webnovel

Chapter Four

MADALI namang nakapag-adjust si Iarah sa lungsod at sa bagong eskuwelahan niya. Maayos ang pag-aaral niya. Hindi siya nahihirapan sa mga leksiyon. Pinagbubuti talaga niya ang kanyang pag-aaral. Ayaw niyang biguin ang mga magulang niya.

Minsan ay nagigipit silang magkapatid dahil sa dami ng gastusin, ngunit nalalagpasan naman nila iyon. Palaging nakaalalay sa kanila si Peighton. Hiyang-hiya na nga silang magkapatid dito. Ang hirap kasing mamuhay sa lungsod. Bawat kibot nila ay gastos. Lahat na lang ay may bayad.

Masasabi niyang maayos naman ang relasyon nila ni Daniel kahit madalang silang magkita. Nag-a-adjust din ito sa bagong eskuwelahan nito. Base sa kuwento nito, marami-rami na rin itong mga nagiging kaibigan. Minsan nga ay nag-aalala na siya dahil mukhang mas inuuna pa nito ang pakikipagbarkada kaysa sa pag-aaral. Kapag pinagsasabihan niya ito, naiinis ito sa kanya kaya itinitikom na lang niya ang kanyang bibig. Ayaw kasi niyang mag-away sila.

"Aalis ka na agad?" tanong niya kay Daniel isang araw. Puno ng pagkadismaya ang tinig niya. Linggo nang araw na iyon at bumisita ito sa kanya ng hapon. Wala pa itong isang oras sa apartment nila. Ganoon ito palagi. Tila ito nagmamadali tuwing dadalaw ito sa kanya.

Nginitian siya nito. Ang simpatikong ngiti na hinahangaan ng maraming babae rito. "May lakad ako kasama ng mga kaibigan ko."

"Maaga ang pasok mo bukas," paalala niya rito. Madalas kasi itong inuumaga sa mga gimikan kasama ng mga barkada nito.

Natawa ito. "So? I'm just gonna have fun with my friends."

"Daniel—"

"I really have to go, babe," anito bago pa man niya matapos ang kanyang sasabihin. Tumayo na ito, hinagkan ang kanyang ulo, at naglakad patungo sa pinto.

Wala siyang nagawa kundi ang mapabuntong-hininga habang pinagmamasdan ang pag-alis nito. Pilit na sinasabi niya sa kanyang sarili na maayos sila ng kanyang nobyo. Maayos ang lahat. Walang mali. Everything was sailing smoothly.

Hindi pa nagtatagal ay muling bumukas ang pinto. Isang nakangiting Vann Allen ang pumasok. Awtomatikong napangiti rin siya rito. Kapag nakikita niya ang guwapong mukha nito, awtomatikong gumagaan ang pakiramdam niya. Parang lumilipad palabas ang lahat ng sama ng pakiramdam, lungkot, at pagkadismaya niya.

"Hindi ka ba marunong kumatok?" kunwari ay sita niya rito. "Pasok ka nang pasok, puro kami babae rito."

Natawa siya nang lumabas uli ito at kumatok sa pinto.

"Tuloy," aniya sa pagitan ng pagtawa.

Muli itong pumasok. Mas malapad na ang ngiting nakaukit sa mukha nito.

"Magandang hapon, Miss Ganda," sabi nito habang umuupo sa tabi niya sa sofa. "Nakasalubong ko si Alien sa labas."

Kinurot niya ang pisngi nito. "Kailan mo titigilan ang pagtawag kay Daniel ng 'Alien'? Ang guwapu-guwapo ng boyfriend ko, `no." Matagal na nitong nakilala si Daniel. Kagaya ng ate niya, mabigat din daw ang loob nito sa nobyo niya.

Hindi ito nag-alangang sabihin iyon sa kanya. Hindi niya magawang mainis kahit ang katotohanan ay hindi niya kailangan ng opinyon nito. Sadya lang sigurong may mga taong hindi nagkakasundo.

"Titigilan ko ang pagtawag sa kanya ng 'alien' kapag iniwan mo na siya. Makipag-break ka na kasi sa kanya. Lolokohin ka lang n'on. Masasaktan ka lang."

Hindi pa rin niya magawang mainis dito. Kung iba siguro ang nagsabi niyon ay pihadong inaway na niya. Hindi niya alam kung bakit laging exempted si Vann Allen. Palagi itong kakaiba sa lahat.

Mula nang lumipat siya sa apartment ay madalas na niya itong nakikita. Palagi itong dumadalaw roon. Nalaman niyang malapit pala ang bahay ng mga ito sa apartment nila. Nalaman din niyang napakarami nitong kaibigan sa lugar nila. Bawat sulok yata ng Maynila ay may kaibigan ito. Wala itong kaaway. Wala rin sigurong naiinis dito.

