webnovel

Part 6

NAKARAMDAM ng pagkagutom si Juda kaya pumunta siya sa kitchen na nasa dulo ng shuttle. Pangalawang araw na nila iyon sa Piscis. Mula sa hallway ay nakikita niya si Lily na tahimik na nakatayo doon, nakatalikod ito sa gawi niya. Sa tuwing magkukrus ang landas nila ng babae ay halata niya ang matinding pagkatakot nito sa punto na minsan nangingilag pa. Natutuwa siya doon dahil ayaw niyang isipin nito na tanggap ito sa mundo nila. Isa sa mga ayaw niya ay ang uri nito dahil noong nagpunta sila sa Earth para sana umangkat ng mga mineral, kung saan mayaman ang planeta, ay hindi man lang sila pinakiharapan ng maayos ng namumuno doon. Kagaya ng takot na nakikita niya sa mga mata ni Lily, ganoon din ang nakita niya sa anyo ng mga tao.

Tumuloy si Juda sa kusina at kumuha ng pagkain sa ref. Nagtaka siya dahil hindi niya nakikita ang karaniwang reaksiyon sa babae. Nandoon lang ito at hindi kumikilos. Binuksan niya ang botelya ng tubig at napalingon nang marinig ang pagkalansing ng kutsara sa sahig. Unti-unting nabubuwal ang katawan ng babae kaya bago pa ito tuluyang bumagsak ay mabilis niyang sinalo.

"Hoy, tao." yugyog niya sa balikat nito pero walang tugon. "Gavin!"

Mabilis na pumunta ang kapatid sa kinaroroonan nila. "Anong nangyari, Juda?"

"Malay ko, bumagsak eh."

Lumapit din si Ara at sinalat ang pinsan. "Medyo mainit siya, Gavin dalhin natin siya sa cabin."

Kinarga ni Juda ang babae at inihiga sa kama nito. Kaya ayaw niya sa mga mahihina dahil perwisyo lang ang dala.

"Marahil napagod siya sa byahe." saad ni Gavin. "Hayaan muna natin siyang magpahinga. Pagkagising niya mamaya, painumin mo siya ng gamot, mea amor."

Tumango si Ara at lumabas na sila sa cabin.

Hapon ng parehong araw nakompleto ang mga materyales na kinuha nila kaya nang panahon ding iyon ay umalis sila sa Piscis pabalik ng Sauros.

DALAWANG oras na silang nasa kalawakan. Si Gavin at Ara ay nasa control room habang si Juda naman ay nasa sariling cabin. Nagising si Lily kanina pero nakatulog ulit pagkatapos mapainom ng gamot ng pinsan.

Nagimbal sila sa isang malakas na pagsabog na nagpayanig sa buong shuttle.

"Juda!" sigaw ni Gavin at agad dinaluhan ang nobya.

Alerto namang kinuha ni Juda ang glaive at pinuntahan ang parte na sumabog. Mula sa control room, mariringgan ang hiyawan ng mga nilalang at kalansingan ng sandata ni Juda, may naririnig din silang tunog ng laser na baril.

Binunot ni Gavin ang espada sa baywang. "Ara, diyan ka lang sa likod ko."

"Gavin, si Lily!" nag-aalalang saad ni Ara. Ang mga cabin ay malapit sa kinaroroonan ng kaguluhan kaya mahihirapan siyang pumunta doon. Hindi parin bumabalik ang malay ni Lily kaya mas mahihirapan siyang saklolohin ito lalo at may nakapasok nang ilan sa mga kalaban sa control room.

Walang kahirap-hirap na umilag si Gavin sa mga espadang iwinasiwas ng kalaban. Marahas niyang hiniwa ang mga ito gamit ang dalang sandata. Binunot ang laser gun sa kaliwang baywang at pinaputukan ang iba pang kalaban na kapapasok palang.

Inambush sila ng mga Anguis. Bakit nandito ang mga ito? Paano nalaman ng mga ito ang lokasyon nila?

Napakapit si Ara kay Gavin nang may isa pang sumabog. Nakikita nila sa labas ng bintana ang tatlong spaceship ng kalaban.

Lumapit si Gavin sa control, may tinipa, naramdaman ni Ara na bumilis ang takbo ng sasakyan nila kaya nalampasan nila ang grupo ng shuttle ng kalaban.

Sa kabilang banda, napakapit si Juda sa pader nang gumewang ang shuttle dahil sa biglaang pag-iba ng takbo.

Sumugod sa kanya ang naiwang dalawang ahas gamit ang espada pero napigilan niya iyon ng glaive. Sinipa niya ang isa kaya tumilapon palabas ng shuttle, ang isa naman ay walang pag aatubili niyang hiniwa sa tiyan

"Gavin, bilisan mo pa! Humahabol ang mga Anguis!" saad ni Juda na kakapasok lang sa control room.

'Anong iniisip ni Elko? Bakit bigla nalang siyang sumugod? Malilintikan sa akin ang payatot na iyon!'

INPUT ERROR. TROUBLE SHOOTING ON PROCESS.

Narinig ni Juda sa voice prompt ng shuttle.

"Anong nangyari, Gavin?"

