webnovel

Ang Kasunduan ng Pag-iisang Dibdib

"Lapastangan!" narinig niyang hiyaw ng lalaking sa tantya niya'y nasa bente dos ang edad.

Pero ewan, sa halip na matakot sa pagalit nitong boses ay lalo pa niyang isiniksik ang ulo sa leeg nito sa takot na lamunin siya nang buo ng ahas.

Ilang beses itong nag-attempt na itulak siya ngunit hindi nagtagumpay hanggang sa muli itong nagsalita sa maawtoridad na boses.

"Bumitaw ka ngayon din kung ayaw mong ikaw naman ang pugutan ko ng ulo!" banta aa kanya.

"Siraulo ka ba? 'Di mo nakitang wala akong saplot, bastos!" ganti niyang hiyaw, hindi alintana ang panganib na hatid ng lalaki.

Huli na para ma-realize niyang lalaki nga pala ito at siya'y babae, mamaya'y magahasa siya ng 'di oras.

Subalit bakit wala siyang maramdamang gano'n? Mas gugustuhin pa niyang kumapit sa katawan nito kesa makita nito ang hubad niyang katawan.

"Lapastangang alipin!" muling hiyaw sa kanya, sa isang iglap ay nagawa nitong hubarin ang sariling damit at ibalot sa kanyang katawan nang walang kahirap-hirap saka siya walang anumang itinulak palayo.

Hindi na siya makagalaw nang bumagsak sa damuhan, tila naitali sa kanyang katawan ang suot nitong damit. Paano nito nagawa ang bagay na 'yon sa loob lang ng ilang segundo? May sa demonyo ba ito? O isa itong engkanto? Ang gwapo namang engkanto, suplado ha!

Sinaway niya bigla ang sarili. Bakit ba gano'n ang iniisip niya imbes na matakot sa lalaki.

"Walanghiya ka! Ba't mo 'ko itinapon?" pagalit niyang akusa sa lalaking isang matalim lang na tingin ang iginanti bago tumalikod at naglakad palayo.

Ngunit sandali siyang natameme nang malantad sa paningin ang six pack abs nito, isang bahag na lang din ang suot, wala nang pang-itaas. Uso na pala 'yon kahit noon pa, pagandahan ng tyan, padamihan ng abs?

"Hoy, bumalik ka! Hoy!" tawag niya lalo nang makita na naman sa tabi ang nakabalot na ulo ng ahas at katawan niyon.

Tila walang narinig ang lalaki, deretso ito ng lakad palayo sa kanya.

Wala siyang nagawa kundi ang magpilit na bumangon at tumayo kahit na nahihirapan, kesa naman manatili siya roon, mamaya magsilapitan pa ang iba pang ahas, katapusan na niya talaga.

Matapos ang ilang minuto, sa wakas, nakatayo din siya ngunit hindi maigalaw ang sarili sa higpit ng pagkakabalot ng damit sa katawan niya. Hanggang ngayon, lutang pa rin siya kung paano nitong nagawa ang tila isang click lang na move na 'yon, magaling ba ito sa martial arts? May martial arts na din kahit noon pa?

Sinubukan niyang igalaw ang isang kamay at hilahin pababa ang damit, baka sakali, matagal iyon sa pagkakabuhol kung saan man iyon naibuhol ng hambog na 'yon.

Sa wakas, lumuwang ang damit hanggang sa tuluyan na iyong nalaglag sa kanyang paanan ngunit agad din niyang dinampot at nagmamadaling isinuot sa sariling katawan bago pa may makakita sa kanya o 'di kaya'y bumalik ang lalaking iyon at tuluyan siyang makitang nakahubad.

Himala, kasya sa kanya ang puting damit, tila iyon robe na hanggang binti ang haba, tulad ng hinubad niya kanina at may tali sa magkabilang tagiliran, mas maluwang nga lang ang laylayan niyon kesa sa kanyang damit. Sinalat niya ang tela niyon, hindi magaspang, hindi mumurahin, halatang magandang yari.

Napatingin siya sa tinahak nitong daan. Sino kaya 'yon, antipatiko porke iniligtas siya sa kapahamakan.

Muling nahagip ng kanyang paningin ang putol na ulo ng ahas, nanindig na naman ang kanyang balahibo kaya kumaripas na uli siya ng takbo palayo roon, hanggang sa mapahinto siya nang mapansing hindi iyon ang tinahak niya daan bago pa siya mapunta sa batis.

Lagot na, naliligaw siya! Ano bang kamalasan itong dumating sa kanya?

Naiyakap niya ang kamay sa sariling katawan. Saan siya pupunta? Paano siyang makakalabas sa masukal na kagubatang iyon?

Nasa ganoon siyang pag-iisip nang biglang may humawak sa kanyang braso.

"Siraulo ka tala--" singhal niya sabay baling sa gumawa niyon pero natigilan din nang makitang hindi ito ang lalaking nagligtas sa kanya.

