May inilapag si Manang Viola sa ibabaw ng lamesa habang kumakain ang mga katulong, carbonara sa malaking tupperware, sakto sa lahat ng mga katulong.
"Wow carbonara! Ambait mo ngayon Manang Viola ah," puna ni Lorie sa matanda habang nag-aalmusal ang lahat sa hapagkainan, tig-iisang tasa ng kape at pandesal na may peanut butter.
Kumindat ang dalaga sa katabing si Marble na noo'y tahimik lang habang kumakagat ng hawak na pandesal.
"Hindi akin 'yan. Bigay 'yan ni Gab para sana---magsikain na nga lang kayo," anang matandang mayordoma saka sumulyap sa nakatalikod na dalaga.
"Himala. Buti hindi nagwala ang Mommy nang dalhin 'yan dito ni Gab eh ang alam ko, kuripot 'yon sa pagkain lalo na sa mga katulong," ani Eva.
Napasulyap lang siya sa nagsalitang katulong. Masama pala ang ugali ng nanay ni Gab? Pero sa tingin niya sa binata mabait naman.
Siniko siya ni Bing na noo'y katabi niya rin, pumagitna siya dito at kay Lorie.
"Oy, kumain ka nang kumain nang magkalaman naman yang katawan mo," anito saka siya kinuhanan ng carbonara sa platitong inilapag na uli ni Manang Viola sa gitna ng lamesa.
"Haist, mamigay kayo sa mga guard. Kawawa naman yung tatlong 'yon, lagi niyong inuubusan ng almusal," bilin ng matanda.
Nagtawanan ang lahat maliban sa kanyang napangiti lang saka kumuha ng kutsara at tumikim ng carbonara sa platito.
Nagkuhanan na rin ang lahat ng mga katulong hanggang sa kunti na lang ang natira sa tupperware.
"Marble, sabi pala ni Madam, pag nagising daw si Senyor, ipasyal mo raw sa bakuran," baling ni Manang Viola sa kanya.
"Opo Manang," sagot niya pero segurado siyang 'di magigising 'yon hnggang mamayang tanghali.
Kunting kwentuhan muna ang nangyari bago nagsitayuan ang mga katulong at nagpunta sa kanya-kanyang trabaho. Natira silang tatlo ng mayordoma at si Bing na taga-linis ng kusina.
"Marble, puntahan mo muna si Senyor at ipasyal mo sa labas ng bahay 'pag gising na," utos sa kanya ng matanda.
Maghuhugas sana muna siya ng mga pinagkainan nila nang tapikin ni Bing ang kanyang kamay.
"Asus ako na 'yan. 'Wag mo akong agawan ng trabaho," anito saka tumawa.
Napangiti na rin siya. Ang galing naman ng mga katulong duon, walang inggitan. Basta magtatrabaho lang ang mga to, 'di lang niya alam kung nag-aaway away din ang mga 'yon sa dami nila ruon.
"Manang, Ate Bing, alis po muna ako," paalam niya sa dalawa saka lumabas ng kusina at nagmamadaling umakyat sa hagdanan hanggang mapatapat sa kwarto ng matanda.
Pinihit niya ang doorknob pero nakalock pa rin ito kaya wala siyang nagawa kundi kumatok na lang.
Maya-maya'y may nagbukas ng pinto ngunit nang makitang siya ang kumakatok ay agad iniharang ni Fel ang katawan sa bahagya na lang ang awang na pinto.
"Sabi ni Manang Viola, pinalalabas daw si Senyor para magpaaraw sa labas," wika niya.
"Sabihin mo tulog pa," anito saka agad na isinara ang pinto, inilock na uli.
Nagtatagis ang bagang sa galit na nakuyom niya ang kamao at balak na sanang kalampagin ang pinto nang marinig niya ang boses ni Gab.
"Vendrick! Wait!" hiyaw nito.
Agad siyang dumungaw sa barandilya ng ikatlong palapag.
Naruon nga si Gab, hinahabol ang tila galit na anak ng kanilang amo habang paakyat ito sa hagdanan at lumiko sa ikalawang palapag. Andun marahil ang kwarto nito.
Ibig sabihin, sa apat na kwartong nagpakahilira dito sa taas, isang kwarto lang ang ukupado? Ang tatlong mga amo ay nasa ikalawang palapag ang mga kwarto?
Nang makita niyang huminto si Gab at tumigil sa pagsunod sa kaibigan nito at tumingala sa kinaroroonan niya'y agad siyang lumayo sa barandilya at sumandig sa dingding ng kwarto ngunit nakita pa rin siya nito. Nagkatitigan sila.
Ngumiti ito, gumanti rin siya ng ngiti. Hinintay niyang umakyat ang binata sa kinatatayuan niya pero sa halip ay bumaba ito ng hagdanan at nagtungo sa kusina.
Kakausapin marahil nito si Manang Viola kung kinain niya yung ibinigay nitong almusal.
