MAGKASAMA kami ni ate ngayon sa malaking bahay ni Mr. Valdez, birthday niya at imbitado kami. Kinakabahan ako nasakatawan kasi ako ni ate at siya naman nasa katawan ko. Naiilang ako sa suot kong fitted red dress, masyadong mahalay para sa akin.
"Oi, umayos ka…" pabulong ni ate.
"Carmen! Mabuti't nandito ka na, kanina pa kita hinihintay!" Lumapit sa amin si Sir Henry Choi ang supervisor ni ate sa HR department.
Kumapit si Sir Henry sa braso ko, agad akong nag-react bahagya akong napaatras.
"Ano'ng problema mo girl? Wirdo ka na naman ngayong araw!" Kakaiba ang tono ng pananalita ni Sir Henry, parang bumaba bigla ang boses niya? At ang kilos niya biglang lumambot? Talagang lumantad na nang husto si Sir Henry.
Hinatak ako ni ate sa isang tabi saka bumulong sa tainga ko, "Gay friend ko 'yan, sakyan mo na lang lahat ng kalandian niya."
Nahiya ako sa narinig ko mula kay ate, hindi ko akalaing friend pala sila, kaya siguro lagi niya akong nilalapitan at nakikipag tsismisan sa akin sa opisina. Ang daming bisita ni Mr. Valdez, halos mapuno ang likod-bahay nila. May malaking swimming pool at hardin kung saan naroon ang ibang bisita. Ang daming pagkain, malaki siguro ang gastos ni Mr. Valdez dito? Sabi sa imbitasyon simpleng selebrasyon daw, naku! Simple pa pala 'to sa kanilang mayayaman.
Biglang nagpalakpakan ang mga bisita nang dumating ang birthday celebrant na si Mr. Alejandro Valdez, kasama ang pamilya niya. Hinawakan ni Mr. Valdez ang mikropono saka nagsalita.
"Maraming salamat sa pagdalo ninyong lahat sa aking kaarawan. Nais kong maging simple ang pagdiriwang na ito kaya sa bahay ko ito ginanap. Muli, maraming salamat at mag-enjoy tayong lahat!"
Muling nagpalakpakan ang mga bisita matapos magpasalamat ni Mr. Valdez, nilapitan siya ng mga tao at personal na binati. Nang mapatingin siya sa kinaroroonan namin agad siyang nag-excuse sa mga bisita't nilapitan kami.
"Charlotte?" agad na tanong ni Mr. Valdez sa akin.
Alam niya agad na ako ang nasa katawan ni ate. Nginitian ko siya't tumango bilang tugon. Nang mapansin niya si ate sa lamesa nakaupo't kumakain nilapitan niya ito saka binati.
"Carmen, mabuti't dumating ka sa kaarawan ko, wala ka bang sasabihin?" malambing niyang tanong kay Ate.
Masuyo niyang tinabihan si ate sa lamesa't parang may inaabangan mula kay Ate Carmen.
"Nandito ka lang pala, Alejandro!"
Biglang dumating ang maganda at sosyal na si Miss Argenta, tinapik niya sa balikat si Mr. Valdez saka nilambing. Hinaplos niya ang balikat nito marahan niyang ginapos ang mga kamay niya sa braso ni Mr. Valdez.
"A-Argenta, sandali may kausap pa ako," naiilang na sabi ni Mr. Valdez kay Ms Argenta.
Halata ang pagkadismaya nito sa ginawang pagtanggal ni Mr. Valdez sa pagkakayapos nito sa braso niya. Napatingin sa akin si Miss Argenta, nakapamewang na hinarap ako. "Nakita na kita sa opisina ni Aljeandro, sino 'tong batang 'to anak mo?" mataray niyang wika.
Tumayo si Ate Carmen, humarang sa harap ko't hinarap si Miss Argenta, nagkatitigan silang dalawa. Gamit ni ate ang katawan ko, hindi ko lubos maisip na nakikipagtarayan ako kay Miss Argenta.
"Ate ko ang sexy at magandang babaeng 'to!" pagyayabang ni ate, halata ang pagkainis sa mukha ni Miss Argenta.
Nagulat si Miss Argenta nang marinig niyang humalakhak nang malakas itong si Mr. Valdez, hindi niya inaasahan ang gano'ng kakatwang kilos ng pinsan niya.
"A-Ano'ng nakakatawa, Alejandro? Nahawa ka na sa kababaan ng mga impleyado mo?" Hinawakan niya ang braso ni Mr. Valdez saka hinila ito palayo sa amin. "Tara na, hinihintay na ng mga tao ang announcement mo tungkol sa kasal nating dalawa!"
"Kasal? Walang magaganap na kasal, ilang beses ko nang sinabi 'to—walang kasal, pamilya ang turing ko sa 'yo Argenta. May iba akong gusto, siya ang gusto kong pakasalan at hindi ikaw!"
