webnovel

Fifteen

"ANAK, may guwapo kang bisita sa sala." Ang nakangiting mukha ng mama niya ang nakita niyang sumilip sa loob ng kuwarto niya, abala siya noon sa pagbabasa ng cook book na pinahiram ng papa niya sa kanya.

Nagkaroon siya ng mini-celebration kahapon dahil sa pagkapanalo niya ng gold medal sa marathon division. Ipinagluto siya ng mga magulang niya ng masasarap na pagkain at inimbitahan din niya ang lahat ng mga kaibigan niya. Masayang-masaya at proud na proud ang buong pamilya niya nang malaman ng mga ito na siya ang nanalo.

Kahapon rin ginanap ang finals ng basketball, nagpunta siya sa gym para manood pero napag-alaman niyang hindi makakapaglaro si Toffer dahil may importante itong lakad, mabuti na lang at ang department pa rin nito ang nag-champion sa huli. Nag-alala tuloy siya dito, hindi niya ito magawang tawagan dahil hindi nga pa rin pala sila nagkakapalitan ng numero, gusto na niyang puntahan ito sa bahay nito, kaya lang ay nagpigil siya—baka kasi nag-aalala lang siya sa wala.

Isang araw niyang hindi ito nakita at nagparamdam sa kanya, naisip tuloy niya na baka nagkita ito at si Reneé at nag-happy-happy, afterall, ito naman talaga ang babaeng mahal nito—at siya ay ipinagkasundo lamang.

Tuluyan na siyang tumayo mula sa kanyang kama para puntahan ang binata, willing siyang pakinggan anuman ang sabihin nito—basta makita niya uli ito, sa isang araw kasi na hindi ito nakita, pakiramdam niya ay isang linggo na ang nagdaan, gano'n nga talaga yata kapag in love—gusto mo lagi siyang nakikita dahil iba ang saya na ibinibigay niya sa 'yo.

Bumaba na siya sa hagdan at dahan-dahang naglakad patungo sa sala. Kumabog ang puso niya nang makita niya itong nakaupo sa kanilang sofa at kahit nakayuko ito ay kilalang-kilala na niya ang anyo nito—ito lang naman kasi ang lalaking nakakapagdulot sa kanya nang gano'ng pakiramdam.

Nang maramdaman siguro nito ang presensya niya ay mabilis itong nag-angat ng tingin. Tipid itong ngumiti sa kanya ngunit halata ang lungkot sa guwapong mukha nito, dagdag pa na tila gising ito twenty four hours dahil sa pangingitim ng palibot ng mga mata nito, gayunpaman, guwapong-guwapo pa rin ito.

Mabilis itong tumayo. "Congrats!" bati nito sa kanya, saka ito may inabot na sa kanya ng isang box ng cupcakes. "Hindi ko ginawa ito, binili ko sa pastry shop ni lolo." Imporma nito.

Mabilis niyang inabot 'yon at ngumiti. "Salamat." saka niya inilapag ang box of cupcakes sa misita at sabay silang umupo sa sofa. "Ano pala ang nangyari sa 'yo? Hindi ka nakapaglaro ng finals sa basketball."

Yumuko ito at tumango. "Hindi ko rin napanood ang pagkapanalo mo." Dagdag nito, nahimigan niya ang kalungkutan ng tinig nito.

"May problema ba, Toffer?" Tanong niya ngunit hindi ito nakasagot sa kanya, kaya muli siyang nagtanong. "Nahihirapan ka na ba sa sitwasyon natin—"

Naputol ang sasabihin niya nang mabilis nitong tinawid ang maliit na distansya sa pagitan nila para yakapin siya nang mahigpit. Ramdam na ramdam niya kung gaano ito kalungkot nang mga sandaling 'yon, kaya dahan-dahan niyang tinatapik ang likuran nito para i-console ito sa anumang nagdudulot dito ng kalungkutan.

"What's the problem, Toffer?" curious na tanong niya.