Sa tanang buhay niya, noon lang siya nakakain ng ganung klaseng almusal. Ano bang pangalan no'n? Carbonara? Ang alam niya, ginagawa lang iyong spaghetti. Pwede din pala 'yong carbonara? Ang dami pa seguro niyang makikilalang iba't ibang klase ng pagkain 'pag nagtagal siya dito.
Nang sumagi sa isip ang matanda ay binalak na uli niyang kalampagin ang pinto. Pero sumagi sa kanyang isip na baka may bukas sa isa sa mga nakahilirang kwarto duon at merung daanan papasok sa kwarto ng matanda.
Nagtungo siya sa isang kwartong katabi ng sa matanda at pinihit ang doorknob niyon pero nakalock iyon.
Initry niya ang pangalawang kwarto subalit tulad ng nauna ay nakalock din iyon.
Nagtungo siya sa pinakahuling kwarto. Anong tuwa niya nang bumukas iyon pagkapihit niya sa doorknob.
Kinapa niya ang switch ng ilaw sa may dingding malapit sa pinto at binuksan iyon.
Lumingon muna siya sa labas kung may tao pero wala kaya agad na siyang pumasok sa loob.
Malinis ang loob ng kwarto, halatang araw-araw iyong nililinis ngunit lahat ng mga kagamitang naruon ay tinakpan ng puting tela.
Tinanggalan niya ng takip ang akala niya'y mesa ngunit muntik na siyang mapasigaw nang malantad sa kanyang paningin ang painting ng isang babaeng kasing-edad marahil ng madam at 'yong isang binata na nakahilig sa balikat nito.
Kahawig ng matanda ang binata sa painting. Ibig sabihin, iyon ang ina ng matanda?
Pinagmasdan niyang mabuti ang painting. Kahit nakangiti ito'y 'di naman halata ang mga pangil nito. O pinaputol na nito ang pangil bago nagpagawa ng painting?
In fairness, maganda naman ang nanay ng matanda. Parang artista.
"Hoy, ano'ng ginagawa mo rito? Nagnanakaw ka no?"
Muntik na siyang mapalundag sa takot nang marinig ang boses na 'yon.
"Ate Shena?" gulat siyang napaharap sa babaeng nagmamadaling lumapit sa kanya.
"Sensya na po. Nacurious lang po ako sa painting na nandito," namumutla niyang sambit.
"Isusumbong kita sa mga amo natin, kung saan-saan ka nagpupunta," singhal nito sa kanya.
Kinabahan agad siya at mabilis na ibinalik ang takip ng painting saka siya lumabas ng kwarto.
"Sorry po, Ate Shena. Hindi na mauulit. Nacurious lang talaga ako sa painting na 'yon," paghinga na uli niya ng tawad pagkalabas nito sa kwarto.
"Talagang hindi na mauulit," anito saka inilock ang pinto ng kwartong yun saka siya hinarap at dinuro ng kamay.
"Isusumbong kita sa mga amo natin pag inulit mo pa ang ginawa mo ngayon. Ako ang nakatalagang maglinis dito kaya pag may nawala sa mga gamit dito, paniguradong ikaw ang isusumbong kong nagnakaw!"
Napayuko siya sa takot. Masungit din pala itong babae.
Hanggang nang bumaba ito sa hagdanan ay nakayuko pa rin siya.
Nakagat niya ang ibabang labi para wag maiyak. Hindi, bakit siya iiyak, wala naman siyang ginawang masama sa loob, tsaka malinis naman ang kanyang kunsensya, wala naman siyang intensyong magnakaw? Pero sana 'wag siyang isumbong ng babaeng 'yon. Kahit wala siyang ginawang masama sa loob, baka 'pag may nawala do'n ay siya talaga ang pagbintangan.
Nang makababa na ang katulong ay saka naman siya bumaba at nagtungo sa kusina.
"O, akala ko ba ando'n ka sa labas, kasama 'yong matanda," takang puna ni Manang Viola sa kanya.
"Tulog pa raw po si Senyor," sagot niya at lumapit rito.
"Ano'ng tulog, eh ando'n na nga sa labas, 'yong si Fel ata ang kasama," anito.
"Ha?" bulalas niya sa pagkagulat saka mabilis na lumabas ng kwarto at tinakbo ang labas ng bahay.
Naruon nga sa labas ang matanda nakaupo sa wheelchair habang ipinapasyal ni Fel sa bakuran kasama ang madam. Nakauwi na pala ito? Ang aga naman ata.
Napasulyap ang dalawa sa kanya at kumibot-kibot ang bibig ni Fel, parang may sinasabi sa madam kaya seguro tila umasim ang mukha ng madam sa kanya at di na siya muling tinapunan ng tingin.
Nakaramdam siya ng lungkot at bumalik na lang sa kusina.
"O, ano na?" salubong ng mayordoma sa kanya.
"Manang, turuan niyo na lang po ako kung paano magluto ng mg putahe," anya na lang rito.