AKALA ni Daisy, kapag lumipas na ang ilang araw na sinamahan ng tambak na trabaho ay babalik na sa normal ang lahat para sa kanya. Na para bang hindi dumaan sa buhay niya si Rob. Mas mahirap pala kaysa inakala ang alisin sa kanyang sistema ang binata.
Kaya nang sumapit ang araw ng content meeting kung saan dadalo ang Wildflowers at siyempre siguradong pati si Rob, parang may asido sa sikmura ni Daisy. Hindi niya alam kung mapapanatili ang kanyang no-nonsense attitude kapag nakita si Rob.
At nang sabihin ni Nessie na parating na ang mga miyembro ng Wildflowers, pakiramdam ni Daisy ay tumalon palabas ng dibdib ang kanyang puso. Humigpit ang pagkakayakap niya sa hawak na folder.
"Good morning!" masiglang bati ng mga miyembro ng Wildflowers. Halatang na-starstruck ang lahat ng tao sa conference room, kahit ang ibang performers na kasali sa benefit concert.
Pilit na itinuon ni Daisy ang buong atensiyon sa limang babae. Subalit nang maramdamang may isa pang bulto ang pumasok sa pinto ay nanayo ang kanyang balahibo sa batok at napaderetso ng tayo.
Hanggang sa hindi rin nakatiis si Daisy. Lumampas din ang tingin niya sa Wildflowers upang tingnan si Rob. Mukhang gaya niya ay iniiwasan din siya nitong tingnan. At gaya rin niya ay mukhang hindi rin nakatiis ang binata at napatingin din sa kanya. Sa sandaling nagtama ang kanilang mga mata, pakiramdam niya ay may lumalamukos sa kanyang dibdib. Parang ang tagal na mula nang makita niya si Rob. At kahit gustong bale-walain, sa kaibuturan ay alam niya na hinahanap-hanap niya ang binata.
May tumikhim. Napakurap si Daisy at bumaling sa pinanggalingan ng tunog. Si Lottie. Sumenyas ang babae para simulan na ang meeting. Tumango siya at nang muling humarap sa Wildflowers at kay Rob ay may propesyonal nang ngiti sa kanyang mga labi. "So, let's start."
Halos bumilib siya sa sarili na nakaya niyang magsalita at umaktong normal sa kabuuan ng meeting. Nakatulong ang pagiging tahimik ni Rob sa isang panig. Basta huwag lang niyang tingnan ang binata, nakakaya niyang umaktong propesyonal. Ang kaso, may mga sandali na nabablangko si Daisy at sinasalo siya ni Lottie. Iyon ay tuwing napapasulyap siya kay Rob at nahuhuling titig na titig ito sa kanya kahit hindi nagsasalita.
Nakahinga siya nang maluwag nang sa wakas ay natapos ang meeting. Napag-usapan na nila ang pagkakasunod-sunod ng programa sa mismong araw ng benefit concert. Nai-schedule na rin pati ang appearances at press conference ng mga performer para sa promotion. Ang kailangan na lang gawin ni Daisy sa mga susunod na araw ay pasyalan ang mga performer at panoorin na mag-practice. The rest, paperwork.
Nagliligpit na si Daisy katulong sina Nessie nang biglang lumapit si Yu. "Hey, gusto mong sumama sa aming mag-lunch?"
Nagulat siya, ganoon din ang mga kaopisina sa nakangiting alok ni Yu. Na para bang matagal na silang magkaibigan kung yayain siya na lumabas. "Ahm…" Lumampas ang tingin ni Daisy kay Yu at nakitang nakatingin din sa kanya ang ibang miyembro ng Wildflowers. Pawang mga nakangiti rin at tila may umaasam na tingin.
"Girls, she's busy," biglang sabad ni Rob.
Napatingin ang lahat sa binata. Seryoso ang ekspresyon sa mukha ni Rob. Sa katunayan, kung si Daisy ang tatanungin ay nakikita niyang may bakas ng iritasyon sa mukha ni Rob. Patunay na hindi nito gusto ang pag-aaya ni Yu sa kanya. Mariing naglapat ang kanyang mga labi at ibinalik ang tingin kay Yu. Ngumiti siya. "Yes. Unfortunately, I'm busy today."