"Sinubukan kong i-default mode sa mas mabilis na takbo pero nag-eerror. Mukhang napuruhan ang engine natin."

TROUBLE SHOOTING DONE. SEVENTY FIVE PERCENT ENGINE DAMAGE.

"Shit! Seventy percent?!"

"Malabo nang makarating ang shuttle na ito sa Sauro, Juda."

"Wala na bang ibang paraan? Karga natin ang mga materyales." umiling lang si Gavin.

SEVENTY FIVE PERCENT ENGINE DAMAGE.

May pumutok na kung ano sa likuran ng shuttle kaya yumanig ang sasakyan at unti-unting bumagal ang takbo.

Maya-maya ay naririnig ulit nila ang ingay ng engine ng sasakyan ng kalaban na nakabuntot parin pala.

Pinuntahan ulit ni Juda ang likuran ng shuttle kung saan nagkaroon ng malaking butas. Isa-isa na namang nagsipasukan ang mga sundalong ahas sa loob ng shuttle.

EIGHTY PERCENT ENGINE DAMAGE.

Pinindot ni Gavin ang pulang buton na nasa gitnang bahagi ng control. Bumukas ang metal na pintuan sa gilid ng control room. Hindi napansin ni Ara noon na may karugtong pa palang kwarto doon.

"Ara! Sakay na, dali!" Nakita ni Ara ang dalawang pangdalawahang spaceship. Gaya ng utos ng nobyo ay sumampa siya doon.

"Gavin, si Lily!"

"Hindi natin siya maisasabay dito. Dalawa lang ang kaya ng shuttle na ito. Si Juda na ang bahala kay Lily." anitong mabilis na sumunod sa pagsampa. Tinipa nito ang control ng maliit na shuttle at nagsara iyon.

"Seatbelt, Ara!" anang lalaki saka nagbukas ang sahig at nahulog sila sa kalawakan.

NAGISING si Lily sa narinig na komosyon sa labas. Medyo maayos na ang pakiramdam niya, salamat sa gamot na binigay ni Ara.

'Anong meron?' kinuskos niya ang mga mata. Naiihi siya kaya pupunta siya ng banyo, nasa labas iyon ng cabin malapit sa kusina. Kumuha siya ng suklay sa bag at inayos ang kanyang brown curly hair.

"Nagda-dry na ang ends ng hair ko, shocks! Kailangan ko na talagang makauwi para makapag hair spa na." maktol niya. "I want nobody, no body but you!" turo niya at kindat sa reflection ng salamin. "Lily, ba't ang ganda mo?"

Kumuha din siya ng toothbrush at lipstick, "Dun nako magreretouch.''

Biglang yumanig ang paligid kaya napahawak si Lily sa kama.

"Ay! Turbulence? Sa kalawakan?" binuksan niya ang pintuan ng cabin at naglakad papuntang banyo para lang mapatda. May nakikita siyang puting mga ilaw na nagliliparan sa ere. At pagkatapos nun ay mga pagsabog. "Ay! Juice colored! Anech etech?!" nakayukong tinakpan niya ang mga tainga dahil nakakabingi ang paligid.

'Anong nagyayari? Giyera? Saan ang mga kasama ko?' Mas lalo siyang napasiksik nang marinig ang isa na namang malakas na pagsabog.

'OMG! OMG! Lord, mamamatay na ba ako?'

NARINIG ni Juda ang paglipad ng emergency shuttle sa control room kaya malakas niyang iwinasiwas ang glaive sa harap.

'Nakaalis na sila. Kailangan ko na ring umalis dito.'

Sugatan lahat ang kalabang ahas. May isa pang humirit ng bunot ng baril kaya buong lakas niya itong sinipa sa dibdib. Tumalikod siya para magtungo sa isa pang emergency shuttle. Kailangan na niyang makaalis doon.

EMERGENCY! EMERGENCY! NINETY PERCENT SYSTEM DAMAGE. TOTAL SELF DESTRUCTION ACTIVATED. PLEASE EVACUATE THE SHUTTLE IN SIXTY SECONDS. saad ng voice promt

Sa nagmamadaling kilos ay tinungo ni Juda ang maliit na shuttle pero napatigil nang makita ang babaeng nakayukong sumiksik sa gilid ng hallway. Nagbawi siya ng tingin at tuloy-tuloy na naglakad.

"Ju-Juda!" rinig niyang tawag sa kanya

Napatiimbagang siyang napahinto.

"Shit!"

Labag man sa loob pero umikot siya at naglakad pabalik, hinawakan ang damit nito malapit sa batok at hinablot.

"Aray naman! Nasasakal ak- ah-!"

Hila-hila parin niya ito hanggang sa shuttle at parang sako ng palay, padaskul na ibinalandra doon. Napasubsob tuloy ang mukha ng dalaga sa upuan ng sasakyan.

"Araaaay! Magdahan-dahan ka! Babae ako, babae!" turo nito sa sarili

Sumunod siyang umupo sa katabing upuan at pinindot ang control.

Seven...six...five...four...

"Dammit! Dali!" pukpok ni Juda sa harap.

Nagsara ang shuttle.

Two...one.

At nagbukas ang sahig.

下一章