Si Vann Allen na siguro ang pinaka-lovable na tao sa buong mundo.

"Baka naman may gusto ka lang sa boyfriend ko kaya gusto mong makipag-break ako sa kanya?" panunukso niya rito. Palagi niya itong tinutukso na bakla dahil wala pa itong nagiging girlfriend. Wala ring nababalitaan ang kapatid niya na nililigawan nito.

Sa isang tagong bahagi ng puso niya, natutuwa siya dahil wala pang babae na nakakabihag sa puso nito.

"Hmm... Gusto mo lang yatang mahagkan, eh. Gusto mong patunayan ko sa `yo ngayon din na hindi ako bakla?" anito habang lumalapit ito sa kanya. Parang seesaw na tumaas-baba pa ang mga kilay nito.

Napalunok siya habang lumalayo rito. "Walang ganyanan, Vann. Isusumbong kita kay Daniel." Hindi niya mapaniwalaang may excitement siyang nadarama habang nakatingin sa mapupulang labi nito. Ang lakas din ng kabog ng dibdib niya.

Napapikit siya nang mariin nang maramdaman niya ang kamay nito sa baywang niya. Hahagkan siya nito! Napatili siya nang sa halip na pumulupot sa baywang niya ang mga braso nito ay kiniliti siya nito. Malakas ang kiliti niya sa tagiliran.

"Vann! Tama na," saway niya rito habang tumatawa. Sinubukan niyang lumayo rito ngunit hindi siya nito hinayaan. Ang isang braso nito ay yumakap sa kanya, habang ang kamay nito ay patuloy ang pangingiliti sa kanya.

Napalabas ng silid ang ate niya. "Ano ang nangyayari rito?" nagtatakang tanong nito habang nakatingin sa kanila. Pati si Peighton ay napalabas ng silid nito.

Noon lang tumigil si Vann Allen. Sinabunutan niya ito bilang ganti. "Bakla ka talaga," wika niya rito.

Pinahaba nito ang nguso nito at inilapit iyon sa kanya.

"Ate!" tili niya.

Natawa ang ate niya at si Peighton. Grabe rin ang tiwala ng mga ito kay Vann Allen. Tila hindi apektado ang mga itong magkadikit na magkadikit na ang mga katawan nila ni Vann Allen at kaunting isod lang niya ay lalapat na ang mga labi nito sa mga labi niya.

Itinakip niya ang kamay niya sa mga labi ni Vann Allen at pilit na itinulak ito palayo. Muling kumilos ang mga daliri nito upang kilitiin siya. Nakiliti siya ngunit mas malakas ang nadarama niyang kiliti sa palad niya. Tumutulay iyon sa buong katawan niya.

Ang lambut-lambot ng mga labi nito. Ano kaya ang pakiramdam kapag nakalapat ang mga iyon sa mga labi niya? Iyong maglalapat talaga ang mga labi nila at hindi lamang basta dampi?

Ipinilig niya ang kanyang ulo. Ano bang mga kalandian ang naiisip niya? May boyfriend siya.

"Kayong dalawa, tama na `yan," saway ng ate niya. "`Oy, Vann, ba't ka nandito na naman?"

Pinakawalan siya ng binata. Lumayo ito sa kanya. "Linggo ngayon. Magbawas tayo ng kasalanan."

"O, sige," sabi ni Peighton. "Sandali lang. Magbibihis lang ako."

"Ako rin," sabi ng kapatid niya.

Bumalik ang mga ito sa kanya-kanyang silid.

Binalingan siya ni Vann Allen. "Ano pa'ng hinihintay mo riyan? Halik? Magbihis ka na rin. Sumama ka. Ipagdasal mong sana ay magtagal kayo ni Alien."

Nilamutak niya ng kamay ang mukha nito bago siya nagtungo sa banyo. Mabilis siyang naligo.

Nagsimba sila sa Quiapo Church. Napakarami niyang ipinagdasal. Hiniling niya na sana ay makatapos siya ng pag-aaral, na sana ay maging maayos silang magkapatid, na sana ay palaging malusog ang mga magulang nila sa probinsiya, na sana ay mairaos nila ang mga pang-araw-araw na pangangailangan nila.

At sana ay palaging maayos at masaya si Vann Allen.

PINALIS ni Iarah ang kamay ni Daniel na patungo na sa kanyang dibdib. Itinulak niya ito palayo sa kanya, dahilan upang maghiwalay ang magkalapat na mga labi nila.

"Mood spoiler," he muttered. Tila nainis ito nang bahagya sa kanya.

Pinunasan niya ang mga labi niyang namamasa. "You are crossing over the line," naiinis ding sabi niya.

