webnovel

Kabanata 19

Kabanata 19

"Tanggap ko na rin naman na. Kahit pa walang Zeus d'yan sa puso mo, hindi mo ako magugustuhan."

"Pagkatapos nito, katulong ka na lang ulit sa paningin ko. Pangako!"

Nang hindi ako dalawin ng antok ay kung ano-anong mga bagay ang bumagabag sa isipan ko. Sa isang banda pala ay parehas lang kami ng kalagayan ni Sir Apollo. Parehas naming 'di makuha ang taong gusto namin—kung totoo ngang gusto niya ako.

At kung si Sir Apollo ay nagawa nang tanggapin ang katotohanan—na ang kapatid niya ang gusto ko—siguro dapat ako rin. Mukha namang mahal talaga ni Sir Zeus si Marquita. Magagalit ba naman siya nang ganoon kung hindi?

Kahit pa sabihing may 'di sila pagkaka-unawaan, kung talagang mahal nga nila ang isa't isa, magkakabati rin sila. At kapag muli silang nagkaayos, dapat ko nang tanggapin 'yon. Dapat na lang akong maging masaya para kay Sir Zeus.

Hay. . . Makatulog na nga lang.

* * *

Kinabukasan, hindi pa rin ayos si Sir Zeus. Mukhang wala pa rin siyang gana. Parang pati nga ako ay nahihirapan sa kalagayan niya, e. Gano'n pala kapag gusto mo ang isang tao? Pati rin ikaw ay malungkot 'pag siya ay nalulungkot.

Nagulat naman ako nang tumayo siya kahit 'di pa niya tapos kainin ang tanghalian niya.

"S-Sir Zeus!" tawag ko sa kanya. Napatingin naman siya sa akin, at parang hinihintay ang sasabihin ko.

Minabuti kong ibaba muna ang pitsel na hawak ko at tumayo nang maayos.

"Sir Zeus, ang konti pa lang po kasi ng nakakain n'yo. Baka po kung mapano po kayo n'yan," sabi ko sa kanya.

Nang 'di naman siya sumagot ay napayuko naman ako. Sabihin na niyang nangingialam ako, pero nag-aalala kasi ako sa kanya.

"Wala akong gana," sagot niya at muling naglakad papalayo.

"P-Pero Sir Zeus!" pigil ko pa.

"Kakain ako 'pag gusto ko na."

Iyon lang ang sinabi niya bago magpatuloy sa paglakad. Wala na rin naman akong nagawa kung hindi ang hayaan siyang umakyat sa kwarto niya. Wala naman akong karapatang pilitin siya. Katulong lang naman ako dito. Sa aming dalawa, siya ang masusunod.

Napabuntong-hininga na lang ako at malungkot na iniligpit ang pinagkainan niya. Nakakapanghinayang dahil matatapon lang 'yon. At 'di ko pa rin maiwasan ang mag-alala.

Marquita, napakaswerte mo. Sana 'wag mong sayangin nang ganito si Sir Zeus. Alam mo sana kung ga'no niya dinadamdam ang nangyari.

"Oh, ngayon lang natapos si Sir Zeus?"

Nabosesan kong si Danica 'yon. At nang lingunin ko siya'y nakumpirma ko ngang siya 'yon.

"Hindi na naman niya inubos ang pagkain niya," sagot ko at sinimulang sabunin ang basong gamit ni Sir Zeus kanina.

"Naku naman. . . 'Wag naman sana dibdibin nang sobra ni Sir Zeus 'yan. Kung tutuusin marami pang 'mas' kaysa d'yan kay Marquita Maldita, 'no," sabi pa ni Danica.

"May makarinig sa'yo, Danica," paalala ko sa kanya.

Hindi naman siya sumagot, kaya ipinagpatuloy ko na lang ang paghuhugas ng pinagkainan ni Sir Zeus. Nang matapos ay pinunasan ko ito at saka ko inilagay sa mga lalagyan. Matapos 'yon ay hinarap ko na si Danica.

"Pero alam mo, hinihiling ko na lang na sana magkaayos na sila," sabi ko sa kanya.

Kaagad namang nanlaki ang mata niya at napakunot ang noo. "Ano? Nahihibang ka na ba ha? Bakit 'yan pa ang hihilingin mo? Alam mo, kung ako sa'yo, hihilingin ko na sana tuluyan na silang magkagalit 'no!"

