"THEREFORE, dapat magaling kayong magluto para magustuhan kayo ng mga lalaking gusto niyo, dahil "the way to a man's heart is thru his stomach", lalo ka na Ms. Versoza." Nakangiting sabi ni Ms. Yvonne sa kanya, ang kanilang magandang teacher. Napangiti at napakamot na lang siya ng ulo.
Kahit kasi sa mga practicals nila ay nahuhuli talaga siya, palibhasa hindi siya magaling magluto. Hiyang-hiya na talaga, naturingan na mga pastry chefs ang mga magulang niya samantalang siya ay ni katiting man lang ay walang namana sa mga ito. Saka di biro ang pagtawanan ng buong klase dahil sa kapalpakan ng mga bini-bake niyang cakes.
Paano na lamang kung nagkatuluyan sila ni Emir? Ano na lamang ang ipapakain niya dito—puro fastfoods o di kaya mga nabiling ulam sa kanto? Naku, paano pa niya mapapaibig nang husto ang lalaki?
Napatango siya sa kanyang naisip. Oo, dapat ay talagang mag-seryoso na siya dahil malapit na siyang madagdagan ng edad, dapat ay bago siya makilala ni Emir ay mahusay na siyang magluto para may maipagmalaki siya dito. Makikinig at manunood na talaga siya sa mga teachers at mga magulang niya kapag tinuturuan siya ng mga itong magluto.
Pagdating niya sa bahay nila ay mabilis siyang nagtungo sa kuwarto niya para ilagay ang mga gamit at nagpalit ng damit, pagkatapos ay agad siyang nagtungo sa kusina kung saan naroon na ang mama niya at naghahanda na nang lulutuin. Alas singko y media ay nagsasara na ang kanilang pastry shop at alas singko y media din ng umaga nagbubukas 'yon, nasa katabi lang din 'yon ng bahay nila.
"Oh! Himala yata at nandito ka sa kusina ng mga ganitong oras na dapat ay nagpapakabaliw ka doon sa lalaking araw-araw ay pinapanood mo." Nagtatakang tanong ng mama niya.
"Mama, magseseryoso na po ako ngayon! Turuan niyo po ako kung paano magluto at mag-bake ng cake." Seryosong wika niya.
Nanlaki ang mga mata ng mama niya sa sinabi niya. "May sakit ka ba, anak?" anito, saka nito mabilis na sinalat ang noo niya. "Naghihimala yata ang langit!" namamangha pa nitong dagdag.
Umiling-iling siya sa ina. "Seryoso nga ako, mama! Tara na, paano po ba magluto?"
"Bakit?"
"Tama po kayo nang sinabi, dapat maging maabilidad ako sa buhay at kailangan matutong magluto para sa kinabukasan ko."
"Mahirap magluto, anak. Kakayanin mo ba?"
"Maliit na bagay, mama! Let's get it on!"
"O-Okay." Nagtatakang sang-ayon na lang ng mama niya.
Tinuruan siya ng ina ng mga basics sa pagluluto at muntik na siyang sumuko sa hirap ng mga 'yon—basic pa lang ang mga 'yon, paano kaya kung mga kumplikadong lutuin na? Napailing-iling siya. Pero at least, may kaunti naman siyang natutunan, hindi na 'yon masama.
Pagdating naman ng papa niya na galing sa pagsasara sa pastry shop nila ay nagpaturo siya dito nang pagbi-bake ng cake, naisip kasi niyang bigyan ng cake si Emir at talagang makikipag-rambolan na siya sa mga co-fangirls niya maibigay lang dito ang gagawin niyang cake.
Tiniis niya ang hindi manood ng videos ni Emir nang gabing 'yon para pag-aralan ang pagbi-bake, nagtataka ang mga kasama niya bahay—baka daw tinamaan siya ng anumang malubhang karamdaman dahil sa pagbabago niya. Huli na nga siyang kumain ng dinner sa kagustuhan na ma-perfect ang pagbi-bake na itinuro ng papa niya.
Nagbunga ang pagsisikap niya nang makatapos siya ng isang mocha flavoured cake—hindi gano'n ka-perfect pero masarap daw—ayon sa papa at mama niya.
Kaya nang mga sumunod na araw ay nagsimula na siyang mag-bake ng cake nang mag-isa at dahil mahilig siya sa chocolate, chocolate cake ang naisipan niyang gawin, habang nakikinig ng mga song covers ni Emir. Iniisip pa lang niya ang magiging reaksyon ng lalaki kapag ibinigay niya dito ang cake ay kinikilig na siya, kaya paniguradong worth it ang pagod niya!
Kinabukasan ay mabilis siyang nag-abang sa entrance gate ng Science building para wala nang kawala sa kanya si Emir—madalas din niyang gawin 'yon—kaya lang ay hindi pa rin nakatadhana ang pagkikita nila—at baka ngayon na 'yon! Ang sweet lang dahil may dala pa siyang chocolate cake para sa binata!
Mag-aalas otso na pero wala pa din si Emir, sa pagkakaalam niya ay alas-otso ang panimula ng klase nito. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita niya ang unemotional na lalaking noon ay naglalakad palapit sa kanya—magtatago sana sa malalagong halaman kaso huli na dahil nakita na rin siya nito. Lihim siyang napailing, nakalimutan kasi niya na may tinataguan nga pala siyang lalaki na taga-science building rin—dahil may atraso siya.
Nag-iwas siya ng tingin at kunwari ay hindi ito kilala—pero kumabog ang puso niya nang bigla itong huminto sa kanyang harapan, kaya dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin dito. Nakatingin ang lalaki sa dala niyang cake na noon ay nakalagay sa red box at may pulang ribbon. Mabilis niyang itinago ang cake sa kanyang likuran, mukhang mahilig pa naman sa cake ang lalaking nasa harapan niya.
"You were that girl who threw cakes on me?" malamig na tanong nito.
"H-Hindi kita kilala—" naputol ang sasabihin niya nang mabilis nitong kinuha ang cake mula sa kanyang likuran. "Teka, hindi sa 'yo 'yan!"
"Kabayaran ito ng mga cakes ko at nang pambabato mo sa akin." Anito.
What? "T-Teka, sorry na, nadulas lang ang mga kamay ko no'n kaya naibato ko sa 'yo 'yong cake. Saka hindi para sa 'yo 'yan, para kay Emir—" muling naputol ang sasabihin niya nang makita niya si Emir na naglalakad papalapit sa kanila ni Toffer kasama at kausap ang ilang mga fangirls nito.
Nang makalapit ito sa kinaroroonan nila ay gusto niyang agawin ang cake mula kay Toffer at ibigay kay Emir, ngunit hindi man lang siya nakakilos sa pagkakatulala dahil sa 'three seconds glance' sa kanya ni Emir. Oo, tinitigan siya ni Emir nang three seconds habang naglalakad ito papasok sa science building.
Hindi na tuloy niya namalayan ang paglayas ni Toffer sa harapan niya—oh gosh, 'yong cake niya para kay Emir, tinangay nito—kabayaran daw sa mga cakes nito na nahulog at ang pambabato niya dito!
Noooo way! B-in-ake niya 'yon nang buong puso at kaluluwa para kay Emir! Inorasyunan at dinasalan pa niya 'yon para kapag kinain 'yon ng binata ay ma-in love ito sa kanya. Hindi pwedeng si Toffer ang kumain niyon!
"Hoy! Hindi para sa 'yo 'yan!" nakabawing sigaw niya, saka niya mabilis na hinabol si Toffer.