webnovel

Chapter Four

NAPALINGON si Maki nang may nagtanggal ng earphones na nakasaksak sa mga tainga niya. Napangiti siya nang makitang si John Robert ang may kagagawan niyon. Nasa rooftop siya ng building ng Sounds nang hapong iyon. Katatapos lamang niyang mag-recording at nagpapahinga na lamang. Maraming mga halaman at bulaklak doon.

Umupo ito sa tabi niya sa wooden bench. Tuluyan na niyang pinatay ang iPod niya at hinarap ito.

"Hindi na tayo nagkita kahapon," anito.

"Naging abala na tayong lahat," tugon niya.

"Oo nga, eh. This new album would be great. Narinig ko na ang rough editing ng ilang kanta n'yo."

"Sana nga. I'm praying for it. This is our first album under your label. Dapat—" Natigil siya sa pagsasalita nang tanggalin nito ang lapis sa buhok niya. Inayos ng mga daliri nito ang buhok niyang hindi pa niya nasusuklay mula kanina.

"You have a very lovely hair. Bakit lagi mong nilalagyan ng lapis? Wala ka bang matinong pang-ipit ng buhok?"

"Nakasanayan ko na," medyo naiilang na sabi niya. Patuloy na nilaro ng mga daliri nito ang buhok niya. Nakikiliti siya nang bahagya. "B-being a rock star does not require me to be glamorous all the time."

"But you still manage to be lovely all the time. Mula noon hanggang ngayon."

Nag-init ang mga pisngi niya. He was looking at her like she was the most attractive female on earth. Hindi rin naman niya maialis ang kanyang mga mata sa mukha nito. Bumilis nang bumilis ang tibok ng puso niya. He was the most gorgeous man on earth.

Bigla siyang nahimasmasan nang tumunog ang cell phone niya. It was Clinton calling.

"Where are you?" bungad nito nang sagutin niya ang tawag. "Narito kami sa lobby, hinihintay ka."

"Tapos ka na ba? Uuwi na tayo?" tanong niya habang bahagyang lumalayo kay John Robert.

"Oo. `Asan ka ba?"

"Can I talk to him?" ani John Robert bago pa man siya makatugon kay Clinton.

Nagsalubong ang mga kilay niya. Bakit nais nitong makausap si Clinton? Inilahad nito ang kamay nito para abutin ang cell phone. "Rob wants to talk to you," aniya kay Clinton bago niya ipinasa kay John Robert ang cell phone.

"Hey, it's Rob, Clint," bati ni John Robert. "Puwede ko bang isama sa labas si Kirsten? It's Friday and I want to hang out with her. I'll treat her to a nice dinner. I promise to take her home after that."

Marahil ay pumayag si Clinton dahil kaagad itong nagpaalam at ibinalik sa kanya ang cell phone niya. "Let's go," anito habang tumatayo.

"Ha? Niyaya mo na ba akong lumabas? Be a gentleman, Rob," tudyo niya. Nais din niyang lumabas kasama ito pero nais niya itong tuksuhin sandali.

"Will you go out with me?" he asked charmingly.

"Saan?"

"Anywhere you wanna go."

"Gusto kong mag-ikot sa mall. Okay lang?" Excited na tumayo siya. She didn't want to go on a stiff dinner in a restaurant with him. Nais niyang maglakad-lakad. "Maaga pa naman."

"Are you sure? Mall? Maraming tao ang makakakilala sa `yo roon."

"Hindi naman ako pinagkakaguluhan ng mga tao. Tara na, pasyal tayo."

Wala itong nagawa kundi ang tumango.

NAGTUNGO sa isang mall sina Maki at John Robert. Nagsuot si Maki ng baseball cap at itinaas ang hood ng suot niyang shirt. Kaagad na nilapitan niya ang nagtitinda ng ice cream. Namili siya ng nais niyang flavor.

"Hindi ba bawal sa `yo `to?" tanong ni John Robert sa kanya habang nagbabayad ito.

Umiling siya. "Basta huwag lang sobra. Hindi naman `to makakasama sa boses ko."

"You don't get fat, do you?" amused na tanong nito habang hinahagod ng tingin ang kabuuan niya.

She grinned. "Yup."

"Lucky girl. One of the few things I hate about being a celebrity is that I don't have the right to look bad. Kailangan, lagi akong guwapo sa paningin ng mga tao. We started with good looks. But you, you are amazing. You manage to look lovely always."