"H-He is in critical condition right now, Chyn." Nag-crack ang boses nito at tuluyan na niyang naramdaman ang pagyugyog ng mga balikat nito—simbolo na umiiyak ito. Mabilis niya itong niyakap nang mas mahigpit para iparamdam dito ang pagdamay niya. "Lolo has been diagnosed with a stage four prostate cancer. Itinago niya ang tungkol sa sakit niya for two years at napag-alaman lang namin ang lahat, no'ng aksidente kong makita ang mga itinatago niyang mga gamot, five months ago. We were so shocked and helpless, feeling ko that time biglang gumuho sa akin ang isang malaking building." Naramdaman niya ang mainit na mga luha nito na umagos sa kanyang leeg. Hindi rin siya agad nakapag-react dahil sa gulat, pero nanatili siyang nakayakap sa binata. "Mula pagkabata, siya na ang laging kasa-kasama ko. We're best buds Chyn, he is just more than a lolo to me, he is my very best friend and I love him so much that I couldn't afford to lose him."

Hindi na rin niya napigilan ang sarili na umiyak kasama ang binata. Katulad niya ay mahal na mahal din nito ang lolo nito. Marahil kaya ito agad napapayag sa kasunduan ng kanilang mga lolo na walang karekla-reklamo dahil bukod sa iginagalang at sinusunod nito ang lolo, gusto nitong suklian ang pagiging mabuti ng matanda dito. Toffer is a nice guy, a good grandchild and son to his family.

Tinapik-tapik niya ang balikat nito para iparamdam dito na narito lang siya sa tabi nito at hindi niya ito iiwanan.

"Life is not easy and it will never be, but you've got friends and one of them is me. Nandito lang ako para samahan ka sa anumang pagsubok sa buhay, Toffer." napakagat siya sa ibabang labi niya para pigilan ang sarili niya para humikbi.

"I don't know what to do. Hindi ko pa kaya na mawala siya, Chyn. Gusto ko pang bumawi sa kanya sa lahat nang kabutihan binigay niya sa akin at kina mommy at daddy. Pero ayaw ko siyang makitang nahihirapan dahil mas nahihirapan ako, kaya nakiusap ako kina mommy at daddy na aalis muna, hindi ko na kasi makaya ang sakit, Chyn." Madamdaming wika nito.

Tumango-tango siya. "Pero alam kong gusto mo pa rin siyang bantayan at samahan. Gusto mo bang samahan kita?" malumanay na tanong niya.

Naramdaman niyang umiling-iling ito. "Hindi ko na yata kaya."

"Ngayon ka kailangan ng lolo mo, kaya dapat naroon ka para palakasin ang loob niya."

"But... " napayuko ito. "Alam mo ba 'yong feeling na araw-araw kang natatakot na dumating ang bukas dahil iniisip mong..." napailing ito at nagtaas ng tingin sa kanya. "Naging paranoid ako these past few months, lagi kong sinasamahan si Lolo sa pagpapa-chemo niya at lagi akong naaawa dahil nawawala ang strong-looking lolo ko, pero nakangiti pa rin siya."

"Sasamahan kita, nandito lang ako sa tabi mo at hindi ka iiwan."

Kumalas siya sa pagkakayakap sa binata para tingnan ang mukha nito, na noon ay hilam sa luha. She wipes his tears away.

"Promise me that you'll never leave." Malungkot na sabi nito.

Tumango-tango siya. "I promise."

Sa bahay na nila pinatuloy ang binata—sa kuwarto niya ito natulog, mabuti na lang at malaki ang kama niya at nagkasya ito doon. Sinamahan niya ito buong magdamag hanggang sa tuluyan itong nakatulog. Pagkatapos niya itong kumutan at halikan sa noo ay tuluyan na rin siyang lumabas sa kuwarto para makitulog sa kuwarto ng kanyang kapatid, ngunit naghihintay pala ang mga magulang niya sa labas ng pintuan.

"Okay na ba siya, anak?" nag-aalalang wika ng ina.

"Sana po, mama." Malungkot na sagot niya.