Nasa loob sila ng sasakyan nito na nakaparada di-kalayuan sa apartment. Tinted ang sasakyan nito, gayunman ay nag-aalala pa rin siyang baka may makakita sa ginawa nila at isumbong siya sa kapatid niya. Ayaw niyang mapauwi sa probinsiya nang wala sa oras.

Napapansin niyang nadadalas na ang pagiging mapusok ni Daniel. Hindi na niya minsan gusto ang paraan nito ng paghalik sa kanya. Kapag nagkikita sila, parang ang gusto lamang nitong gawin nila ay maghalikan sila. Hindi rin iyon ang unang pagkakataong sinubukan nitong hipuin ang maseselang bahagi ng katawan niya. Mabuti na lang at palagi siyang may presence of mind.

Natatakot na siya. Minsan kasi ay nais niyang magpatangay na lang. Natatakot siyang matangay na lang siya sa mga halik nito. Hindi naman kasi siya manhid upang hindi maapektuhan sa mga ginagawa sa kanya ni Daniel. Mahal niya ito.

Muli siya nitong niyakap. Hinagkan nito ang leeg niya. Marahas na itinulak niya ito palayo. "Stop na, Daniel. Please. Kailangan ko nang bumaba. Baka dumating na si Ate Janis at makita niya tayo."

Nadidismayang napabuntong-hininga na lamang ito. "All right. All right. Hindi na kita pipilitin kung ayaw mo. Para halik lang, eh."

Inayos niya ang kanyang sarili. Akmang bababa na siya ng sasakyan nang agapan nito ang braso niya. May inilagay ito sa kamay niya. Napatingin siya roon. Tatlong one-thousand peso bills ang nasa kamay niya. Kaagad na ibinalik niya ang pera dito ngunit ayaw nitong tanggapin iyon.

"I can't take these, Dan," nahihiyang tanggi niya. Minsan, nang mag-usap sila sa telepono, nabanggit niya ritong nagigipit silang magkapatid. May mga libro siyang dapat bilhin at may mga gamit namang kailangang bilhin din ang ate niya. Nabanggit lang niya ang bagay na iyon dito dahil nais niyang may mapagsabihan. Hindi siya nanghihingi ng tulong.

"Take it," giit nito sa malumanay na tono. Ngumiti pa ito nang napakasuyo. "You need it. I want to give you more but I know it'll only freak you out."

Umiling siya. "Hindi na talaga, Dan. Kaya pa naman, eh. We'll get by."

"Okay, consider it as borrowed money. Pay when able. No interest. Iya, I'm your boyfriend and a boyfriend helps his girlfriend when she's in need. Just take the money. It's not much. Please?"

Nakagat niya ang kanyang ibabang labi. Aminado siyang kailangan niya ng pera. Makakatulong iyon sa pangangailangan ng kapatid niya. Utang naman iyon. Babayaran niya kapag nakaluwag-luwag silang magkapatid.

Niyakap niya ito at hinagkan sa pisngi. "Thank you. Utang ito, Dan. Babayaran kita kapag dumating ang padala nina Tatay."

"Don't mention it."

Nagpaalam na siya rito at bumaba ng sasakyan. Pumasok na siya sa apartment nila. Nagpalit na siya ng pambahay at nagluto ng hapunan. Wala pa ang kapatid niya at si Peighton.

Makakaraos din silang magkapatid sa pag-aaral. Kaunting tiis lamang ang kailangan. Hindi sila pababayaan ng Panginoon.

INIS na inis si Vann Allen habang naghihiwa siya ng saging. Halos hindi siya nakatulog sa sobrang pagkainis. Noon lang siya nakaramdam ng ganoon katinding inis sa buong buhay niya.

"Ang aga-aga, nagsasalubong `yang mga kilay mo," puna sa kanya ng Ate Jhoy niya habang nagpiprito ito ng mga nahiwa niyang saging. Tila takang-taka ito sa inaasal niya. Bihira kasi siyang magkaroon ng bad mood, bihira siyang sumimangot. Parang lalo lang kasi niyang pinapabigat ang dalahin ng lahat kung sisimangot pa siya.

Kakaiba talaga siya nang araw na iyon dahil hindi pa sumisikat ang araw ay nakasimangot na siya. Tila may bagyo sa loob niya. Nais niyang magwala. Nagpipigil lamang siya dahil baka magulpi siya ng pamilya niya.

"Ano ba'ng problema mo?" tanong ng ate niya nang hindi siya tumugon.

"Wala, `Te," sagot niya. "Pangit lang ang gising ko."

"Ayokong maniwala sa `yo."

Tumingin siya rito. "Ate, dumating ka na ba sa puntong naiinis ka na sa kalagayan natin? Naiinis ka kasi laging ganito? Parang habang lumilipas ang mga araw ay lalo kang nahihirapan? Nakakabuwisit na. Nakakasawa na. Ang hirap maging dukha. Siyete naman."