Umangat ang isang kilay ni Yu at pinaglipat-lipat ang tingin sa kanila ni Rob. At napansin ni Daisy na maging ang lahat ng tao sa loob ng conference room ay ganoon din ang ginagawa. Nang mga sandaling iyon, sigurado siya na lahat ng tao roon ay nabasa ang mga tabloid at nakita ang mga larawan nila ni Rob.
"Well, okay," sa wakas ay sabi ni Yu.
Hindi nakaligtas kay Daisy ang pagkunot-noo ng mga miyembro ng Wildflowers habang tinitingnan si Rob. Para bang sigurado ang mga babae na si Rob ang may kasalanan kung bakit ganoon ang tensiyon sa pagitan nilang dalawa. Subalit alam ni Daisy na siya ang may kasalanan ng lahat.
Si Rob pa ang naunang lumabas ng conference room bago ang Wildflowers. Sumunod ang iba pa. Naiwan sina Daisy at Lottie. Matagal na nanaig ang katahimikan bago nagsalita si Lottie.
"Nag-away kayo?"
Nagkibit-balikat si Daisy. Marahil kung ibang tao ang nagtanong, baka sinikmatan na niya at sinabihan na wala itong pakialam sa personal niyang buhay. Subalit may kung ano sa tono ni Lottie na nagpababa sa depensa ni Daisy. Lottie's voice sounded… motherly. Nakakatawa dahil buong buhay ni Daisy ay wala siyang nakalakhang ina. Kaya hindi niya alam kung paano nalaman na iyon ang tonong gamit ni Lottie.
"Dahil ba sa nasa mga tabloid?" patuloy na usisa nito.
Huminga siya nang malalim at hinarap ang nakatatandang babae. "Partly, yes. Nagdesisyon ako na putulin ang kung ano mang namamagitan sa amin. Ang sabi ni Papa, hindi raw ako dapat ma-distract ngayon at sa tingin ko ay tama siya."
Kumunot ang noo ni Lottie. "Hindi ko naisip na masunurin ka palang anak."
Pagak na natawa si Daisy. "Gano'n ba talaga kapangit ang tingin ninyo sa akin?"
Umiling ang babae. "Hindi `yan ang ibig kong sabihin, Daisy. Sa tingin ko, ikaw ang tipo ng taong kayang gumawa ng desisyon para sa sarili. Na wala kang pakialam sa iisipin ng iba, basta gagawin mo kung ano ang gusto mo. Kaya nga alam ko na gusto mo talaga ang trabaho mo ngayon. At alam ko na gusto mo talagang manahin ang TV8 dahil ginagawa mo ang lahat para mapatunayan mo ang sarili mo. I know you have more guts than most people your age."
Hindi nakahuma si Daisy. Hanggang matapos silang magligpit sa conference room at maglakad palabas ay wala nang nagsalita pa sa kanila. Nagsalita lang si Lottie nang magpaalam ito upang mananghalian. "Gusto mong sumabay?"
Akmang sasagot si Daisy nang tumunog ang kanyang cell phone. Nagulat siya nang makita ang pangalan ni Lily sa screen. Kahit hindi na sila magkaaway ng kakambal, wala pa rin sila sa puntong nagtatawagan. Bumaling siya kay Lottie. "Next time na lang ako sasabay sa `yo kumain."
"Okay."
Saka lang sinagot ni Daisy ang tawag ng kakambal nang makaalis si Lottie.
"Daisy?"
"Ano `yon, Lily?"
"Well, nandito ako sa restaurant na malapit sa TV8 at naisip ko lang na imbitahan kang mag-lunch. May gusto rin kasi akong sabihin sa `yo."
Hindi nakakibo si Daisy. Ano ang isasagot niya sa imbitasyon ng kakambal na nakatikim ng kasamaan niya noon?
"Please, Daisy?" dugtong ni Lily.
Napabuntong-hininga siya. "Okay. I'll be there in a few minutes." Pagkatapos ng tawag na iyon ay ibinaba lang ni Daisy ang mga papeles na dala niya sa opisina bago muling lumabas upang puntahan ang kakambal. Naisip niya na marahil ay panahon na upang kahit papaano ay gumawa siya ng effort para mapalapit sa kanyang kapatid.