryoso. "Pero dahil sa schedule ko ngayon, 'di na lang muna 'ko tumuloy ng college."

"Sayang naman 'yon," komento pa niya at muling pinatakbo ang kotse niya. Bumilis na rin kasi ang usad ng mga sasakyan sa linya namin.

"At least, 'di ko na kailangang maglako ng banana cue o magkatulong," tugon ko naman, kaya bigla kong naalala ang nanay nila. "Nga pala, s-si Ma'am Helen? Kamusta na siya?"

"Okay lang naman si Mama," sagot niya. "Nagbago ang tingin niya sa'yo no'ng mag-artista ka."

"Lahat naman yata," komento ko naman. "E, ano'ng sabi niya sa issue? Tsaka, alam ba niya 'yung kay. . . Zeus?"

Saglit siyang lumingon sa'kin bago muling ibinalik ang paningin sa daan. "Umasa rin siyang magiging kayo ulit ni Zeus."

"Never naman naging kami," mapait na sabi ko at inilipat ang tingin sa daan sa gilid ko.

"About do'n kay Zeus, hindi pa niya alam," dagdag pa niya.

Napalingon naman ulit ako sa kanya dahil doon. Hindi ko mapigilan ang makaramdam ng awa para kay Ma'am Helen. Noon pa man, alam ko nang paborito niyang anak si Zeus. Ang alam ko pa, kahawig 'yon ng asawa niya, kaya gano'n na lang ang tuwa ng mga kamag-anak nila. Naisip ko lang, ano kayang mararamdaman ni Ma'am Helen kapag nalaman niya?

"Kailan n'yo balak ipaalam? Isang araw, malalaman at malalaman din niya 'yan."

"Nahihirapan lang din naman kasi si Zeus. Alam mo naman sa mundong 'to. . ." sagot niya.

Matagal ko naman siyang tinignan. Kung magkakaroon man ako ng kuya, gugustuhin kong maging katulad niya. Sa kabila ng lahat, ramdam ko pa rin ang pagmamahal niya para sa kapatid.

Sana kaya ko rin magpatawad agad-agad. Sana kaya ko ring intindihin si Zeus. Pero sa ngayon, hindi ko magawa, e. Masyado pang malaki ang sugat na iniwan niya dito sa puso ko.

* * *

Mabuti at maayos din kaming nakarating sa bahay namin. Kaya lang tirik na tirik na ang araw at hula ko rin ay tanghali na, dahil medyo nagtagal kami sa traffic. Mahirap talagang bumyahe sa oras na maraming pumapasok sa trabaho o sa eskwela. Mabuti na lang at air-conditioned ang kotse ni Apollo, kaya 'di maalinsangan.

"Mas malaki pa bahay mo sa'kin ngayon, a?" naatawang saad ni Apollo habang pinagmamasdan ang bahay namin.

"Hindi naman sa'kin 'yan," sagot ko. "Sa asawa ng nanay ko yan—"

Natigilan ako nang mapagtanto ko kung ano'ng sinabi ko. Sa pagiging komportable ko bigla dito kay Apollo, nawala tuloy sa isip ko na hindi ko nga pala dapat sabihin 'yon.

Bigla tuloy akong natahimik. Parehas lang pala kami ni Zeus na may sikretong pilit na itinatago. Parehas lang pala kaming duwag at takot sa pangungutya ng mga tao. Pero hindi ko naman ginusto 'to, e. At napaka-makasarili ko naman kung isisiwalat ko ang sikretong ito, e pangalan ng pamilya nila Ate Mercedes ang nakataya dito.

"Grabe, ibang-iba na talaga ang buhay mo ngayon, 'no?" komento pa ni Apollo, kaya naman napatingin na lang ulit ako sa kanya. Mukha namang hindi niya narinig 'yong sinabi ko kanina. Mabuti naman kung ganoon.

"Sige, Apollo. Salamat sa paghahatid sa'kin dito, a?" sabi ko at saka inayos ang sarili para bumaba. Naalala kong hinahanap na nga pala nila ako.

"Wala 'yon," sabi niya at muling napangiti.

Hindi ko mawari sa isip ko, pero matapos ang insidente kahapon, naging maganda yata sa paningin ko ang ngiti niya. Parang wala na ang bahid ng kapilyuhan. Siguro masyado lang talaga akong nabubulag ng impression ko sa isang tao.

Mabait naman pala si Apollo. Maunawain at maasikaso. Kaya lang, wala na akong magagawa, e. Do'n sa isa ako nagkagusto. Minalas nga lang ako. Kung sana kaya kong turuan ang puso ko, edi sana si Apollo na lang.