Agaw atensyon ang ginawang pagsigaw ni Mr. Valdez, napatingin ang lahat ng mga bisita sa dereksyon namin. Seryoso ang mukha ni Mr. Valdez nang ipagtapat niya kay Miss Argenta ang nararamdaman niya rito. Hindi na ako nagulat sa sinabi niya dahil batid ko kung sino ang tinutukoy niyang gusto niya. Walang iba kundi si Ate Carmen, tahimik lang kami ni ate hindi kami sumabat sa pribado nilang usapan.
"Sino ba 'yang babaeng 'yan? Saang pamilya siya galing? Mayaman ba siya? Anak ng may-ari ng isang kompanya? Ano sabihin mo?!" sunod-sunod na tanong ni Ms. Argenta.
Bakas ang galit sa kilos at pananalita niya. Nagsimulang lumapit ang mga tao sa paligid namin, nakakahiya gusto ko nang magtago sa ilalim ng lupa. Hinawakan ako ni ate saka hinila palayo sa kanilang dalawa, napansin ito ni Mr. Valdez, hinawakan niya ang kamay ko't pinigilan akong umalis.
"Sandali, dito lang kayo, Carmen." Alam ni Mr. Valdez na hindi ako si Ate Carmen pero, para hindi malaman ng iba ang sekreto namin, tinawag pa rin niya akong Carmen.
"Mr. Valdez?!" Mahigpit ang pagkakahawak ni Mr. Valdez sa kamay ko, natigil kami ni ate nang bigla akong kabigin ni Mr. Valdez sa kanyang bisig.
"Huwag mo sabihin ang babaeng 'yan ang tinutukoy mo, Alejandro?!" galit na sambit ni Miss Argenta.
Kagat-labi niya akong dinuro gamit ang hintuturo niya. Hindi naman nagpatinag si ate, tinapik niya ang kamay ni Miss Argenta saka tinarayan.
"Huwag mo ngang maduro-duro ang kapatid ko! Aalis na kami, happy birthday na lang, Alejandro!" mariing pahayag ni ate.
Muli niyang hinatak ang kamay ko't hinatak ako palayo. Hinawi ni ate ang nagkukumpulang mga bisita sa paligid.
"Ano? Tinawag ka niyang Alejandro? Walang modong bata! Bastos!!" umalingawngaw ang sigaw ni Miss Argenta sa buong paligid.
Nasaksihan ko kung paano habulin ng lakad ni Miss Argenta si ate, hinawakan niya ang kamay nito't pinigilan sa paglalakad. Tinaas ni Ms. Argenta ang kamay niya at aktong sasampalin si ate nang pigilan ito ni Mr. Valdez, hinawakan niya sa pulso ni Miss Argenta. Nagulat si Miss Argenta sa ginawang pagpigil ni Mr. Valdez.
"Pinagtatanggol mo ang mga basurang 'yan?!" halos magwala sa sobrang inis si Miss Argenta.
"Ano'ng kaguluhan 'to? Alejandro ano'ng nangyayari rito?"
Dumating ang magulang ni Mr. Valdez nagtataka kung ano'ng nangyayari sa kinaroroonan namin. Ang lahat ay nakatingin sa amin agaw atensyon ang ginawang pagsigaw ni Miss Argenta. Nag-walk out siyang galit, masama ang tingin kay Mr. Valdez at sa akin.
"Ano'ng nangyari kay Argenta? Ano bang sinabi mo sa kanya, Alejandro?" nagtatakang tanong ng mommy niya.
"Wala po 'yon Ma," tipid na tugon ni Mr. Valdez.
Inakbayan niya ang kanyang ina saka kinausap ito nang masinsinana. Mukhang todo sa paliwanag itong si Mr. Valdez, kapansin-pansin ang galit na mukha ni Mrs. Valdez. Siguradong pinagsasabihian niya ang kanyang anak, nakakahiya talaga hindi ko lubos akalaing mangyayari ang ganito.
Natapos ang kaarawan ni Mr. Valdez na magkasalubong ang kilay ni ate. Maagang tatanda ang mukha ko kapag si ate ang nasa katawan ko. Nagpaalam kami kay Mr. Valdez ngunit bago tuluyang umalis may inabot si ate, isang regalo. Kaarawan niya kaya hindi pwedeng walang regelo si ate kahit maliit at simpleng regalo lang.
"Walang ibang kahulugan 'to, birthday mo kaya dapat may regalo ako sa 'yo, oh heto!" nagsusungit na sabi ni ate.
Inabot niya ang maliit na regalo, nang buksan ni Mr. Valdez. "Tatlong pirasong panyo? Salamat, alam mo talaga ang kailangan ko. Ibig sabihin ba nito, I Love You?"
"Sira! Tatlong piraso talaga 'yan sa mall! Hmmp!" sabay isnab ni ate.
Namumula ang mukha niya sa hiya, kakaibang makita ang aking sarili na nahihiya nang gano'n.
"Sige mauna na kami, kita na lang tayo sa opisina bukas!" masungit na paalam ni Ate Carmen.