"Danica, ayoko lang kasing nakikitang ganyan si Sir Zeus," sagot ko sa kanya. "Masaya siya kay Marquita. At kung gano'n, masaya na rin ako para sa kanya."

"Ay, wow, 'te! Ikaw na! Pwedeng-pwede ka nang bida!" komento naman niya.

"Ikaw talaga, Danica," sabi ko na lang. "Halika na nga. Mag-ayos na lang muna tayo ng sala."

Papunta na kami sa sala nang biglang may mag-doorbell.

"Ako na," sabi ko kay Danica at dali-daling lumabas para pagbuksan ng gate ang taong 'yon.

"M-Ma'am Marquita?" gulat kong tanong nang makita ko siya. Hindi siya nakabestida ngayon kung hindi nakasuot ng magandang blusa at puting pantalon.

"Oh, ikaw 'yung tatanga-tanga, 'di ba? Nandito ka pa pala," nakangising sabi niya.

Wala na lang akong nagawa kung hindi ang yumuko. Hindi ko naman siya inaano, bakit kailangan pa niyang sabihin sa akin iyon? Kung ganyan talaga siya kasama, siguro nga mas mabuti nang hindi sa kanya mapunta si Sir Zeus.

"Nand'yan ba si Zeus?" tanong pa niya.

"N-Nandoon po, M-Ma'am. . ." sagot ko habang nakayuko pa rin.

"Mabuti naman," sabi nito at umalis na sa harapan ko.

Minabuti ko namang isarado na ang gate at pumasok na muli sa loob ng mansyon. Pagpasok ko ay dinig na dinig ko ang pag-akyat niya sa hagdan. Si Danica naman ay masama ang hitsura.

"Napakataray talaga ng babaeng 'yan!" inis na sabi niya sa akin na pabulong. Mas lumapit pa nga siya sa akin at nagkuwento. "Tatawagin ko na sana si Sir Zeus, sabi ba naman, 'Wag na. Baka mamaya kung anong katangahan pa ang magawa mo. I can—basta! English, e. Napaka-arte!"

"Hayaan mo na nga. E, siguro ganyan talaga siya kasi 'di nakatikim ng paghihirap," sabi ko na lang.

"Hmp! Sana hindi na talaga sila magkabati ni Sir Zeus!" hiling naman niya.

"Maglinis na nga lang uli tayo," sabi ko na lang at muling kinuha ang pang-alis ng alikabok.

"Mabuti pa nga," sang-ayon naman niya.

Pagkatapos naming maglinis ng sala ay inayos pa namin ang kwarto ni Ma'am Helen. Inutos din kasi niya sa amin iyon. May mga damit kasi siyang pinapahanap at pinapaayos sa amin. Dahil doon ay 'di na namin namalayang nakaalis na si Marquita. Hindi na rin namin alam ang mga nangyari.

* * *

"Where's Zeus? Ayaw pa ring kumain? What's happening to him?" sunod-sunod na tanong ni Ma'am Helen pagkaupo pa lang niya sa harap ng hapag-kainan.

"Ma, hayaan n'yo na siya. Kilala n'yo naman 'yon," sabi ni Sir Apollo sa kanya.

Nitong nagdaang araw, tinupad niya ang sinabi niya. Hindi na niya ako tinignan o kinulit pa. At dahil doon ay natahimik na ang buhay ko rito. Mabuti naman.

"Pero nakakahiya na kay Marquita!" katwiran pa ni Ma'am Helen. "Naaawa na nga rin ako do'n sa bata, e."

"E, kanina nga po, Ma'am, pinalayas niya si Ma'am Marquita. Kawawa nga po. Umiiyak," kuwento naman ni Manang Guada.

Maging ako nga at si Danica ay nagulat nang marinig 'yon. Nagkatinginan pa kaming dalawa. Ginawa talaga ni Sir Zeus 'yon? Gano'n ba talaga siya kagalit kay Marquita?

"Buti nga sa kanya," bulong pa ni Danica, kaya siniko ko naman siya.

Napabuntong-hininga at napailing si Ma'am Helen. "Sumusobra na ang batang 'yon!"

Tatayo na sana siya nang pigilan siya ni Apollo, "Ma, hindi ka naman na siguro dapat makialam sa kanila. Malalaki na sila!"

"Pero hindi na tama ang ginagawa n'yang kapatid mo, Apollo!" inis na sabi ni Ma'am Helen.

Napakamot naman sa noo si Sir Apollo bago magsalitang muli, "Ma, hayaan muna nating humupa ang galit niya. Then, kapag okay na, tsaka kayo mag-usap nang maayos."