"Dayang Liwayway, ano ang ginagawa mo sa pook na ito?" tanong sa nangungunot na noo.

Takang napatitig siya sa lalaki, mas maitim ito kesa kay Agila ngunit mas matangkad kesa sa una, mas matikas nga lang ang katawan ni agila rito.

Sa paraan ng pagtawag nito sa pangalan ni Liwayway, halatang magkakilala ang dalawa.

"Ginoong Hagibis!" mula sa kanilang likuran ay umalingawngaw ang boses ni Agila.

Kapwa sila napabaling sa binata ngunit ibinalik din niya ang tingin sa nakahawak sa kanya. So, ito pala si Hagibis, ang anak ng Datu ng Dumagit.

"Liwayway? Nasaan ang iyong panakip sa mukha bilang balatkayo?" usisa agad ni Agila nang makalapit sa kanya.

"Ha?" Sandali siyang natigilan, pagkuwa'y kinapa ang mukha, wala na siyang begote, wala na ring balbas. Baka kumawala ang mga iyon kaninang naligo siya sa batis o habang tumatakbo siya, ewan, hindi niya na napansin.

Ngunit nang tingnan niya ang mukha ng dalawa, halatang naghihintay ng sagot ang mga ito.

"Ahm---naligo kasi ako sa batis. Nalaglag seguro doon. Hayaan niyo na, magpapagawa na lang uli ako ng panibago," pakaswal niyang sagot, nagsimula nang maglakad ngunit huminto rin nang 'di malaman ang direksyong pabalik sa kubo.

"Ikaw ba ang pumatay sa ahas na nakita ko sa malapit doon?" tanong ni Hagibis.

"O-oo," she stammered, agad na nagbaba ng tingin pagkatapos tipid na ngumisi, ayaw niyang malaman ng mga itong muntik na siyang mapahamak kung hindi iniligtas ng may-ari ng damit niya ngayon.

Napangiti si Hagibis sa kanya. "Magaling, Mahal na Dayang Liwayway. Ikinagagalak kong malamang marunong ka nang ipagtanggol ang iyong sarili." Halata sa boses ni Hagibis ang tuwa sa narinig.

Ngumisi na uli siya ngunit hindi makaderetso ng tingin kay Agila na nanunuri na naman ang mga mata habang nakatingin sa kanyang damit, pagkuwa'y sa kanya. Alam kaya nitong nagsisinungaling siya?

"Nagugutom na ako, bumalik na tayo sa kubo," aniya maya-maya.

Nagpatiuna na uli siyang naglakad, sumunod si Agila na hinubad ang vest na suot at ipinatong sa kanyang damit. Na-conscious tuloy siya baka nakabakat ang nakaumbok niyang dibdib kaya niyakap niya ang sarili, o nahulaan nitong ang manipis na telang nakabalot sa ulo ng ahas ay ang kanyang bra?

-------

Hindi niya alam kung ano ang relasyon ni Hagibis at Liwayway pero bakit pakiramdam niya'y may gusto ang lalaki sa kanya, panay ang dungaw nito sa bintana ng kubo habang naroon siya sa loob. Naasiwa tuloy siya't tinawag si Agila na nagsisibak ng kahoy sa likuran ng bahay.

"Kuya, gawan mo ako ng kwarto. Gusto ko ng privacy," padabog niyang utos sa lalaking nangunot na naman ang noo sa kanyang sinabi.

Saka lang niya naalalang, hindi pa pala uso ang English sa panahong iyon.

"Ahm---Diko, gusto kong lagyan mo ng harang na kurtina ang aking higaan upang magsilbi kong silid nang walang makagambala sa aking pagpapahinga," pakiusap niya sa binata, mabuti na lang at madali siyang maka-adapt sa paraan ng pagsasalita ng mga ito. Pasalamat na lang din siya't malaki ang naitulong ng panonood niya ng makalamunang mga pelikula.

Yumukod ang binata bilang paggalang saka nagmamadaling tumalima. Siya nama'y napilitang lumabas ng kubo saka lumapit kay Makisig na gumagawa ng pawid na anahaw. Kahit lalaki ito'y marunong din pala itong gumawa ng mga gawaing pambabae.

"Mahal na Dayang," tawag ni Hagibis.

Napabaling siya ritong marahang naglakad palapit sa kanya, ang lapad ng ngiti sa mga labi.

Umawang ang bibig nito upang magsalita ngunit nang mapansing nakatingin din sa kanila si Makisig ay sinenyasan nito ang binatang umalis muna. Sumunod naman ang huli.

"Mahal na Dayang Liwayway, marahil ay nakalimutan mo ang dahilan ng aking pagparito ngayong araw," simula ni Hagibis.

"Ha? Ano ba 'yon?" taka niyang usisa, curious sa sinasabi nitong dahilan.

