webnovel

Chapter 2

NAGLALAKAD pa lang si Charlie mula sa sasakyang ipinarada sa parking lot patungo sa elevator na magdadala sa kanya sa first floor ng Bachelor's Pad ay niluluwagan na niya ang suot na necktie. It had been a hell of a month. Ilang linggo ring halos hindi siya umuuwi sa kanyang unit dahil sa napakaraming paperworks. Katatapos lamang kasi ng huling kasong hinawakan niya na halos tumagal din ng isang taon. Masyadong high profile ang naging kliyente niya at halos naging media circus ang kaso bago natapos.

Isang criminal lawyer si Charlie. Ang kanyang mga kliyente ay ang mga inaakusahang nagkasala. Madalas ay mga politiko ang nagiging kliyente niya na naakusahan ng graft and corruption, at kahit mga simpleng kaso na ibinabato ng mga kalaban sa pulitika na mas madalas ay pampasira lamang ng imahen ng kliyente niya.

Siyempre, pinag-aaralan nang mabuti ni Charlie ang kaso at pinaiimbestigahan ang kanyang possible client bago tanggapin. Kahit pa "ruthless and with nerves of steel" ang madalas na ipang-asar sa kanya ng mga kakilala, hindi siya magtatanggol ng isang tunay na kriminal. He just loved the challenge of defending someone who everyone thought was guilty. Nakapagbibigay ng high kay Charlie ang mapatunayang mali ang maraming tao at siya ang nasa tama. Nakapagpapabilis ng adrenaline kapag nababago niya ang opinyon ng iba para sa advantage ng kanyang kliyente.

Bumukas ang elevator at umibis si Charlie sa tahimik na hallway. Subalit may naririnig siyang ingay mula sa direksiyon ng common area. Biyernes ng gabi kaya alam niya na naroon ang halos lahat ng residente ng Bachelor's Pad.

Unang beses pa lamang siyang dinala ng kaibigang si Jay sa gusaling iyon ay nagustuhan na niya. Mukhang normal lamang ang gusali ng Bachelor's Pad sa labas subalit sa loob ay hindi iyon tulad ng normal na mga condominium o apartment building. High-tech ang amenities at very masculine sa loob. Palibhasa pulos lalaki lamang ang maaaring maging residente roon.

Noong una, kinukuwestiyon ni Charlie ang mga kakaibang rules ng Bachelor's Pad. Pinaimbestigahan pa niya ang may-ari na si Maki Frias at lalo siyang naintriga nang walang makitang detalyadong impormasyon ang inupahang imbestigador. Soon, his curiosity got the better of him and he decided to stay there in the end.

Mula noon, napalagay na ang loob ni Charlie sa Bachelor's Pad at kahit sa mga residente roon. It was a strange experience for him, dahil buong buhay niya ay kina Rob, Ross, at Jay lang talaga siya naging malapit. Nasa kolehiyo pa lamang ay mga kaibigan na niya ang tatlo. Wala na siyang ibang tinanggap sa kanyang inner circle. He treated everyone else as mere acquaintances, until he met his neighbors. Dahil sa Bachelor's Pad, lumawak nang kaunti ang kanyang friendship zone.

Nang pumasok si Charlie sa common area ay lalong lumakas ang ingay sa kanyang pandinig. Sa entertainment area kasi ay may pinapalabas na local film. Lumingon ang taong nanonood at nakita niya si Art Mendez na ngumisi at kumaway sa kanya.

"Hey, Charlie. What do you think of my new film?" Itinuro ni Art ang pelikulang nasa screen. Isa itong mainstream movie and television director.

"Saka ko lang malalaman kung ano ang tingin ko diyan kapag napanood ko na nang buo."

Tumawa si Art. "Na malabong mangyari dahil alam kong hindi ka mahilig sa ganito. This one is a romantic comedy, you see."

"Then sorry, man, I can't help you there."

"No problem." Muli nang ibinalik ni Art ang tingin sa screen.

Si Charlie naman ay nagpatuloy sa paglalakad. Nakita niya sa mahabang sofa na nasa pinakagitna ng common area sina Brad Madrigal at Draco Faustino na mukhang seryoso ang pinagdidiskusyunan. Sa katapat na couch ay nakaupo si Keith, nakatutok ang tingin sa laptop. Si Keith ang una niyang nakilala sa mga residente ng Bachelor's Pad dahil ito ang nagpapirma sa kanya ng lease contract. Mukhang seryoso ang tatlo kaya hindi na niya inistorbo. Dumeretso na lang siya sa bar.