Dahil doon ay napatahimik si Ma'am Helen at umayos ng upo. "Fine."

Naging tahimik lang tuloy ang sandaling 'yon para sa amin. Ni hindi na nagsasalita sina Ma'am Helen at Sir Apollo pagkatapos noon. Maging kaming mga katulong ay para bang umurong ang mga dila. Ang tanging naririnig lang ay ang bawat pagtunog ng mga kasangkapan.

"Ah, dalhan n'yo nga ng pagkain si Zeus. Pilitin n'yo ha, please lang. Baka kung mapano pa 'yon," mayamaya ay sabi ni Ma'am Helen.

"Monet, ikaw na nga ang maghanda," utos ni Manang Guada kay Monet.

"Sige po," sagot naman ni Monet bago tuluyang kumilos.

Bahagya naman akong napangiti. Mahal na mahal talaga ni Ma'am Helen ang anak niya. Siguradong hindi mapalagay ang isip niya hangga't may problema ito.

"Ah, Maureen, pakisunod naman sa akin itong kanin oh. Kaya mo naman na siguro ito, ano?" sabi sa akin ni Monet.

"Ah, oo." Napatango-tango ako. "Kaya ko naman na." Kinuha ko na ang tray at sinundan si Monet sa kwarto ni Sir Zeus.

"Maureen, ikaw na'ng bahala d'yan kay Sir ah? Naku, natatakot ako, e. Baka masigawan pa ako," sabi ni Monet sa akin nang mag-abot kami sa pintuan ng kwarto ni Sir Zeus. Bago pa man din ako makasagot ay bumaba na siya ng hagdan.

Napabuntong-hininga naman ako. Bumalik na naman ang dating Sir Zeus na masungit. Pero ngayon ay 'di na ako makaramdam ng inis sa kanya. Sa katunayan, nga naaawa pa ako sa kanya.

Minabuti kong unti-unting buksan ang pintuan niya. Nadatnan ko naman siyang nakaupo sa kama niya. Nakakumot siya, pagkatapos ay may unan na nakapatong sa mga hita niya. Mukhang ayos lang kung titignan. Kaya lang, kitang-kita sa hitsura niya ang lungkot at galit na dinadamdam niya. Para ngang do'n niya sa unan binubunton ang lahat, e.

Dahan-dahan kong ibinaba ang tray sa mesa niya. Inayos ko rin ang ibang pagkain doon. Pagkatapos noon ay maayos akong tumayo, habang nakatingin pa rin sa kanya. Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Pero mas minabuti ko nang magsalita.

"S-Sir Zeus. . . Kumain po muna kayo," sambit ko.

"Hindi ako gutom," sagot niya na nananatili pa ring nakatingin sa unan.

"Pero, Sir Zeus, sabi po ni Ma'am Helen, e. Sige na po. Kanina pa po kayo 'di kumakain, e," pagpilit ko pa.

Ayoko rin naman sana siyang pilitin, dahil nga katulong lang naman ako. Pero sobra na kasi 'to, e. Masyado na akong nag-aalala sa kanya.

"Tsk. Iwan mo na lang d'yan," inis na sabi niya.

Napabuntong-hininga naman ako at napayuko. "S-Sige po."

Umalis na rin ako pagkatapos noon. Hindi ko na naman tuloy maiwasan ang mag-alala sa mga bagay-bagay. Hindi ko alam kung bakit, pero ganito ako kay Sir Zeus. Palagi na lang akong nag-alala sa kanya. Sa kalagayan niya at sa buhay niya. Pakiramdam ko kasi, naghihirap din ang damdamin niya ngayon.

Naalala ko noon, noong nakita ko silang magkahalikan ni Marquita. Sobrang sakit noon para sa'kin. Dahil gusto ko siya. Pero nakita ko mismo siya sa piling ng iba. Ganito rin kaya ang nararamdaman niya ngayon? O mas higit pa?

Hindi ko rin alam kung ano ba ang dapat na maramdaman ko. Nakikita kong nahihirapan ang damdamin ng taong gusto ko. Pero alam ko rin naman sa sarili kong iba ang taong dahilan noon.

"Iniisip mo siya, ano?"

Napatingin naman ako kay Danica, pagkatapos ay muling pinagpatuloy ang pagpupunas ng mesa. Tapos na kasing kumain ang mga Lorenzino at pati na rin kami. Kaya naglilinis na kami ngayon ng kusina.