"Alam mo, `wag ka nang magtaka kung isa sa mga araw na ito ay lumaki na ang ulo ko. Baka yumabang ako niyan."

"I'm just telling the truth."

Umingos siya. "Hindi ako palaging lovely. Ang pangit ko kaya paggising ko sa umaga."

"I doubt it."

Ang totoo ay lumolobo na ang puso niya sa mga sinasabi nito. Noon, pinangarap niyang tingnan siya nito nang ganoon. Noon kasi, parang ang buong atensiyon nito ay nasa kapatid niya. Pakiramdam niya noon ay hindi siya nito nakikita.

Nag-ikot-ikot sila sa mall hanggang sa may makita silang grand piano. Ang alam niya ay puwedeng tumugtog doon ang mga shoppers.

"`You wanna play?" tanong sa kanya ni John Robert.

Hindi niya alam kung ano ang isasagot. Matagal-tagal na rin mula nang huli siyang humawak ng piano keys. Sa mga lumipas na taon, hindi niya lubusang kinalimutan ang pagtugtog ng piano. She still practiced playing it every now and then. Pero hindi na kasindalas ng dati.

"Play," ani John Robert sa nakikiusap na tinig. "For me."

Ngumiti siya at nilapitan ang piano. Umupo siya sa harap niyon. Her fingers touched the keys. Masuyong nginitian niya si John Robert, pagkatapos ay tumugtog siya.

Bahagyang natawa ito nang makilala ang piyesang tinutugtog niya. It was the theme from the Japanese animation Doraemon.

Umupo ito sa tabi niya habang tumatawa. May ilang mga munting bata na lumapit at pinanood siya. Sinabayan na rin niya ng kanta ang performance niya. Memoryado niya ang liriko kahit nasa wikang banyaga iyon. Tuwang-tuwa naman ang mga bata.

Pagkatapos ng munting performance niya ay nagpaalam na siya sa mga bata. Baka kasi may makakilala sa kanya at pagkaguluhan siya. Nagtungo sila sa isang candy shop. Bumili siya ng mga lollipops. Muling natawa si John Robert nang piliin niya ang violet na lollipop. Binuksan niya iyon at isinubo.

Grape flavor ang lollipop na inendorso nito sa commercial na ginawa nito noon.

Nanghingi na rin ito ng isa at isinubo iyon.

"Don't you miss being a Lollipop Boy?" tanong niya rito mayamaya.

Labis siyang nagtaka noon kung bakit biglang nabuwag ang Lollipop Boys. They were at the peak of their career when the group decided to disband. Lahat yata ng mga tao sa Pilipinas ay nabaliw sa grupo. They dominated recording, TV, film, and prints. They broke many records. Ang ilan sa mga iyon ay hawak pa rin ng mga ito. Hindi naman nakapagtataka iyon. Ang limang lalaki ay umaapaw ang mga talento.

"I miss it, of course," tugon nito. "Marami kaming mga pinagsamahang masasaya. Pero mas masaya ako sa kinalalagyan ko ngayon."

Tumango siya. "Hindi mo pa naikukuwento sa akin kung paano ka nakasama sa commercial na iyon."

Napangiti ito. "It was just for fun, really. Hindi ko naman inakalang mapapasama ako sa commercial na iyon. Nasa mall ako noon, kasama si Ruther. Bumili ako ng lollipops para sa aming dalawa. Bigla na lang may lumapit sa akin. Direktor daw siya at may gagawin daw siyang commercial. Kung interesado raw ako, pumunta raw ako sa audition. Ibinigay niya sa akin ang calling card niya. Due to extreme boredom, I auditioned and the rest is history."

"You were great. I love your voice."

"Thanks. I love your voice, too."

"If that's the case, let's sing." Bago pa man ito makatugon ay hinila niya ito patungo sa isang KTV. Nagpahila naman ito. Kumuha sila ng pribadong silid at doon ay kumanta sila nang kumanta.

Game na game naman ito sa pagkanta. He even sang a few of their songs. Napapatulala siya rito minsan. They had so much fun.

Nakadama siya ng lungkot nang kailangan na nilang umuwi at maghiwalay. Inihatid siya nito hanggang sa Cavite.

"`Baba ka muna," yaya niya rito.