"Lilipas din ito, Vann," sabi nito. "Hindi palaging nandito tayo sa sitwasyong `to. Umiikot ang mundo. Lumilipas ang mga araw. Giginhawa rin tayo."

"Kailan?" naiinis na tanong niya rito.

Nagsalubong ang mga kilay nito. "Bakit ka ba nagkakaganyan? Dati naman hindi ganyan ang attitude mo. Hindi ba ang sabi mo dati, challenge ang pagiging mahirap? Hindi masaya kung walang challenge ang buhay."

Bakit nga ba siya nagkakaganoon? Saan nga ba nag-ugat ang matinding inis na nadarama niya? Tama ang sabi ng ate niya. Hindi siya kailanman nagpapadaig sa kahirapan. Oo, minsan nakaka-frustrate na kulang na kulang ang budget niya, pero okay lang. Hindi siya nasisiraan ng loob.

Matagal na niyang tinanggap na ipinanganak siyang hindi mayaman. Ayos lang sa kanya iyon. Ganoon talaga ang buhay. Tinanggap niyang ipinanganak siya sa kalagayang iyon.

Ngunit hindi niya tanggap na habang-buhay siyang ganoon. Kaya nga nagsisikap ang mga magulang nila upang makapag-aral sila. Kapag nakatapos sila, aangat sila kahit paano.

Kahirapan ang motivation niya para mag-aral siya nang husto. Iniisip niyang maituturing pa ring napakasuwerte niya. Nakakapag-aral siya, nakakakain pa rin silang magkakapatid. Buo ang pamilya nila, at kahit nakakaramdam sila ng matinding hirap ay masaya pa rin silang nagsasama. Walang may karamdaman sa kanila.

Nag-ugat ang matinding inis niya nang nagdaang hapon. Nakakuwentuhan niya si Janis. Inis na inis ito kay Iarah, at sa kanya nito ibinuhos ang lahat ng inis nito para sa kapatid. Walang tigil ang bunganga nito sa kakatalak. Gigil na gigil ito. Kagaya niya, bihira itong mainis nang husto. Mas marami itong positive energies sa katawan. Sa sobrang inis nito, hindi nito napansing pati siya ay naiinis na rin.

"Ang kapal-kapal ng alien na `yon, Vann. Talagang ang kapal-kapal-kapal ng fez niya. Mantakin mo, binigyan niya ng tatlong libo ang kapatid ko? Tatlong libo, Vann! Buwisit siya. Boyfriend lang siya ng kapatid ko, hindi asawa. Ang kapal ng apog niyang bigyan kami ng pera. Nainsulto ako, friend. Sobrang insulto ang tatlong libong `yon sa akin. Ang tatanga-tanga namang kapatid ko, tinanggap! Parang namalimos ang gaga. Hindi man lang niya naisip na baka may kapalit ang tatlong libong `yon. Hindi lang tatlong libo ang kapalit ng puri ng kapatid ko, ha!

Marami pa itong mga sinabi ngunit hindi na gaanong naiproseso ang mga iyon ng isip niya. Nabuwisit na rin kasi siya sa nalaman niya. Naiinis siya dahil wala siyang tatlong libo! Ang saklap. Tatlong libo lang!

Naiinis siya nang dahil lang sa tatlong libong piso! Lintik na tatlong libo!

Alam niyang wala siyang karapatang mainis. Lalong wala siyang karapatang magselos. Kung siya ang nobyo ni Iarah at nagkataong mayaman siya, magbibigay rin siya ng pera para makatulong sa magkapatid. Naiinis siya dahil hindi siya ang boyfriend ni Iarah at kahit gustuhin niya, hindi siya makatulong dito at kay Janis. Pareho lang sila ng kalagayan.

Samakatuwid, naiinis siya dahil sa kahirapan.

Ginulo ng ate niya ang kanyang buhok. Kinuha nito ang mga nahiwa niyang saging, nilagyan ng pulang asukal ang mga iyon, at inihulog sa kawaling may kumukulong mantika.

"Huwag ka nang mainis. Ngumiti ka na. Hindi ako sanay na ganyan ka. Huwag kang mag-alala, malay mo, ikayaman natin itong banana chips natin."

Napangiti na rin siya. Hindi mukhang pera si Iarah. May tiwala siya rito. Hindi nito isusuko ang sarili nito para sa tatlong libo. Kung isusuko man nito ang sarili nito kay Daniel, iyon ay dahil sa pagmamahal.

Pinigil niya ang panlulumong nais bumangon sa dibdib niya. Tapos na ang pagiging nega niya. Magiging maayos ang lahat para sa kanya. Ayaw niyang sumuko kay Iarah. Darating ang araw na mapagtatanto nitong siya ang nararapat na lalaki para dito at hindi si Daniel, The Alien.

下一章