"Kumain na kaya siya?" tanong ko naman kay Danica sabay tingin sa kanya.

"Ay, oo nga ano?" Noon lang din niya naalala 'yon. "Gusto mo, puntahan natin?"

"Hindi! 'Wag na!" kaagad kong sabi. "Hayaan na lang muna natin siya. Sana na lang kinain niya 'yong pagkain niya."

"E, ewan ko naman kasi d'yan kay Sir Zeus, e! Masyadong nagpapakabaliw sa babaeng 'yon!" sabi pa niya habang umiiling-iling.

"Totoo kaya 'yung sinabi ni Manang, Danica? Pinalayas niya si Marquita?" tanong ko naman sa kanya.

"Aba, oo naman! Bakit naman gagawa ng kwento si Manang?" sagot niya sa akin. Pagkatapos ay mas lumapit pa siya sa akin at nagpatuloy, "Alam mo, natutuwa nga ako, e. Pakiramdam ko, nakaganti na tayo sa pang-aapi niya!"

"Ewan ko, Danica. Naaawa ako kay Zeus. Alam kong nahihirapan din siya. At naawa rin ako kay Marquita, pero. . ." Hindi ko magawang ituloy ang sasabihin ko. Dahil ayokong tanggapin 'yon. Ayaw tanggapin ng isip ko.

"Pero nagseselos ka?"

Lalo akong napatahimik nang si Danica na ang nagtuloy noon. Lumapit pa siya sa tabi ko at hinawakan ako sa likuran ko. Sa bandang balikat.

"Alam mo, 'yang selos? Parang pag-ibig lang din 'yan, e. 'Di mo mapipigilan," sabi pa niya sa akin.

"Pero hindi naman dapat, e," giit ko pa.

"Wala namang dapat at 'di dapat d'yan! E, nararamdaman mo 'yan, e," sabi pa niya sa'kin.

Sasagot pa sana ako nang dumating si Manang Guada.

"Ano ba'ng pinag-uusapan niyo d'yan? Anong nararamdaman?" tanong niya sa amin.

Nataranta ako sa tanong na 'yon ni Manang. Wala kaming nagawa ni Danica kung hindi ang magtinginan. Narinig kaya ni Manang ang lahat?

"Oh? Ba't 'di kayo makapagsalita?" tanong pa ni Manang, na nakadagdag sa kaba ko.

"Ah, Manang, napapagod na raw po kasi si Maureen. Pero, kaunti lang po itong gagawin namin," palusot na lang ni Danica. Mabuti na lang talaga at magaling lumusot ang isang 'to. Palagi kasi siyang nangangatwiran kay Tita Maricar, e.

"Ay, gano'n ba? Oh siya, sige. Dalian n'yo na d'yan at nang makatulog na kayo," sabi naman ni Manang sa amin.

"Sige po," sagot ko at nagpatuloy sa ginagawa ko.

"E, ikaw po, Manang? Bakit gising pa po kayo? Dapat po nagpapahinga na po kayo, 'di ba?" sabi pa ni Danica.

"Ay nako! Matutulog na nga ako. Kaya lang, uminom ako ng gamot, e, kaya iinom ako ng tubig," sagot naman ni Manang.

"Ay! Ako na po ang kukuha para sa inyo," sabi pa ni Danica at dali-dali nang lumapit sa ref.

"Oh, sige. Salamat," tugon naman ni Manang. Napangiti naman siya at napatingin sa akin. "Mabait din naman pala 'tong kaibigan mo ano?"

Tipid na lang akong napangiti bilang sagot.

Matapos uminom ni Manang ng tubig ay umalis na rin siya. Kailangan na rin daw niyang magpahinga. Kami naman ni Danica ay naglinis pa saglit, pagkatapos ay nagpalit na rin kami ng damit at namahinga.

Bago ako matulog ay nagdasal muna ako. Una, nagpasalamat ako sa mga biyayang natatanggap ko. Kahit pa sabihing kaunti lang iyon, biyaya ko pa ring maituturing 'yon. Pangalawa naman, humingi ako ng tawad sa mga kasalanan ko. Alam ko, napakarami ko nang nagawang mali simula nang tumuntong ako sa mansyong ito.

At pangatlo, hiniling ko na sana ay maging maayos na ang kalagayan ni Sir Zeus. Sana bumalik na ang saya niya at ang mga ngiti niya sa labi. Sana. . .

Itutuloy. . .

下一章