"Oh, ba't napatitig ka d'yan?" natatawang tanong ni Apollo sa akin. "Naku, baka type mo na 'ko n'yan, a? Kadalasan daw sa mga babae, nagkakagusto sa mga taong pinagtatanggol sila. Knight in shining armor ba."

Napangiti na lang ako at napaiwas ng tingin sabay iling. Gusto ko mang bigyan ng pagkakataon itong si Apollo, alam ko naman sa sarili kong 'di ko pa kaya. Nandito pa si Zeus sa puso ko, e. At hindi ko naman siya maiaalis nang basta-basta lang.

"Ahm, Apollo, salamat sa lahat, a? Pero sana pagkatapos nito, dumistansya ka muna sa'kin. K-Kailangan ko pa kasing gamutin 'yung sarili ko, e," seryosong sabi ko at muling humarap sa kanya.

Napansin ko naman na kaagad na nagbago ang ekspresyon niya dahil naging matipid ang ngiti niya. Parang naging pilit. Sigurado kong nadismaya siya sa sinabi ko.

"Naiintindihan ko," sagot naman niya sa'kin.

"Salamat," sabi ko pa at tuluyang bumaba mula sa kotse niya.

Papalapit pa lang ako sa main door nang bigla itong buksan ng dalawang katulong namin mula sa loob. Sila rin ang nagbukas ng gate namin kanina, kaya akala ko, binuksan nila uli 'yon para makapasok ako. Pero mali pala ako dahil lumabas mula roon si Uncle Frederick.

Madilim ang ekspresyon nito at magkasalubong pa ang mga kilay. Sa isang iglap ay nabato ako sa kinatatayuan ko at halos nanginig ang mga kalamnan ko. Alam kong galit ngayon si Uncle, at hindi ko gusto 'yon.

"Maureen, mabuti naman at umuwi ka na," bungad niya sa'kin, pero ang boses niya ay singlamig aircon sa kotse ni Apollo.

"U-Uncle Fred. . ." kinakabahang sambit ko.

"Sino 'tong lalaking naghatid sa'yo?" tanong niya sa akin sabay turo pa sa kotse ni Apollo.

Lalo pa tuloy akong nataranta doon lalo pa't nakita kong lumapit siya patungo sa pintuan ng kotse kung sa'n naroon si Apollo. Kaagad ko namang sinundan si Tito para sana pigilan.

"Uncle!" pigil ko at sinubukang hawakan ito sa braso.

Bumaba naman mula sa kotse niya si Apollo at buong-tapang na hinarap si Uncle Fred.

"Sir," magalang na bati niya rito.

"Sa'n mo dinala si Maureen at bakit ngayon mo lang inuwi dito?" tanong ni Uncle Frederick na hindi pinansin ang kamay niyang nakalahad.

"'Wag mo na po siyang idamay, please. Ako po ang may kasalanan," sabi ko naman dahil ayoko nang madamay si Apollo sa galit ni Uncle Fred. Ngunit hindi naman ako pinansin nito at nanatiling nakaharap kay Apollo.

"Alam mo bang alalang-alala na mga tao dito sa kakahanap kung nasa'n ang anak ko? Pagkatapos makikita kong umuwi na may kasamang lalaki? Magpaliwanag ka sa'kin!" galit na sabi pa ni Uncle Frederick.

Pero sa pagkakarinig ko ng salitang 'anak' ay para bang nanlambot ang tuhod ko. Kahit kasi sa interviews, Maureen lang ang tawag sa akin ni Uncle at kahit kailan ay 'di niya ako tinawag na anak. Sabi niya sa'kin noon, hindi niya masikmura na tawagin akong anak.

Totoo ba ang nadinig ko? Kaso baka sinabi niya lang 'yon dahil kaharap namin si Apollo at para mas matakot ito.

"Sir, wala po akong ginawang masama sa anak n'yo. Malaki po ang respeto ko sa kanya. Maniwala po kayo," magalang na depensa naman ni Apollo.

Sarkastiko namang natawa si Uncle Fred. "Kinaladkad mo sa kung saan ang anak ko, pagkatapos sasabihin mong wala kang ginawa? Sa tingin mo, maniniwala ako sa'yo?"

"Nagsasabi po siya ng totoo. Wala po kaming ginawang masama," segunda ko naman, kaya't napalingon sa akin si Uncle Frederick na hanggang ngayon ay masama ang timpla.