Umiling ito. "Gabi na masyado. Sa susunod na lang." Hinagkan nito ang kanyang pisngi pagkatapos. "I had a very lovely night because of you. Thank you, Kirsten."

"G-goodnight." Tila wala sa sariling bumaba na siya ng sasakyan nito. Tulala siya hanggang sa makapasok siya sa main house ng mga Quirino. Tuloy-tuloy siya sa kanyang silid kahit naririnig niyang nagkakatuwaan pa ang mga "magulang" at mga "kapatid" niya sa recreation room.

She dropped herself to bed. Napatitig siya sa kisame. Unti-unting sumilay sa mga labi niya ang isang magandang ngiti.

Nasapo niya ang kanyang pisngi na hinagkan ni John Robert kanina. Tila nararamdaman pa rin niya ang mga labi nito roon. Ayaw man niyang aminin ngunit kinikilig talaga siya.

NANG sumunod na mga araw ay laging nagkakasama sina John Robert at Maki. Laging nakikita ni Maki ang binata saan man siya magtungo. Madalas itong manood ng mga gigs nila, at pinanonood din nito ang recording ng banda nila. Kadalasan ay may dala pa itong mga pagkain.

Hindi maipagkakailang tuwang-tuwa siya tuwing nakikita at kasa-kasama niya ito. Lalo siyang ginaganahan sa pagkanta kapag alam niyang nakikinig ito.

"May isang sikat na bokalista ng banda na blooming," tudyo ni TQ isang gabi habang naghahapunan sila.

Hindi niya pinansin ang pasaring nito. Abala siya sa pag-iisip kay John Robert.

"In love na ang bunso mo, `Nay," sabi naman ni David kay Nanay Eliza.

Naramdaman niyang umakbay sa kanya si Clinton. "Parang gusto ko nang magselos, ah. Na kay Boss John Robert na lahat ng atensiyon mo. Hindi na tayo nakakapagkulitan. Baka kung ano na `yan, ha?" anito sa nagbibirong tinig.

Iningusan niya ito. "We're just friends."

"Kailan ka pa naging showbiz?" tanong ni TQ.

"Nagkakamabutihan na ba kayo ni Rob, Maki?" tanong ni Tatay Eustace sa seryosong tinig.

Napatingin siya rito. "Hindi po, `Tay. Magkaibigan lang po talaga kami."

"Pero gusto mo siya?" tanong ni Nanay Eliza.

Nagyuko siya ng ulo nang maramdamang nag-init ang mga pisngi niya. "I had this intense crush on him years ago."

"And it's coming back?" tudyo ni Tatay Eustace.

Nahihiyang tumango siya. Wala namang masama kung aamin siya. It was just a crush. She had always been open with them. Pakiramdam niya, pati kaluluwa niya ay kilalang-kilala nang mga ito. Lahat ng bagay ay kaya niyang sabihin sa mga ito at hindi siya nangangamba na magiging judgmental ang mga ito.

"Are you sure it's just a crush?" tanong ni Clinton sa kanya. "Iba ang ningning ng mga mata mo kapag nakatingin ka sa kanya, eh. Ang ganda-ganda mo pa nitong mga nakaraang araw. Inaabot ka ng ilang oras sa paghahanda ngayon. Bigla kang naging conscious sa mga isinusuot mo. Para kang artista na natatakot mapuna kung hindi bagay ang suut-suot na damit. Halatang-halata na may pinagpapagandahan ka."

Lalong nag-init ang mga pisngi niya sa tinuran nito. Totoo lahat ang mga sinabi nito. Mas pinipili na niya ang mga isinusuot niya ngayon. Nais niyang maging lovely palagi sa mga mata ni John Robert. Hindi na niya nilalagyan ng lapis ang kanyang buhok. Hindi na siya nagsusuot ng cargo shorts at sweatshirts. Natutuwa nang husto ang stylist niyang si Abbie dahil doon. Hindi na kasi niya kinokontra ang mga ipinapasuot nito sa kanya.

"Baka naman in love ka nang talaga?" ani David. "Maybe, subconsciously, you've always been in love with him."

Natigilan siya bigla. Could that be possible? Marahas na ipinilig niya ang kanyang ulo. No, it couldn't be.

"It's just a super-duper intense crush," giit niya. Hindi niya alam kung kanino niya sinasabi ang bagay na iyon: sa mga ito, o sa kanyang sarili.

下一章