Kumunot ang noo ng kausap, nanunuring tumitig sa kanya pagkuwa'y isinenyas uli ang isang kamay.

"Hindi mo ba magunitang bago ako umalis upang sundin ang utos ng aking amang sakupin ang karatig na pulo ng Kilat-kilat upang ihandog sa aking makakaisang-dibdib ay nangako ka sa aking ikaw'y magpapasakop bilang aking kabiyak ng dibdib kapag ako'y nakabalik nang buhay?" wika nito.

"What?!" Natural na mapasigaw siya sa gulat. Malay ba niya sa kasunduan nito at ni Liwayway, hindi naman siya ang babaeng iyon.

Ngunit mas nagulat ang binata sa kanyang isinagot, litong napatingin sa patakbong lumapit na si Agila.

"Liwayway!" tawag ng huli.

"Agila, ano'ng sinasabi niya'ng nakipagkasundo akong pakasal sa kanya?" usig niya sa binata, para bang kasalanan nito kung bakit siya maikakasal kay Hagibis.

Ngunit sa pagtataka niya'y lumuhod sa harapan ng binata si Agila saka yumukod.

"Mahal na Ginoo, ipagpaumanhin ninyo subalit ang aking kapatid ay nagkaroon ng malubhang karamdam habang ikaw ay wala, nang magising siya'y wala na siyang matandaan sa kanyang nakalipas na alaala," pagtatapat ni Agila.

Pagkagulat ang rumihestro sa mukha ni Hagibis, pinaglipa't lipat ang tingin sa kanila ng binatang nakaluhod.

Maya-maya'y nanlaki ang mga mata nito, hahawakan sana ang kanyang magkabilang braso pero umilag siya.

"Kung tama ang sapantaha ko, ikaw'y ginamitan ng salamangka ng aking ama sapagka't dama kong siya'y tutol sa aking pag-iisang dibdib sa ibang dilag maliban sa kanyang idinudulog sa aking anak ng isang maharlika," hula nito.

Nanlaki din ang kanyang mga mata, nagkaroon na naman ng ideya kung ano'ng nangyari sa kanya.

"Tama!" Sinabayan ng pilantik ang sinabi.

"Baka nga ginamitan ako ng salamangka ng iyong ama! Kaya hindi ako magpapakasal sa'yo't baka ipapatay na niya ako sa sunod,"

Natigilan si Hagibis, hindi agad nakapagsalita sa narinig. Si Agila nama'y biglang tumayo at humarap sa kanya, salubong ang mga kilay.

"Magtigal ka! Utang mo kay Ginoong Hagibis ang iyong buhay nang iligtas ka niya mula sa kapahamakan kaya't marapat lamang na kayo'y mag-isang dibdib!" mariing paliwanag ni Agila, tila sinadyang ipaalala sa kanya ang utang na loob ni Liwayway sa binata.

"Pero, Agila--" tutol niya.

"Tahimik!" saway sa kanya.

Natameme siya lalo nang makita ang pagkuyom ng kamao nito, naging tila isang linya na lang ang mga kilay sa galit. Sino ba ang hindi matatakot sa mala-liyon nitong titig sa kanya, para bang lalapain siya nang buhay.

"Agila, marahil nga ay may malubhang karamdaman ang Mahal na Dayang kaya't marapat lamang na siya'y magpahinga. Ako'y magpapaalam na't babalik na lang bago ang kabilugan ng buwan," lupaypay ang balikat na sambit ni Hagibis, para bang binagsakan ng langit at lupang nakayukong tumalikod, hindi man lang siya sinulyapan at nagmamadaling umalis.

Si Agila nama'y mabibigat ang mga paang bumalik sa loob ng kubo upang tapusin ang inuutos niya kanina.

"Agila, hindi ako pwedeng magpakasal sa kanya," habol niya sa binata pero hindi ito sumagot.

"Agila, alam mong hindi ako si Liwayway! Bakit mo ako ipakakasa sa lalaking---" pagmamaktol niya sa binatang tila walang balak na kausapin siya ngunit hindi pa man natatapos ang sasabihin ay biglang pumailanlang sa himpapawid ang isang nakabibinging tunog ng tambuli.

Magkasabay pa silang gulat na napatingin sa labas, pero nauna siyang nakabawi't napabaling sa binata, ngunit 'di niya inaasahang mahuhuli itong namumutla, matagal bago nakabawi, pansin din niya ang biglang pagtulo ng pawis sa noo nito, sa nerbyos o sa takot ba?

"Agila!" habol niya nang tumakbo ito palabas ng kubo.

Sumunod siya rito, saka lang nakita ang ina nitong namumutla rin sa takot at ang kumakaripas ng takbong si Makisig palapit sa dalawa galing sa kung saan.

"Agila, nakadaong na ang sampung balangay mula sa Rabana! Narito na si Datu Magtulis upang hanapin ang tagapagmana sa kaharian ng Rabana!" pagbabalita ni Makisig.

下一章