Kumunot ang noo ni Charlie nang mapansin na may kulang sa mga dati ay regular na residenteng tumatambay sa common area kapag ganoong weekend night. "Nasaan sina Rob at Ross?" tanong niya nang makalapit kina Jay at Ryan na nasa bar.

Napailing ang dalawa at inalok siya ng alak.

"Si Rob, may dinner date daw sa pamilya ng fiancée niya," sagot ni Ryan na himalang walang bitbit na laptop sa gabing iyon.

Tuwing nakikita kasi ni Charlie si Ryan Decena, palaging nakatutok ang lalaki sa laptop at abala sa pagbabasa ng mga artikulo para sa sports magazine ng kompanya nito. Sa katunayan, mukhang pagod si Ryan na hindi mawari.

"At si Ross, nagpunta uli sa Cebu para puntahan ang girlfriend niya," sabi naman ni Jay at saka umiling. "Hindi ako makapaniwalang nasilo ng isang babae si Ross. Hindi ako sanay na hindi siya kasama kapag nagpupunta sa club. Kahit iyong mga babaeng naroon ay hinahanap siya sa akin."

Napailing din si Charlie. Hindi rin kasi siya makapaniwala na na-in love si Ross sa isang babae. At hindi lang basta babae, kundi anak pa sa labas ng isa ring abogado sa kanilang law firm.

Umupo si Charlie sa isang stool sa bar at kumuha ng maiinom. Hindi pa man niya naiinom ang alak nang tumunog ang kanyang cell phone. Agad niyang dinukot iyon sa coat pocket dahil baka kliyente niya ang tumatawag. Subalit nalukot ang kanyang mukha nang makita na ang lolo niya ang tumatawag.

Muling tumayo si Charlie. "Excuse me, sasagutin ko lang ito." Mabilis na lumabas siya ng common area. Mas tahimik kasi sa lobby.

"Where are you?!" Iyon kaagad ang bungad ng kanyang lolo nang sagutin niya ang tawag.

"Why?" seryosong tanong niya.

"Anong 'why?' You're supposed to meet your fiancée tonight!" pasigaw na bulalas ng abuelo. Patunay na napipikon na ito sa kanya.

Ilang beses na kasing hindi sumisipot si Charlie sa mga "date" na isine-set ng kanyang lolo para sa kanya.

"I don't want a fiancée," nagtatagis ang mga bagang na sagot niya. Hindi ba naisip ng kanyang lolo na masyado nang moderno ang panahon para sa arranged marriages?

"Well, I want you to have one. Mabait na bata si Jane. Magiging mabuti siyang asawa sa `yo."

Unti-unti nang nakakaramdam ng galit si Charlie. Bakit ba kung gaano kagalante ang lolo niya ay ganoon din katindi ang pagiging manipulative? "I don't know anything about her, Lolo. Hindi ko nga alam kung ano ang hitsura niya."

"Ano'ng sinasabi mo? Magkakilala na kayo ni Jane mga bata pa lang kayo. You even attended the same schools until college. Huwag mo nga akong iniisahan. Basta magpunta ka rito ngayon din. Kung hindi, kalimutan mo na ang mana mo sa akin." Iyon lang at tinapos na ng abuelo ang tawag.

Kunot-noong napatitig si Charlie sa kanyang cell phone. Kilala niya ang napiling fiancée ng lolo niya para sa kanya. Subalit kahit anong isip ang gawin, wala siyang matandaang mukha na maaaring idikit sa pangalang "Jane." Even her name sounded so plain.

Sa katunayan, mas tumatak sa isip niya ang pananakot ng kanyang lolo na aalisan siya ng mana. Hindi niya mapapayagan iyon. Sa kanyang mana nakasalalay ang pangarap niyang magkaroon ng sariling law firm balang-araw. Napabuga siya ng hangin. Maybe, it was really time to meet his fiancée.

Pero hindi ibig sabihin niyon ay may kasalang magaganap. At kailangan yata niyang hayagang sabihin iyon sa babae bago siya nito tigilan.

下一章