Narinig din pala ng mga ito ang naging usapan nila ng binata sa sala kanina, kaya hindi na nagtanong ang mga ito. Pati ang mga ito ay nagulat sa balitang narinig. Kaya daw pala ang laki ng ipinayat ng matanda simula nang makita nila ito years ago—dahil pala sa iniindang sakit. Pati sila ay nalungkot sa pamilya Lim.

Marahil isinikreto ng pamilya Lim ang kalagayan ng matanda dahil ayaw nilang pati sila ay mag-alala at malungkot.

Kinabukasan ay maaga siyang nagising para tumulong sa paghahanda ng agahan, nakagawian na niya 'yon simula nang matuto siya nang kaunti sa pagluluto. Saka gusto niyang matikman ng binata ang luto niya.

"Magandang umaga." Bati niya sa binata nang makita niya itong papasok sa kusina. Kahit problemado ito ay hindi pa rin nababawasan ang kaguwapuhan nito.

"Magandang umaga rin sa inyong lahat." ganti nito.

"Breakfast ka na." alok niya, saka niya ito mabilis nilapitan para maupuin.

"S-Salamat nga po pala sa pagpapatuloy sa akin dito kagabi." Magalang na sabi nito sa mga magulang niya, saka ito bumaling sa kanya. "Salamat sa lahat." malungkot itong ngumiti.

Umiling-iling siya. "Kain ka na." saka niya mabilis sinalinan ng sinangag at ulam ang plato nito. "Ako ang nagprito ng isdang 'yan, kaya dapat kainin mo." Aniya sa boneless bangus.

"Salamat." Anito.

Mabilis siyang tumabi sa upuan nito at nagsalin ng pagkain sa plato niya. Sabay-sabay na silang kumain, hanggang sa matapos sila at nagpaalam na ito.

"Sama ako sa 'yo sa hospital!" aniya, linggo naman kaya wala silang pasok. Nang hindi ito sumagot ay mabilis siyang nakalapit sa tabi nito. "Dapat ay maging malakas ka para sa lolo mo, hindi por que may sakit siya panghihinaan ka na rin ng loob. Kaya mo 'yan, nandito lang kaming nagmamahal—I mean, nakasuporta para sa 'yo." Aniya, muntik na siyang mag-confess nang di-oras dito. "Huwag kang matakot, okay? God is good and he will never let us down. Let's stay positive for your lolo's recovery."

Tumango-tango ito at tipid na ngumiti. "Ganyan ka na ba sasama sa akin sa hospital?" tanong nito, nakapambahay kasi siya. Kaya mabilis siyang umiling at nagpaalam para makapagpalit ng damit, naligo na siya kanina.

Dumaan sila saglit sa bahay nito para maligo ito at makapagpalit ng damit. Ayon sa katulong ay nagpapahatid ang mga magulang ng binata ng pagkain at mga damit, kaya nag-presenta na lang sila ni Toffer para magdadala ng mga 'yon.

Sa hospital ay naabutan nila si Emir na mag-isa sa labas ng ICU room, nakaupo ito sa stainless chair at malungkot ang hitsura. Nang maramdaman nito ang presensya nila ay mabilis itong nag-angat ng tingin at nang makita sila ay tuluyan na itong tumayo. Naglakad sila palapit sa lalaki.

"I thought he is already okay?" malungkot na tanong nito kay Toffer. "No'ng dumalaw ako sa kanya the other day, sabi niya malakas na siya at sisiw ang sakit niya, bakit siya nakaratay dyan sa loob?"

Napayuko si Toffer at napailing. "I don't know."

"Gagaling si lolo, 'di ba?" tanong muli ni Emir, pero hindi na nakasagot si Toffer.

Muli siyang nahabag nang makitang pati ang rough na si Emir ay napaiyak. Hindi tuloy niya maiwasang ma-amaze sa ipinapakitang pagmamahal ng dalawa sa lolo ng mga ito. Nag-angat ng mukha si Toffer saka tinapik ang balikat ni Emir para i-console ito.

"Let's just be positive." Ani Toffer. Tumango-tango naman ang pinsan nito.

下一章