"Isa ka pa! Maureen, kilala ka! Pagkatapos sasama ka na lang sa kung kani-kaninong lalaki? Pa'no 'pag na-issue ka na naman? At ano na lang ang sasabihin nila sa mga anak ko? Na pinababayaan ko sila?!" mahabang litanya niya sa akin na punong-puno ng galit.

Napaawang naman ang mga labi ko habang nakatingin sa kanya. Buong akala ko ay ginagawa niya 'to para sa'kin. Dahil nag-aalala siya sa'kin, pero hindi pala. Ginagawa lang pala niya 'to dahil ayaw niyang madungisan ang pangalan ng pamilya niya. Akala ko pa naman. . .

Mayamaya ay lumabas na rin sila Mommy, si Lola Adel, si Celestia at si Ate Mercedes. Nabigla nga ako dahil lahat sila ay nandito. Wala ba silang mga naka-schedule na trabaho ngayon?

"Oh, Maureen! You're here na pala," bati sa akin ni Ate Mercedes pagkatapos ay napatingin sa kotse ni Apollo. "And who's this guy?"

"Ate, kahapon ka pa namin hinahanap. Bakit 'di ko sinasagot tawag namin?" tanong naman sa akin ni Celestia na parang walang pake kay Apollo.

"Hija, pinag-aalala mo kaming lahat dito." Si Lola Adel naman.

"Oo nga. Sa'n ka ba nagpunta?" tanong naman ni Mommy na lumapit sa'kin at hinaplos-haplos pa ang balikat at pisngi ko.

"S-Sorry. . ." sambit ko at naramdaman ko namang nag-iinit na ang sulok ng mga mata ko. "I know, kasalanan ko kasi 'di ako nagpaalam sa inyo, pero biglaan lang po kasi. I'm sorry. . ."

"Nag-cancel ako ng show ko ngayon, dahil lahat kami dito nag-aalala sa'yo. Tapos, eto? You're with a guy lang pala?" paninisi naman sa akin ni Ate Mercedes. Magkasalubong na rin ang mga kilay niya at halatang naiirita na base sa pagkakairap niya. Pinagkrus pa niya ang mga braso niya.

"See what mess you did?" tanong naman sa akin ni Uncle Fred, kaya muli akong napatingin sa kanya.

"Teka, 'wag po kayong magalit sa kanya. Look, ako po ang may kasalanan. Sa'kin na lang po kayo magalit," pagsabat naman ni Apollo. Napatingin tuloy sa kanya ang lahat.

Tumingin din namam ako sa kanya at umiling-iling. Hindi naman na niya 'ko kailangang ipagtanggol. Wala naman siyang kasalanan, e. Kung nagpaalam lang sana ako kina Mommy, hindi mangyayari 'to. Gusto ko tuloy mapasapo ng noo sa pagiging careless ko.

"Maureen, anak. . ." Muli akong napatingin kay Mommy na nasa harapan ko nang haplusin niya nang marahan ang pisngi ko. Pagkatapos ay inulan naman niya 'ko ng mga tanong.

"What happened? Bakit sumama ka sa lalaking 'yan nang 'di nagsasabi sa'kin? Sa'n ka niya dinala? At saka, bakit ngayon lang kayo umuwi? Ano ba'ng nangyayari sa'yo?"

"Mommy, believe me, wala kaming ginawang masama! Kung ano man 'yung iniisip n'yo, hindi gano'n 'yon. Hindi ako gano'ng klaseng babae! Please, hayaan n'yo muna 'ko magpaliwanag. . ." desperadang pakiusap ko sa kanya habang unti-unti nang tumulo ang mga luha ko.

Ano ba naman! Palagi na lang ba 'kong iiyak? Hindi ko naman kasi mapigilan, dahil nasasaktan ako na parang wala silang tiwala sa akin. Hindi ko na rin alam kung talaga bang concerned sila sa'kin o concerned lang sila sa image nila? Pero sa mga sandaling 'to, isa lang ang hinihiling ko sa kanila. Walang iba kung hindi ang pakinggan at paniwalaan ako.

"She's right. Pakinggan muna natin ang explanation niya bago tayo mag-isip ng kung ano-ano. I believe, napalaki ko naman nang maayos ang mga apo ko," pahayag ni Lola Adel kaya napatingin kaming lahat sa kanya. Seryosong-seryoso ang mukha niya, kaya bumalot din ang kaba sa akin.

Ilang sandali din kaming natahimik bago tuluyang magsalita si Uncle Fred, "Okay then. Let's go inside."

Itutuloy. . .

下一章